Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hosea 9-11

Ang Parusa sa Israel

Sinabi ni Hoseas, “Kayong mga taga-Israel, tigilan na ninyo ang inyong mga pagdiriwang katulad ng ginagawa ng mga taga-ibang bansa. Sapagkat sumasamba kayo sa mga dios-diosan at lumalayo sa inyong Dios. Kahit saang giikan ng trigo ay ipinagdiriwang ninyo ang mga ani na itinuturing ninyong bayad sa inyo ng mga dios-diosan dahil sa inyong pagsamba sa kanila. Pero sa bandang huli, mauubusan kayo ng mga trigo at bagong katas ng ubas. Lilisanin ninyo ang Israel, ang lupain ng Panginoon, at babalik kayo[a] sa Egipto, at ang iba sa inyo ay pupunta sa Asiria, at doon ay kakain kayo ng mga pagkaing itinuturing ninyong marumi. Hindi na kayo papayagang maghandog ng inumin sa Panginoon. Maghandog man kayo ng mga handog ay hindi rin siya malulugod. At ang sinumang kumain ng mga handog na iyan ay ituturing na marumi dahil katulad ito ng pagkain sa bahay ng namatayan.[b] Ang inyong mga pagkain ay para lamang sa inyong sarili at hindi maaaring ihandog sa templo ng Panginoon. Kung ganoon, ano ngayon ang inyong gagawin kapag dumating ang mga espesyal na araw ng pagsamba o mga pista upang parangalan ang Panginoon? Kahit na makatakas kayo sa kapahamakan, titipunin pa rin kayo sa Egipto at ililibing sa Memfis.[c] Matatakpan ng mga damo at matitinik na halaman ang inyong mga mamahaling kagamitang pilak at ang inyong mga tolda.

“Mga taga-Israel, dumating na ang araw ng inyong kaparusahan, ang araw na gagantihan kayo sa inyong mga ginawa. At tiyak na malalaman ninyo na dumating na nga ito. Sinasabi ninyo, ‘Ang propetang iyan ay hangal, isang lingklod ng Dios na nasisiraan ng ulo.’ Sinasabi ninyo iyon dahil marami na kayong mga kasalanan at galit kayo sa akin. Bilang propeta, kasama ko ang Dios sa pagbabantay sa inyo na mga taga-Israel. Pero kahit saan ako pumunta ay nais ninyo akong ipahamak; para akong ibon na gusto ninyong mahuli sa bitag. Galit sa akin ang mga tao sa Israel, na itinuturing ng Dios na kanyang tahanan.[d] Napakasama na ninyo tulad ng mga lalaki noon sa Gibea.[e] Aalalahanin ng Dios ang inyong mga kasamaan, at parurusahan niya kayo sa inyong mga kasalanan.”

10 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Israel, noong piliin ko[f] ang mga ninuno ninyo na maging aking mga mamamayan, tuwang-tuwa ako. Gaya ng taong tuwang-tuwa nang makakita ng ubas na tumubo sa disyerto o nang makakita ng unang bunga ng puno ng igos. Pero nang pumunta sila sa Baal Peor, itinalaga nila ang kanilang sarili sa mga nakakasuklam na dios-diosan, at naging gaya sila ng mga kasuklam-suklam na dios-diosang iyon na kanilang iniibig. 11 Mga taga-Israel, mawawala ang inyong kadakilaan na parang ibong lumipad. Wala nang mabubuntis at wala ring manganganak sa inyong mga kababaihan. 12 At kung may manganganak man, kukunin ko ang mga anak nila at magluluksa kayo. Nakakaawa naman kayo kapag iniwan ko na kayo.

13 “Ang tingin ko sa inyo noon ay parang palmang tumutubo sa matabang lupa. Pero ngayon, kailangang dalhin ninyo ang inyong mga anak sa digmaan para mamatay.”

14 Sinabi ni Hoseas: Panginoon, ganoon nga po ang gawin nʼyo sa inyong mga mamamayan. Loobin nʼyo pong hindi magkaanak at makapagpasuso ang mga kababaihan nila.

15 Sinabi ng Panginoon, “Ang lahat ng kasamaan ng aking mga mamamayan ay nagsimula sa Gilgal. Doon pa lang ay kinapootan ko na sila. At dahil sa kanilang kasamaan, palalayasin ko sila sa lupain ng Israel na aking tahanan. Hindi ko na sila mamahalin. Naghimagsik sa akin ang lahat ng kanilang mga pinuno. 16 Para silang tanim na natuyo ang ugat kaya hindi namumunga. At kahit mabuntis man sila, papatayin ko ang mga minamahal nilang anak.”

17 Sinabi ni Hoseas, “Itatakwil ng aking Dios ang mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa kanya. Kaya mangangalat sila sa ibaʼt ibang bansa.

10 “Ang mga taga-Israel noon ay parang tanim na ubas na mayabong at hitik sa bunga. Pero habang umuunlad sila, dumarami rin ang ipinapatayo nilang altar at pinapaganda nila ang alaalang bato na sinasamba nila. Mapanlinlang sila,[g] at ngayon dapat na nilang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan. Gigibain ng Panginoon ang mga altar nila at mga alaalang bato. Siguradong sasabihin nila sa bandang huli, ‘Wala kaming hari dahil wala kaming takot sa Panginoon. Pero kahit na may hari kami, wala rin itong magagawang mabuti para sa amin.’ Puro salita lang sila[h] pero hindi naman nila tinutupad. Nanunumpa sila ng kasinungalingan at gumagawa ng kasunduan na hindi naman nila tinutupad. Kaya ang katarungan ay parang nakakalasong damo na tumutubo sa binungkal na lupain.

“Matatakot ang mga mamamayan ng Samaria dahil mawawala ang mga dios-diosang guya sa Bet Aven. Sila at ang kanilang mga pari na nagagalak sa kagandahan ng mga dios-diosan nila ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila at dadalhin sa Asiria at ireregalo sa dakilang hari roon. Mapapahiya ang Israel[i] sa kanyang pagtitiwala sa mga dios-diosan.[j] Mawawala ang kanyang[k] hari na parang kahoy na tinangay ng agos. Gigibain ang mga sambahan sa mga matataas na lugar ng Aven,[l] na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Matatakpan ang kanilang mga altar ng matataas na damo at mga halamang may tinik. Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ ”

Hinatulan ang Israel

Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno roon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea. 10 Gusto ko na kayong parusahan. Kaya magsasanib ang mga bansa upang lusubin kayo[m] dahil sa patuloy ninyong pagkakasala. 11 Noon, para kayong dumalagang baka na sinanay na gumiik at gustong-gusto ang gawaing ito. Pero ngayon, pahihirapan ko kayong mga taga-Israel[n] at pati ang mga taga-Juda. Magiging tulad kayo ng dumalagang baka na sisingkawan ang makinis niyang leeg at pahihirapan sa paghila ng pang-araro. 12 Sinabi ko sa inyo, ‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso tulad ng binungkal na lupa. Magtanim kayo ng katuwiran at mag-aani kayo ng pagmamahal. Sapagkat panahon na para magbalik-loob kayo sa akin hanggang sa aking pagdating, at pauulanan ko kayo ng tagumpay.’[o]

13 “Pero nagtanim kayo ng kasamaan, kaya nag-ani rin kayo ng kasamaan. Nagsinungaling kayo, at iyan ang bunga ng inyong kasamaan. At dahil sa nagtitiwala kayo sa sarili ninyong kakayahan, tulad halimbawa sa marami ninyong mga kawal, 14 darating ang digmaan sa inyong mga mamamayan at magigiba ang inyong mga napapaderang lungsod. Gagawin ng mga kalaban ninyo ang ginawa ni Shalman[p] sa lungsod ng Bet Arbel nang pagluray-lurayin niya ang mga ina at ang kanilang mga anak. 15 Ganyan din ang mangyayari sa inyong mga taga-Betel, dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo. Sa pagbubukang-liwayway, siguradong mamamatay ang hari ng Israel.”

Ang Pag-ibig ng Dios sa Israel

11 Sinabi ng Panginoon, “Minahal ko ang Israel noong kabataan niya.[q] Itinuring ko siyang anak at tinawag ko siya mula sa Egipto.[r] Pero ngayon, kahit na patuloy kong[s] tinatawag ang mga mamamayan ng Israel, lalo pa silang lumayo sa akin.[t] Naghahandog sila at nagsusunog ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Ako ang nag-alaga sa kanila. Inakay ko sila[u] at tinuruang lumakad, pero hindi nila kinilala na ako ang kumalinga[v] sa kanila. Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamahal, tulad ng isang taong nag-aangat ng pamatok sa baka upang mapakain ito. Pero dahil ayaw nilang bumalik sa akin, babalik sila sa Egipto, at paghaharian sila ng Asiria. Lulusubin ng mga kalaban ang kanilang mga lungsod at sisirain ang mga tarangkahan ng pintuan nito. Wawakasan ng mga kaaway ang lahat nilang balak. Nagpasyang lumayo sa akin ang aking mga mamamayan. Kaya kahit na sama-sama pa silang dumulog sa akin, hindi ko sila tutulungan.

“Mga taga-Israel, hindi ko kayo magagawang itakwil o pabayaan na lang. Hindi ko kayo magagawang lipulin nang lubusan gaya ng ginawa ko sa mga lungsod ng Adma at Zeboyim. Hindi matatanggap ng aking kalooban na gawin ko ito sa inyo. Awang-awa ako sa inyo. Hindi ko na ipadarama ang matindi kong galit; hindi ko na gigibain ang Israel, dahil akoʼy Dios at hindi tao. Ako ang Banal na Dios na kasama ninyo. Hindi ako paparito sa inyo nang may galit.

10 “Susunod kayo sa akin kapag umatungal ako na parang leon. At kapag umatungal na ako, dali-dali[w] kayong uuwi mula sa kanluran. 11 Mabilis[x] kayong darating na parang mga ibon mula sa Egipto o parang mga kalapating mula sa Asiria. Pauuwiin ko kayong muli sa inyong mga tahanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Parurusahan ang Israel at ang Juda

12 Sinabi pa ng Panginoon, “Palagi akong pinagsisinungalingan at niloloko ng mga taga-Israel. Ang mga taga-Juda ay patuloy na lumalayo sa akin, ang Dios na banal at tapat.”

Pahayag 3

Ang Sulat para sa Iglesya sa Sardis

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Sardis:

“Ito ang mensahe ng may pitong Espiritu ng Dios[a] at may hawak na pitong bituin: Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Marami ang nagsasabi na buhay na buhay ang pananampalataya nʼyo sa akin, ngunit ang totoo, para kayong patay. Gumising kayo at pasiglahin ang natitira ninyong pananampalataya, para hindi tuluyang mamatay. Dahil nakikita ko na ang mga gawa nʼyo ay hindi pa ganap sa paningin ng aking Dios. Kaya alalahanin ninyo ang mga aral na tinanggap ninyo. Sundin ninyo ang mga iyon at pagsisihan ang inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo gigising, darating ako sa oras na hindi ninyo inaasahan, tulad ng isang magnanakaw na hindi ninyo alam kung kailan darating. Ngunit may ilan sa inyo riyan sa Sardis na hindi nahawa sa masamang gawain ng iba. Lalakad silang kasama ko na nakasuot ng puting damit, dahil karapat-dapat sila. Ang magtatagumpay ay bibihisan ng puting damit at hindi ko aalisin ang pangalan niya sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Ipapakilala ko sila sa aking Ama at sa kanyang mga anghel na sila ay mga tagasunod ko.

“Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Filadelfia

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Filadelfia:

“Ito ang mensahe ng banal at mapagkakatiwalaan na may hawak ng susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pinto ng kaharian, walang makapagsasara nito. At kapag isinara niya, wala sinumang makapagbubukas nito: Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Kahit kakaunti ang inyong kakayahan, sinunod ninyo ang mga turo ko at naging tapat kayo sa akin. Kaya nagbukas ako ng pintuan para sa inyo na walang sinumang makapagsasara. Makinig kayo! Ito naman ang gagawin ko sa mga kampon ni Satanas na mga sinungaling at nagpapanggap na mga Judio: Paluluhurin ko sila sa harapan ninyo, at malalaman nila na mahal ko kayo. 10 Darating ang matinding kahirapan sa buong mundo na susubok sa mga tao. Ngunit dahil sinunod ninyo ang utos ko na magtiis, ililigtas ko kayo sa panahong iyon. 11 Malapit na akong dumating. Kaya ipagpatuloy ninyo ang mabubuti ninyong gawa upang hindi maagaw ng kahit sino ang gantimpalang inihanda para sa inyo. 12 Ang magtatagumpay ay gagawin kong parang haligi sa bahay ng aking Dios, at hindi na siya aalis doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Dios at ang pangalan ng lungsod ng Dios, ang bagong Jerusalem na bababa mula sa langit. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.

13 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Laodicea

14 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Laodicea:

“Ito ang mensahe ng tinatawag na Amen, ang tapat at tunay na saksi. Siya ang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Dios: 15-16 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam kong hindi kayo malamig o mainit. Gusto ko sanang malamig kayo o mainit. Ngunit dahil maligamgam kayo, isusuka ko kayo. 17 Sinasabi ninyo na mayaman kayo, sagana sa lahat ng bagay at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo alam na kaawa-awa kayo dahil mahirap kayo sa pananampalataya, bulag sa katotohanan at hubad sa paningin ng Dios. 18 Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng ginto na dinalisay sa apoy[b] upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot sa mata upang makita ninyo ang katotohanan. 19 Ang lahat ng minamahal ko ay tinutuwid ko at dinidisiplina. Kaya magsisi kayo at ituwid ang ugali ninyo. 20 Narito ako sa labas ng pintuan ninyo at kumakatok. Kung may makarinig sa akin at buksan ang pinto, papasok ako at magsasalo kami sa pagkain. 21 Ang magtatagumpay ay pauupuin ko sa tabi ng aking trono,[c] tulad ko na nagtagumpay at naupo sa tabi ng trono ng aking Ama.

22 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®