Old/New Testament
3 “Kung ang isang babae ay hiniwalayan ng kanyang asawa at ang babaeng ito ay mag-asawang muli, hindi na siya dapat bawiin ng kanyang unang asawa, dahil magpaparumi ito nang lubos sa inyong lupain. Kayong mga taga-Israel ay namumuhay na parang isang babaeng bayaran. Marami kayong minamahal na mga dios-diosan. Sa kabila ng lahat ng ito, tatawagin ko pa rin kayo na magbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
2 “Tingnan ninyo ang matataas na lugar kung saan kayo sumasamba sa inyong mga dios-diosan. May mga lugar pa ba roon na hindi ninyo dinungisan? Pinarumi ninyo ang lupain dahil sa kasamaan ninyo. Para kayong babaeng bayaran na nakaupo sa tabi ng daan at naghihintay ng lalaki. Tulad din kayo ng isang mapagsamantalang tao[a] na naghihintay ng mabibiktima niya sa ilang. 3 Iyan ang dahilan kung bakit hindi umuulan sa panahon ng tag-ulan. Pero sa kabila nito, matigas pa rin ang ulo ninyo gaya ng babaeng bayaran na hindi na nahihiya. 4 At ngayon sinasabi ninyo sa akin, ‘Ama ko, kayo po ay kasama[b] ko mula noong bata pa ako. 5 Palagi na lang ba kayong galit sa akin? Hanggang kailan pa po ba kayo magagalit sa akin?’ Ito ang sinasabi ninyo, pero ginagawa naman ninyo ang lahat ng masama na magagawa ninyo.”
Ginaya ng Juda ang Israel
6 Noong panahon ng paghahari ni Josia, sinabi sa akin ng Panginoon, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Sumamba siya sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Para siyang babaeng nangangalunya. 7 Akala ko, pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ito, babalik na siya sa akin, pero hindi siya bumalik. At nakita ito ng taksil niyang kapatid na walang iba kundi ang Juda. 8 Hiniwalayan ko ang Israel at pinalayas dahil sa pangangalunya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. Pero sa kabila nito, nakita ko ang taksil niyang kapatid na Juda ay hindi man lang natakot. Nangalunya rin siya 9 sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosang bato at kahoy, kaya dinungisan niya ang lupain. Hindi siya nababahala sa pagsamba sa mga dios-diosan. 10 At ang pinakamasama pa, hindi taos-pusong bumalik sa akin ang taksil na Juda. Pakunwari lang siya na bumalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda. 12 Lumakad ka ngayon at sabihin mo ito sa Israel,[c] ‘Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Israel na taksil, manumbalik ka, dahil mahabagin ako. Hindi na ako magagalit sa iyo kailanman. 13 Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Dios, at sumunod ka sa ibang mga dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Aminin mo na hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
14 Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo.[d] Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Israel.[e] 15 Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa. 16 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito. 17 Sa panahong iyon, tatawagin nʼyo ang Jerusalem na ‘Trono ng Panginoon.’ At ang lahat ng bansa ay magtitipon sa Jerusalem para parangalan ang pangalan ng Panginoon. Hindi na nila susundin ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. 18 Sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel ay magkasamang babalik mula sa pagkabihag sa hilaga pauwi sa lupaing ibinigay ko sa mga magulang nila bilang mana. 19 Ako mismo ang nagsasabi, ‘Natutuwa ako na ituring kayong mga anak ko at bigyan ng magandang lupain na pinakamagandang pamana sa buong mundo.’ At akala koʼy tatawagin ninyo akong ‘Ama’ at hindi na kayo hihiwalay sa akin. 20 Pero kayong mga mamamayan ng Israel ay nagtaksil sa akin, tulad ng babaeng nagtaksil sa asawa niya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
21 “May naririnig na mga ingay sa itaas ng bundok. Nag-iiyakan at nagmamakaawa ang mga mamamayan ng Israel dahil naging masama ang kanilang pamumuhay at kinalimutan nila ako, ang Panginoon na kanilang Dios. 22 Kayong mga naliligaw kong anak, manumbalik kayo sa akin at itutuwid ko ang inyong kataksilan.
“Sumagot sila, ‘Opo, lalapit po kami sa inyo dahil kayo ang Panginoon naming Dios. 23 Talagang mali po ang pagsamba namin sa mga dios-diosan sa mga bundok. Sa inyo lamang ang kaligtasan ng Israel, Panginoon naming Dios. 24 Mula po sa kabataan namin, ang mga nakakahiyang dios-diosan ang nakinabang sa mga pinaghirapan ng mga ninuno namin ang mga hayop at anak nila. 25 Dapat nga po kaming magtago dahil sa hiya dahil kami at ang mga ninuno namin ay nagkasala sa inyo, Panginoon naming Dios. Mula sa kabataan namin hanggang ngayon, hindi po kami sumunod sa inyo.’ ”
4 Sinabi ng Panginoon, “O Israel, kung talagang gusto mong magbalik sa akin, bumalik ka na. Kung itatakwil mo ang kasuklam-suklam mong mga dios-diosan at hindi ka na hihiwalay sa akin, 2 at kung susumpa ka sa pangalan ko lamang at mamumuhay nang tapat, matuwid at tama, magiging pagpapala ka sa mga bansa at pararangalan nila ako.”
3 Sinabi ng Panginoon sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem, “Baguhin nʼyo ang inyong mga sarili na para bang nagbubungkal kayo ng inyong lupa na hindi pa nabubungkal. At huwag nʼyong ihasik ang mabuti nʼyong binhi sa mga damong matinik. 4 Linisin nʼyo ang inyong mga puso sa presensya ng Panginoon, kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, dahil kung hindi ay mararanasan nʼyo ang galit kong parang apoy na hindi namamatay dahil sa ginawa nʼyong kasamaan.
Ang Parusang Darating sa Juda
5 “Sabihin mo sa Juda at Jerusalem na patunugin nila ang trumpeta sa buong lupain. Isigaw nang malinaw at malakas na tumakas sila at magtago sa mga napapaderang lungsod. 6 Balaan mo ang mga taga-Jerusalem[f] na tumakas agad sila dahil magpapadala ako ng kapahamakan mula sa hilaga.”
7 Ang tagapagwasak na sasalakay sa mga bansa ay parang leon na lumabas sa pinagtataguan nito. Nakaalis na siya sa lugar niya para wasakin ang lupain ninyo. Magigiba ang mga bayan ninyo hanggang sa hindi na ito matirhan. 8 Kaya isuot nʼyo na ang damit na panluksa[g] at umiyak dahil matindi pa rin ang galit ng Panginoon sa atin. 9 Sinabi ng Panginoon, “Sa araw na iyon, maduduwag ang hari at ang mga pinuno niya, masisindak ang mga pari, at mangingilabot ang mga propeta.” 10 Pagkatapos, sinabi ko, “Panginoong Dios, nalinlang po ang mga tao sa sinabi nʼyo noon, dahil nangako po kayo na mananatiling payapa ang Jerusalem. Pero ang espada pala ay nakahanda nang pumatay sa amin.”
11 Darating ang araw na sasabihin ng Panginoon sa mga taga-Jerusalem, “Iihip ang mainit na hangin mula sa ilang patungo sa mga mamamayan ko, pero hindi ito para mapahanginan ang mga trigo nila. 12 Ang malakas na hangin na itoʼy galing sa akin. Sasabihin ko ngayon ang parusa ko sa kanila.”
13 Tingnan nʼyo! Dumarating ang kaaway natin na parang mga ulap. Ang mga karwahe niyaʼy parang ipu-ipo at ang mga kabayo niyaʼy mas mabilis kaysa sa mga agila. Nakakaawa tayo! Ito na ang ating katapusan!
14 “Mga taga-Jerusalem, linisin ninyo ang kasamaan sa inyong puso para maligtas kayo. Hanggang kailan kayo mag-iisip ng masama? 15 Ang kapahamakan ninyoʼy ibinalita na ng mga mensahero mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim. 16 Inutusan silang bigyan ng babala ang mga bansa at ang Jerusalem na may mga sundalong sumasalakay mula sa malayong lugar na humahamon ng digmaan sa mga lungsod ng Juda. 17 Pinaligiran nila ang Jerusalem na parang mga taong nagbabantay ng bukid, dahil ang Jerusalem ay naghimagsik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 18 Ang pag-uugali at masasama nʼyong gawa ang nagdala ng parusang ito sa inyo. Ito ang kaparusahan ninyo. Masakit ito! At tatagos ito sa inyong puso.”
Umiyak si Jeremias para sa Kanyang mga Kababayan
19 “Ang sakit sa puso koʼy halos hindi ko na matiis at ganoon na lamang ang pagdaing ko. Kumakabog ang dibdib ko at hindi ako mapalagay. Sapagkat narinig ko ang tunog ng trumpeta at ang sigaw ng digmaan. 20 Sunud-sunod na dumating ang kapahamakan. Ang buong lupain ay nawasak. Pati ang tolda koʼy agad na nagiba at napunit ang mga tabing. 21 Hanggang kailan ko kaya makikita ang watawat ng digmaan at ang tunog ng trumpeta?”
22 Sinabi ng Panginoon, “Hangal ang mga mamamayan ko; hindi nila ako nakikilala. Silaʼy mga mangmang na kabataan at hindi nakakaunawa. Sanay silang gumawa ng masama pero hindi marunong gumawa ng mabuti.”
Ang Pangitain ni Jeremias tungkol sa Darating na Kapahamakan
23 Tiningnan ko ang lupain at nakita kong itoʼy wala nang anyo at wala nang laman. At nakita ko ring ang langit ay wala nang liwanag. 24 Nakita ko ang mga bundok at mga burol na niyayanig. 25 Nakita ko rin na walang tao at lumilipad ang mga ibon papalayo. 26 Nakita ko na ang masaganang bukirin ay naging ilang. Nawasak ang lahat ng bayan dahil sa matinding galit ng Panginoon. 27 Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay magigiba, pero hindi ko ito gigibaing lubos. 28 Iiyak ang sanlibutan at magdidilim ang langit, dahil sinabi ko na ang kaparusahan at hindi ko na ito babaguhin. Nakapagpasya na ako at hindi na magbabago ang isip ko.”
29 Sa ingay ng mga nangangabayo at mamamana, tumakas na sa takot ang mga mamamayan ng bawat bayan. Ang iba ay tumakas sa kagubatan at ang iba ay umakyat sa batuhan. Ang lahat ng bayan ay iniwanan at walang natirang naninirahan sa mga ito. 30 Jerusalem malapit ka nang mawasak. Ano ang ginagawa mo? Bakit nakadamit ka pa ng magandang damit at mga alahas? Bakit naglalagay ka pa ng mga kolorete sa mga mata mo? Wala nang kabuluhan ang pagpapaganda mo. Itinakwil ka na ng iyong mga minamahal na kakamping bansa at gusto ka na nilang patayin.
31 Narinig ko ang pag-iyak at pagdaing, na parang babaeng nanganganak sa kanyang panganay. Iyak ito ng mga mamamayan ng Jerusalem[h] na parang hinahabol ang kanilang hininga. Itinataas nila ang kanilang mga kamay at nagsasabing, “Kawawa naman kami; at parang hihimatayin na, sapagkat nariyan na ang aming mga kaaway na papatay sa amin.”
Ang mga Kasalanan ng Jerusalem
5 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, pumunta kayo sa mga lansangan nʼyo! Tingnan nʼyo ang mga plasa ninyo! Kung may makikita kayong matuwid at tapat, patatawarin ko ang lungsod ninyo. 2 Kahit ginagamit nʼyo ang pangalan ko sa pagsumpa nʼyo, nagsisinungaling pa rin kayo.”
3 Pagkatapos, sinabi ko, “Panginoon, naghahanap po kayo ng taong tapat. Sinaktan nʼyo po ang inyong mga mamamayan pero balewala ito sa kanila. Pinarusahan nʼyo sila pero ayaw nilang magpaturo. Pinatigas nila ang kanilang mga puso at ayaw nilang magsisi.
4 “Akala ko po, mga dukha sila at mga walang pinag-aralan, pero mga hangal pala sila. Sapagkat hindi nila alam ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios. 5 Kaya pupuntahan ko po ang mga pinuno nila at kakausapin ko sila. Tiyak na mauunawaan nila ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios.” Pero tumanggi rin po silang sumunod sa mga ipinapagawa ng Dios. 6 Kaya sasalakayin sila ng mga kaaway nila na parang leon na nanggaling sa kagubatan, o katulad ng isang asong lobo na galing sa ilang, o parang leopardong nagbabantay malapit sa bayan para silain ang sinumang lumabas. Mangyayari ito sa kanila dahil naghihimagsik sila sa Dios at maraming beses nang tumalikod sa kanya.
7 Sinabi sa kanila ng Panginoon, “Bakit ko kayo patatawarin? Pati ang mga anak ninyo ay itinakwil ako at sumumpa sa pangalan ng hindi tunay na dios. Ibinigay ko ang mga pangangailangan nila, pero nagawa pa rin nila akong pagtaksilan at nagsisiksikan pa sila sa bahay ng mga babaeng bayaran. 8 Para silang mga lalaking kabayo na alagang-alaga. Ang bawat isa sa kanila ay may matinding pagnanasa sa asawa ng iba. 9 Hindi ba nararapat lang na parusahan ko sila dahil dito? Hindi ba nararapat lang na paghigantihan ko ang mga bansang ganito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
10 “Kayong mga kaaway ng mga taga-Israel, sirain nʼyo ang mga ubasan nila, pero huwag ninyong sirain nang lubusan. Tabasin nʼyo ang mga sanga, dahil ang mga taong ito ay hindi na sa Panginoon. 11 Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay hindi na tapat sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 12 Hindi sila nagsasalita ng totoo tungkol sa akin. Sinabi nila, ‘Hindi tayo sasaktan ng Panginoon! Walang panganib na darating sa atin. Walang digmaan o gutom man na darating.’ 13 Walang kabuluhan ang mga propeta at hindi galing sa akin ang mga ipinapahayag nila. Mangyari nawa sa kanila ang kapahamakan na kanilang inihula.”
14 Kaya ito ang sinabi sa akin ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Dahil ganyan ang sinabi ng mga taong iyon, bibigyan kita ng mensahe na katulad ng apoy na susunog sa kanila at magiging parang kahoy sila na masusunog.”
15 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ng Israel, magpapadala ako ng mga tao mula sa malayong bansa para salakayin kayo. Itoʼy isang sinaunang bansa na ang wika ay hindi ninyo nauunawaan. 16 Matatapang ang sundalo nila at nakakamatay ang mga gamit nilang pandigma. 17 Uubusin nila ang inyong mga ani, pagkain, hayop, ubas, at mga igos ninyo. Papatayin nila ang mga hayop at anak ninyo. Wawasakin nila ang mga napapaderang lungsod nʼyo, na siyang inaasahan ninyo. 18 Pero sa mga araw na iyon, hindi ko kayo lubusang lilipulin. 19 At kung may magtatanong, ‘Bakit ginawa ng Panginoon na ating Dios ang lahat ng ito sa atin?’ Sabihin mo sa kanila, ‘Dahil itinakwil ninyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang mga dios sa sarili ninyong lupain. Kaya ngayon, maglilingkod kayo sa mga dayuhan sa lupaing hindi inyo.’
20 “Sabihin nʼyo ito sa mga mamamayan ng Israel[i] at Juda. 21 Pakinggan nʼyo ito, kayong mga hangal at matitigas ang ulo. May mga mata kayo, pero hindi makakita, may mga tainga pero hindi makarinig. 22 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Wala ba kayong takot sa akin? Bakit hindi kayo nanginginig sa harapan ko? Ako ang gumawa ng buhangin sa tabing-dagat para maging hangganan ng dagat. Itoʼy hangganan na hindi maaapawan. Hahampasin ito ng mga alon pero hindi nila maaapawan. 23 Pero matitigas ang ulo at rebelde ang mga taong ito. Kinalimutan at nilayuan nila ako. 24 Hindi sila nagsasalita ng mula sa puso na, ‘Parangalan natin ang Panginoon na ating Dios na nagbibigay ng ulan sa tamang panahon at nagbibigay sa atin ng ani sa panahon ng anihan.’ 25 Ang kasamaan nʼyo ang naglayo ng mga bagay na iyon sa inyo. Ang mga kasalanan nʼyo ang naging hadlang sa pagtanggap nʼyo ng mga pagpapalang ito.
26 “May masasamang tao na kabilang sa mga mamamayan ko at nag-aabang ng mabibiktima. Para silang mga taong bumibitag ng mga ibon. Naglalagay sila ng mga bitag para sa ibang mga tao. 27 Katulad ng hawlang puno ng mga ibon, ang bahay ng masasamang taong ito ay puno ng mga kayamanang nanggaling sa pandaraya. Kaya yumaman sila at naging makapangyarihan. 28 Tumaba sila at lumakas ang mga katawan nila. Lubusan ang paggawa nila ng kasamaan. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ulila at hindi nila ipinaglalaban ang karapatan ng mga dukha. 29 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan dahil dito? Hindi baʼt nararapat kong paghigantihan ang mga bansang katulad nito? 30 Nakakatakot at nakakapangilabot ang mga bagay na nangyayari sa lupaing ito. 31 Ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan. Ang mga pari ay namamahala ayon sa sarili nilang kapangyarihan. At ito ang gusto ng mga mamamayan ko. Pero ano ang gagawin nila kapag dumating na ang katapusan?”
Mga Huwad at Sinungaling na Guro
4 Malinaw ang sinasabi ng Banal na Espiritu na sa mga huling araw tatalikod ang iba sa pananampalataya nila sa Dios. Susunod sila sa mga mapanlinlang na mga espiritu at itinuturo ng mga demonyo. 2 Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na ginawa ng Dios ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam sa katotohanan. 4 Lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat, 5 dahil nilinis ito ng salita ng Dios at ng panalangin.
Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus
6 Magiging mabuti kang lingkod ni Cristo Jesus kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito. At sa pagtuturo mo sa kanila, lalago ka rin sa pamamagitan ng mga katotohanan ng pananampalataya natin at sa tunay na aral na sinusunod mo. 7 Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat na sabi-sabi lang ng matatanda. Sa halip, sanayin mo sa kabanalan ang sarili mo. 8 Sapagkat kung may mabuting naidudulot ang pagsasanay natin sa katawan, may mas mabuting maidudulot ang pagsasanay sa kabanalan sa lahat ng bagay, hindi lang sa buhay na ito kundi maging sa buhay na darating. 9 Totoo ang kasabihang ito, at dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat. 10 At ito ang dahilan kung bakit nagsisikap at nagtitiyaga tayo sa pagtuturo sa mga tao, dahil umaasa tayo sa Dios na buhay na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga mananampalataya. 11 Ituro at ipatupad mo ang mga bagay na ito.
12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga mananampalataya sa iyong pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, gamitin mo ang panahon mo sa pagbabasa ng Kasulatan sa mga tao, sa pangangaral at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob sa iyo ng Banal na Espiritu ayon sa inihayag ng mga namumuno sa iglesya nang ipatong nila ang kamay nila sa iyo. 15 Gawin mo ang mga tungkuling ito at lubos mong italaga ang sarili mo sa mga ito para makita ng lahat ang paglago mo. 16 Maging maingat ka sa pamumuhay at pagtuturo mo. Patuloy mong gawin ang mga bagay na ito para maligtas ka at ang mga nakikinig sa iyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®