Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Panaghoy 3-5

Isa ako sa mga nakaranas ng parusa ng Panginoon dahil sa kanyang galit. Pinalayas niya ako at pinalakad sa dilim sa halip na sa liwanag. Paulit-ulit niya akong pinarusahan araw at gabi. Pinahina ang aking katawan at binali ang aking mga buto. Sinalakay niya ako at ibinilanggo sa paghihirap at pagdurusa. Inilagay sa kadiliman na parang isang tao na matagal nang patay. Kinadena niya ako at ikinulong upang hindi makatakas. Kahit na humingi ako ng tulong, hindi niya ako pinakinggan. Hinarangan niya ng pader ang aking landas, at pinaliku-liko ang aking dadaanan. 10 Para siyang oso o leon na nag-aabang upang salakayin ako. 11 Kinaladkad ako palayo sa daan at pagkatapos ay nilapa at iniwan. 12 Iniumang niya ang kanyang pana at itinutok sa akin. 13 Pinana niya ako at tumagos ito sa puso ko. 14 Naging katawa-tawa ako sa aking mga kalahi. Buong araw nila akong inaawitan ng pangungutya. 15 Pinuno niya ako ng labis na kapaitan. 16 Nabungi ang mga ngipin ko dahil pinakain niya ako ng graba, at saka tinapak-tapakan niya ako sa lupa. 17 Inalis niya ako sa maganda kong kalagayan at hindi ko na naranasan ang kasaganaan.

18 Nawala na ang karangalan ko at lahat ng pag-asa sa Panginoon. 19 Napakasakit isipin ang mga paghihirap at pagdurusa ko. 20 At kung palagi ko itong iisipin, manghihina ako. 21 Pero nanunumbalik ang pag-asa ko kapag naaalala ko na 22 ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol. 23 Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon! 24 Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang Panginoon ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.” 25 Mabuti ang Panginoon sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya. 26 Mabuting matiyagang maghintay sa pagliligtas ng Panginoon. 27 Mabuti para sa isang tao na kahit bata pa ay matuto nang sumunod. 28 Kapag tinuturuan tayo ng Panginoon, tumahimik tayo at pag-isipan itong mabuti. 29 Magpakumbaba tayo sa harap ng Panginoon at huwag mawalan ng pag-asa. 30 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa ang kabila. At tanggapin mo rin ang pangungutya ng iyong mga kaaway. 31 Dahil hindi tayo itatakwil ng Panginoon magpakailanman. 32 Pero kahit nagpaparusa siya, ipinapakita pa rin niya ang kanyang habag at ang napakalakiʼt walang hanggan niyang pag-ibig sa atin. 33 Dahil hindi siya natutuwa na tayoʼy saktan o pahirapan.

34 Ayaw ng Panginoon na apihin ang mga bilanggo, 35 o balewalain ang karapatan ng tao. 36 Ayaw din ng Kataas-taasang Dios na ipagkait ang katarungan sa sinumang tao. Nakikita niya ang lahat ng ito.

37 Walang anumang bagay na nangyayari na hindi pinahihintulutan ng Panginoon. 38 Ang Kataas-taasang Dios ang nagpapasya kung ang isang bagay na mabuti o masama ay mangyayari. 39 Kaya bakit tayo magrereklamo kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan? 40 Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa Panginoon. 41 Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Dios na nasa langit at sabihin: 42 Panginoon, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo, at hindi nʼyo kami pinatawad. 43 Nagalit kayo sa amin at inusig kami at walang awang pinatay. 44 Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili para hindi nʼyo marinig ang aming mga dalangin. 45 Ginawa nʼyo kaming parang basura sa paningin ng ibaʼt ibang bansa. 46 Kinutya kami ng lahat ng aming mga kaaway. 47 Dumanas kami ng matinding takot, panganib, pagkasira at kapahamakan.”

48 Napaluha ako dahil sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi.

49 Patuloy akong iiyak 50 hanggang sa tumunghay ang Panginoon mula sa langit. 51 Labis akong nasaktan sa sinapit ng mga kababaihan ng aking lungsod.

52 Hinahabol ako ng aking mga kaaway na parang isang ibon, kahit na wala naman akong nagawang kasalanan sa kanila. 53 Sinubukan nila akong patayin sa pamamagitan ng pambabato at paghulog sa balon. 54 Halos malunod na ako at ang akala koʼy mamamatay na ako.

55 Doon sa ilalim ng balon, tumawag ako sa inyo Panginoon. 56 Pinakinggan nʼyo ang pagmamakaawa ko at paghingi ng tulong. 57 Dumating kayo nang akoʼy tumawag at sinabi nʼyong huwag akong matakot. 58 Tinulungan nʼyo ako sa problema ko Panginoon, at iniligtas nʼyo ang buhay ko. 59 Panginoon, nakita nʼyo ang kasamaang ginawa sa akin ng aking mga kaaway, kaya bigyan nʼyo ako ng katarungan. 60 Alam nʼyo kung paano nila ako pinaghigantihan at ang lahat ng binabalak nila laban sa akin. 61 Napakinggan nʼyo, O Panginoon, ang mga pangungutya nila at alam nʼyo ang lahat ng binabalak nila laban sa akin. 62 Buong araw nilang pinag-uusapan ang pinaplano nilang masama laban sa akin. 63 Masdan nʼyo, nakaupo man sila o nakatayo, kinukutya nila ako sa pamamagitan ng pag-awit. 64 Panginoon, parusahan nʼyo sila ayon sa kanilang ginagawa. 65 Patigasin nʼyo ang mga puso nila at sumpain nʼyo sila. 66 Sa galit nʼyo Panginoon, habulin nʼyo sila at lipulin nang mawala na sila sa mundong ito.

Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay tulad ng kumupas na ginto o ng mamahaling bato na nagkalat sa lansangan. Kung katulad sila ng tunay na ginto noon, ngayon namaʼy itinuturing na parang mga palayok na gawa sa putik. Kahit na ang mga asong-gubat ay pinasususo ang kanilang mga tuta, pero ang mga mamamayan koʼy naging malupit sa kanilang mga anak, gaya ng malalaking ibon[a] sa disyerto.

Dumidikit na sa ngala-ngala ng mga sanggol ang mga dila nila dahil sa uhaw. Humihingi ng pagkain ang mga bata pero walang nagbibigay sa kanila. Ang mga taong dati ay kumakain ng masasarap, ngayoʼy namamatay na sa gutom sa mga lansangan. Ang mga dating lumaking mayaman, ngayoʼy naghahalungkat ng makakain sa mga basurahan. Ang parusa sa aking mga kababayan ay higit pa sa parusa sa mga taga-Sodom, na biglang winasak ng Dios at ni walang tumulong. Ang mga pinuno ng Jerusalem, nooʼy malulusog at malalakas ang katawan. Nakakasilaw ang kanilang kaputian gaya ng snow o gatas, at mamula-mula ang kutis tulad ng mga mamahaling bato. Pero ngayon, hindi na sila makilala at mas maitim pa kaysa sa uling. Mga butoʼt balat na lamang sila at parang kahoy na natuyo. Di-hamak na mas mabuti pa ang mga namatay sa digmaan kaysa sa mga namatay sa gutom na unti-unting namatay dahil sa walang makain. 10 At dahil sa kapahamakang ito na nangyari sa aking mga kababayan, ang mga mapagmahal na ina ay napilitang iluto ang sarili nilang mga anak para kainin dahil sa labis na gutom.

11 Ibinuhos ng Panginoon ang matindi niyang poot sa Jerusalem, sinunog niya ito pati na ang pundasyon nito. 12 Hindi makapaniwala ang mga hari sa buong mundo pati na ang kanilang mga nasasakupan, na mapapasok ng mga kaaway ang mga pintuan ng Jerusalem. 13 Pero nangyari ito dahil sa kasalanan ng mga propeta at mga pari nito na pumatay ng mga taong walang kasalanan. 14 Sila ngayon ay nangangapa sa mga lansangan na parang mga bulag. Puno ng dugo ang kanilang mga damit, kaya walang sinumang nagtangkang humipo sa kanila. 15 Pinagsisigawan sila ng mga tao, “Lumayo kayo! Marumi kayo. Huwag nʼyo kaming hipuin.” Kaya lumayo silaʼt nagpalaboy-laboy sa ibang mga bansa pero walang tumanggap sa kanila. 16 Ang Panginoon ang siyang nagpangalat sa kanila at hindi na niya sila pinapansin. Hindi na iginagalang ang mga pari at ang mga tagapamahala.

17 Lumalabo na ang aming paningin sa kahihintay ng tulong ng aming mga kakamping bansa, pero hindi sila tumulong sa amin. Sa mga tore namin ay nagbantay kami at naghintay sa pagdating ng mga bansang ito na hindi rin makapagliligtas sa amin. 18 Binabantayan ng mga kaaway ang mga kilos namin. Hindi na kami makalabas sa mga lansangan. Bilang na ang mga araw namin; malapit na ang aming katapusan. 19 Ang mga kaaway na tumutugis sa amin ay mas mabilis pa kaysa sa agila. Tinutugis kami sa mga bundok at inaabangan kami sa disyerto para salakayin. 20 Nahuli nila ang aming hari na hinirang ng Panginoon, ang inaasahan naming mangangalaga sa amin mula sa mga kaaway naming bansa.

21 Magalak kayo ngayon, mga angkan ni Edom na nakatira sa lupain ng Uz. Dahil kayo man ay paiinumin din sa tasa ng parusa ng Panginoon. Malalasing din kayo at malalagay sa kahihiyan. 22 Mga taga-Jerusalem, matatapos na ang parusa ninyo. Hindi magtatagal ay pauuwiin na kayo ng Panginoon mula sa lugar na ito na pinagdalhan sa inyo nang bihagin kayo. Pero kayong mga taga-Edom, parurusahan kayo ng Panginoon dahil sa inyong mga kasalanan at ibubunyag niya ang inyong kasamaan.

Panginoon, alalahanin nʼyo po ang nangyari sa amin. Masdan nʼyo ang dinanas naming kahihiyan. Kinuha ng mga dayuhan ang mga lupaʼt bahay namin. Naulila kami sa ama, kaya nabiyuda ang aming mga ina. Kinakailangang bayaran pa namin ang tubig na aming iniinom at ang kahoy na aming ipinanggagatong. Pinagtatrabaho kaming parang mga hayop at hindi man lang pinagpapahinga. Nagpasakop kami sa mga taga-Egipto at Asiria para magkaroon ng pagkain. Ang mga ninuno naming patay na ang nagkasala pero kami ngayon ang nagdurusa dahil sa kanilang kasalanan. Napailalim kami sa mga alipin at walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay. Sa paghahanap namin ng pagkain, nanganib ang aming mga buhay sa mga armadong tao sa disyerto. 10 Nilalagnat kami dahil sa matinding gutom, at ang aming katawan ay kasing init ng pugon. 11 Pinagsamantalahan ang mga asawa namin sa Jerusalem at ang mga anak naming babae sa mga bayan ng Juda. 12 Ibinitin sa pamamagitan ng pagtali sa kamay ang aming mga tagapamahala at hindi iginalang ang aming matatanda. 13 Ang aming mga kabataang lalaki ay parang aliping sapilitang pinagtrabaho sa mga gilingan at ang mga batang lalaki ay nagkandasuray-suray sa pagpasan ng mabibigat na kahoy. 14 Ang matatanda ay hindi na umuupo sa mga pintuan ng lungsod para magbigay ng payo at ang mga kabataang lalaki ay hindi na tumutugtog ng musika. 15 Wala na kaming kagalakan. Sa halip na magsayaw, nagdadalamhati kami. 16 Wala na rin kaming karangalan. Nakakaawa kami dahil kami ay nagkasala. 17 Dahil dito, nasasaktan ang aming damdamin at nagdidilim ang aming paningin. 18 Dahil napakalungkot na ng Jerusalem at mga asong-gubat na lamang ang gumagala rito.

19 O Panginoon, maghahari kayo magpakailanman. Ang inyong paghahari ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi. 20 Bakit palagi nʼyo kaming kinakalimutan? Bakit kay tagal nʼyo kaming pinabayaan? 21 Ibalik nʼyo kami sa inyo, at kami ay babalik. Ibalik nʼyo kami sa dati naming kalagayan. 22 Talaga bang sobra na ang galit nʼyo sa amin kaya itinakwil nʼyo na kami?

Hebreo 10:19-39

Lumapit Tayo sa Dios

19 Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. 20 Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. 21 At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Dios, 22 lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis[a] na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig. 23 Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin. 24 At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. 25 Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.

26 Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin. 27 Tanging ang nakakatakot na paghuhukom at nagliliyab na apoy ang naghihintay sa mga taong kumakalaban sa Dios. 28 Ipinapapatay noon nang walang awa ang lumalabag sa Kautusan ni Moises, kapag napatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang paglabag niya. 29 Gaano pa kaya kabigat ang parusang tatanggapin ng taong lumapastangan sa Anak ng Dios at nagpawalang-halaga sa dugo na nagpatibay sa kasunduan ng Dios at naglinis sa mga kasalanan niya? Talagang mas mabigat ang parusa sa mga taong ito na humamak sa maawaing Banal na Espiritu. 30 Sapagkat kilala natin ang Dios na nagsabi, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[b] At mayroon ding nakasulat na ganito: “Hahatulan ng Panginoon ang mga taong sakop niya.”[c] 31 Kakila-kilabot ang kahihinatnan ng mga hahatulan ng Dios na buhay.

32 Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, pero tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig. 33 Kung minsan, inaalipusta kayo at pinag-uusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok. 34 Dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis nʼyo ito nang may kagalakan dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuting kayamanan na hindi mawawala kailanman. 35 Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. 36 Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya. 37 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,

    “Sandaling panahon na lang at darating na siya. Hindi na siya magtatagal.
38 At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”[d]

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Dios at napapahamak, kundi kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®