Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 24-26

Ang Kalderong Kinakalawang

24 Noong ikasampung araw ng ikasampung buwan, nang ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, isulat mo ang petsa ng araw na ito dahil ngayon magsisimula ang paglusob ng hari ng Babilonia sa Jerusalem. Pagkatapos, sabihin mo ang talinghagang ito sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel at ipaalam sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito:

“Maglagay ka ng tubig sa kaldero, lagyan mo ng magandang klase ng karne na mula sa parteng balikat at hita kasama ang mga buto nito. Ang pinakamagandang karne lang ng tupa ang gamitin mo. Pagkatapos, pakuluan mo itong mabuti kasama ang mga buto. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: Nakakaawa ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Ang lungsod na itoʼy tulad ng kalderong kinakalawang at hindi nililinis. Kaya isa-isa mong kunin ang laman nito. Huwag kang mamimili. Sapagkat ang pagpatay niya ay alam ng lahat. Ang dugo ng mga taong pinatay niya ay hinayaan niyang dumanak sa ibabaw ng mga bato at itoʼy nakikita ng lahat. Hindi niya ito tinabunan ng lupa. Nakita ko iyon at hinayaan kong makita iyon ng lahat. Ang mga dugong iyon ay parang sumisigaw sa akin na ipaghiganti ko sila.

“Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: ‘Nakakaawa ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Mag-iipon ako ng mga panggatong para sunugin sila. 10 Sige, dagdagan pa ninyo ang panggatong at sindihan. Pakuluan ninyo ang karne hanggang sa matuyo[a] ang sabaw at masunog pati ang mga buto. 11 Pagkatapos, ipatong ninyo ang kalderong wala nang laman sa mga baga hanggang sa magbaga rin ito. At sa ganitong paraan, lilinis ang kaldero at masusunog pati ang mga kalawang. 12 Pero kahit ganito ang gawin mo, hindi pa rin maaalis ng apoy ang kalawang.’

13 O Jerusalem, ang kahalayan mo ang dumungis sa iyo. Pinagsikapan kong linisin ka, ngunit ayaw mong magpalinis. Kaya mananatili kang marumi hanggaʼt hindi ko naibubuhos ang matinding galit ko sa iyo. 14 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, dumating na ang panahon ng aking pagpaparusa at walang makapipigil sa akin. Hindi na kita kahahabagan at hindi na magbabago ang isip ko. Hahatulan kita ayon sa iyong pamumuhay at mga ginawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Pagpatay sa Asawa ni Ezekiel

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, 16 “Anak ng tao, kukunin kong bigla ang babaeng pinakamamahal mo. Ngunit huwag mo siyang ipagluluksa o iiyakan man. 17 Maaari kang magbuntong-hininga pero huwag mong ipapakita ang kalungkutan mo. Huwag mong alisin ang turban mo at sandalyas. Huwag mong tatakpan ang mukha mo para ipakitang nagluluksa ka. Huwag ka ring kumain ng pagkaing ibinibigay para sa namatayan.”

18 Kinaumagahan, sinabi ko ito sa mga tao, at kinagabihan din ay namatay ang asawa ko. Nang sumunod na umaga, sinunod ko ang iniutos sa akin ng Panginoon. 19 Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang gusto mong sabihin sa ginagawa mong iyan?” 20-21 Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Panginoong Dios na sabihin ko ito sa mga mamamayan ng Israel: Nakahanda na akong dungisan ang aking templo na siyang sagisag ng ipinagmamalaki ninyong kapangyarihan, ang inyong kaligayahan at pinakamamahal. Mamamatay sa digmaan ang mga anak ninyong naiwan sa Jerusalem. 22 At gagawin ninyo ang ginawa ni Ezekiel. Hindi ninyo tatakpan ang inyong mukha at hindi kayo kakain ng pagkaing ibinibigay sa namatayan. 23 Hindi nʼyo rin aalisin ang mga turban ninyo at sandalyas. Hindi kayo magluluksa o iiyak man. Manghihina kayo dahil sa mga kasalanan ninyo at magsisidaing sa isaʼt isa. 24 Magiging halimbawa sa inyo si Ezekiel. Ang mga ginawa niya ay gagawin nʼyo rin. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ako ang Panginoong Dios.”

25 Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, sa oras na gibain ko na ang templo na siyang kanilang kanlungan, ipinagmamalaki, kaligayahan at pinakamamahal, at kapag pinatay ko na ang kanilang mga anak, 26 may makakatakas mula sa Jerusalem na siyang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. 27 Sa araw na iyon, muli kang makakapagsalita at makakapag-usap kayong dalawa. Magiging babala ka sa mga tao, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”

Ang Mensahe Laban sa Ammon

25 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, humarap ka sa lugar ng Ammon at sabihin mo ito laban sa kanya. Sabihin mo sa kanyang mga mamamayan na makinig sa akin, dahil ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Dahil natuwa kayo nang gibain ang aking templo, nang wasakin ang Israel at bihagin ang mga taga-Juda, ipapasakop ko kayo sa mga tao sa silangan at magiging pagmamay-ari nila kayo. Magkakampo sila sa inyo, at kakainin nila ang inyong mga prutas at iinumin ang inyong gatas. Gagawin kong pastulan ng mga kamelyo ang lungsod ng Rabba, at ang buong Ammon ay gagawin kong pastulan ng mga tupa. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: ‘Dahil pumalakpak kayo at lumundag sa tuwa sa pagkutya sa Israel, parurusahan ko kayo. Ipapaubaya ko kayo sa ibang bansa para kunin ang mga ari-arian ninyo. Lilipulin ko kayo at uubusin hanggang wala nang matira sa inyo, at malalaman ninyong ako ang Panginoon.’ ”

Ang Mensahe Laban sa Moab

Sinabi ng Panginoong Dios, “Ang Moab, na tinatawag ding Seir ay nagsasabing ang Juda ay katulad lang din ng ibang bansa. Kaya ipapalusob ko ang mga bayan sa mga hangganan ng Moab, kasama ang ipinagmamalaki nilang bayan ng Bet Jeshimot, Baal Meon at Kiriataim. 10 Ipapasakop ko ang mga ito sa mga tao sa silangan at aariin din silang katulad ng mga taga-Ammon. At ang Ammon ay hindi na maituturing na isang bansa, ganoon din ang Moab. 11 Parurusahan ko ang Moab, at malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Ang Mensahe Laban sa Edom

12 Sinabi ng Panginoong Dios, “Gumanti ang Edom sa Juda at dahil ditoʼy nagkasala ang Edom. 13 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, parurusahan ko ang Edom. Papatayin ko ang mga mamamayan at mga hayop niya. Gagawin ko itong mapanglaw, mula sa Teman hanggang sa Dedan. Mamamatay ang mga mamamayan nito sa digmaan. 14 Maghihiganti ako sa Edom sa pamamagitan ng mga mamamayan kong Israelita. Parurusahan nila ang mga taga-Edom ayon sa matinding galit ko sa kanila, at malalaman ng mga taga-Edom kung paano ako maghiganti. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Mensahe Laban sa Filistia

15 Sinabi ng Panginoong Dios, “Nagplano ang mga Filisteo na paghigantihan ang Juda dahil sa matagal na nilang alitan. 16 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga Filisteo. Papatayin ko ang mga Kereteo[b] pati ang mga nakatira sa tabing-dagat. 17 Sa aking galit, maghihiganti ako at parurusahan ko sila. At kapag nakapaghiganti na ako sa kanila, malalaman nilang ako ang Panginoon.”

Ang Mensahe Laban sa Tyre

26 Noong unang araw ng buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, natuwa ang mga taga-Tyre nang mawasak ang Jerusalem. Ang sabi nila, ‘Nawasak na ang pangunahing pinupuntahan ng mga mangangalakal kaya dito na sila pupunta sa atin at tayo naman ang uunlad.’ Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing kakalabanin ko ang Tyre. Ipasasalakay ko sila sa maraming bansa, darating ang mga ito na parang rumaragasang alon. Gigibain ang mga pader niya at wawasakin ang kanyang mga tore. Kakalkalin nila ang lupain niya hanggang sa walang matira kundi mga bato. At magiging bilaran na lang ito ng mga lambat ng mangingisda. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Ipauubaya ko ang Tyre sa ibang mga bansa at sasamsamin nila ang mga ari-arian niya. Ang mga mamamayan niya sa mga bukid ay papatayin sa pamamagitan ng espada, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”

Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Mga taga-Tyre, ipasasalakay ko kayo sa hari ng mga hari, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakay siya mula sa hilaga kasama ang maraming sundalo, mga karwahe, mga kabayo at mga mangangabayo. Ang mga mamamayan ninyo sa baryo ay ipapapatay niya sa pamamagitan ng espada. Sasalakay ang kanyang mga sundalo dala ang mga pangwasak ng pader, at tatambakan nila ng lupa ang gilid ng inyong mga pader para maakyat ito. Ipapawasak niya ang mga pader ninyo sa pamamagitan ng trosong pangwasak nito at ang mga tore ninyo sa pamamagitan ng maso. 10 Matatabunan kayo ng alikabok dahil sa dami ng kabayong gagamitin niya sa pagsalakay. Mayayanig ang mga pader ninyo dahil sa yabag ng mga kabayo at karwaheng papasok sa giba ninyong lungsod. 11 Mapupuno ng nagtatakbuhang kabayo ang mga lansangan ninyo at papatayin nila ang mga mamamayan ninyo sa pamamagitan ng espada. Mabubuwal ang matitibay na haligi ninyo. 12 Sasamsamin nila ang mga kayamanan at paninda ninyo. Wawasakin din nila ang mga pader at magagandang bahay ninyo. At itatapon nila sa dagat ang mga bato, kahoy at ang mga matitira sa winasak. 13 Patitigilin ko ang mga awitan ninyo at pagtugtog ng alpa. 14 Ang lugar ninyo ay gagawin kong isang malapad na bato at magiging tuyuan na lang ng lambat ng mga mangingisda. Hindi na maitatayong muli ang lungsod ninyo. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

15 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa mga taga-Tyre, “Ang mga nakatira sa tabing-dagat ay manginginig sa takot kapag narinig nila ang pagkawasak ninyoʼt pagkamatay, at ang pagdaing ng inyong mga sugatan. 16 Ang mga hari sa mga tabing-dagat ay bababa sa kanilang trono, huhubarin ang kanilang mga damit panghari at naggagandahang damit-panloob. Uupo sila sa lupa na nanginginig sa takot dahil sa sinapit mo. 17 At tataghoy sila nang ganito para sa iyo: Paano kang bumagsak, ikaw na tanyag na lungsod na tinatahanan ng mga tao sa tabing-dagat? Makapangyarihan ka sa karagatan at kinatatakutan ng lahat. 18 At ngayon, ang mga nakatira sa tabing-dagat ay nanginginig sa takot dahil sa iyong pagkawasak.”

19 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “O Tyre, magiging mapanglaw kang lungsod, isang lungsod na walang nakatira. Ibabaon kita sa malalim na tubig. 20 Ililibing kita sa kailaliman kasama ng mga tao noong unang panahon. Mananatili kang wasak sa ilalim ng lupa kasama ng mga taong naibaon doon, at hindi ka na makakabalik sa lugar ng mga buhay. 21 Tatapusin na kita, at nakakatakot ang magiging katapusan mo. Mawawala ka na at kahit hanapin ka, hindi ka na matatagpuan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

1 Pedro 2

Dahil ipinanganak na kayong muli, talikuran nʼyo na ang lahat ng uri ng kasamaan: pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at lahat ng paninirang-puri. Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espiritwal, upang lumago kayo hanggang makamtan nʼyo ang ganap na kaligtasan ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. Siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao pero pinili ng Dios at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya, kayo na tulad din ng batong buhay ay itinatayo ng Dios bilang isang gusaling espiritwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Dios, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espiritwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan,

“May pinili akong maghahari sa Zion.
Tulad niyaʼy mahalagang bato na ginawa kong pundasyon.
Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”[a]

Kaya kayong sumasampalataya ay pararangalan ng Dios. Ngunit sa taong hindi sumasampalataya ay naganap ang sinasabi sa Kasulatan,

“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.”[b]

“Ang batong ito ay naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.”[c]

Natitisod sila dahil ayaw nilang sundin ang salita ng Dios; ganoon ang nakatalaga para sa kanila. Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 10 Datiʼy hindi kayo mga taong sakop ng Dios, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Dios, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo.

11 Mga minamahal, mga dayuhan kayong nakikitira lang sa mundong ito. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu. 12 Sa lahat ng oras, ipakita nʼyo sa mga taong hindi kumikilala sa Dios ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa nʼyo at luluwalhatiin nila ang Dios sa araw ng pagdating niya.

Magpasakop Kayo sa mga Tagapamahala ng Bayan

13 Alang-alang sa Panginoon, magpasakop kayo sa lahat ng tagapamahala ng bayan, maging sa emperador na may pinakamataas na kapangyarihan 14 o sa mga gobernador na sinugo ng Dios para magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Dios, na sa pamamagitan ng mabubuti ninyong gawa ay walang masabi ang mga hangal na walang alam sa katotohanan. 16 Malaya nga kayo, pero hindi ito nangangahulugang malaya na kayong gumawa ng masama, kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Dios. 17 Igalang nʼyo ang lahat ng tao at mahalin nʼyo ang mga kapatid ninyo kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Dios, at igalang ninyo ang Emperador.

Tularan Ninyo si Cristo

18 Mga alipin, sundin ninyo nang may takot sa Dios ang mga amo ninyo, hindi lang ang mababait kundi pati ang malulupit. 19 Sapagkat pagpapalain kayo ng Dios kung tinitiis ninyo ang mga pagpapahirap kahit wala kayong kasalanan dahil sa nais ninyong sundin ang kalooban niya. 20 Pero kung parusahan kayo dahil sa ginagawa ninyong masama, wala ring kabuluhan kahit tiisin ninyo ito. Ngunit kung pinaparusahan kayo kahit mabuti ang ginagawa ninyo, at tinitiis ninyo ito, kalulugdan kayo ng Dios. 21 Ang mga pagdurusa ni Cristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan. Ito ang dahilan kung bakit tayo tinawag, para tularan natin ang buhay ni Cristo. 22 Hindi siya nagkasala o nagsinungaling man. 23 Ininsulto siya pero hindi siya gumanti ng insulto. Pinahirapan siya pero hindi siya nagbanta. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Dios na humahatol nang makatarungan. 24 Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo. 25 Para tayong mga tupang naligaw noon, pero nakabalik na tayo ngayon sa Panginoon na Tagapag-alaga at Tagapagbantay ng ating buhay.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®