Old/New Testament
Sina Jeremias at Pashur
20 Ang paring si Pashur na anak ni Imer, ang pinakamataas na opisyal sa templo ng Panginoon nang panahong iyon. Nang marinig niya ang mga sinabi ni Jeremias, 2 pinabugbog niya ito at ipinabilanggo sa may pintuan ng templo ng Panginoon na tinatawag na Pintuan ni Benjamin. 3 Kinaumagahan, pinalabas ni Pashur si Jeremias. Sinabi ni Jeremias sa kanya, “Pashur, pinalitan na ng Panginoon ang pangalan mo. Tatawagin ka na ngayong Magor Misabib.[a] 4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon: Katatakutan mo ang kalagayan mo at ang kalagayan ng lahat ng kaibigan mo. Makikita mo silang papatayin ng mga kaaway nila sa digmaan. Ibibigay ko ang buong Juda sa hari ng Babilonia. Ang ibang mamamayan ay papatayin, at ang iba namaʼy bibihagin. 5 Ipapasamsam ko sa mga kaaway ang lahat ng kayamanan ng lungsod ng Jerusalem – lahat ng pinaghirapan nila, lahat ng mamahaling bagay at ang lahat ng kayamanan ng hari ng Juda. Dadalhin nila ang lahat ng iyon sa Babilonia. 6 Pati ikaw Pashur at ang buong sambahayan mo ay bibihagin at dadalhin sa Babilonia. At doon ka mamamatay at ililibing, pati ang lahat ng kaibigan mo na hinulaan mo ng kasinungalingan.”
Nagreklamo si Jeremias sa Panginoon
7 Panginoon, nilinlang nʼyo ako at nanaig kayo sa akin. Naging katatawanan ako ng mga tao at patuloy nila akong kinukutya. 8 Kapag nagsasalita ako, isinisigaw ko po ang mensahe nʼyo Panginoon tungkol sa karahasan at pagkawasak! At dahil sa ipinasasabi nʼyong ito, pinagtatawanan po nila ako at kinukutya. 9 Kung minsan, naiisip kong huwag na lang akong magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinapasabi ninyo. Pero hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita nʼyo ay parang apoy na nagniningas sa puso at mga buto ko. Pagod na ako sa kapipigil dito. 10 Narinig ko ang pangungutya ng mga tao. Inuulit nila ang mga sinasabi kong, “Nakakatakot ang nakapalibot sa atin!” Sinasabi pa nila, “Ipamalita natin ang kanyang kasinungalingan!” Pati ang mga kaibigan koʼy naghihintay ng pagbagsak ko. Sinasabi nila, “Baka sakaling madaya natin siya. Kung mangyayari iyon, magtatagumpay tayo at mapaghihigantihan natin siya.”
11 Pero kasama ko po kayo, Panginoon. Para kayong sundalo na matapang at makapangyarihan, kaya hindi magtatagumpay ang mga umuusig sa akin. Mapapahamak sila at mapapahiya, at kahit kailan, hindi makakalimutan ang kahihiyan nila. 12 O Panginoong Makapangyarihan, nalalaman nʼyo po kung sino ang matuwid dahil alam nʼyo ang nasa puso at isip ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila dahil ipinaubaya ko na po sa inyo ang usaping ito.
13 Panginoon, magpupuri at aawit po ako sa inyo ngayon dahil iniligtas nʼyo ang mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao.
14 Pero isinusumpa ko ang araw na akoʼy isinilang! Hindi ko ikinagagalak ang araw na ipinanganak ako ng aking ina! 15 Isinusumpa ko ang nagbalita sa aking ama na, “Lalaki ang anak mo!” na siyang ikinagalak ng aking ama. 16 Nawaʼy ang taong iyon ay maging katulad ng mga bayan na winasak ng Panginoon at hindi kinahabagan. Nawaʼy maghapon niyang mapakinggan ang sigaw at daing ng mga tao sa digmaan. 17 Sapagkat hindi niya ako pinatay noong nasa sinapupunan pa ako ng aking ina. Sanaʼy naging libingan ko na lang ang tiyan ng aking ina, o di kayaʼy ipinagbuntis na lamang niya ako magpakailanman. 18 Bakit pa ako isinilang? Para lang ba makita ang kaguluhan at kahirapan, at mamatay sa kahihiyan?
Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem
21 Ngayon, nagsalita sa akin ang Panginoon nang sinugo sa akin ni Haring Zedekia si Pashur na anak ni Malkia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya. Sinabi nila sa akin, 2 “Ipakiusap mo sa Panginoon na tulungan kami, dahil sinasalakay na kami ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Baka sakaling gumawa ng himala ang Panginoon katulad ng ginawa niya noon, para mapigilan ang pagsalakay ni Nebucadnezar.”
3 Pero sinagot ko sila, 4 “Sabihin nʼyo kay Zedekia na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Magiging walang kabuluhan ang mga sandata na inyong ginagamit sa pakikipagdigma nʼyo kay Nebucadnezar at sa mga kawal niya[b] na nakapaligid na sa inyo. Titipunin ko sila[c] sa gitna ng lungsod na ito. 5 Ako mismo ang makikipaglaban sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ko dahil sa matindi kong galit. 6 Papatayin ko ang lahat ng naninirahan sa lungsod na ito, tao man o hayop. Mamamatay sila sa matinding salot. 7 At ikaw, Haring Zedekia ng Juda, ang mga tagapamahala mo, at ang mga mamamayang natitira na hindi namatay sa salot, digmaan, o gutom ay ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na kaaway ninyo. At walang awa niya kayong papatayin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’
8 “Sabihin din ninyo sa mga mamamayan ng Jerusalem na ito ang ipinapasabi ng Panginoon, ‘Makinig kayo! Pumili kayo, buhay o kamatayan. 9 Ang sinumang mananatili sa lungsod na ito ay mamamatay sa digmaan, gutom o sakit. Pero ang mga susuko sa mga taga-Babilonia na nakapalibot sa lungsod ninyo ay mabubuhay. 10 Nakapagpasya na akong padalhan ng kapahamakan ang lungsod na ito at hindi kabutihan. Ipapasakop ko ito sa hari ng Babilonia, at susunugin niya ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’
11-12 “Sabihin din ninyo sa sambahayan ng hari ng Juda, na mga angkan ni David, na pakinggan ang mensaheng ito ng Panginoon: Pairalin nʼyo lagi ang katarungan. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan; iligtas nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Sapagkat kung hindi, magniningas ang galit ko na parang apoy na hindi mapapatay dahil sa masama nʼyong ginagawa. 13 Kalaban ko kayo, mga taga-Jerusalem, kayong nakatira sa matibay na lugar sa patag sa ibabaw ng bundok. Nagmamataas kayo na nagsasabi, ‘Walang makakasalakay sa atin, sa matibay na talampas na ito!’ 14 Pero parurusahan ko kayo ayon sa mga ginagawa ninyo. Susunugin ko ang inyong mga kagubatan hanggang sa ang lahat ng nakapalibot sa inyo ay matupok. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
4 Inaatasan kita sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at mga patay, at muling babalik at maghahari: 2 Maging handa ka sa pangangaral ng Salita ng Dios sa anumang panahon. Ilantad mo ang mga maling aral; pagsabihan ang mga tao sa mga mali nilang gawain, at patatagin ang pananampalataya nila sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. 3 Sapagkat darating ang panahon na ayaw nang makinig ng mga tao sa tamang aral. Sa halip, hahanap sila ng mga gurong magtuturo lamang ng gusto nilang marinig para masunod nila ang kanilang layaw. 4 Hindi na nila pakikinggan ang katotohanan at babaling sila sa mga aral na gawa-gawa lang ng tao. 5 Ngunit ikaw, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras; magtiis ka sa mga paghihirap. Gawin mo ang tungkulin mo bilang tagapangaral ng Magandang Balita, at tuparin mo ang mga tungkulin mo bilang lingkod ng Dios.
6 Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko. 7 Puspusan akong nakipaglaban sa paligsahan. Natapos ko ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. 8 At ngayon, may inilaan ang Dios sa akin na korona ng katuwiran.[a] Ibibigay ito sa akin ng makatarungang Panginoon sa araw ng paghuhukom niya. At hindi lang ako ang bibigyan, kundi maging ang lahat ng nananabik sa pagbabalik niya.
Mga Personal na Bilin
9 Pagsikapan mong makapunta rito sa akin sa lalong madaling panahon 10 dahil iniwanan ako ni Demas at nagpunta siya sa Tesalonica. Iniwanan niya ako dahil mas mahal niya ang mga bagay sa mundong ito. Si Cresens naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmatia. 11 Si Lucas lang ang kasama ko. Kaya isama mo na rin si Marcos sa pagpunta mo rito dahil malaki ang maitutulong niya sa mga gawain ko. 12 Si Tykicus namaʼy pinapunta ko sa Efeso. 13 Pagpunta mo ritoʼy dalhin mo ang balabal ko na iniwan ko kay Carpus sa Troas. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop.
14 Napakasama ng ginawa sa akin ng panday na si Alexander. Ang Panginoon na ang bahalang magparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. 15 Mag-ingat ka rin sa kanya dahil sinasalungat niya nang husto ang mga ipinangangaral natin.
16 Walang sumama sa akin sa unang paglilitis sa akin; iniwan ako ng lahat. Patawarin sana sila ng Dios. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon; binigyan niya ako ng lakas para maipahayag nang husto ang Magandang Balita sa mga hindi Judio. Iniligtas niya ako sa tiyak na kamatayan.[b] 18 Ililigtas ako ng Panginoon sa lahat ng kasamaan, at dadalhin niya akong ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin ang Dios magpakailanman! Amen!
Mga Pangangamusta
19 Ikumusta mo ako kina Priscila at Aquila at sa pamilya ni Onesiforus. 20 Si Erastus ay nanatili sa Corinto, at si Trofimus namaʼy iniwan ko sa Miletus dahil may sakit siya. 21 Sikapin mong makarating dito bago magtaglamig.
Kinukumusta ka nina Eubulus, Pudens, Linus, Claudia at ng lahat ng mga kapatid dito.
22 Sumainyo nawa ang Panginoon at ang pagpapala niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®