Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 48-49

Ang Mensahe tungkol sa Moab

48 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, tungkol sa Moab:

“Nakakaawa ang Nebo dahil wawasakin ito. Mapapahiya at bibihagin ang Kiriataim at matitibag ang mga muog nito. Hindi na papupurihan ang Moab; ang mga kaaway sa Heshbon ay nagbabalak na wasakin ang Moab. At ikaw naman Madmen ay sasalakayin ng mga kaaway at magiging mapanglaw. Pakinggan nʼyo ang sigawan sa Horonaim, dahil sa matinding digmaan at kapahamakan. Mawawasak ang Moab at mag-iiyakan ang mga bata. Ang mga mamamayan ng Moab ay mag-iiyakan nang malakas habang paakyat sila sa Luhit at pababa sa Honoraim. Mag-iiyakan sila dahil sa kapahamakan.

“Iligtas ninyo ang inyong sarili! Tumakas kayo papuntang ilang. Mga taga-Moab, nagtitiwala kayo sa kakayahan at kayamanan ninyo kaya bibihagin kayo pati ang dios-diosan ninyong si Kemosh at ang mga pari at mga pinuno nito.

“Darating ang manlilipol sa bawat bayan at walang bayan na makakaligtas. Mawawasak ang mga bayan sa lambak at talampas. Mangyayari ito dahil sinabi mismo ng Panginoon. May pakpak sana ang Moab para makalipad siya papalayo,[a] dahil wala nang kabuluhan ang mga bayan nito at wala nang maninirahan dito. 10 Sumpain ang taong pabaya sa paggawa ng gawain ng Panginoon laban sa Moab. Sumpain ang taong hindi papatay sa mga taga-Moab. 11 Tahimik ang pamumuhay ng Moab mula pa noon. Hindi pa ito nakaranas ng pagkabihag. Parang alak ito na hindi nagagalaw o naisasalin man sa isang sisidlan. Kaya ang lasa at amoy nitoʼy hindi nagbabago.

12 “Pero darating ang araw na isusugo ko ang mga kaaway para ibuhos ang Moab mula sa kanyang lalagyan at pagkatapos ay babasagin ang lalagyan nito. 13 At ikakahiya ng mga taga-Moab ang dios-diosan nilang si Kemosh, gaya ng nangyari sa Betel nang ikahiya ng mga Israelita ang dios-diosan nila. 14 Ipinagmamalaki ng mga taga-Moab na matatapang ang sundalo nila sa pakikipaglaban. 15 Pero mawawasak ang Moab at ang mga bayan nito. Papatayin ang kanilang matatapang na kabataan. Ako, ang Panginoon na Haring Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.

16 “Malapit na ang kapahamakan ng Moab. 17 Umiyak kayo, kayong lahat na kakampi ng Moab![b] Sabihin nʼyo, ‘Wala na ang Moab! Nabali na ang tungkod niya, ang tungkod na sagisag ng kapangyarihan at katanyagan niya.’

18 “Kayong mga taga-Dibon, magpakumbaba kayo at maupo sa lupa dahil ang nagwasak sa Moab ay sasalakay din sa inyo at gigibain ang mga lungsod nʼyo na napapalibutan ng mga pader. 19 Kayong mga nasa Aroer, tumayo kayo sa tabi ng daan at magbantay. Magtanong kayo sa mga nakatakas kung ano ang nangyari. 20 Sasagot sila, ‘Nawasak at napahiya ang Moab. Humiyaw kayo at umiyak. Isigaw nʼyo sa Arnon na nawasak ang Moab.’

21 “Parurusahan din ang mga bayan sa talampas: ang Holon, Jaza, Mefaat, 22 Dibon, Nebo, Bet Diblataim, 23 Kiriataim, Bet Gamul, Bet Meon, 24 Keriot at Bozra. Darating na ang parusa sa lahat ng bayan ng Moab, sa malayo at malapit. 25 Wala nang kapangyarihan ang Moab at mahina na ito ngayon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

26 “Lasingin nʼyo ang Moab dahil naghimagsik siya sa akin. Gugulong siya sa sariling suka at magiging katawa-tawa. 27 Kayong mga taga-Moab, hindi baʼt kinutya ninyo ang Israel? Bakit, nahuli ba siyang nagnakaw? Bakit iiling-iling pa kayo sa pagkutya nʼyo sa kanya? 28 Umalis na kayo sa bayan nʼyo at tumira sa mababatong lugar, na parang mga kalapating nagpupugad sa mga bitak ng matatarik at mababatong lugar. 29 Napakayabang ninyo. Narinig ko kung gaano kayo kayabang at kapalalo. 30 Ako, ang Panginoon, nalalaman ko kung gaano kayo kayabang, pero iyan ay walang kabuluhan. 31 Kaya iiyak ako para sa mga taga-Moab at mga taga-Kir Hareset.[c] 32 Iiyak din ako para sa mga taga-Sibna ng higit kaysa sa pag-iyak ko sa mga taga-Jazer. Sibma, para kang halamang ubas na ang mga sanga ay umabot sa kabila ng Dagat na Patay hanggang sa Jazer. Pero ngayon, inubos ng mga maninira ang bunga mo. 33 Wala nang maririnig na kasayahan at katuwaan sa mga bukid at mga ubasan sa lupain ng Moab. Hindi na umaagos ang katas ng ubas sa mga pisaan. Wala ng mga pumipisa ng ubas na sumisigaw sa tuwa. May mga sumisigaw nga, pero hindi na sigaw ng tuwa. 34 Ang iyakan ng mga taga-Heshbon ay naririnig hanggang sa Eleale at Jahaz. Ang iyakan ng mga taga-Zoar ay naririnig hanggang sa Horonaim at sa Eglat Shelishiya. Sapagkat kahit ang batis ng Nimrim ay tuyo na. 35 Patitigilin ko sa Moab ang mga naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar[d] at nagsusunog ng insenso sa mga dios-diosan nila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

36 “Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab at sa mga taga-Kir Hareset, gaya ng malungkot na tugtog ng plauta sa patay. Wala na ang mga kayamanang nakamit nila. 37 Ang bawat isaʼy nagpahayag ng kalungkutan nila sa pamamagitan ng pagpapakalbo, pag-aahit, pagsugat sa mga kamay nila at pagsusuot ng damit na pangluksa. 38 Nag-iiyakan ang mga tao sa mga bahay nila at sa mga plasa, dahil winasak ko ang Moab na parang banga na binasag at wala nang pumapansin. 39 Gayon na lamang ang pagkawasak ng Moab! Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga mamamayan. Nakakahiya ang Moab. Kinukutya at kinamumuhian ito ng mga bansa sa palibot nito.”

40 Sinabi pa ng Panginoon, “Tingnan nʼyo! Ang kaaway ng Moab ay parang agila na lumilipad para dagitin ito. 41 Sasakupin ang mga lungsod[e] at ang mga kampo ng Moab. Sa mga araw na iyon, matatakot ang mga sundalo ng Moab katulad ng isang babaeng malapit nang manganak. 42 Mawawasak ang Moab dahil sa paghihimagsik niya sa Panginoon. 43 Ang sasapitin ng mga taga-Moab ay takot, hukay at bitag.

44 “Ang sinumang tatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay. At ang sinumang makakaligtas sa hukay ay mahuhuli sa bitag, dahil talagang parurusahan ko ang Moab sa takdang panahon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 45 Ang mga kawawang nakatakas ay nais magtago sa Heshbon. Pero ang Heshbon na pinagharian ni Haring Sihon ay nagliliyab sa apoy at nilamon pati ang mga kabundukan na pinagtataguan ng mga taga-Moab na ang gusto ay digmaan. 46 Hala! Tapos na kayo, kayong mga taga-Moab! Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Kemosh ay bibihagin ang inyong mga anak. 47 Pero darating ang araw na ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng Moab. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.” Ito ang mensahe tungkol sa Moab.

Ang Mensahe Tungkol sa Ammon

49 Ito naman ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga taga-Ammon:

“Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Molec, bakit nʼyo tinitirhan ang mga bayan ng lupain ni Gad? Wala bang lahi si Israel na magmamana ng lupaing ito? Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ipapasalakay ko sa mga kaaway ang Rabba. Wawasakin ang lungsod nʼyong ito pati ang mga baryo sa palibot ay susunugin. Sa ganitong paraan, mapapalayas ng mga taga-Israel ang mga nagpalayas sa kanila.

“Umiyak kayo nang malakas, kayong mga taga-Heshbon dahil wasak na ang Ai. Umiyak din kayong mga taga-Rabba. Magdamit kayo ng damit na sako at magparooʼt parito sa gilid ng pader para ipakita ang pagluluksa ninyo. Sapagkat bibihagin ang dios-diosan nʼyong si Molec pati ang mga pari at pinuno niya. Kayong mga taksil, bakit ninyo ipinagyayabang ang inyong masaganang mga kapatagan? Nagtitiwala kayo sa kayamanan ninyo at sinasabi ninyong walang sasalakay sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay magpapadala sa inyo ng mga kaaway mula sa mga bansa sa palibot ninyo para takutin kayo. Palalayasin nila kayo sa inyong lupain at walang sinumang tutulong sa inyo. Pero darating ang araw na ibabalik ko sa mabuting kalagayan ang mga taga-Ammon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Mensahe tungkol sa Edom

Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan tungkol sa Edom:

“Nasaan na ang marurunong sa Teman? Wala na bang natitirang marunong magpayo? Kayong mga nakatira sa Dedan tumakas kayo at magtago sa malalalim na kweba. Sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang mga lahi ni Esau sa oras na parusahan ko sila. Hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nag-iiwan ng mga bunga? Hindi baʼt ang mga magnanakaw ay kumukuha rin lang ng anumang magugustuhan nila? 10 Pero kukunin ang lahat ng ari-arian ng mga angkan ni Esau. Kukunin ko ang takip ng pinagtataguan nila para hindi na sila makapagtago. Mamamatay ang mga anak, kamag-anak at mga kapitbahay nila. Walang matitira sa kanila. 11 Pero maiiwan sa akin ang mga ulila nʼyo dahil ako ang kakalinga sa kanila. At ang mga biyuda nʼyo ay makakaasa sa akin.”

12 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung ang mga walang kasalanan ay nagdurusa, kayo pa kaya? Tiyak na parurusahan kayo. 13 Isinusumpa ko sa sarili ko na ang Bozra ay mawawasak. Magiging nakakatakot ang kalagayan nito, at kukutyain at susumpain ito. Ang lahat ng bayan nito ay magiging wasak magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

14 Narinig ko ang balita mula sa Panginoon na nagpadala siya ng mga sugo sa mga bansa para paghandain sila sa digmaan at hikayatin silang salakayin ang bansa ng Edom. 15 Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Gagawin ko kayong mas mababa kaysa sa ibang mga bansa, at hahamakin nila kayo. 16 Ipinagmamalaki ninyo na nakatira kayo sa batuhan at matataas na lugar. Pero sa pagmamataas at pananakot nʼyong iyan sa iba, dinadaya nʼyo ang sarili ninyo. Sapagkat kahit na naninirahan kayo sa pinakamataas na lugar katulad ng pinagpupugaran ng agila, ibabagsak ko pa rin kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

17 Sinabi pa ng Panginoon, “Magiging malagim ang kalagayan ng Edom. Ang lahat ng dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala sa nangyari sa bansang ito. 18 Kung paanong nawasak ang Sodom at Gomora at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Edom. At wala nang maninirahan dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 19 Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog ng Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Edom. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin? 20 Kaya pakinggan nʼyo ang binabalak kong gawin laban sa Edom pati sa mga mamamayan ng Teman: Bibihagin ko ang mga anak nila at gigibain ang mga tahanan nila. 21 At dahil sa matinding pagkawasak ng Edom, mayayanig ang lupa at ang iyakan ng mga taga-roon ay maririnig hanggang sa Dagat na Pula. 22 Tingnan nʼyo! Ang kaaway ay parang agila na lumilipad na dadagit sa mga taga-Bozra. Sa panahong iyon, matatakot at magiging parang babaeng malapit nang manganak ang mga sundalo sa Edom.”

Ang Mensahe tungkol sa Damascus

23 Ito ang mensahe tungkol sa Damascus: “Natakot ang mga taga-Hamat at taga-Arpad sa masasamang balita na narinig nila. Naguguluhan at nanlulupaypay sila, at hindi mapalagay katulad ng maalong dagat. 24 Nanghihina ang mga taga-Damascus at tumakas sila dahil sa takot. Takot at sakit ng damdamin ang nararamdaman nila na para bang babaeng malapit nang manganak. 25 Ang tanyag at masayang[f] lungsod ng Damascus ay itinakwil. 26 Ang mga kabataan niyang lalaki ay mamamatay sa mga lansangan pati ang lahat ng kawal niya. 27 Susunugin ko ang mga pader ng Damascus, pati ang matitibay na palasyo ni Haring Ben Hadad.”

Ang Mensahe tungkol sa Kedar at Hazor

28 Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kedar at mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia:

“Humanda kayo at salakayin nʼyo ang Kedar. Lipulin nʼyo ang mga taong ito ng silangan. 29 Ang mga tolda, kawan, mga ari-arian, at mga kamelyo nila ay sasamsamin. Sisigaw sila, ‘Napapaligiran tayo ng mga nakakatakot nating kaaway.’

30 “Mga taga-Hazor, magmadali kayo at tumakas! Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing magtago na kayo sa mga kweba. Nagplano ng masama laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 31 Ako, ang Panginoon, ang nag-utos sa kanila, ‘Lusubin nʼyo ang mga taong namumuhay nang tiwasay at walang anumang ikinababalisa. Walang trangka ang pintuan ng lungsod nila, at nabubuhay sila na sila-sila lang. 32 Ang mga kamelyo nila at ang lahat ng kawan nila ay magiging inyo. Pangangalatin ko ang mga taong ito na nakatira sa malayong lugar at pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan mula sa kung saan-saan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 33 Magiging malungkot ang Hazor magpakailanman at walang taong maninirahan doon kundi magiging tirahan na lang ng mga asong-gubat.’ ”[g]

Ang Mensahe tungkol sa Elam

34 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Elam noong nagpasimulang maghari si Zedekia sa Juda. 35 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Papatayin ko ang mga tagapana ng Elam – ang pinakamahusay nilang mga kawal. 36 Sasalakayin ang Elam ng mga kaaway mula sa lahat ng panig, at pangangalatin ko ang mga mamamayan niya sa lahat ng dako. Bibihagin sila sa lahat ng bansa sa buong daigdig. 37 Lilipulin ko sila sa pamamagitan ng mga kaaway nila na nais pumatay sa kanila. Talagang pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan dahil sa matindi kong galit sa kanila. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapasalakay ko sila sa mga kaaway nila hanggang sa mawala silang lahat. 38 Papatayin ko ang hari at ang mga pinuno ng Elam, at itatayo ko roon ang trono ko. 39 Pero darating ang araw na ibabalik ko ang Elam sa mabuting kalagayan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Hebreo 7

Ang Paring si Melkizedek

Itong si Melkizedek ay hari noon sa Salem, at pari ng Kataas-taasang Dios. Nang pauwi na si Abraham mula sa pakikipaglaban sa mga haring nilupig niya, sinalubong siya ni Melkizedek at pinagpala. Pagkatapos, ibinigay sa kanya ni Abraham ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya sa labanan. Ang kahulugan ng pangalang Melkizedek ay “Hari ng Katuwiran.” At dahil hari siya ng Salem, nangangahulugan na siyaʼy “Hari ng Kapayapaan.” Walang naisulat tungkol sa kanyang ama at ina o maging sa mga ninuno niya. At wala ring naisulat tungkol sa kanyang kapanganakan at kamatayan. Katulad siya ng Anak ng Dios; ang pagkapari niyaʼy walang hanggan. Isipin nʼyo na lang kung gaano kadakila si Melkizedek: Kahit na si Abraham na ama ng ating lahi ay nagbigay sa kanya ng ikapu mula sa lahat ng nasamsam niya sa labanan. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga paring mula sa lahi ni Levi ang siyang tatanggap ng ikapu mula sa mga kapwa nila Judio, kahit na nagmula silang lahat kay Abraham. Hindi kabilang si Melkizedek sa lahi ni Levi, pero tumanggap siya ng ikapu mula kay Abraham at pinagpala pa niya si Abraham, ang taong pinangakuan ng Dios. At alam nating mas mataas ang nagpapala kaysa sa pinagpapala. Kung tungkol sa mga paring mula sa lahi ni Levi na tumatanggap ng ikapu, mga tao lang sila na may kamatayan. Pero pinatutunayan ng Kasulatan na si Melkizedek na tumanggap ng ikapu mula kay Abraham ay nananatiling buhay. At masasabi natin na kahit si Levi, na ang angkan niya ang tumatanggap ng ikapu, ay nagbigay din ng kanyang ikapu sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat nang magbigay si Abraham kay Melkizedek, masasabi nating si Levi ay nasa katawan pa ng ninuno niyang si Abraham.

11 Alam natin na ang Kautusang ibinigay ng Dios sa mga Judio ay batay sa pagkapari na nanggaling sa lahi ni Levi. Kung makakamtan sa pamamagitan ng mga ginagawa ng mga paring ito ang pagiging matuwid, hindi na sana kakailanganin pa ang ibang pari na katulad ng pagkapari ni Melkizedek, na iba sa pagkapari ni Aaron. 12 At kung papalitan ang pagkapari, kailangan ding palitan ang Kautusan. 13-14 Ang ating Panginoong Jesus na siyang tinutukoy na ipinalit sa mga pari ay kabilang sa ibang lahi, dahil malinaw na galing siya sa lahi ni Juda at hindi kay Levi. At wala pang naglingkod kahit kailan bilang pari mula sa lahi ni Juda. Sapagkat nang sabihin ni Moises kung sino ang maaaring maging pari, wala siyang sinabi tungkol sa lahi ni Juda.

Si Jesus ay Katulad ni Melkizedek

15 Lalo pang naging malinaw na pinalitan na ang mga paring mula sa lahi ni Levi nang magkaroon ng ibang pari na gaya ni Melkizedek. 16 Naging pari siya, hindi dahil sa lahi niya ayon sa Kautusan, kundi dahil sa makapangyarihan niyang buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya: “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melkizedek.”[a] 18 Kaya nga pinalitan na ng Dios ang dating Kautusan dahil mahina ito at hindi makakatulong sa atin, 19 sapagkat walang naging matuwid sa paningin ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ito ang dahilan kung bakit tayo binigyan ngayon ng mas mabuting pag-asa, at sa pamamagitan nitoʼy makakalapit na tayo sa Dios.

20 Mas mabuti ang bagong pag-asang ito dahil nilakipan ito ng Dios ng panunumpa. Hindi siya nanumpa nang gawin niyang mga pari ang lahi ni Levi, 21 pero nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus. Ito ang sinasabi ng Kasulatan:

    “Sumumpa ang Panginoon na ikaw ay pari magpakailanman.[b] At hindi magbabago ang pasya niya.”

22 Kaya si Jesus ang naging katiyakan natin sa isang mas mabuting kasunduan. 23 Maraming pari noon, dahil kapag namatay ang isa, pinapalitan siya ng isa upang maipagpatuloy ang mga gawain nila bilang mga pari. 24 Ngunit si Jesus ay walang kamatayan, kaya hindi naililipat sa iba ang pagkapari niya. 25 Kaya maililigtas niya nang lubos ang sinumang lumalapit sa Dios sa pamamagitan niya, dahil nabubuhay siya magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

26 Kaya si Jesus ang punong pari na kailangan natin. Banal siya, walang kapintasan, walang kasalanan, hiwalay sa mga makasalanan, at itinaas ng higit pa sa kalangitan. 27 Hindi siya katulad ng ibang punong pari na kailangang maghandog araw-araw para sa kasalanan niya, at pagkatapos, para naman sa mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus ay minsan lang naghandog para sa lahat nang ialay niya ang kanyang sarili. 28 Ang mga tao na naging punong pari ayon sa Kautusan ay may mga kahinaan. Ngunit ayon sa sinumpaan ng Dios matapos maibigay ang Kautusan, itinalaga niya ang kanyang Anak na maging punong pari magpakailanman, dahil natupad nito ang layunin ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®