Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Nahum 1-3

Ang mensahe ng aklat na ito ay tungkol sa Nineve.[a] Itoʼy ipinahayag ng Panginoon kay Nahum na taga-Elkosh.

Ang Galit ng Panginoon sa Nineve

Ayaw ng Panginoong Dios na sumamba ang mga tao sa ibang mga dios.[b] Galit siya sa kanyang mga kaaway at pinaghihigantihan niya sila. Ang Panginoon ay hindi madaling magalit, ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan at tiyak na parurusahan niya ang nagkasala. Kapag dumadaan siya, umuugong ang hangin at bumabagyo. Ang mga ulap ay parang alikabok sa kanyang mga paa. Sa utos lamang niyaʼy natutuyo ang mga dagat at mga ilog. Nalalanta ang mga tanim sa Bashan, sa Bundok ng Carmel at sa Lebanon. Nayayanig ang mundo sa kanyang presensya, pati na ang mga bundok at mga burol, at ang mga tao sa mundo ay nanginginig. Sino ang makakatagal sa matinding galit ng Panginoon? Kapag siya ay nagalit, para siyang bumubuga ng apoy, at ang mga bato ay nabibiyak sa harap niya.

Ang Panginoon ay mabuti; matibay siyang kanlungan sa oras ng kagipitan, at inaalagaan niya ang nananalig sa kanya. Para siyang rumaragasang baha na lubusang pupuksain ang kanyang mga kaaway. Tutugisin niya sila hanggang sa mamatay.[c] Mga taga-Asiria, kung ano man ang masamang binabalak ninyo laban sa mga mamamayan ng Panginoon, wawakasan iyan ng Panginoon at hindi na mauulit pa. 10 Para kayong mga lasing na nakapulupot sa matinik na halaman. Lilipulin kayo na parang natutupok na dayami. 11 Ang isa sa inyong mga pinuno ay nagbalak ng masama laban sa mga mamamayan ng Panginoon. Masama ang kanyang ipinapayo.

12 Ito ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Juda: “Kahit na malakas at marami ang kalaban ninyong taga-Asiria, lilipulin ko sila hanggang sa mawala. Kahit na pinarusahan ko kayo, hindi ko na iyon uulitin pang muli. 13 Sapagkat palalayain ko na kayo ngayon mula sa kapangyarihan ng mga taga-Asiria.”

14 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Asiria: “Mawawala ang lahi ninyo at wawasakin ko ang mga rebulto ninyong kahoy o metal sa templo ng inyong mga dios-diosan. Ihahanda ko na ang inyong mga libingan dahil hindi na kayo dapat mabuhay.”

15 Mga taga-Juda, tingnan ninyo ang kabundukan! Dumarating na ang mensaherong maghahatid ng magandang balita ng kapayapaan sa inyong bayan. Kaya ipagdiwang ninyo ang inyong mga pista, at tuparin ninyo ang inyong mga panata sa Panginoon. Sapagkat ang masamang bansa ng Asiria ay hindi na sasalakay sa inyo, dahil lubusan na silang lilipulin.

Ang Pagkawasak ng Nineve

Mga taga-Nineve, sinasalakay na kayo ng inyong mga kalaban na magpapangalat sa inyo. Kaya guwardyahan ninyo ang pader ng inyong lungsod at bantayan ang mga daan. Tipunin ninyo ang inyong mga sundalo at humanda kayo sa digmaan. Kahit na nilipol ninyo ang Israel at Juda[d] na parang mga tanim na ubas[e] na pinatay, ibabalik ng Panginoon ang kanilang kapangyarihan.

Pula ang kalasag at damit ng mga sundalo ng inyong kalaban. At sa oras ng kanilang pagsalakay kumikislap ang metal ng kanilang mga karwahe at nagtatatakbo ang kanilang mga kabayo.[f] Humahagibis ang kanilang mga karwahe sa mga lansangan, parooʼt parito na sumusugod sa mga plasa. Nagliliwanag ang mga ito na parang sulo, at kumikislap na parang kidlat. Inuutusan ng hari ang mga opisyal ng mga kawal. Nagkakandarapa sila papunta sa mga pader para maglagay ng mga pananggalang para sa mga sundalong wawasak ng pader. Mabubuksan ang mga pintuan ng inyong lungsod sa bandang ilog at magigiba ang palasyo. Naipahayag na, na bibihagin kayo[g] at dadalhin sa ibang bayan. Uungol ang inyong mga utusang babae na parang kalapati habang dinadagukan nila ang kanilang dibdib dahil sa kalungkutan. Ang mga taong tumatakas mula sa Nineve ay parang tubig na umagos mula sa nawasak na imbakan ng tubig. Ang mga tumatakas ay pinapabalik ng kanilang mga kasama pero wala ni isa mang bumalik.

Kayong mga sumasalakay sa Nineve, kunin ninyo ang mga pilak at ginto ng lungsod na ito dahil puno ito ng kayamanan. 10 Malilipol, mawawasak at magiging mapanglaw na ang Nineve! Kaya natatakot ang mga mamamayan nito, nanghihina ang buong katawan nila, nanginginig ang kanilang mga tuhod, at namumutla silang lahat. 11-12 Ang Nineve ay parang yungib na tinitirhan ng mag-asawang leon at ng mga anak nito. Walang pwedeng manakit sa kanila sa yungib. Pinapatay at nilalapa ng lalaking leon ang kanyang biktima at ibinibigay sa kanyang asawa at mga anak. Pinupuno niya ang kanyang yungib ng karne ng kanyang mga biktima.[h] Pero ngayon, ang Nineve ay wawasakin na. 13 Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Makinig kayong mga taga-Nineve! Kalaban ko kayo! Kaya susunugin ko ang inyong mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang inyong mga kawal.[i] Wawakasan ko na ang inyong pambibiktima sa lupain. Hindi na kayo makapagpapadala ng mga mensahero sa ibang bansa.”

Kahabag-habag ang Nineve

Kahabag-habag ang lungsod ng Nineve. Ito ay puno ng kasakiman at kasinungalingan, lungsod ng mamamatay-tao at hindi nauubusan ng mabibiktima. Sasalakayin sila ng mga kalaban nila. Maririnig nila ang paghagupit ng latigo, ang ingay ng mga gulong ng mga karwahe, ang yabag ng paa ng mga kabayo, at ang rumaragasang mga karwahe. Makikita nila ang sumusugod na mga mangangabayo, ang kumikinang na mga espada at mga sibat, at ang nakabunton na mga patay na di-mabilang. Matitisod sa mga bangkay ang mga sundalo. Mangyayari ito sa Nineve dahil para siyang babaeng bayaran na paulit-ulit na ibinenta ang katawan. Nang-aakit siya at nanggagayuma, kaya naeengganyo niya ang mga bansa na magpasakop sa kanya.

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Mga taga-Nineve, makinig kayo! Kalaban ko kayo! Kaya hihiyain ko kayo sa harap ng mga bansa at mga kaharian. Maihahalintulad kayo sa isang babaeng itinaas ang damit hanggang ulo at nakita ang kahubaran. 6-7 Kasusuklaman ko kayo tulad ng isang taong hinagisan ng basura, kaya ang lahat ng makakakita sa inyo ay mandidiri at iiwas sa inyo. Sasabihin nila, ‘Giba na ang Nineve. Walang iiyak o aaliw sa kanya.’ ”

Higit bang mabuti ang Nineve kaysa sa lungsod ng Tebes na malapit sa Ilog ng Nilo? Ang ilog na ito ang pinakapader ng Tebes na nagsisilbing proteksyon nito. Ang Etiopia[j] at ang buong Egipto ang pinanggagalingan ng lakas ng Tebes, at ang akala niyaʼy mananatili ito magpakailanman. Ang Put at ang Libya ay mga bansang kakampi rin niya. 10 Ganoon pa man, naging bihag pa rin ang kanyang mga mamamayan at dinala sa ibang lugar. Ang kanilang mga anak ay pinagdudurog sa mga lansangan. Ginapos ng kadena ang kanilang mga tanyag na mamamayan at pinaghiwa-hiwalay para gawing alipin sa pamamagitan ng palabunutan. 11 Kayo rin na mga taga-Nineve, magiging pareho kayo sa lasing na hindi alam kung ano ang nangyayari. Sasalakayin din kayo ng inyong mga kalaban at maghahanap kayo ng inyong matataguan na hindi kayo mahuhuli. 12 Ang lahat ng inyong mga napapaderang lungsod ay magiging parang mga puno ng igos na ang unang bunga ay hinog na; at kapag inuga ang puno, malalaglag ang mga bunga at maaari nang kainin. 13 Tingnan ninyo ang inyong mga kawal – para silang mga babae! Ang tarangkahan ng pintuan ng inyong lungsod ay masusunog, kaya madali na itong mapapasok ng inyong mga kalaban.

14 Humanda na kayo sa pagdating ng inyong kalaban. Mag-ipon na kayo ng tubig. Patibayin ninyo ang mga pader sa palibot ng inyong lungsod. Gumawa kayo ng mga tisa at ayusin ninyo ang mga pader na ito. 15 Pero mamamatay kayo sa inyong kinaroroonan sa pamamagitan ng apoy at espada. Para kayong halamanang sinalakay ng mga balang.

Dumami kayo na parang balang! 16 Pinarami ninyo ang inyong mga mangangalakal na higit pa sa mga bituin sa langit. Pero magiging tulad sila ng mga balang na pagkatapos na maubos ang mga tanim ay lumipad nang palayo. 17 Ang inyong mga tagapagbantay at mga opisyal ay kasindami ng mga balang na nakadapo sa mga pader kapag malamig ang panahon. Pero pagsikat ng araw ay nagliliparan at walang nakakaalam kung saan sila pumunta. 18 Hari ng Asiria, mamamatay ang iyong mga pinuno. Mangangalat sa kabundukan ang iyong mga mamamayan, at wala nang magtitipon sa kanila. 19 Ang katulad moʼy taong nasugatan nang malubha na hindi gumagaling. Ang lahat ng makakabalita sa sinapit mo ay magpapalakpakan sa tuwa, dahil silang lahat ay nakaranas ng iyong kalupitan.

Pahayag 14

Ang Awit ng mga Tinubos

14 Pagkatapos, nakita ko ang Tupa na nakatayo sa bundok ng Zion. Kasama niya ang 144,000 tao. Nakasulat sa noo nila ang pangalan ng Tupa at ng kanyang Ama. Nakarinig ako ng ingay mula sa langit, na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. At para ring tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. Ang 144,000 tao ay umaawit sa harap ng trono, ng apat na buhay na nilalang, at ng mga namumuno. Bago ang kanilang awit at walang nakakaalam maliban sa kanila na 144,000 na tinubos mula sa mundo. Sila ang mga lalaking hindi sumiping sa babae at hindi nag-asawa. Sumunod sila sa Tupa kahit saan siya pumunta. Tinubos sila mula sa mga tao upang maging unang handog sa Dios at sa Tupa. Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.

Ang Tatlong Anghel

At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid. Dala niya ang walang kupas na Magandang Balita upang ipangaral sa mga tao sa buong mundo, sa lahat ng bansa, angkan, wika, at lahi. Ito ang isinisigaw niya, “Matakot kayo sa Dios, at purihin ninyo siya, dahil dumating na ang oras na hahatulan niya ang lahat. Sambahin ninyo ang Dios na lumikha ng langit, lupa, dagat at mga bukal.”

Kasunod namang lumipad ang pangalawang anghel na sumisigaw, “Bumagsak na! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonia! Ang mga mamamayan nito ang humikayat sa mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad nila na kinamumuhian ng Dios.”

Sumunod pa ang isang anghel sa dalawang anghel na nauna. Sumisigaw din siya, “Ang lahat ng sumamba sa halimaw at sa imahen nito, at tumanggap ng tatak nito sa noo o sa kanang kamay, 10 ay makakaranas ng galit ng Dios. Sapagkat parurusahan sila sa nagniningas na apoy at asupre sa harapan ng Tupa at ng mga anghel ng Dios. 11 Ang usok ng apoy na magpapahirap sa kanila ay papailanlang magpakailanman. Araw-gabi ay wala silang pahinga sa kanilang paghihirap, dahil sinamba nila ang halimaw at ang imahen nito at nagpatatak ng pangalan nito.”

12 Kaya kayong mga pinabanal[a] ng Dios na sumusunod sa kanyang mga utos at patuloy na sumasampalataya kay Jesus, kinakailangang maging matiisin kayo.

13 Pagkatapos, may narinig akong tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga taong namatay na naglilingkod sa Panginoon. Mula ngayon, makakapagpahinga na sila sa mga paghihirap nila, dahil tatanggapin na nila ang gantimpala para sa mabubuti nilang gawa. At ito ay pinatotohanan mismo ng Banal na Espiritu.”

Ang Pag-ani sa Mundo

14 Pagkatapos, nakakita ako ng maputing ulap na may nakaupong parang tao.[b] May gintong korona siya at may hawak na isang matalim na karit. 15 At may isa pang anghel na lumabas mula sa templo at sumigaw sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang karit mo, dahil panahon na ito ng pag-aani. Hinog na ang aanihin sa lupa!” 16 Kaya ginapas na ng nakaupo sa ulap ang aanihin sa lupa.

17 Nakita ko ang isa pang anghel na lumabas sa templo roon sa langit, at may karit din siyang matalim.

18 At mula sa altar ay lumabas ang isa pang anghel. Siya ang anghel na namamahala sa apoy doon sa altar. Sumigaw siya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang karit mo at anihin mo na ang mga ubas sa lupa dahil hinog na!” 19 Kaya inani niya ito at inilagay doon sa malaking pisaan ng ubas. Ang pisaang iyon ay ang parusa ng Dios. 20 Pinisa ang mga ubas sa labas ng lungsod, at umagos mula sa pisaan ang dugo na bumaha ng hanggang 300 kilometro ang layo at isang dipa ang lalim.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®