Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Obadias

Ito ang sinabi ng Panginoong Dios tungkol sa bansa ng Edom, na kanyang ipinahayag kay Obadias.

Parurusahan ng Panginoon ang Edom

Nabalitaan nating mga Israelita mula sa Panginoon, na nagsugo siya ng mensahero sa mga bansa upang hikayatin sila na salakayin ang bansa ng Edom. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Makinig kayo! Gagawin ko kayong pinakamahina sa lahat ng bansa at hahamakin nila kayo. Sinasabi ninyo na walang makakapagpabagsak sa inyo dahil nakatira kayo sa lugar na mataas at mabato. Sa pagyayabang ninyong ito, dinadaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. Sapagkat kahit gawin ninyong kasintaas ng lipad ng agila ang inyong tirahan at paabutin pa ninyo sa mga bituin, ibabagsak ko pa rin kayo sa lupa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Hindi baʼt kapag pinasok ng mga magnanakaw ang iyong bahay, ang kinukuha lamang nila ay ang kanilang magustuhan? At hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nagtitira ng ilang bunga?[a] Pero kayong lahat ay lilipulin ng inyong mga kaaway. Hahanapin nila at kukunin ang lahat ng kayamanan ng mga lahi ni Esau. Lilinlangin kayo ng inyong kakamping mga bansa. Ang mga bansang nakipagkaibigan sa inyo ay siya ring sasalakay sa inyo, at palalayasin nila kayo sa bayan ninyo. Silang mga nakisalo sa inyo ang siya pang palihim na maglalagay ng bitag laban sa inyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi na sa araw ng paghatol ko sa inyo, lilipulin ko ang marurunong sa inyo. Mawawala ang karunungan sa Edom na tinatawag na Bundok ni Esau. Manginginig sa takot ang inyong mga sundalo sa lungsod ng Teman, kaya mamamatay kayong lahat na nakatira sa Bundok ni Esau.”

Ang Kasalanan ng mga Taga-Edom

10 “Dahil sa inyong pagmamalupit sa mga lahi ni Jacob, na inyong kalahi, malalagay kayo sa kahihiyan at lilipulin magpakailanman. 11 Pinabayaan lamang ninyo ang Jerusalem nang salakayin ng ibang bansa. Pinabayaan ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at paghahati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan. Kayoʼy tulad nila na mga kaaway ng Israel. 12 Hindi sana ninyo ikinatuwa ang panahon ng kapahamakan ng mga taga-Juda na inyong kalahi. Hindi sana kayo nagalak sa panahon ng kanilang pagkawasak. At hindi sana kayo nagmalaki sa panahon ng kanilang kahirapan. 13 Hindi dapat sana kayo pumasok sa lungsod ng aking mga mamamayan sa panahon ng kanilang kasawian at kumuha ng kanilang mga ari-arian. At hindi sana kayo natuwa sa panahon ng kanilang paghihirap. 14 Hindi sana kayo nag-abang sa mga sangang-daan upang patayin ang mga tumatakas mula sa Jerusalem. At hindi sana ninyo sila ibinigay sa mga kaaway sa panahon ng kanilang kasawian.

Parurusahan ng Dios ang mga Bansa

15 Hindi sana ninyo ginawa iyon sa mga taga-Jerusalem, dahil malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa. At kung ano ang inyong ginawa sa iba, ganoon din ang gagawin sa inyo. Kung paano ang pagtrato nʼyo sa iba, ganoon din ang magiging pagtrato nila sa inyo. 16 Kung paanong pinarusahan ang aking mga mamamayan[b] sa aking banal na bundok,[c] parurusahan din ang lahat ng bansa. Matinding parusa ang ibibigay ko sa kanila hanggang malipol silang lahat.

Magtatagumpay ang Israel

17 “Pero may matitirang mga Israelita sa bundok ng Zion, at magiging banal muli ang lugar na ito. Maibabalik sa mga lahi ni Jacob ang mga lupain na dati nilang pag-aari. 18 Ang mga lahi nina Jacob at Jose[d] ay magiging tulad ng apoy na lilipol sa lahi ni Esau, tulad ng pagsunog sa dayami. At walang matitira sa lahi ni Esau.” Mangyayari nga ito, dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

19 “Sasakupin ng mga Israelitang taga-Negev[e] ang bundok ni Esau, at sasakupin ng mga Israelitang nakatira sa kaburulan sa kanluran[f] ay sasakupin naman ang lupain ng mga Filisteo. Sasakupin din ng mga Israelita ang lupain ng Efraim at Samaria, at sasakupin naman ng mga lahi ni Benjamin ang Gilead. 20 Sasakupin ng maraming Israelita na galing sa pagkabihag ang lupain ng Canaan hanggang sa Zarefat. Ang mga taga-Jerusalem na binihag sa Sefarad ay sasakupin naman ang mga bayan ng Negev. 21 Aakyat sa Bundok ng Zion ang mga tagapagpalaya ng Israel upang pamahalaan ang mga taong naninirahan sa Bundok ni Esau. At ako, ang Panginoon, ang siyang maghahari.”

Pahayag 9

Nang patunugin ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta, nakita ko ang isang bituin mula sa langit na nahulog sa lupa. At ibinigay sa kanya ang susi sa pintuan ng kailaliman.[a] At nang buksan niya ito, lumabas ang makapal na usok na parang galing sa malaking hurno. Kaya dumilim ang mundo dahil natakpan ng usok ang araw. At mula sa usok, naglabasan ang mga balang at kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang manakit tulad ng alakdan. Ngunit pinagbawalan silang maminsala ng mga damo o anumang halaman at puno, kundi ng mga tao lang na walang tatak ng Dios sa kanilang noo. Pinagbawalan din silang patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lang sa loob ng limang buwan. Ang hapdi ng kagat nila ay katulad ng kagat ng alakdan. Kaya sa loob ng limang buwan, mas gugustuhin pa ng mga tao na mamatay, ngunit hindi ito mangyayari kahit gustuhin man nila.

Ang mga balang ay parang mga kabayong nakahanda sa digmaan. May nakapatong sa mga ulo nila na parang koronang ginto. Ang mga mukha nila ay parang mukha ng tao. Mahaba ang buhok nila tulad ng sa mga babae, at ang ngipin nila ay parang ngipin ng leon. Ang dibdib nila ay natatakpan ng parang pananggalang na bakal at ang tunog ng pakpak nila ay parang ingay ng mga karwaheng hinihila ng mga kabayo na sumusugod sa labanan. 10 Ang buntot nilang tulad ng sa alakdan ay may kapangyarihang manakit sa mga tao sa loob ng limang buwan. 11 May haring namumuno sa kanila – ang anghel na nagbukas ng pintuan sa kailaliman. Ang pangalan niya sa wikang Hebreo ay Abadon, at Apolyon[b] naman sa wikang Griego.

12 Tapos na ang unang nakakatakot na pangyayari ngunit may dalawa pang darating.

13 Nang patunugin ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, narinig ko ang isang tinig mula sa mga sulok ng gintong altar na nasa harapan ng Dios. 14 Sinabi ng tinig sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Pakawalan mo na ang apat na anghel na nakagapos doon sa malaking ilog ng Eufrates!” 15 Kaya pinakawalan ang apat na anghel na iyon. Inihanda sila noon pa para sa oras na iyon upang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. 16 Narinig ko na ang bilang ng mga hukbo nilang nakasakay sa kabayo ay 200,000,000. 17 At nakita ko sa pangitain ko ang mga kabayo at ang mga sakay nito. Ang mga nakasakay ay may mga pananggalang na pula na tulad ng apoy, asul na tulad ng sapiro at dilaw na tulad ng asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon at sa bibig nila ay may lumalabas na apoy, usok at asupre. 18 At sa pamamagitan ng tatlong salot na ito – ang apoy, usok at asupre – namatay ang ikatlong bahagi ng mga tao. 19 Ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa bibig at buntot nila. Ang buntot nila ay may mga ulo na parang mga ahas, at ito ang ginagamit nila sa pananakit ng mga tao.

20 Ngunit ang mga tao na natitirang buhay ay ayaw pa ring tumalikod sa mga dios-diosang ginawa nila. Patuloy pa rin sila sa pagsamba sa masasamang espiritu at mga rebultong yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy. Ang mga rebultong ito ay hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakalakad. 21 Hindi rin sila nagsisi sa kanilang pagpatay, pangkukulam, sekswal na imoralidad at pagnanakaw.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®