Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 5-7

Ang Pagkagiba ng Jerusalem

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada at gamitin mong pang-ahit ng iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo ang buhok moʼt balbas at hatiin ito sa tatlong bahagi. Ang unang bahagi ay ilagay mo sa tisa na ginuhitan mo ng lungsod ng Jerusalem. Sunugin mo ito sa gitna ng lungsod matapos mong maipakita ang pagkubkob nito. Ang ikalawang bahagi ay ilagay mo sa palibot ng lungsod at pagputol-putulin sa pamamagitan ng espada mo. At ang natirang bahagi ay isaboy mo sa hangin dahil ikakalat ko ang mga mamamayan ko sa pamamagitan ng espada. Pero magtira ka ng kaunting buhok at balutin mo ito ng iyong damit. Kumuha ka ng iilan at sunugin mo sa apoy. Mula rito, kakalat ang apoy at masusunog ang buong Israel.

Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ito ang kahihinatnan ng Jerusalem, ang lungsod na ginawa kong pinakasentro sa buong daigdig. Nilabag niya ang mga utos ko at naging mas masama pa kaysa sa ibang mga bansang nasa palibot nito. Itinakwil niya ang mga utos at mga tuntunin ko. Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga taga-Jerusalem, mas masama pa kayo kaysa sa mga bansang nasa palibot ninyo. Hindi ninyo sinunod ang mga utos at mga tuntunin ko, o sinunod[a] man ang mga tuntunin ng mga bansang nasa palibot ninyo. Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay laban sa inyo. Parurusahan ko kayo sa harap ng mga bansa. Sapagkat kasuklam-suklam ang mga ginagawa ninyo, gagawin ko sa inyo ang hindi ko pa nagagawa at hindi ko na ito gagawin pa pagkatapos. 10 Kakainin ng mga magulang ang mga anak nila at kakainin naman ng mga anak ang mga magulang nila. Parurusahan ko kayo at ang natitira pa sa inyo ay pangangalatin ko sa buong daigdig. 11 Ako, ang buhay na Panginoong Dios, ay sumusumpang lilipulin ko kayo. Hindi ko kayo kahahabagan dahil dinungisan ninyo ang aking templo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan at paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay mamamatay sa gutom at sakit sa lungsod. Ang ikalawang bahagi ay mamamatay sa labas ng lungsod sa pamamagitan ng espada. At ang ikatlong bahagi ay pangangalatin ko sa buong daigdig at patuloy kong uusigin.[b]

13 “Kapag nangyari na ito, huhupa na ang matindi kong galit, at makakaganti na ako sa inyo. Kapag naipadama ko na ito sa inyo, malalaman ninyo na ako ang Panginoong nakipag-usap sa inyo dahil sa labis kong pagkapoot. 14 Wawasakin ko ang inyong lungsod at kukutyain kayo ng mga bansang nakapalibot sa inyo at ng mga taong dumadaan sa lugar ninyo. 15 Hihiyain, kukutyain, at pandidirian kayo ng mga bansa sa paligid ninyo dahil sa nangyari sa inyo. Magiging babala kayo sa kanila sa panahon ng aking pagpaparusa sa inyo dahil sa matindi kong galit. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 16 Padadalhan ko kayo ng taggutom na parang pana na pupuksa sa inyo. Titindi nang titindi ang taggutom hanggang sa wala na kayong makain. 17 Maliban sa taggutom, padadalhan ko rin kayo ng malulupit na hayop at lalapain nila ang mga anak ninyo. Mamamatay din kayo sa sakit at mga digmaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang mga Ipinapasabi Laban sa mga Bundok ng Israel

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel at sabihin mo ito sa kanila: O mga bundok ng Israel, mga burol, mga lambak, at mga kapatagan, dinggin ninyo ang sinasabi ng Panginoong Dios: Padadalhan ko kayo ng digmaan at gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar.[c] Gigibain ko ang mga altar ninyo pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso at papatayin ko ang mamamayan ninyo sa harap ng inyong mga dios-diosan. Ikakalat ko ang mga bangkay ninyong mga Israelita sa harap ng inyong mga dios-diosan at ikakalat ko rin ang mga buto ninyo sa palibot ng inyong mga altar. Ang bawat bayan ninyo sa Israel ay wawasakin para masira ang mga sambahan ninyo sa matataas na lugar, mga dios-diosan at mga altar pati na ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso at ang iba pang ginawa ninyo. Mamamatay ang inyong mga mamamayan at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

“Pero may ititira ako sa inyo mula sa digmaan. Makakatakas ang iba at mangangalat sa ibang bansa bilang mga bihag. Doon nila ako maaalala at maiisip na nila kung paano ako nagdamdam nang magtaksil sila sa akin at higit nilang pinahalagahan ang mga dios-diosan. Masusuklam sila sa sarili nila dahil sa masama at kasuklam-suklam nilang ginawa. 10 At malalaman nilang ako ang Panginoon, at totoo ang babala na ipinasabi ko na gagawin ko sa kanila.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoong Dios, “Pumalakpak ka at pumadyak at sabihin mo, ‘Mabuti nga sa mga mamamayan ng Israel, dahil sa lahat ng masasama at kasuklam-suklam nilang ginawa. Ito ang dahilan kung bakit mamamatay sila sa digmaan, gutom at sakit. 12 Ang mga nasa malayo ay mamamatay sa sakit. Ang nasa malapit ay mamamatay sa digmaan. At ang natitira ay mamamatay sa gutom. Sa ganitong paraan, madadama nila ang galit ko sa kanila. 13 At malalaman nilang ako ang Panginoon kapag ang bangkay ng mga kababayan nila ay kumalat kasama ng kanilang mga dios-diosan sa palibot ng kanilang mga altar, burol, tuktok ng bundok, malalaking punongkahoy at mayayabong na punong ensina sa lugar na pinaghahandugan nila ng insenso para sa lahat ng kanilang dios-diosan. 14 Parurusahan ko sila saan man sila tumira, at gagawin kong mapanglaw ang lupain nila mula sa disyerto sa timog hanggang sa Dibla sa hilaga, at malalaman nila na ako ang Panginoon.’ ”

Malapit na ang Katapusan ng Israel

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa bansang Israel, ‘Ito na ang katapusan ng buong lupain ng Israel. Katapusan na ninyo, dahil ipadarama ko na ang galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo at pagbabayarin ko na kayo ayon sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa ninyo. Hindi ko na kayo kahahabagan. Hahatulan ko kayo sa inyong pamumuhay at sa inyong kasuklam-suklam na ginawa, para malaman ninyo na ako ang Panginoon.’

Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Darating sa inyo ang sunod-sunod na kapahamakan. Ito na ang wakas! Ang katapusan ninyo, kayong mga nakatira sa lupain ng Israel. Dumating na sa inyo ang kapahamakan. Malapit na ang oras na magkakagulo kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo sa mga kabundukan. Hindi magtatagal at ipadarama ko na sa inyo ang matindi kong galit. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo, at pagbabayarin ko kayo sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. Hindi ko kayo kahahabagan. Pagbabayarin ko kayo ayon sa inyong pamumuhay at sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. At ditoʼy malalaman ninyong ako, ang Panginoon, ang nagparusa sa inyo.

10 “Malapit na ang araw ng pagpaparusa. Darating na ang kapahamakan. Sukdulan na ang kasamaan at kayabangan ng mga tao. 11 Ang kalupitan nilaʼy babalik sa kanila bilang parusa sa kasamaan nila. Walang matitira sa kanila, pati ang lahat ng kayamanan nila ay mawawala. 12 Oo, malapit na ang araw ng pagpaparusa. Hindi na ikatutuwa ng mga mamimili ang naitawad nila at hindi na rin malulungkot ang mga naluging nagbebenta, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko. 13 Kung may mga nagbebenta mang makakabawi, hindi na sila makakabalik sa pagtitinda dahil ang mga sinabi ko tungkol sa buong bansa ng Israel ay hindi na mababago. Hindi maililigtas ng bawat gumagawa ng kasamaan ang kanyang buhay. 14 Kahit na hipan pa nila ang trumpeta para ihanda ang lahat sa pakikipaglaban, wala ring pupunta sa labanan, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.

15 “Ang sinumang lalabas ng lungsod ay mamamatay sa digmaan. Ang mananatili naman sa loob ng lungsod ay mamamatay sa sakit at gutom. 16 Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan. 17 Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod. 18 Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok para ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila. 19 Itatapon nila sa mga lansangan ang mga pilak at ginto nila na parang maruruming bagay. Hindi sila maililigtas ng mga ito sa araw na ipadama ko ang aking poot. Hindi rin nila ito makakain para mabusog sila dahil ito ang dahilan kung bakit sila nagkasala. 20 Ipinagmamalaki nila ang mga naggagandahan nilang hiyas na siyang ginamit nila para gumawa ng mga kasuklam-suklam na dios-diosan. Kaya gagawin kong marumi ang mga bagay na ito para sa kanila. 21 Ipapasamsam ko ito sa masasamang dayuhan at dudungisan nila ito. 22 Pababayaan kong lapastanganin nila at nakawan ang aking templo. Papasukin at lalapastanganin ito ng mga magnanakaw.

23 “Bibihagin ang aking mga mamamayan dahil puro patayan at puno ng kaguluhan ang kanilang lungsod. 24 Ipakakamkam ko sa mga masasamang bansa ang mga bahay nila. Tatapusin ko ang pagmamataas ng kanilang mga makapangyarihang tao,[d] at ipalalapastangan ko ang mga sambahan nila. 25 Darating sa kanila ang takot at maghahanap sila ng kapayapaan pero hindi nila ito matatagpuan. 26 Darating sa kanila ang sunud-sunod na panganib at masasamang balita. Magtatanong sila sa mga propeta, pero wala silang matatanggap na kasagutan. Magpapaturo sila sa mga pari at hihingi ng payo sa mga tagapamahala, pero hindi sila tuturuan at papayuhan. 27 Magdadalamhati ang hari at mawawalan ng pag-asa ang mga tagapamahala niya. Ang mga taoʼy manginginig sa takot. Parurusahan ko sila ayon sa kanilang pamumuhay. Hahatulan ko sila kung paano nila hinatulan ang iba. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Hebreo 12

Ang Dios na Ama Natin

12 Napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Dios. Kaya talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios.

Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob. Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:

    “Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,
    at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.
Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
    at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”[a]

Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin. 10 Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. 11 Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.

Mga Babala at Bilin

12 Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob. 13 Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas. 14 Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo. Sapagkat kung hindi banal ang pamumuhay nʼyo, hindi nʼyo makikita ang Panginoon. 15 Ingatan nʼyo na walang sinuman sa inyo ang tatalikod sa biyaya ng Dios. At huwag ninyong hayaang umiral ang samaan ng loob sa inyo at marami ang madamay. 16 Ingatan din ninyo na walang sinuman sa inyo ang gagawa ng sekswal na imoralidad o mamumuhay nang gaya ni Esau, na hindi pinahalagahan ang mga espiritwal na bagay, dahil ipinagpalit niya ang karapatan niya bilang panganay sa isang kainan.[b] 17 At alam nʼyo na rin na pagkatapos ay hiningi ni Esau sa kanyang ama ang pagpapalang nauukol sa panganay, pero tinanggihan siya. Sapagkat hindi na mababago ang ginawa niya anumang pagsisikap at pag-iyak ang gawin niya.

18 Ang paglapit nʼyo sa Dios ay hindi katulad ng paglapit ng mga Israelita noon. Lumapit sila sa isang bundok na nakikita nila – ang Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, may kadiliman at malakas na hangin. 19 Nakarinig din sila ng tunog ng trumpeta at boses ng nagsasalita. At nang marinig nila ang boses na iyon, nagmakaawa silang huwag na itong magsalita pa sa kanila 20 dahil hindi nila makayanan ang utos na ito: “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.”[c] 21 Tunay na kakila-kilabot ang tanawing iyon, kaya maging si Moises ay nagsabi, “Nanginginig ako sa takot!”[d]

22 Ngunit hindi ganito ang paglapit nʼyo sa Panginoon. Dahil ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng Dios na buhay, ang Jerusalem na nasa langit na may libu-libong anghel na nagtitipon nang may kagalakan. 23 Lumapit kayo sa pagtitipon[e] ng mga itinuturing na mga panganay ng Dios, na ang mga pangalan nila ay nakasulat sa langit. Lumapit kayo sa Dios na siyang hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios at ginawa na niyang ganap. 24 Lumapit kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan. Ang kasunduang itoʼy pinagtibay ng kanyang dugo na higit na mabuti kaysa sa dugo ni Abel na humihingi ng katarungan.

25 Kaya mag-ingat kayo at huwag tanggihan ang Dios na nagsasalita sa atin. Ang mga tao noon na hindi nakinig sa mga propeta rito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa. Paano kaya tayo makakaligtas kung hindi natin pakikinggan ang nagsasalita mula sa langit? 26 Yumanig noon ang lupa nang magsalita ang Dios. At ngayon ay nangako siya, “Minsan ko pang yayanigin ang mundo, pati na rin ang langit.”[f] 27 Ang katagang “minsan pa” ay nagpapahiwatig na aalisin ng Dios ang lahat ng nilikha niya na nayayanig, para manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. 28 Kaya magpasalamat tayo sa Dios dahil kabilang na tayo sa kaharian niya na hindi nayayanig. Sambahin natin siya sa paraang kalugod-lugod, na may takot at paggalang sa kanya, 29 dahil kapag nagparusa ang ating Dios, itoʼy parang apoy na nakakatupok.[g]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®