Old/New Testament
Ipinatawag ni Zedekia si Jeremias
37 Si Zedekia na anak ni Josia ay ginawang hari ng Juda ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Siya ang ipinalit kay Jehoyakin na anak ni Jehoyakim. 2 Pero si Zedekia at ang mga pinuno niya pati ang mga taong pinamamahalaan nila ay hindi rin nakinig sa mensahe ng Panginoon sa pamamagitan ni Jeremias.
3 Ngayon, inutusan ni Haring Zedekia si Jehucal na anak ni Shelemia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya na puntahan si Jeremias at hilingin na ipanalangin sila sa Panginoon na kanilang Dios. 4 Nang panahong iyon, hindi pa nabibilanggo si Jeremias, kaya malaya pa siyang pumunta kahit saan. 5 Nang araw ding iyon, sumasalakay ang mga taga-Babilonia sa Jerusalem, pero nang marinig nilang dumarating ang mga sundalo ng Faraon,[a] tumigil sila sa pagsalakay sa Jerusalem.
6-7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Sabihin mo kay Haring Zedekia ng Juda na nag-utos para magtanong sa iyo kung ano ang sinabi kong mangyayari, ‘Dumating ang mga sundalo ng Faraon para tulungan ka, pero babalik sila sa Egipto. 8 Pagkatapos, muling babalik ang mga taga-Babilonia sa lungsod na ito. Sasakupin nila ito at pagkatapos ay susunugin.’ ” 9 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pag-aakalang hindi na babalik ang mga taga-Babilonia. Sapagkat tiyak na babalik sila. 10 Kahit na matalo nʼyo pa ang buong hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa inyo, at ang matitira sa kanila ay ang mga sugatan sa kanilang kampo, sasalakay pa rin sila sa inyo at susunugin nila ang lungsod na ito.”
Ikinulong si Jeremias
11 Nang tumakas ang mga sundalo ng Babilonia mula sa Jerusalem dahil sa hukbo ng Faraon, 12 umalis si Jeremias sa Jerusalem at pumunta sa lupain ni Benjamin para kunin ang bahagi ng lupain niya na ipinamahagi sa kanyang pamilya. 13 Pero nang dumating siya sa Pintuang bayan ng Benjamin, hinuli siya ng kapitan ng mga guwardya na si Iria na anak ni Shelemia at apo ni Hanania. Sinabi sa kanya ng kapitan, “Kakampi ka ng mga taga-Babilonia.” 14 Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo iyan! Hindi ako kakampi ng mga taga-Babilonia.” Pero ayaw maniwala ni Iria, kaya hinuli niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15 Nagalit sila kay Jeremias, ipinapalo nila siya at ipinakulong doon sa bahay ni Jonatan na kalihim. Ang bahay na itoʼy ginawa nilang bilangguan. 16 Ipinasok nila si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at nanatili siya roon ng matagal.
17 Kinalaunan, ipinakuha ni Haring Zedekia si Jeremias at dinala sa palasyo. Palihim niya itong tinanong, “May mensahe ka ba mula sa Panginoon?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon! Ibibigay ka sa hari ng Babilonia.”
18 Pagkatapos, nagtanong si Jeremias sa hari, “Ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo, o sa mga pinuno nʼyo o sa taong-bayan at ipinakulong nʼyo ako? 19 Nasaan na ang mga propeta nʼyo na nanghulang hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang lungsod na ito? 20 Pero ngayon, Mahal na Hari, kung maaari po ay pakinggan naman ninyo ako. Nakikiusap ako na huwag nʼyo na po akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan na kalihim dahil mamamatay ako roon.”
21 Kaya nag-utos si Haring Zedekia na dalhin si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo. Nag-utos din siyang bigyan ng tinapay si Jeremias bawat araw habang may natitira pang tinapay sa lungsod. Kaya nanatiling nakakulong si Jeremias sa himpilan ng mga guwardya.
Inihulog si Jeremias sa Balon
38 Nabalitaan nina Shefatia na anak ni Matan, Gedalia na anak ni Pashur, Jehucal na anak ni Shelemia, at Pashur na anak ni Malkia ang sinabi ni Jeremias sa mga tao. Ito ang sinabi niya, “Sinasabi ng Panginoon na 2 ang sinumang manatili rito sa lungsod ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Pero ang sinumang susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay. Makakaligtas siya at mabubuhay. 3 Sinasabi rin ng Panginoon na tiyak na maaagaw at sasakupin ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”
4 Kaya sinabi ng mga pinunong iyon sa hari, “Kinakailangang patayin ang taong ito dahil pinahihina niya ang loob ng mga sundalong natitira, pati ang mga mamamayan dahil sa mga sinasabi niya sa kanila. Hindi siya naghahangad ng kabutihan para sa mga tao kundi ang kapahamakan nila.” 5 Sumagot si Haring Zedekia, “Ibibigay ko siya sa inyo. Gawin nʼyo sa kanya ang ibig ninyo.”
6 Kaya kinuha nila si Jeremias sa kulungan at ibinaba nila sa balon na nasa himpilan ng mga guwardya. Ang balon na ito ay pag-aari ni Malkia na anak ng hari. Walang tubig ang balon pero may putik, at halos lumubog doon si Jeremias.
7-8 Ngunit nang nabalitaan ito ni Ebed Melec na taga-Etiopia na isa ring pinuno sa palasyo, pinuntahan niya ang hari sa palasyo. Nakaupo noon ang hari sa Pintuan ni Benjamin. Sinabi niya sa hari, 9 “Mahal na Hari, masama po ang ginawa ng mga taong iyon kay Jeremias. Inihulog nila siya sa balon, at tiyak na mamamatay siya doon sa gutom, dahil halos mauubos na po ang tinapay sa buong lungsod.” 10 Kaya sinabi ni Haring Zedekia sa kanya, “Magsama ka ng 30 lalaki mula sa mga tao ko at kunin nʼyo si Jeremias sa balon bago pa siya mamatay.”
11 Kaya isinama ni Ebed Melec ang mga tao at pumunta sila sa bodega ng palasyo, at kumuha ng mga basahan, lumang damit, at lubid at ibinaba nila kay Jeremias ang mga ito roon sa balon. 12 Sinabi ni Ebed Melec kay Jeremias, “Isapin mo ang mga basahan at lumang damit sa kilikili mo para hindi ka masaktan ng lubid.” At ito nga ang ginawa ni Jeremias. 13 Pagkatapos, iniahon nila siya mula sa loob ng balon at ibinalik sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo.
Muling Ipinatawag ni Haring Zedekia si Jeremias
14 Muling ipinatawag ni Haring Zedekia si Jeremias doon sa pangatlong pintuan ng templo ng Panginoon. Sinabi ni Zedekia kay Jeremias, “May itatanong ako sa iyo, at nais kong sabihin mo sa akin ang totoo.”
15 Sinabi ni Jeremias kay Zedekia, “Kapag sinabi ko po sa inyo ang katotohanan, ipapapatay nʼyo pa rin ako. At kahit na payuhan ko po kayo, hindi rin po kayo maniniwala sa akin.” 16 Pero lihim na sumumpa si Haring Zedekia kay Jeremias. Sinabi niya, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na siya ring nagbigay ng buhay sa atin, na hindi kita papatayin o ibibigay sa mga nais pumatay sa iyo.”
17 Sinabi ni Jeremias kay Zedekia, “Ito ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung susuko po kayo sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas po ang buhay nʼyo at hindi po nila susunugin ang lungsod na ito. Kayo po at ang sambahayan nʼyo ay mabubuhay. 18 Pero kung hindi po kayo susuko, ibibigay ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia, at ito po ay kanilang susunugin at hindi po kayo makakatakas sa kanila.’ ” 19 Sinabi ni Haring Zedekia, “Natatakot ako sa mga Judiong kumakampi sa mga taga-Babilonia, baka ibigay ako ng mga taga-Babilonia sa kanila at saktan nila ako.” 20 Sinabi ni Jeremias, “Hindi po kayo ibibigay sa kanila kung susundin nʼyo lang ang Panginoon. Maliligtas po ang buhay nʼyo at walang anumang mangyayari sa inyo. 21 Pero kung hindi po kayo susuko, ito naman ang sinabi sa akin ng Panginoon na mangyayari sa inyo: 22 Ang lahat ng babaeng naiwan sa palasyo nʼyo ay dadalhin ng mga pinuno ng hari sa Babilonia. At sasabihin sa inyo ng mga babaeng ito, ‘Niloko po kayo ng mga matalik nʼyong kaibigan. At ngayon na nakalubog po sa putik ang mga paa nʼyo, iniwan nila kayo.’
23 “Dadalhin po nila ang lahat ng asawaʼt anak nʼyo sa Babilonia. Kayo po ay hindi rin makakatakas sa kanila. At ang lungsod na itoʼy susunugin nila.”
24 Pagkatapos, sinabi ni Zedekia kay Jeremias, “Huwag mong sasabihin kaninuman ang napag-usapan natin para hindi ka mamatay. 25 Maaaring mabalitaan ng mga pinuno na nag-usap tayo. Baka puntahan ka nila at itanong sa iyo, ‘Ano ang pinag-usapan ninyo ng hari? Kung hindi mo sasabihin ay papatayin ka namin.’ 26 Kapag nangyari ito, sabihin mo sa kanila, ‘Nakiusap ako sa hari na huwag niya akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan, baka mamatay ako roon.’ ”
27 Pumunta nga ang mga pinuno kay Jeremias at tinanong siya. At sinagot niya sila ayon sa sinabi ng hari sa kanya, kaya hindi na sila nag-usisa pa. Walang nakarinig ng usapan ni Jeremias at ng hari.
28 At nanatiling nakakulong si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo hanggang sa masakop ang Jerusalem.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem
39 Ganito ang pagkawasak ng Jerusalem: Noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong hukbo niya sa Jerusalem. 2 At noong ikaapat na buwan ng ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia, nawasak ng mga taga-Babilonia ang pader ng lungsod. 3 Nang mapasok na nila ang Jerusalem, ang lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay umupo sa Gitnang Pintuan[b] ng lungsod. Naroon sina Nergal Sharezer na taga-Samgar, Nebo, Sarsekim na isang pinuno, at isa pang Nergal Sharezer na isang opisyal, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4 Nang makita sila ni Haring Zedekia at ng mga sundalo nito, tumakas sila pagsapit ng gabi. Doon sila dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at pumunta sila sa Lambak ng Jordan.[c]
5 Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Hinuli nila si Zedekia at dinala kay haring Nebucadnezar sa Ribla sa lupain ng Hamat. At hinatulan siya roon ng kamatayan ni Nebucadnezar. 6 Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda. 7 At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia at ikinadena siya at dinala sa Babilonia.
8 Sa Jerusalem naman, sinunog ng mga taga-Babilonia ang mga bahay pati ang palasyo ng hari, at winasak nila ang mga pader. 9 Sa pangunguna ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, ipinadala sa Babilonia ang mga taong naiwan sa lungsod pati na ang mga taong kumampi kay Nebuzaradan. 10 Pero iniwan ni Nebuzaradan sa Juda ang ilang mga taong wala kahit anumang ari-arian, at binigyan niya sila ng mga ubasan at bukirin.
11 Nag-utos si Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya tungkol kay Jeremias. Sinabi niya, 12 “Kunin mo si Jeremias at alagaan mo siyang mabuti. Gawin mo ang anumang hilingin niya.” 13 Sinunod ito nina Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, Nebushazban, Nergal Sharezer at ng iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia. 14 Ipinakuha nila si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo at ibinigay kay Gedalia na anak ni Ahikam na apo ni Shafan, at dinala niya si Jeremias sa kanyang bahay. Kaya naiwan si Jeremias sa Juda kasama ang iba pa niyang mga kababayan.
15 Noong si Jeremias ay nakakulong pa sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon, 16 “Pumunta ka kay Ebed Melec na taga-Etiopia at sabihin mo na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Gagawin ko na ang mga sinabi ko laban sa lungsod na ito. Hindi ko ito pauunlarin. Wawasakin ko ito. Makikita mo na mangyayari ito. 17 Pero ililigtas kita sa mga panahong iyon. Hindi kita ibibigay sa mga taong kinatatakutan mo. 18 Ililigtas kita. Hindi ka mamamatay sa digmaan. Maliligtas ka dahil nagtitiwala ka sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Mas Dakila si Jesus kaysa kay Moises
3 Kaya nga mga kapatid ko sa pananampalataya, at mga kapwa ko na tinawag ng Dios na makakasama sa langit, alalahanin nʼyo si Jesus. Siya ang apostol at punong pari ng ating pananampalataya. 2 Tapat siya sa Dios na nagsugo sa kanya, katulad ni Moises na naging tapat sa pamamahala ng pamilya ng Dios. 3 Ngunit itinuring ng Dios si Jesus na higit kaysa kay Moises, dahil kung ihahalintulad sa bahay, higit ang karangalan ng nagtayo kaysa sa bahay na itinayo. 4 Alam natin na may gumawa ng bawat bahay. Ngunit[a] ang Dios ang gumawa ng lahat ng bagay. 5 Tapat si Moises sa pamamahala niya sa pamilya ng Dios bilang isang lingkod. At ang mga bagay na ginawa niya ay larawan ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap. 6 Ngunit si Cristo ay tapat bilang Anak na namamahala sa pamilya ng Dios. At tayo ang pamilya ng Dios, kung patuloy tayong magiging tapat sa pag-asang ipinagmamalaki natin. 7 Kaya gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu:
“Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios,
8 huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo,
tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo.
Naghimagsik sila laban sa Dios at siyaʼy sinubok nila roon sa ilang.
9 Sinabi ng Dios, ‘Sinubok nila ako sa kasamaan nila,
kahit na nakita nila ang ginawa ko sa loob ng 40 taon.
10 Kaya galit na galit ako sa henerasyong ito at sinabi ko,
“Laging lumalayo ang puso nila sa akin,
at ayaw nilang sumunod sa mga itinuturo ko sa kanila.”
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.’ ”[b]
12 Kaya mga kapatid, mag-ingat kayo at baka maging masama ang puso nʼyo na siyang magpapahina ng pananampalataya nʼyo hanggang sa lumayo kayo sa Dios na buhay. 13 Magpaalalahanan kayo araw-araw habang may panahon pa, para walang sinuman sa inyo ang madaya ng kasalanan na nagpapatigas sa puso nʼyo. 14 Sapagkat kasama tayo ni Cristo kung mananatiling matatag ang pananampalataya natin sa kanya hanggang sa wakas. 15 Gaya nga ng nabanggit sa Kasulatan: “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo nang naghimagsik sila laban sa Dios.”[c] 16 Sino ba ang mga taong nakarinig sa tinig ng Dios at naghimagsik pa rin sa kabila nito? Hindi baʼt ang mga inilabas ni Moises sa Egipto? 17 At kanino ba nagalit ang Dios sa loob ng 40 taon? Hindi baʼt sa mga nagkasala at namatay sa ilang? 18 At sino ba ang isinumpa ng Dios na hindi makakamtan ang kapahingahan? Hindi baʼt ang mga ayaw sumunod sa kanya? 19 Kaya malinaw na hindi nila nakamtan ang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®