Old/New Testament
Ang Kautusan ng Panginoon ay Magbibigay ng Kapayapaan(A)
4 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok. Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa. 2 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob. Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon. 3 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa, pati na ang mga makapangyarihang bansa sa malayo. Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan. Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at gagawing karit na pantabas ang kanilang mga sibat. 4 Ang bawat tao ay uupo sa ilalim ng kanilang tanim na ubas at puno ng igos nang walang kinatatakutan. Mangyayari ito, dahil sinabi mismo ng Panginoong Makapangyarihan. 5 Kahit na sumunod ang mga tao sa mga dios-diosan nila, kami ay patuloy pa ring susunod sa Panginoon na aming Dios magpakailanman.
Babalik ang mga Israelita sa Kanilang Bayan
6-7 Sinabi ng Panginoon, “Sa darating na mga araw, titipunin ko ang aking mga mamamayan na aking pinarusahan, na parang mga tupang pilay at nagsipangalat. Ang mga natira sa kanila ay gagawin kong makapangyarihang bansa. At mula sa araw na iyon ay maghahari ako sa kanila sa Bundok ng Zion magpakailanman. 8 Ang Zion, na katulad ng mataas na bantayang tore ng mga hayop,[a] ay magiging makapangyarihang muli. Ang bayan na ito, na tinatawag ding Jerusalem ay mangungunang muli sa lahat ng bayan ng Israel katulad noon.
9-10 “Mga mamamayan ng Zion, bakit kayo dumaraing na parang babaeng manganganak na? Nandiyan pa naman ang inyong mga hari, at buhay pa ang kanyang mga tagapayo. Sige, mamilipit kayo sa sakit na parang babaeng manganganak na, dahil hindi magtatagal ay lilisanin nʼyo ang inyong lungsod at maninirahan kayo sa kaparangan, at pagkatapos ay dadalhin kayo sa Babilonia. Pero ililigtas ko kayo doon mula sa inyong mga kalaban. 11 Maraming bansa ang nagkaisa upang makipaglaban sa inyo. Sinasabi nila, ‘Hiyain[b] natin ang Zion! At pagkatapos, panoorin natin ang nakakahiyang kalagayan nito.’ 12 Pero hindi alam ng mga bansang ito ang aking iniisip. Hindi nila nauunawaan ang aking plano na tinipon ko sila upang parusahan, na parang mga butil na tinipon para dalhin sa giikan.
13 “Mga mamamayan ng Zion, humanda kayo at lipulin ninyo nang lubusan ang inyong mga kaaway na parang gumigiik kayo ng trigo. Sapagkat gagawin ko kayong parang mga torong baka na may bakal na mga sungay at tansong mga kuko. Dudurugin ninyo ang maraming bansa na nagkaisa para labanan kayo. At ang mga kayamanang sinamsam nila sa pamamagitan ng pagmamalupit ay ihandog ninyo sa akin, ang Panginoon ng buong mundo.”
5 Mga taga-Jerusalem, ihanda ninyo ang inyong mga kawal, dahil napapaligiran na kayo ng mga kalaban. Hahampasin nila ng tungkod ang mukha ng pinuno ng Israel.
Ang Ipinangakong Pinuno mula sa Betlehem
2 Sinabi ng Panginoon, “Betlehem Efrata, kahit na isa ka sa pinakamaliit[c] na bayan sa Juda, manggagaling sa iyo ang taong maglilingkod sa akin bilang pinuno ng Israel. Ang kanyang mga ninuno ay kilalang-kilala noong unang panahon.”
3 Kaya ang mga mamamayan ng Israel ay ipapaubaya ng Panginoon sa kanilang mga kaaway hanggang sa maisilang ng babaeng namimilipit sa sakit[d] ang sanggol na lalaki na mamumuno sa Israel. Pagkatapos, ang mga kababayan ng pinunong ito na nabihag ng ibang bansa ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita. 4 Pamamahalaan niya ang mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Panginoon. Ang katulad niyaʼy isang pastol na nagbabantay ng kanyang kawan. Kaya mamumuhay sila nang mapayapa dahil kikilalanin ng mga tao sa buong mundo[e] ang kanyang kadakilaan. 5 Bibigyan niya ng mabuting kalagayan[f] ang kanyang mga mamamayan.
Kalayaan at Kapahamakan
Kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa at pasukin ang matitibay na bahagi ng ating lungsod, lalabanan natin sila sa pangunguna ng ating mga mahuhusay na pinuno. 6 Tatalunin nila at pamumunuan ang Asiria, ang lupain ni Nimrod, sa pamamagitan ng kanilang mga armas. Kaya ililigtas nila[g] tayo kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa.
7 Ang mga natitirang Israelita ay magiging pagpapala sa maraming bansa. Magiging tulad sila ng hamog at ulan na ibinibigay ng Panginoon para tumubo ang mga tanim. Magtitiwala sila sa Dios at hindi sa tao. 8 Pero magdadala rin sila ng kapahamakan sa mga bansa. Magiging tulad sila ng leon na matapang sumalakay sa mga hayop sa kagubatan at sa kawan ng mga tupa sa pastulan. Kapag sumalakay ang leon, nilulundagan nito ang kanyang biktima at nilalapa, at hindi ito makakaligtas sa kanya. 9 Magtatagumpay ang mga Israelita laban sa kanilang mga kalaban. Lilipulin nila silang lahat.
Lilipulin ng Panginoon ang mga Walang Kabuluhang Pinagkakatiwalaan ng mga Israelita
10 Sinabi ng Panginoon, “Sa mga araw na iyon, ipapapatay ko ang inyong mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lungsod pati na ang mga napapaderang lungsod. 12 Sisirain ko ang inyong mga anting-anting at mawawala ang inyong mga mangkukulam. 13 Hindi na kayo sasamba sa mga imahen at sa mga alaalang bato na inyong ginawa, dahil wawasakin ko ang mga ito. 14 Sisirain ko rin ang inyong mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. At wawasakin ko ang inyong mga lungsod. 15 Sa aking matinding galit, maghihiganti ako sa mga bansang sumuway sa akin.”
Ang Babae at ang Dragon
12 Pagkatapos nito, isang kagila-gilalas na bagay ang nagpakita sa langit. Nakita ko ang isang babaeng nadaramitan ng araw at nakatuntong sa buwan. May korona siya sa ulo na may 12 bituin. 2 Manganganak na siya, kaya dumadaing siya dahil sa matinding sakit.
3 May isa pang kagila-gilalas na bagay akong nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay na may korona sa bawat ulo. 4 Tinangay ng buntot niya ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at itinapon sa lupa. Tumayo ang dragon sa harap ng babaeng manganganak na upang lamunin ang sanggol sa oras na isilang ito. 5 At nanganak nga ang babae ng isang sanggol na lalaki na siyang maghahari[a] sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Hindi nakain ng dragon ang sanggol dahil inagaw agad ang sanggol at dinala sa Dios doon sa kanyang trono. 6 Ang babae naman ay tumakas sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Dios para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw.
7 Pagkatapos nito, nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Micael at ang mga kasama niyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon. At lumaban din ang dragon at ang kanyang mga anghel. 8 Ngunit natalo ang dragon at ang kanyang mga anghel, at pinalayas sila mula sa langit. 9 Kaya itinaboy ang malaking dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas na nanlilinlang sa mga tao sa buong mundo. Itinapon siya sa lupa kasama ang kanyang mga anghel.
10 Pagkatapos, narinig ko ang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Dios sa mga tao. Ipinapakita na niya ang kanyang kapangyarihan bilang hari at ang awtoridad ni Cristo na kanyang pinili. Sapagkat pinalayas na mula sa langit ang umaakusa sa ating mga kapatid sa harap ng Dios araw at gabi. 11 Ngunit natalo na siya ng ating mga kapatid sa pamamagitan ng dugo ng Tupa at ng katotohanang ipinangangaral nila. Hindi sila takot na ialay ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya. 12 Kaya magalak kayo, kayong nakatira sa kalangitan. Pero nakakaawa kayong mga nakatira sa lupa at dagat dahil itinapon na riyan sa inyo si Satanas. Galit na galit siya dahil alam niyang kakaunti na lang ang natitirang panahon para sa kanya.”
13 Nang makita ng dragon na itinapon na siya sa lupa, tinugis niya ang babaeng nanganak ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit binigyan ang babae ng dalawang pakpak na tulad sa malaking agila upang makalipad sa isang lugar sa ilang na inihanda para sa kanya. Doon siya aalagaan sa loob ng tatloʼt kalahating taon, malayo at ligtas sa dragon. 15 Dahil dito, nagbuga ang dragon ng maraming tubig, parang baha, upang tangayin ang babae. 16 Pero tinulungan ng lupa ang babae. Bumitak ito nang malalaki at hinigop ang tubig na galing sa bibig ng dragon. 17 Lalo pang nagalit ang dragon kaya nilusob niya ang iba pang mga anak ng babae. Itoʼy walang iba kundi ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Dios at sa mga katotohanang itinuro ni Jesus. 18 At tumayo ang dragon sa tabi ng dagat.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®