Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 40-41

Ang Bagong Templo

40 1-2 Noong ikasampung araw ng unang buwan, nang ika-25 taon ng aming pagkabihag at ika-14 na taon mula nang wasakin ang Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at ipinakita sa akin ang isang pangitain. Sa pangitaing iyon, dinala niya ako sa mataas na bundok ng Israel. Nang tumingin ako sa timog ay may nakita akong parang isang lungsod. Dinala ako roon ng Panginoon at may nakita akong isang tao na ang mukha ay parang kumikinang na tanso. Nakatayo siya malapit sa pintuan ng bayan at may hawak na panukat. Ang isa ay lubid na gawa sa telang linen at ang isa ay kahoy. Sinabi sa akin ng taong iyon, “Anak ng tao, makinig ka at tingnan mong mabuti ang ipapakita ko sa iyo dahil ito ang dahilan kung bakit kita dinala rito. Pagkatapos, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel ang lahat ng nakita mo.”

Ang Pintuan sa Gawing Silangan

Nakita ko ang templo na napapaligiran ng pader. Kinuha ng tao ang panukat niyang kahoy, na ang haba ay sampung talampakan, ayon sa umiiral na sukatan ay sinukat niya ang pader. Sampung talampakan ang taas nito at ganoon din ang kapal. Pagkatapos, pumunta ang tao sa daanan sa templo na nakaharap sa silangan. Umakyat siya sa mga baitang at sinukat niya ang pasukan ng daanan, at sampung talampakan ang luwang nito. Sa bawat gilid ng daanang ito ay may tatlong silid na may guwardyang nagbabantay. Ang bawat silid na itoʼy may sukat na sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang, at ang kapal ng pader sa pagitan ay walong talampakan. Sa kabila ng mga silid ay may daanang papunta sa balkonahe na nakaharap sa templo. Ang daanang ito ay sampung talampakan din ang haba.

8-9 Sinukat din ng tao ang bulwagan at 14 na talampakan ang haba nito. Ang kapal ng dingding sa magkabilang daanan ng balkonahe ay tatlong talampakan.

10 Ang tatlong silid na kinaroroonan ng mga bantay ay pare-pareho ang luwang at ang mga pader sa pagitan nito ay pare-pareho rin ang kapal. 11 Sinukat din ng tao ang taas ng daanan papunta sa bakuran sa labas at itoʼy 22 talampakan. Ngunit ang taas ng pintuan nito ay 17 talampakan. 12 Sa harap ng bawat silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay ay may mababang pader na 20 pulgada ang taas at 20 pulgada rin ang kapal. At ang mga silid na itoʼy sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang.

13 Pagkatapos, sinukat ng tao ang luwang ng daanan papunta sa bakuran sa labas, at itoʼy 42 talampakan. Ang sukat nitoʼy mula sa likod ng pader ng kwartong kinaroroonan ng guwardyang nagbabantay, papunta sa kabilang pader ng silid ding iyon. 14 Sinukat niya ang pader mula sa pintuan papunta sa bulwagang nakaharap sa bakuran sa labas, at 100 talampakan ang haba nito. 15 Ang haba naman ng daanan mula sa pintuan hanggang sa dulo ng bulwagan ay 85 talampakan. 16 May maliit na bintana sa bawat silid, kung saan naroon ang nagbabantay at sa pader sa gitna ng mga silid. Ang mga pader na ito ay may palamuting nakaukit na puno ng palma.

Ang Bakuran sa Labas ng Templo

17 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa labas ng templo. Nakita ko roon ang 30 silid na nakahilera sa daanang bato na nakapaikot sa bakuran. 18 Ang daanang bato na ito sa bandang ibaba ay umaabot hanggang sa gilid ng mga daanang papasok sa bakuran. Ang lawak ng daanang bato ay kapantay ng haba ng mga daanang iyon. 19 Pagkatapos, sinukat ng tao ang layo mula sa daanang papasok sa bakuran sa labas ng templo hanggang sa daanang papunta sa loob ng bakuran ng templo at ang layo ay 170 talampakan.

Ang Daanan sa Hilaga

20 Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba at taas ng daanan sa hilaga. Ang daanang ito ay papunta sa labas ng patyo. 21 Ang bawat gilid ng daanan ay may tatlo ring silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito at ang pader sa pagitan, pati ang mga balkonahe nito ay katulad din ng daanan sa silangan. Ang haba ng daanan sa hilaga ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 22 Ang mga bintana, balkonahe at palamuting palma ay katulad din ng nasa silangang daanan. May pitong baitang pataas sa daanan at may balkonahe sa dulo nito. 23 Mayroon ding daanan papunta sa bakuran sa loob, sa gawing hilagang daanan katulad ng daanan sa silangan. Sinukat din ng tao ang layo ng dalawang daanan, at itoʼy 170 talampakan.

Ang Daanan sa Timog

24 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa dakong timog at may nakita akong daanan doon. Sinukat niya ang balkonahe at ang magkabilang pader nito at ang sukat nito ay katulad din ng mga una niyang sinukat. 25 May mga bintana rin ito sa paligid ng daanan, at balkonahe katulad ng iba. Ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 26 Pito ang baitang nito paakyat sa daanan at may balkonahe sa dulo nito. Ang mga pader sa gilid ng daanan ay may mga palamuting palma. 27 Mayroon ding daanan ang bakuran sa loob, na nakaharap sa timog. Sinukat ito ng tao at ang layo mula sa daanang ito hanggang sa daanan sa labas sa timog ay 170 talampakan.

Ang mga Daanan Papunta sa Bakuran sa Loob

28 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa loob. Doon kami dumaan sa daanang nasa timog. Sinukat niya ang daanan at katulad din ito ng iba. 29 Mayroon din itong mga silid na kinaroroonan ng mga guwardya na nagbabantay. Ang laki ng mga silid nito at ang mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe ay katulad din ng iba. Mayroon ding mga bintana sa palibot ng daanan at ng balkonahe. Ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang naman ay 42 at kalahating talampakan. 30 (Ang mga balkonahe ng mga daanan na nakapaligid sa bakuran sa loob ay may habang walong talampakan at may luwang na 42 at kalahating talampakan.) 31 Ang balkonahe ng daanan sa bandang timog ay nakaharap sa bakuran sa labas, at napapalamutian ito ng puno ng palma na nakaukit sa mga pader. May walong baitang paitaas sa daanang ito.

32 Pagkatapos, muli akong dinala ng tao sa bakuran sa loob. Sa gawing silangan kami dumaan. Sinukat niya ang daanan at katulad din ito ng iba. 33 May mga silid din ito na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang laki ng mga silid nito, at mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe nito ay katulad din ng sa iba. Mayroon ding mga bintana sa paligid ng daanan at ng balkonahe. Ang haba naman ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 34 Ang balkonahe nito ay nakaharap sa bakuran sa labas, at may mga palamuting palma na nakaukit sa magkabilang pader. May walong baitang din pataas sa daanang ito.

35 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa daanan sa hilaga. Sinukat niya ang daanang ito at katulad din ito ng iba. 36 May mga silid din ito na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito, at ang mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe ay katulad din ng iba. May mga bintana rin ito sa paligid ng daanan. At ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 37 Ang balkonahe nito ay nakaharap sa bakuran sa labas, at may mga palamuting puno ng palma na nakaukit sa pader. May walong baitang pataas sa daanang ito.

Ang Silid na Pinaghahandaan ng mga Handog

38 Pagkatapos, may nakita akong silid na may pintuan, sa tapat ng balkonahe sa daanang nasa hilaga. Doon sa silid na iyon hinuhugasan ang mga handog na sinusunog. 39 Sa magkabilang panig ng balkonahe ay may dalawang mesa na pinagkakatayan ng mga hayop na handog na sinusunog, handog sa paglilinis at handog na pambayad ng kasalanan.[a] 40 Mayroon pang dalawang mesa sa magkabilang tabi ng hagdan bago umakyat sa daanan sa hilaga. 41 Kaya walong lahat ang mesa na pinagkakatayan ng mga handog. Apat sa balkonahe at apat sa tabi ng daan. 42 Mayroon ding apat na mesa roon na gawa sa tinapyas na bato. Doon inilalagay ang mga kagamitan na pangkatay ng hayop na handog na sinusunog, at iba pang mga handog. Itoʼy 20 pulgada ang taas, ang luwang at haba ay parehong 30 pulgada. 43 Sa palibot ng dingding ng balkonahe ay may mga sabitan na tatlong pulgada ang haba. At naroon sa mga mesa ang mga karneng ihahandog.

Ang mga Silid ng mga Pari

44 May dalawang silid doon sa bakuran sa loob. Ang isa ay nasa tabi ng daanan sa hilaga, nakaharap sa timog at ang isa naman ay nasa tabi ng daanan sa timog, nakaharap sa hilaga. 45 Sinabi sa akin ng tao, “Ang silid na nakaharap sa timog ay para sa mga paring namamahala sa templo, 46 at ang silid na nakaharap sa hilaga ay para sa mga paring namamahala sa altar. Ang mga ito ay mga anak ni Zadok, at sila lang na mga Levita ang pinayagang makalapit at maglingkod sa harap ng Panginoon.” 47 Sinukat ng tao ang luwang ng bulwagan at itoʼy 170 talampakan at ganoon din ang haba. Ang altar ay nasa harap ng templo.

48 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa balkonahe ng templo at sinukat niya ang magkabilang pader ng daanan ng balkonahe, at ang bawat pader ay may taas na walong talampakan at limang talampakan ang kapal. Ang luwang ng daanan ng balkonahe ay 24 na talampakan. 49 Ang haba ng balkonahe ay 35 na talampakan at ang luwang ay 20 talampakan. May sampung baitang ito pataas papunta sa balkonahe at may haligi sa magkabilang tabi.

41 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa Banal na Lugar ng templo. Sinukat niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Banal na Lugar, sampung talampakan ang taas, walong talampakan ang kapal ng pader at 17 talampakan ang luwang ng daanan. Sinukat din niya ang bulwagan ng Banal na Lugar, 68 talampakan ang haba at 35 talampakan ang luwang.

Pagkatapos, pumasok ang tao sa Pinakabanal na Lugar. Sinukat din niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Pinakabanal na Lugar, tatlong talampakan ang kapal ng pader at 12 talampakan ang taas. Sampung talampakan ang luwang ng daanan. Sinukat niya ang bulwagan ng Pinakabanal na Lugar, at 35 na talampakan ang haba nito ganoon din ang luwang. Pagkatapos, sinabi ng tao sa akin, “Ito ang Pinakabanal na Lugar.”

Pagkatapos, sinukat ng tao ang pader ng templo at ang kapal nito ay sampung talampakan. Sa labas ng pader na ito na nakapaligid sa templo ay may sunod-sunod na silid na tig-pipitong talampakan ang luwang. May tatlong palapag ang mga silid na ito at bawat palapag ay may 30 silid. Ang bawat palapag ay nakapatong sa malapad na parang biga sa gilid ng pader ng templo. Kaya hindi na nito kailangan ng mga biga. Ang pader ay papanipis mula sa ibaba pataas, kaya ang mga silid ay unti-unting lumuluwang mula sa unang palapag hanggang sa pangatlong palapag. May hagdanan mula sa unang palapag papunta sa ikalawang palapag hanggang sa ikatlong palapag.

Nakita ko ang templo na nakapatong sa pundasyon na sampung talampakan ang taas, at ito rin ang pundasyon ng mga silid sa gilid ng templo. Ang pader sa bandang labas ng mga silid ay walong talampakan ang kapal. May bukas na bahagi sa pagitan ng mga silid na ito 10 at sa ibang silid na may luwang na 35 na talampakan at nakapaikot sa templo. 11 May dalawang pinto papunta sa mga silid sa gilid mula sa bukas na bahagi, ang isa ay sa gawing hilaga at ang isa ay sa gawing timog. Ang tapat ng bakanteng lugar ay may daanan na ang luwang ay walong talampakan.

12 May nakita akong isang gusali na nakaharap sa bakuran ng templo sa kanluran. Ang luwang ng gusaling ito ay 118 talampakan, at ang haba ay 150 talampakan, at ang kapal ng pader ay walong talampakan. 13 Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba ng templo, at itoʼy 170 talampakan. Ang sukat mula sa likurang bahagi ng templo papunta sa kabilang bahagi ng pader ng gusali sa kanluran ay 170 talampakan. 14 Ang luwang ng bulwagan sa loob sa gawing silangan, sa harap ng templo ay 170 talampakan din.

15 Pagkatapos, sinukat din ng tao ang haba ng gusali sa kanluran na nakaharap sa loob ng bulwagan na likod ng templo, pati ang mga pader sa bawat tabi nito, at ito ay may sukat na 170 talampakan. Ang Banal na Lugar, ang Pinakabanal na Lugar, at ang balkonahe ng templo 16 ay nababalot ng tabla,[b] pati ang palibot ng maliliit na bintana. Ang tatlong silid sa magkabilang daanan ay nababalot din ng tabla mula sa sahig hanggang bintana. Ang mga bintanang ito ay maaaring isara. 17 Ang dingding sa itaas ng pinto na papunta sa Pinakabanal na Lugar ay nababalot din ng mga tabla. Ang buong dingding sa loob ng templo 18 ay napapalamutian ng mga nakaukit na punong palma at mga kerubin na may dalawang mukha. 19 Ang isang kerubin ay mukha ng taong nakaharap sa palma at ang isa naman ay mukha ng leon na nakaharap din sa kabilang palma. Nakaukit ang mga ito sa lahat ng dingding ng templo, 20 mula sa sahig hanggang sa itaas, pati na sa dingding sa labas ng Banal na Lugar.

21 Parisukat ang hamba ng pinto ng Banal na Lugar. Sa harap ng pinto ng Banal na Lugar ay may parang 22 altar na kahoy na limang talampakan ang taas at tatlong talampakan ang haba at tatlo ring talampakan ang luwang. Ang mga sulok, sahig at mga gilid ay puro kahoy. Sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mesa sa harap ng Panginoon.” 23 Ang Banal na Lugar at ang Pinakabanal na Lugar ay may tigdalawang pinto, 24 ang bawat pinto ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 25 Ang pintuan ng Banal na Lugar ay may mga nakaukit na kerubin at punong palma gaya ng sa dingding. At ang balkonahe ay may mga bubong na kahoy. 26 Sa bawat gilid ng balkonahe ay may maliliit na bintanang may nakaukit sa gilid na mga puno ng palma. Ang mga silid sa gilid ng templo ay may bubong din.

2 Pedro 3

Ang Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, pangalawang sulat ko na ito sa inyo. Sa mga sulat ko, sinikap kong gisingin ang kaisipan nʼyo sa kabutihan, sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo ng ilang bagay. Nais kong ipaalala sa inyo ang mga salita ng mga propeta ng Dios noong una at ang utos na ibinigay sa inyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una sa lahat, dapat ninyong maunawaan na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak at susundin ang masasama nilang nasa. Sasabihin nila, “Hindi baʼt nangako si Cristo na babalik siya? Nasaan na siya ngayon? Namatay na ang mga magulang namin pero wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundo.” Sinasadya nilang kalimutan ang katotohanan na nilikha ng Dios ang langit sa pamamagitan ng kanyang salita. At nilikha niya ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig.[a] At sa pamamagitan din ng tubig, bumaha sa mundo at nalipol ang lahat. Sa pamamagitan din ng kanyang salita, itinakdang tupukin ng Dios sa apoy ang kasalukuyang langit at lupa sa Araw ng Paghuhukom at paglipol sa masasama.

Ngunit huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na sa Panginoon, walang pinagkaiba ang isang araw sa isang libong taon. Para sa kanya ang mga ito ay pareho lang. Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ang araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang mawawala ang kalangitan na may nakakapangilabot na ugong. Masusunog ang lupa[b], at mawawala ang lahat ng nasa lupa. 11 Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at makadios, 12 habang hinihintay nʼyo ang araw ng pagdating ng Dios at ginagawa ang makakayanan nʼyo para mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masusunog ang langit sa apoy at matutunaw ang lahat ng nasa lupa sa tindi ng init. 13 Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupa na paghaharian ng katarungan.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang inaasahan nʼyo ang bagay na ito, pagsikapan ninyong mamuhay nang mapayapa, malinis, at walang kapintasan sa paningin niya. 15 Alalahanin nʼyo na kaya hindi pa dumarating ang Panginoon ay para bigyan ng pagkakataong maligtas ang mga tao, gaya nga ng mga isinulat sa inyo ng mahal nating kapatid na si Pablo sa pamamagitan ng karunungang ibinigay sa kanya ng Panginoon. 16 At ito rin ang sinasabi niya sa lahat ng sulat niya. May ilang bahagi sa mga sulat niya na mahirap intindihin, na binibigyan ng maling kahulugan ng mga hangal at mahihina ang pananampalataya, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga Kasulatan. Kaya sila mismo ang nagpapahamak sa sarili nila. 17 Mga minamahal, alam na ninyo ito kahit noon pa. Kaya mag-ingat kayo nang hindi kayo maloko sa pamamagitan ng mga maling aral ng mga taong suwail, at mawalay sa mabuti ninyong kalagayan sa Dios. 18 Sa halip, lumago kayo sa biyaya ng Dios at sa pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®