Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Zefanias 1-3

Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Zefanias noong si Josia na anak ni Amon ang hari ng Juda. Si Zefanias ay anak ni Cushi na anak ni Gedalia. Si Gedalia naman ay anak ni Amaria na anak ni Hezekia.

Darating ang Parusa ng Panginoon

Sinabi ng Panginoon, “Lilipulin ko ang lahat ng bagay na nasa mundo – ang mga tao, hayop, ibon at isda. Mawawala ang lahat ng nag-uudyok sa tao para magkasala pati ang mga makasalanan. Lilipulin ko nga ang lahat ng tao sa mundo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Parurusahan ko ang mga mamamayan ng Juda, pati na ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. Lilipulin ko ang mga natitirang sumasamba sa dios-diosang si Baal pati na ang mga paring naglilingkod dito, para tuluyan na silang makalimutan. Lilipulin ko rin ang mga taong umaakyat sa bubong ng kanilang bahay para sumamba sa araw, sa buwan at mga bituin. Lilipulin ko ang mga sumasamba at sumusumpang maglilingkod sa akin, pero sumusumpa ring maglilingkod sa dios-diosang si Molec.[a] Lilipulin ko ang mga tumatalikod at hindi dumudulog sa akin.

“Tumahimik kayo sa harapan ko, dahil malapit na ang araw ng aking pagpaparusa. Inihanda ko na ang aking mga mamamayan para patayin tulad ng hayop na ihahandog. Pinili ko na ang mga kalaban na tinawag ko na sasalakay sa Juda. Sa araw na iyon, papatayin ko ang mga taga-Juda na parang hayop na ihahandog. Parurusahan ko ang kanilang mga opisyal at ang mga anak ng kanilang hari, at ang lahat sa kanila na sumusunod sa masasamang ugali ng ibang bansa.[b] Parurusahan ko rin sa araw na iyon ang lahat ng sumasali sa mga seremonya ng mga hindi nakakakilala sa akin, at ang mga nagmamalupit at nandaraya para punuin ng mga bagay ang bahay ng kanilang panginoon.[c]

10 Ako, ang Panginoon ay nagsasabing sa araw na iyon maririnig ang iyakan sa pintuan na tinatawag na Isda[d] ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol. 11 Mag-iyakan kayo, kayong mga naninirahan sa mababang bahagi[e] ng lungsod ng Jerusalem dahil mamamatay ang lahat ng inyong mga mangangalakal.

12 “Sa araw ding iyon, susuyurin kong mabuti[f] ang Jerusalem at parurusahan ko ang mga taong nagpapasarap lang sa buhay at nagsasabi sa kanilang sarili, ‘Walang gagawin ang Panginoon sa amin mabuti man o masama.’ 13 Aagawin sa mga taong ito ang kanilang mga pag-aari at wawasakin ang kanilang mga bahay. Hindi sila ang titira sa mga bahay na kanilang itinayo. At hindi sila ang iinom ng inuming mula sa ubas na kanilang itinanim.”

Ang Nakakatakot na Araw ng Pagpaparusa ng Panginoon

14 Malapit na ang nakakatakot na araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Itoʼy mabilis na dumarating. Mapait ang araw na iyon, dahil kahit na ang matatapang na sundalo ay sisigaw para humingi ng tulong. 15 Sa araw na iyon, ipapakita ng Dios ang kanyang galit. Magiging araw iyon ng pighati at paghihirap, araw ng pagkasira at lubusang pagkawasak. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon, 16 at maririnig ang tunog ng trumpeta at sigawan ng mga sundalong sumasalakay sa mga napapaderang lungsod at sa matataas na tore nito.

17 Sinabi ng Panginoon, “Ipaparanas ko ang paghihirap sa mga tao, at lalakad sila na parang bulag dahil nagkasala sila sa akin. Dadaloy na parang tubig[g] ang kanilang dugo, at mabubulok na parang dumi[h] ang kanilang bangkay. 18 Hindi sila maililigtas ng kanilang mga pilak at ginto sa araw na ipapakita ko ang aking galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo. Sapagkat bigla kong lilipulin ang lahat ng naninirahan sa lupa.”

Panawagan para Magsisi

Sinabi ni Zefanias sa mga taga-Juda: Bansang walang kahihiyan, magtipon kayo at magsisi bago dumating ang itinakdang araw na kayoʼy palalayasin[i] at ipapadpad na parang mga ipa. Magsisi na kayo bago dumating ang araw ng pagbuhos ng Panginoon ng kanyang matinding galit. Kayo namang mga mapagpakumbaba at sumusunod sa mga utos ng Panginoon, lumapit kayo sa kanya. Magpatuloy kayong gumawa ng matuwid at magpakumbaba. Baka sakaling ingatan kayo ng Panginoon sa araw na ibuhos niya ang kanyang galit.

Parusa sa Bansang Filistia

Wala nang titira sa Gaza at Ashkelon. Ang mga mamamayan ng Ashdod ay palalayasin sa loob lamang ng kalahating araw. Palalayasin din ang mga mamamayan ng Ekron sa kanilang bayan. Nakakaawa kayong mga Filisteo[j] na nakatira sa tabing-dagat. Ito ang sinasabi ng Panginoon laban sa inyo: “Kayong mga Filisteo sa Canaan, lilipulin ko kayo, at walang matitira sa inyo.” Kaya ang inyong mga lupain sa tabing-dagat ay magiging pastulan at kulungan ng mga tupa. Sasakupin iyon ng natitirang mga taga-Juda. Doon sila magpapastol ng kanilang mga hayop at pagsapit ng gabi ay matutulog sila sa mga bahay sa Ashkelon. Kahahabagan sila ng Panginoon na kanilang Dios at pauunlarin silang muli.

Parusa sa mga Bansa ng Moab at Ammon

8-9 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Narinig ko ang pang-iinsulto at panunuya ng mga taga-Moab at taga-Ammon sa aking mga mamamayan. Ipinagyayabang nilang kaya nilang sakupin ang lupain ng aking mga mamamayan. Kaya isinusumpa kong wawasakin ko ang Moab at Ammon katulad ng Sodom at Gomora. At ang kanilang lupain ay hindi na mapapakinabangan habang panahon. Tutubuan ito ng mga matitinik na damo, at mapupuno ng mga hukay na gawaan ng asin. Lulusubin ito ng natitira kong mga mamamayan at sasamsamin nila ang mga ari-arian nito.”

10 Sinabi ni Zefanias: Iyan ang ganti sa pagyayabang ng mga taga-Moab at taga-Ammon. Sapagkat ipinapahiya nila at nilalait ang mga mamamayan ng Panginoong Makapangyarihan. 11 Sisindakin sila ng Panginoon dahil lilipulin niya ang lahat ng mga dios-diosan sa buong mundo. At sasambahin siya ng mga tao sa lahat ng bansa sa kani-kanilang bayan.

Ang Parusa sa mga Bansa ng Etiopia at Asiria

12 Sinabi ng Panginoon, “Kayo ring mga taga-Etiopia[k] ipapapatay ko kayo sa digmaan.

13 “Parurusahan ko rin ang Asiria na nasa hilaga. Magiging tulad ng ilang ang Nineve,[l] tigang na parang disyerto. 14 Magiging pastulan ito ng mga baka, kambing, at ng ibaʼt ibang uri ng mga hayop. Dadapo ang mga kuwago sa mga nasirang haligi, at maririnig ang kanilang huni sa mga bintana. Masisira ang mga pintuan at matatanggal ang mga sedrong kahoy nito. 15 Ganyan ang mangyayari sa lungsod ng Nineve, na nagmamalaki na walang sasalakay sa kanila at walang hihigit sa kanila. Pero lubusang mawawasak ang lungsod na iyon at titirhan na lamang ng mga hayop sa gubat. At ang bawat dadaan doon ay tatawa ng pakutya sa kinasapitan nito.”

Ang Hinaharap ng Jerusalem

Sinabi ni Zefanias: Nakakaawa ang Jerusalem! Ang mga naninirahan dito ay nagrerebelde sa Dios at gumagawa ng karumihan. Ang kanyang mga pinuno ay mapang-api. Hindi sila nakikinig kahit kanino, at ayaw nilang magpaturo. Hindi sila nagtitiwala sa Panginoon na kanilang Dios, ni lumalapit sa kanya. Ang kanilang mga opisyal ay parang leon na umaatungal. Ang kanilang mga pinuno ay parang mga lobo na naghahanap ng makakain kung gabi, at walang itinitira pagsapit ng umaga. Ang kanilang mga propeta ay padalos-dalos sa kanilang mga ginagawa at hindi mapagkakatiwalaan. Nilalapastangan ng kanilang mga pari ang mga bagay na banal at sinusuway ang Kautusan ng Dios. Pero naroon pa rin ang presensya ng Panginoon sa kanilang lungsod. Ginagawa ng Panginoon ang mabuti at hindi ang masama. Araw-araw ipinapakita niya ang kanyang katarungan, at nananatili siyang tapat. Pero ang masasama ay patuloy na gumagawa ng masama at hindi sila nahihiya.

Sinabi ng Panginoon, “Nilipol ko ang mga bansa; giniba ko ang kanilang mga lungsod pati ang kanilang mga pader at mga tore. Wala nang natirang mga mamamayan, kaya wala nang makikitang taong naglalakad sa kanilang mga lansangan. Dahil sa mga ginawa kong ito akala ko igagalang na ako ng aking mga mamamayan at tatanggapin na nila ang aking pagsaway sa kanila, para hindi na magiba ang kanilang lungsod ayon sa itinakda ko sa kanila. Pero lalo pa silang nagpakasama.

Kaya kayong tapat na mga taga-Jerusalem, hintayin ninyo ang araw na uusigin ko ang mga bansa. Sapagkat napagpasyahan kong tipunin ang mga bansa at ang mga kaharian para ibuhos sa kanila ang matindi kong galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo. Pagkatapos, babaguhin ko ang mga tao,[m] para lahat silaʼy lalapit sa akin at magkakaisang maglilingkod sa akin. 10 Ang aking mga mamamayang nangalat sa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia[n] ay magdadala ng mga handog sa akin.

11 “Sa araw na iyon, kayong mga taga-Jerusalem ay hindi na mapapahiya sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa akin, dahil aalisin ko sa inyo ang mga mapagmataas at mayayabang. Kaya wala nang magyayabang doon sa aking banal na bundok.[o] 12 Pero mag-iiwan ako sa Jerusalem ng mga taong aba at mahihirap na hihingi ng tulong[p] sa akin. 13 Ang mga Israelitang ito ay hindi gagawa ng masama; hindi sila magsisinungaling o mandadaya. Kakain at matutulog silang payapa at walang kinatatakutan.”

Matutuwa ang mga Israelita

14 Sinabi ni Zefanias: Kayong mga mamamayan ng Israel, sumigaw kayo sa tuwa! Kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umawit kayo at magalak nang buong puso! 15 Sapagkat hindi na kayo parurusahan ng Panginoon. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway. Kasama ninyo ang Panginoon, ang Hari ng Israel, kaya wala nang kasawiang dapat pang katakutan.

16 Sa araw na iyon, sasabihin ng mga tao sa mga taga-Jerusalem, “Mga mamamayan ng Zion, huwag kayong matakot; magpakatatag kayo. 17 Sapagkat kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Katulad siya ng isang makapangyarihang sundalo na magliligtas sa inyo. Magagalak siya sa inyo, at sa pamamagitan ng kanyang pag-ibig ay babaguhin niya ang inyong buhay. Aawit siya nang may kagalakan dahil sa inyo, 18 gaya ng taong nagsasaya sa araw ng kapistahan.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Ililigtas ko kayo sa kasawian para hindi na kayo malagay sa kahihiyan. 19 Sa araw na iyon, parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa inyo. Kayo ay parang mga tupang napilay at nangalat, pero ililigtas ko kayo at titipuning muli. Inilagay kayo sa kahihiyan noon, pero pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. 20 Oo, titipunin ko kayo sa araw na iyon at pababalikin ko kayo sa inyong bansa. Pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. Mangyayari ito sa araw na panumbalikin ko ang inyong mabuting kalagayan at makikita ninyo mismo ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pahayag 16

Ang mga Sisidlan ng Galit ng Dios

16 Mula roon sa templo ay narinig ko ang malakas na sigaw na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo ang parusa ng Dios sa mga tao mula sa pitong sisidlan na iyan.”

Kaya humayo ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng kanyang sisidlan. At nagkaroon ng masasakit at nakapandidiring mga sugat ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito.

Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa dagat, at ang dagat ay naging parang dugo ng patay na tao. At namatay ang lahat ng nilalang sa dagat.

Pagkatapos, ibinuhos ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo ang lahat ng mga ito. Narinig kong sinabi ng anghel na katiwala sa tubig, “Makatarungan po kayo, Panginoon. Kayo ang Dios noon at kayo rin ang Dios magpahanggang ngayon. Banal kayo, at matuwid ang pagpaparusa ninyong ito sa mga tao. Pinadanak nila ang dugo ng mga pinabanal at ng inyong mga propeta, kaya dugo rin ang ipaiinom nʼyo sa kanila. Ito ang nararapat na ganti sa kanila.” At narinig ko na may sumagot sa altar, “Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat, tama at matuwid ang pagpaparusa nʼyo sa mga tao!”

Ibinuhos ng ikaapat na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa araw, at naging mainit na mainit ang sikat ng araw kaya napaso ang mga tao. Pero kahit na napaso ang mga tao, hindi pa rin sila nagsisi sa mga kasalanan nila. Hindi rin nila pinapurihan ang Dios, sa halip ay nilapastangan nila ang Dios na nagpadala ng salot na iyon sa kanila.

10 Ibinuhos ng ikalimang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa trono ng halimaw, at nagdilim ang buong kaharian nito. Napakagat-labi ang mga tao dahil sa hirap na dinaranas nila. 11 Hindi pa rin nila pinagsisihan ang mga kasamaan nila, sa halip ay nilapastangan nila ang Dios ng kalangitan dahil sa mga sakit at sugat na tinitiis nila.

12 Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa malawak na ilog ng Eufrates. Natuyo ang ilog upang makadaan doon ang hari mula sa silangan. 13 At nakita kong lumabas mula sa bunganga ng dragon, ng halimaw, at ng huwad at sinungaling na propeta, ang tatlong masasamang espiritu na parang mga palaka. 14 Iyon ang mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pumunta sila sa mga hari sa buong mundo upang tipunin sila para sa pakikipaglaban sa Dios pagdating ng dakilang araw na itinakda ng Dios na makapangyarihan sa lahat. 15-16 Ang lugar na pinagtipunan sa kanila at sa kanilang mga sundalo ay tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo.

Pero sinabi ng Panginoon, “Makinig kayong mabuti! Darating ako na tulad ng magnanakaw dahil walang nakakaalam. Mapalad ang taong nagbabantay at hindi naghuhubad ng kanyang damit, upang sa pagdating ko ay hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa mga tao.”

17 Ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa hangin. At may narinig akong sumisigaw mula sa trono sa templo, “Naganap na ang lahat!” 18 Pagkatapos, kumidlat, kumulog, umugong at lumindol nang napakalakas. Walang ganoong kalakas na lindol sa buong kasaysayan ng tao. Iyon ang pinakamalakas sa lahat. 19 Ang dakilang lungsod ng Babilonia ay nahati sa tatlo at ang mga lungsod sa lahat ng bansa ay nawasak. Tinupad ng Dios ang sinabi niya tungkol sa mga taong nakatira sa lungsod ng Babilonia, kaya dumating na sa kanila ang parusa ng Dios, dahil sa matinding galit niya. 20 Naglaho ang lahat ng isla at naglaho rin ang mga bundok. 21 Inulan ang mga tao ng malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng 50 kilo bawat tipak. At nilait ng mga tao ang Dios dahil sa matinding salot na iyon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®