Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Amos 1-3

Ito ang mensahe ni Amos na isang pastol ng mga tupa na taga-Tekoa. Ang mensaheng ito ay tungkol sa Israel. Ipinahayag ito sa kanya ng Dios dalawang taon bago lumindol, noong panahon na si Uzia ang hari ng Juda at si Jeroboam na anak ni Joash ang hari ng Israel.

Sinabi ni Amos: “Umaatungal ang Panginoon mula sa Zion;[a] dumadagundong ang tinig niya mula sa Jerusalem. Dahil dito natutuyo ang mga pastulan ng mga pastol at nalalanta ang mga tanim sa tuktok ng Bundok ng Carmel.”

Ang Parusa sa Bansang Syria

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Syria: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Damascus,[b] parurusahan ko sila. Sapagkat pinagmalupitan nila ang mga taga-Gilead na parang giniik ng tabla na may mga ngiping bakal sa ilalim. Kaya susunugin ko ang palasyo ni Haring Hazael at ang matitibay na bahagi ng Damascus na ipinagawa ng anak niyang si Haring Ben Hadad. Wawasakin ko ang pintuan ng Damascus at papatayin ko ang pinuno ng Lambak ng Aven at ng Bet Eden.[c] Bibihagin at dadalhin sa Kir ang mga mamamayan ng Syria.[d] Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Filistia

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Filistia: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Gaza,[e] parurusahan ko sila. Sapagkat binihag nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan at ipinagbili bilang mga alipin sa Edom. Kaya susunugin ko ang mga pader[f] ng Gaza at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito. Lilipulin ko ang mga pinuno ng Ashdod at ng Ashkelon, at parurusahan ko ang mga taga-Ekron.[g] At ang mga Filisteong makakatakas sa parusa ay mamamatay din. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Tyre

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Tyre: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Tyre, parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbili nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan bilang mga alipin sa Edom. Hindi nila sinunod ang kanilang kasunduang pangkapatiran sa mga mamamayang ito. 10 Kaya susunugin ko ang mga pader ng Tyre at ang matitibay na bahagi ng lungsod nito.”

Ang Parusa sa Bansang Edom

11 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Edom: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Edom, parurusahan ko sila. Sapagkat tinugis nila ang kanilang mga kaanak na mga Israelita at walang awang pinatay. Hinding-hindi mawawala ang kanilang galit sa mga Israelita. 12 Kaya susunugin ko ang Teman at ang matitibay na bahagi ng Bozra.”[h]

Ang Parusa sa Bansang Ammon

13 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Ammon: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Ammon, parurusahan ko sila. Sapagkat nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead nang salakayin nila ito, upang mapalawak ang kanilang lupain. 14 Kaya susunugin ko ang mga pader ng Rabba[i] at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito habang nagsisigawan ang mga kaaway na sumasalakay sa kanila, na parang umuugong na bagyo. 15 At bibihagin ang hari ng Ammon gayon din ang kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Moab

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Moab, parurusahan ko sila. Sapagkat sinunog nila ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa maging abo ito. Kaya susunugin ko ang Moab pati na ang matitibay na bahagi ng Keriot.[j] Mamamatay ang mga taga-Moab habang nagsisigawan at nagpapatunog ng mga trumpeta ang kanilang mga kaaway na sumasalakay sa kanila. Mamamatay pati ang kanilang hari at ang lahat ng kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Juda

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Juda, parurusahan ko sila. Sapagkat itinakwil nila ang aking mga kautusan at hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Iniligaw sila ng paglilingkod nila sa mga dios-diosan na pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno. Kaya susunugin ko ang Juda pati na ang matitibay na bahagi ng Jerusalem.”

Ang Parusa sa Bansang Israel

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Israel,[k] parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang. Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan. Natutulog sila sa kanilang sambahan[l] na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap.[m] At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila. Pero ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay. 10 Inilabas ko rin sa Egipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng 40 taon upang makuha nila ang lupain ng mga Amoreo. 11 Pinili ko ang ilan sa mga anak nila na maging propeta at Nazareo. Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo itong sinasabi ko? 12 Pero ano ang ginawa ninyo? Pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo[n] at pinagbawalan ninyo ang mga propeta na sabihin ang ipinapasabi ko. 13 Kaya makinig kayo! Pahihirapan ko kayo katulad ng kariton na hindi na halos makausad dahil sa bigat ng karga. 14 Kaya kahit na ang mabilis tumakbo sa inyo ay hindi makakatakas, ang malalakas ay manghihina, at ang mga sundalo ay hindi maililigtas ang kanilang sarili. 15 Kahit na ang mga sundalong namamana sa labanan ay uurong. Ang mga sundalong mabilis tumakbo ay hindi makakatakas, at silang mga nakasakay sa kabayo ay hindi rin makakaligtas. 16 Sa araw na iyon, kahit ang pinakamatapang na sundalo ay tatakas na nakahubad. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”

Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Egipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo: Sa lahat ng bansa sa buong mundo, kayo lamang ang aking pinili na maging mga mamamayan ko. Kaya parurusahan ko kayo dahil sa lahat ng inyong mga kasalanan.

Itinalaga ng Dios ang Gawain ng mga Propeta

Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung hindi sila magkasundo? Umaatungal ba ang leon sa kagubatan kung wala siyang mabibiktima? Aatungal ba siya sa loob ng kanyang yungib kung wala siyang nahuli? Mahuhuli ba ang ibon kung walang pain na inilagay sa bitag? At iigkas ba ang bitag kung walang nahuli? Hindi baʼt nanginginig sa takot ang mga tao sa tuwing patutunugin ang trumpeta na nagpapahiwatig na may paparating na kaaway? Mangyayari ba ang kapahamakan sa isang lungsod kung hindi ito pinahintulutan ng Panginoon?

Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman ang Panginoong Dios na hindi muna niya ipinababatid sa kanyang mga lingkod na propeta.

Sino ang hindi matatakot kung umaatungal na ang leon? Sino kaya ang hindi magpapahayag ng mensahe ng Panginoong Dios kung ang Panginoong Dios na mismo ang nagsasalita sa kanya?

Ang Hatol ng Dios sa Samaria

Sabihin ninyo sa mga pinunong nakatira sa matitibay na bahagi ng Ashdod[o] at Egipto na magtipon sila sa mga burol sa paligid ng Samaria[p] at tingnan nila ang kaguluhang nangyayari sa lungsod na ito at ang panggigipit sa mga mamamayan nito. 10-11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios laban sa Samaria: “Hindi sila marunong gumawa ng matuwid. Ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod ay puno ng mga bagay na ninakaw at sinamsam. Kaya lulusubin sila ng mga kaaway at gigibain ang kanilang mga kampo. Sasamsamin ng mga kaaway ang mga ari-arian sa matitibay na bahagi ng kanilang lungsod.”

12 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: “Ang maililigtas lang ng isang pastol sa tupang sinisila ng leon ay maaaring dalawang paa o isang tainga lamang. Ganoon din ang mangyayari sa inyong mga Israelitang nakatira sa Samaria; wala kayong maililigtas kundi bahagi na lamang ng inyong magagandang higaan.”

13 Sinabi ng Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko at sabihin din ninyo ito sa mga lahi ni Jacob: 14 Sa araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan, wawasakin ko ang mga altar sa Betel.[q] Puputulin ko ang sungay ng mga sulok ng altar[r] at mahuhulog ang mga ito sa lupa. 15 Wawasakin ko ang kanilang mga bahay na pangtaglamig at ang mga bahay na pangtag-init. Wawasakin ko rin ang kanilang mamahalin[s] at malalaking bahay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pahayag 6

Ang mga Selyo

Nakita kong tinanggal ng Tupa ang una sa pitong selyo ng nakarolyong kasulatan. At narinig kong nagsalita sa tinig na parang kulog ang isa sa apat na buhay na nilalang: “Halika!” ang sabi niya. Nang tumingin ako, nakita ko ang isang puting kabayo. Ang nakasakay sa kabayo ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona. At umalis siya upang lumusob at magtagumpay sa pakikipagdigma.

Nang tanggalin ng Tupa ang ikalawang selyo, narinig kong sinabi ng ikalawang buhay na nilalang, “Halika!” At lumitaw ang isang pulang kabayo. Ang nakasakay ay binigyan ng malaking espada at kapangyarihan upang magpasimula ng digmaan sa mundo at magpatayan ang mga tao.

Nang tanggalin ng Tupa ang ikatlong selyo, narinig kong sinabi ng ikatlong buhay na nilalang, “Halika!” At nakita ko ang isang itim na kabayo. Ang nakasakay ay may hawak na timbangan. May narinig akong parang tinig mula sa apat na buhay na nilalang. At sinabi sa nakasakay sa kabayo, “Itaas mo ang presyo ng pagkain. Ang presyo ng isang kilo ng harinang trigo ay dapat isang araw na sahod, at ganoon din ang presyo ng tatlong kilo ng harinang sebada. Pero huwag itaas ang presyo ng langis at alak!”

Nang tanggalin ng Tupa ang ikaapat na selyo, narinig kong sinabi ng ikaapat na buhay na nilalang, “Halika!” At nakita ko ang isang maputlang kabayo. Ang pangalan ng nakasakay ay Kamatayan, at kasunod nito ang Hades.[a] Binigyan sila ng kapangyarihang patayin ang ikaapat na bahagi ng populasyon ng mundo sa pamamagitan ng digmaan, gutom, sakit at mababangis na hayop.

Nang tanggalin ng Tupa ang ikalimang selyo, nakita ko sa ilalim ng altar ang kaluluwa ng mga taong pinatay dahil sa tapat na pangangaral nila ng salita ng Dios. 10 Sumisigaw sila nang malakas, “Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat, gaano pa po kami katagal na maghihintay bago ninyo hatulan at parusahan ang mga taong pumatay sa amin?” 11 Bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng puting damit at sinabihang maghintay nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa naglilingkod sa Dios, na papatayin ding tulad nila.

12 Nang tanggalin ng Tupa ang ikaanim na selyo, lumindol nang malakas. Nagdilim ang araw na kasing-itim ng damit-panluksa, at pumula ang buwan na kasimpula ng dugo. 13 Nahulog sa lupa ang mga bituin, na parang mga hilaw na bunga ng igos na hinahampas ng malakas na hangin. 14 Naalis ang langit na parang binilot na papel, at naalis din ang mga bundok at isla sa kinalalagyan nila. 15 Nagtago sa mga kweba at sa malalaking bato sa kabundukan ang mga hari, mga namumuno, mga opisyal ng mga kawal, mga mayayaman, mga makapangyarihan, at ang lahat ng klase ng tao, alipin man o hindi. 16 Sinabi nila sa mga bundok at mga bato, “Tabunan ninyo kami at itago upang hindi namin makita ang mukha ng nakaupo sa trono at upang makaligtas kami sa galit ng Tupa. 17 Sapagkat dumating na ang araw na parurusahan nila ang mga tao, at walang sinumang makakapigil sa kanila.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®