Old/New Testament
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel, pati na kayong mga pari at sambahayan ng hari, dahil ang hatol na ito ay laban sa inyo: Para kayong bitag, dahil ipinahamak ninyo ang mga mamamayan ng Mizpa at Tabor. 2 Nagrerebelde kayo sa akin at gusto ninyong pumatay, kaya didisiplinahin ko kayong lahat. 3 Alam ko ang lahat ng tungkol sa inyo na mga taga-Israel.[a] Wala kayong maililihim sa akin. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan[b] kaya naging marumi kayo.
4 “Ang inyong masasamang gawain ang pumipigil sa inyo upang magbalik-loob sa akin na inyong Dios. Sapagkat nasa puso ninyo ang espiritung nag-uudyok sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, at hindi ninyo ako kinikilalang Panginoon. 5 Ang pagmamataas ninyo ay nagpapatunay na dapat kayong parusahan. At dahil sa mga kasalanan nʼyo, mapapahamak kayo, kayong mga taga-Israel kasama ang mga taga-Juda. 6 Maghahandog kayo ng mga tupa, kambing, at mga baka sa paglapit ninyo sa akin. Pero hindi ninyo mararanasan ang presensya ko dahil itinakwil ko na kayo. 7 Nagtaksil kayo sa akin, dahil nagkaanak kayo sa labas. Kaya lilipulin ko kayo at sisirain ko ang lupain ninyo sa loob lamang ng isang buwan.[c]
Ang Labanan ng Juda at Israel
8 “Hipan ninyo ang mga trumpeta para bigyang babala ang mga tao sa Gibea at Rama! Iparinig ang sigaw ng digmaan sa Bet Aven! Magbantay kayo, kayong mga mamamayan ng Benjamin.[d] 9 Mawawasak ang Israel sa araw ng pagpaparusa. Tiyak na mangyayari ang sinasabi ko laban sa mga lahi ng Israel! 10 Ang mga pinuno ng Juda ay katulad ng taong naglilipat ng muhon[e] dahil inagaw nila ang lupain ng Israel. Kaya ibubuhos ko sa kanila ang aking galit na parang baha. 11 Ginigipit at winawasak ang Israel dahil pinarurusahan ko siya. Sapagkat patuloy siyang sumusunod sa mga dios-diosan. 12 Ang katulad koʼy insektong ngumangatngat sa Israel at sa Juda.
13 “Nang makita ng mga taga-Israel at taga-Juda ang kanilang masamang kalagayan,[f] humingi ng tulong ang Israel sa makapangyarihang hari ng Asiria. Pero hindi ito makakatulong sa kanila.[g] 14 Sapagkat sasalakayin kong parang leon ang Israel at ang Juda. Ako mismo ang lilipol sa kanila. Dadalhin ko sila sa ibang bansa at walang makapagliligtas sa kanila. 15 Pagkatapos, babalik ako sa aking lugar hanggang sa aminin nila ang kanilang mga kasalanan. At sa kanilang paghihirap ay lalapit sila sa akin.”
Hindi Tapat ang Pagsisisi ng Israel
6 Nag-usap-usap ang mga taga-Israel. Sabi nila, “Halikayo! Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Sinaktan niya tayo, kaya siya rin ang magpapagaling sa atin. 2 Para tayong mga patay na agad niyang bubuhayin. Hindi magtatagal,[h] at ibabangon niya tayo para mamuhay sa kanyang presensya. 3 Pagsikapan nating makilala ang Panginoon. Siyaʼy tiyak na darating, kasintiyak ng pagsikat ng araw. Darating siya na parang ulan na didilig sa mga lupain.”
4 Pero sinabi ng Panginoon, “O Israel[i] at Juda, ano ang gagawin ko sa inyo? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay parang ambon o hamog sa umaga na madaling mawala. 5 Kaya nga binalaan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta na kayoʼy mapapahamak at mamamatay. Hahatulan ko kayo na kasimbilis ng kidlat. 6 Sapagkat hindi ang inyong mga handog ang nais ko, kundi ang inyong pagmamahal.[j] Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako kaysa sa mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog. 7 Pero tulad ni Adan, sinira ninyo ang kasunduan natin. Nagtaksil kayo sa akin diyan sa inyong lugar.[k] 8 Ang bayan ng Gilead ay tirahan ng masasamang tao at mga mamamatay-tao. 9 Ang inyong mga pari ay parang mga tulisan na nag-aabang ng kanilang mabibiktima. Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem,[l] at gumagawa ng marami pang nakakahiyang gawain. 10 Mga taga-Israel, kakila-kilabot ang nakita ko sa inyo. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan, kaya naging marumi[m] kayo. 11 Kayo ring mga taga-Juda ay nakatakda nang parusahan.
“Gusto ko sanang ibalik ang mabuting kalagayan ng aking mga mamamayan.”
7 “Gusto ko sanang pagalingin ang mga taga-Israel. Pero ang nakikita ko sa kanila[n] ay ang kanilang mga kasamaan. Nandaraya sila, pinapasok ang mga bahay para nakawan, at nanghoholdap sa mga daan. 2 Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan ang kanilang mga kasamaan. Hanggang ngayon ay nakatali pa sila sa kanilang mga kasalanan at nakikita kong lahat ito. 3 Napapasaya nila ang kanilang hari at mga pinuno sa kanilang kasamaan at kasinungalingan. 4 Lahat silaʼy mga taksil.[o] Para silang mainit na pugon na ang apoy ay hindi na kailangang paningasin ng panadero mula sa oras ng pagmamasa ng harina hanggang sa itoʼy umalsa. 5 Nang dumating ang kaarawan[p] ng kanilang[q] hari, nilasing nila ang mga opisyal nito. At pati ang hari ay nakipag-inuman na rin sa kanyang mga mapanghusga na mga opisyal. 6 At habang papalapit sila sa hari at sa kanyang mga opisyal para patayin, nagniningas ang kanilang galit na parang mainit na pugon. Bago pa sila sumalakay, magdamag ang kanilang pagtitimpi ng kanilang galit, kaya kinaumagahan para na itong nagniningas na apoy. 7 Galit na galit silang lahat na para ngang nagniningas na pugon. Kaya pinatay nila ang kanilang mga pinuno. Bumagsak lahat ang kanilang mga hari, pero wala ni isa man sa kanila ang humingi ng tulong sa akin.
8 “Nakikisalamuha ang Israel[r] sa ibang bansa. Silaʼy walang pakinabang tulad ng nilutong manipis na tinapay na nakalimutang baligtarin.[s] 9 Inuubos ng mga taga-ibang bansa ang kanilang kakayahan, pero hindi nila ito namamalayan; katulad sila ng isang tao na pumuputi na ang buhok pero hindi niya ito napapansin. 10 Ang kanilang pagmamataas ay nagpapatunay na dapat silang parusahan. Pero kahit nangyayari ang lahat ng ito sa kanila, hindi pa rin sila nagbalik-loob at lumapit sa akin na kanilang Dios. 11 Para silang kalapati na kaydaling lokohin at walang pang-unawa. Humingi sila ng tulong sa Egipto at Asiria. 12 Pero habang pumaparoon sila, pipigilan[t] ko sila na parang ibon na nahuli sa lambat at hinila pababa. Parurusahan ko sila ayon sa aking sinabi sa kanilang pagtitipon. 13 Nakakaawa sila dahil lumayo sila sa akin. Lilipulin ko sila dahil naghimagsik sila sa akin. Gusto ko sana silang iligtas, pero nagsalita sila ng kasinungalingan tungkol sa akin. 14 Hindi tapat ang kanilang pagtawag sa akin. Umiiyak sila sa kanilang mga higaan at sinasaktan ang sarili[u] habang humihingi ng pagkain at inumin sa mga dios-diosan. 15 Dinisiplina ko sila upang maging matatag, pero nagbalak pa rin sila ng masama laban sa akin. 16 Lumapit sila sa mga bagay na walang kabuluhan.[v] Para silang panang baluktot na walang silbi. Mamamatay sa digmaan ang kanilang mga pinuno dahil wala silang galang kapag nagsasalita. At dahil dito, kukutyain sila ng mga taga-Egipto.
Pinarusahan ng Dios ang Israel Dahil sa Kanilang Pagsamba sa mga Dios-diosan
8 “Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang aking mga mamamayan, ang Israel na itinuturing kong tahanan,[w] na lulusubin sila ng kalaban na kasimbilis ng agila. Sapagkat sinira nila ang kasunduan ko sa kanila at nilabag nila ang aking Kautusan. 2 Nagsusumamo sila sa akin, ‘Dios ng Israel, kinikilala ka namin.’ 3 Pero itinakwil nila ang mabuti, kaya hahabulin sila ng kanilang kalaban. 4 Pumili sila ng mga hari at mga opisyal na hindi ko pinili. Gumawa sila ng mga dios-diosan mula sa kanilang mga pilak at ginto, at ang mga ito ang nagdala sa kanila sa kapahamakan. 5 Itinatakwil ko[x] ang dios-diosang baka ng mga taga-Samaria. Galit na galit ako sa kanila. Hanggang kailan sila mananatiling marumi? 6 Ang dios-diosang baka ng Samaria ay ginawa lamang ng mga platero na taga-Israel. Hindi iyon Dios! Tiyak na dudurugin iyon.
7 “Para silang naghahasik ng hangin at nag-aani ng buhawi.[y] Para ring trigo na walang uhay, kaya walang makukuhang pagkain. At kung mamumunga man, taga-ibang bansa naman ang lalamon nito. 8 Ang Israel ay parang nilamon ng ibang bansa. At ngayong nakikisalamuha na siya sa kanila, para na siyang kasangkapang walang silbi. 9 Para siyang asnong-gubat na nag-iisa at naliligaw. Humingi siya ng tulong sa Asiria; binayaran niya[z] ang kanyang mga kakamping bansa para ipagtanggol siya. 10 Pero kahit na nagpasakop siya sa mga bansang iyon, titipunin ko ngayon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan. At magsisimula na ang kanilang paghihirap sa pang-aapi ng isang hari at ng mga opisyal[aa] niya. 11 Nagpagawa nga sila ng maraming altar para sa mga handog sa paglilinis, pero doon din sila gumawa ng kasalanan. 12 Marami akong ipinasulat na kautusan para sa kanila, pero ang mga itoʼy itinuring nilang para sa iba at hindi para sa kanila. 13 Naghahandog sila sa akin at kinakain nila ang karneng handog,[ab] pero hindi ako nalulugod sa kanila. At ngayon aalalahanin ko ang kanilang kasamaan at parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Babalik sila sa Egipto. 14 Kinalimutan ng mga taga-Israel ang lumikha sa kanila. Sila at ang mga taga-Juda ay nagtayo ng mga palasyo[ac] at maraming napapaderang bayan. Pero susunugin ko ang kanilang mga lungsod at ang matitibay na bahagi nito.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Efeso
2 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Efeso:
“Ito ang mensahe ng may hawak ng pitong bituin sa kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto: 2 Alam ko ang mga ginagawa ninyo pati ang inyong mga pagsisikap at pagtitiyaga. Alam ko rin na hindi ninyo kinukunsinti ang masasamang tao. Siniyasat ninyo ang mga nagpapanggap na apostol, at napatunayan ninyong mga sinungaling sila. 3 Tiniis ninyo ang mga kahirapan dahil sa pananampalataya ninyo sa akin, at hindi kayo nanghina. 4 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: ang inyong pag-ibig sa akin ngayon ay hindi na tulad ng dati. 5 Alalahanin ninyo kung gaano kayo nanamlay sa pananampalataya. Magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo at gawing muli ang dati ninyong ginagawa. Kung hindi, pupuntahan ko kayo at kukunin ang inyong ilawan. 6 Ngunit ito ang gusto ko sa inyo: kinasusuklaman ninyo ang mga ginagawa ng mga Nicolaita,[a] na kinasusuklaman ko rin.
7 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay papayagan kong kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay. Ang punong ito ay nasa paraiso ng Dios.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Smirna
8 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Smirna:
“Ito ang mensahe niya na siyang simula at katapusan ng lahat, na namatay ngunit muling nabuhay: 9 Alam ko ang inyong pagtitiis. Alam ko ring mahirap kayo, ngunit mayaman sa espiritwal na mga bagay. Alam kong hinahamak kayo ng mga taong nagsasabing mga Judio sila, ngunit ang totooʼy mga kampon sila ni Satanas. 10 Huwag kayong matakot sa mga paghihirap na malapit na ninyong danasin. Tandaan ninyo: Ipapabilanggo ni Satanas ang ilan sa inyo upang subukan kayo. Daranas kayo ng pang-uusig sa loob ng sampung araw. Manatili kayong tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan ko kayo ng buhay na walang hanggan.
11 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng ikalawang kamatayan.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Pergamum
12 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Pergamum:
“Ito ang mensahe ng may hawak ng matalas na espada na dalawa ang talim: 13 Alam ko na kahit nakatira kayo sa lugar na hawak ni Satanas ay nananatili pa rin kayong tapat sa akin. Sapagkat hindi kayo tumalikod sa pananampalataya ninyo sa akin, kahit noong patayin si Antipas na tapat kong saksi riyan sa lugar ninyo na tirahan ni Satanas. 14 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: May ilan sa inyo na sumusunod sa mga aral ni Balaam. Si Balaam ang nagturo kay Balak kung paano udyukan ang mga Israelita na magkasala sa pamamagitan ng pagkain ng mga inihandog sa mga dios-diosan at sa pamamagitan ng paggawa ng sekswal na imoralidad. 15 At may ilan din sa inyo na sumusunod sa mga aral ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo! Sapagkat kung hindi, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon at kakalabanin ko ang mga taong iyan na sumusunod sa mga maling aral sa pamamagitan ng espada na lumalabas sa aking bibig.
17 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng pagkain na inilaan ko sa langit. Bibigyan ko rin ang bawat isa sa kanila ng puting bato na may nakasulat na bagong pangalan na walang ibang nakakaalam kundi ang makakatanggap nito.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Tiatira
18 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Tiatira:
“Ito ang mensahe ng Anak ng Dios, na ang mga mataʼy nagliliyab na parang apoy at ang mga paaʼy nagniningning na parang pinakintab na tanso: 19 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam ko na mapagmahal kayo, matapat, masigasig maglingkod at matiyaga. Alam ko rin na higit pa ang ginagawa ninyo ngayon kaysa sa noong una. 20 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: Hinahayaan ninyo lang na magturo ang babaeng si Jezebel na nagpapanggap na propeta. Nililinlang niya ang mga taong naglilingkod sa akin at hinihikayat na gumawa ng sekswal na imoralidad at kumain ng mga inihandog sa mga dios-diosan. 21 Binigyan ko siya ng panahon upang magsisi sa kanyang imoralidad, ngunit ayaw niya. 22 Makinig kayo! Bibigyan ko siya ng karamdaman hanggang sa hindi na siya makabangon sa higaan. Parurusahan ko siya nang matindi pati ang mga nakipagrelasyon sa kanya, kung hindi sila magsisisi sa kanilang kasamaan. 23 Papatayin ko ang mga tagasunod niya upang malaman ng lahat ng iglesya na alam ko ang iniisip at hinahangad ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa mga ginawa ninyo.
24 “Pero ang iba sa inyo riyan sa Tiatira ay hindi sumusunod sa mga turo ni Jezebel. Hindi kayo natuto ng tinatawag nilang ‘malalalim na mga turo ni Satanas.’ Kaya wala na akong idadagdag pang tuntunin na dapat ninyong sundin. 25 Ipagpatuloy na lang ninyo ang inyong katapatan sa akin hanggang sa pagdating ko. 26-27 Sapagkat ang mga magtatagumpay at patuloy na sumusunod sa kalooban ko hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng kapangyarihang mamahala sa mga bansa, tulad ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng aking Ama. Mamamahala sila sa pamamagitan ng kamay na bakal at dudurugin nila ang mga bansa gaya ng pagdurog sa palayok.[b] 28 At ibibigay ko rin sa kanila ang tala sa umaga.[c]
29 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®