Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 62-64

62 Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo. O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan. Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Dios. Hindi ka na tatawaging, “Itinakwil” o “Pinabayaan”. Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Dios” o “Ikinasal sa Dios”, dahil nalulugod sa iyo ang Dios at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya. Siya na lumikha sa iyo[a] ay magpapakasal sa iyo na parang isang binata na ikakasal sa isang birhen. At kung papaanong ang nobyo ay nagagalak sa kanyang nobya, ang iyong Dios ay nagagalak din sa iyo. Jerusalem, naglagay ako ng mga tagapagbantay sa iyong mga pader. Hindi sila titigil araw-gabi sa pagbibigay ng babala sa mga mamamayan mo.

Kayong mga nananalangin sa Panginoon, huwag kayong titigil sa inyong pananalangin. Huwag ninyong titigilan ang Panginoon hanggang sa itayo niyang muli ang Jerusalem at gawing lugar na kapuri-puri sa buong mundo. Nangako ang Panginoon na gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sinabi niya, “Hindi ko na ipapakain ang inyong mga trigo sa inyong mga dayuhang kaaway. Hindi na rin nila maiinom ang mga bagong katas ng ubas na inyong pinaghirapan. Kayo mismong nag-aani ng trigo ang kakain nito, at pupurihin ninyo ako. Kayo mismong namimitas ng ubas ang iinom ng katas nito roon sa aking templo.”

10 Mga taga-Jerusalem, lumabas kayo sa pintuan ng inyong lungsod, at ihanda ninyo ang daraanan ng iba pa ninyong mga kababayan. Linisin ninyo ang kanilang daraanan. Alisin ninyo ang mga bato, at magtayo kayo ng bandila na nagpapahiwatig sa mga tao na pinauuwi na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. 11 Makinig kayo! Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa buong mundo,[b] na nagsasabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng taga-Israel na ang kanilang Tagapagligtas ay dumating na, at may dalang gantimpala. 12 Tatawagin silang ‘Banal’[c] at ‘Iniligtas ng Panginoon.’ At ang Jerusalem naman ay tatawaging, ‘Lungsod na Pinananabikan’ at ‘Lungsod na hindi na Pinabayaan.’ ”

Ang Paghihiganti ng Panginoon

63 Sino itong dumarating mula sa Bozra na sakop ng Edom, na ang maganda niyang damit ay namantsahan ng pula? Dumarating siya na taglay ang kapangyarihan.

Siya ang Panginoon na nagpapapahayag ng tagumpay ng kanyang mga mamamayan at may kapangyarihang magligtas. Bakit napakapula ng kanyang damit, kasimpula ng damit ng taong nagpipisa ng ubas? Sumagot ang Panginoon, “Sa aking galit, pinisa ko na parang ubas ang mga bansa. Mag-isa akong nagpisa; wala akong kasama. Ang dugo nila ay tumalsik sa aking damit; kaya namantsahan ang damit ko. Ginawa ko ito dahil dumating na ang araw ng aking paghihiganti sa aking mga kaaway at ililigtas ko ang aking mga mamamayan. Nagtaka ako dahil nakita kong wala kahit isa ang tumulong sa akin. Kaya ako lang ang nagligtas sa aking mga mamamayan sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ang galit ko ang nagtulak sa akin para parusahan ang aking mga kaaway. At sa galit ko, tinapakan ko ang mga bansa at pinasuray-suray sila na parang mga lasing. Ibinuhos ko sa lupa ang kanilang dugo.”

Ang Kabutihan ng Panginoon

Ihahayag ko ang pag-ibig ng Panginoon. Pupurihin ko siya sa lahat ng kanyang ginawa sa atin. Napakarami ng ginawa niya sa atin na mga mamamayan ng Israel dahil sa laki ng kanyang awa at pag-ibig.

Sinabi ng Panginoon, “Totoo ngang sila ang aking mga mamamayan, silaʼy mga anak kong hindi magtataksil sa akin.” Kung kaya, iniligtas niya sila. Sa lahat ng kanilang pagdadalamhati, nagdalamhati rin siya, at iniligtas niya sila sa pamamagitan ng anghel na nagpahayag ng kanyang presensya. Dahil sa pag-ibig niyaʼt awa, iniligtas niya sila. Noong una pa man, inalagaan niya sila sa lahat ng araw. 10 Pero nagrebelde sila at pinalungkot nila ang Banal niyang Espiritu. Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon, at silaʼy naging kaaway niya. 11 Pero sa huli naalala nila ang mga lumipas na panahon, noong pinalabas ni Moises ang mga mamamayan niya sa Egipto. Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon na nagpatawid sa atin[d] sa dagat kasama ng ating pinunong si Moises na parang isang pastol ng mga tupa? Nasaan na ang Panginoon na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu? 12 Nasaan na ang Panginoon na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises, at naghati ng dagat sa ating harapan, para matanyag siya magpakailanman? 13 Nasaan na siya na gumabay sa atin nang tumawid tayo sa dagat? Ni hindi tayo natisod katulad ng mga kabayong dumadaan sa malinis na lugar. 14 Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon ng kapahingahan, katulad ng mga bakang pumupunta sa pastulan sa kapatagan.”

Panginoon, pinatnubayan nʼyo po kami na inyong mga mamamayan para parangalan kayo. 15 Tingnan nʼyo po kami mula sa langit, na siyang iyong banal at dakilang tahanan. Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin, at ang inyong kapangyarihan na ipinakita noon sa amin? Nasaan na ang inyong pag-ibig at awa sa amin? 16 Sapagkat kayo ang aming Ama, kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham at ni Jacob[e] na kanilang lahi. Totoo, Panginoon, kayo ang aming Ama, ang aming Tagapagligtas mula pa noon.

17 Panginoon, bakit nʼyo kami pinahintulutang mapalayo sa inyong mga pamamaraan? Bakit pinatitigas nʼyo ang aming mga puso na nagbunga ng hindi namin paggalang sa inyo? Magbalik po kayo sa amin, dahil kami ay mga lingkod nʼyo at tanging sa inyo lamang. 18 Sa maikling panahon, ang mga mamamayan ninyo ang nagmay-ari ng inyong templo. At ngayon, giniba na ito ng aming mga kaaway. 19 Kami ay inyo mula pa noon, pero itinuring nʼyo kaming hindi sa inyo, at parang hindi nʼyo pinamumunuan.

64 Panginoon, punitin nʼyo po ang kalangitan. Bumaba kayo, at yayanig ang mga bundok kapag nakita kayo. Kung papaanong ang apoy ay nakapagpapaliyab ng tuyong mga sanga at nakapagpapakulo ng tubig, ang pagdating naman ninyo ay makapagpapanginig ng mga bansang kaaway nʼyo, at malalaman nila kung sino kayo. Noong bumaba po kayo at gumawa ng mga kahanga-hangang mga bagay na hindi namin inaasahan, nayanig ang mga bundok sa inyong presensya. Mula noon hanggang ngayon wala pang nakarinig o nakakita ng Dios na katulad nʼyo na tumutulong sa mga nagtitiwala sa kanya. Tinatanggap nʼyo ang mga nagagalak na gumawa ng matuwid at sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Pero nagalit po kayo sa amin dahil patuloy naming sinusuway ang inyong mga pamamaraan. Kaya papaano kami maliligtas? Kaming lahat ay naging parang maruming bagay, at ang lahat ng aming mabubuting gawa ay parang maruming basahan. Kaming lahat ay parang dahong natutuyo, at ang aming kasamaan ay parang hangin na tumatangay sa amin. Wala kahit isa man sa amin ang humihiling at nagsusumikap na kumapit sa inyo. Sapagkat lumayo po kayo sa amin, at pinabayaan nʼyo kaming mamatay dahil sa aming mga kasalanan. Pero, Panginoon, kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik. Kayo ang gumawa sa aming lahat. Panginoon, huwag nʼyo naman pong lubusin ang inyong galit sa amin o alalahanin ang mga kasalanan namin magpakailanman. Nakikiusap po kami sa inyo na dinggin nʼyo kami, dahil kaming lahat ay inyong mamamayan. 10 Ang mga banal nʼyong lungsod, pati ang Jerusalem ay naging parang ilang na walang naninirahan. 11 Nasunog ang aming banal at magandang templo, kung saan po kayo sinasamba ng aming mga ninuno. Nawasak ang lahat ng bagay na mahalaga sa amin. 12 Sa kalagayan naming ito, Panginoon, kami po ba ay ayaw nʼyo pa ring tulungan? Kayo po ba ay tatahimik na lamang, at parurusahan kami ng lubusan?

1 Timoteo 1

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa.

Mahal kong Timoteo, tunay kong anak sa pananampalataya:

Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala sa mga Maling Aral

Gaya ng ibinilin ko sa iyo noong papunta ako sa Macedonia, manatili ka muna riyan sa Efeso para patigilin ang ilang tao riyan na nagtuturo ng maling doktrina. Pagsabihan mo rin sila na huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat at ang pagsasaliksik sa kung sinu-sino ang mga ninuno nila. Nagdudulot lang ng pagtatalo-talo ang mga bagay na ito. Hindi ito makakatulong para malaman nila ang kalooban ng Dios. Malalaman lang natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng utos kong ito ay magmahalan sila. At magagawa lang nila ito kung malinis ang kanilang puso at konsensya, at kung tunay ang pananampalataya nila. May ilang tumalikod na sa mga bagay na ito, at bumaling sa walang kwentang pakikipagtalo. Gusto nilang maging tagapagturo ng Kautusan, pero hindi naman nila nauunawaan ang mga sinasabi nila, ni ang mga bagay na pilit nilang pinaniniwalaan.

Alam nating mabuti ang Kautusan kung ginagamit ito sa wastong paraan. Dapat nating alalahanin na hindi ibinigay ang Kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga lumalabag sa batas, suwail, ayaw kumilala sa Dios, makasalanan, walang hilig sa kabanalan, lapastangan, pumapatay sa sariling magulang, at mga mamamatay-tao. 10 Ang Kautusan ay ibinigay din para sa mga gumagawa ng sekswal na imoralidad, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, kidnaper, sinungaling at tumetestigo nang hindi totoo, at sa sinumang sumasalungat sa tamang aral 11 na naaayon sa Magandang Balita ng[a] dakila at mapagpalang Dios. Ipinagkatiwala sa akin Ang Magandang Balitang ito para ipahayag.

Pasasalamat sa Awa ng Dios

12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon na nagbigay sa akin ng lakas na maglingkod sa kanya, dahil itinuring niya akong mapagkakatiwalaan. Kaya nga pinili niya akong maglingkod sa kanya, 13 kahit na nilapastangan ko siya noong una. Bukod pa riyan, inusig at nilait ko ang mga sumasampalataya sa kanya. Ngunit kinaawaan ako ng Dios, dahil ginawa ko ito noong hindi pa ako sumasampalataya sa kanya at hindi ko alam ang ginagawa ko. 14 Sadyang napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa akin ng ating Panginoon, pati na ang pag-ibig at pananampalataya, na napasaatin dahil kay Cristo Jesus. 15 Ito ang katotohanang dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat: naparito si Cristo Jesus sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamakasalanan sa lahat. 16 Ngunit kinaawaan ako ng Dios para maipakita ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ko kung gaano siya katiyaga sa mga makasalanan. Magsisilbing halimbawa ang ginawa ni Cristo sa akin para sa iba na sasampalataya sa kanya na pagkakalooban niya ng buhay na walang hanggan. 17 Purihin at dakilain magpakailanman ang Haring walang hanggan at walang kamatayan – ang di-nakikita at nag-iisang Dios. Amen.

18 Timoteo, anak ko, ibinibilin ko sa iyo na huwag mong kalimutan ang sinabi noon ng mga propeta tungkol sa iyo, para magawa mong makipaglaban nang mabuti sa mga sumasalungat sa katotohanan. 19 Ingatan mo ang pananampalataya mo at panatilihin mong malinis ang konsensya mo. May mga taong hindi nakinig sa konsensya nila, at dahil dito, sinira nila ang kanilang pananampalataya. 20 Kabilang na rito sina Hymeneus at Alexander na ipinaubaya ko na kay Satanas para maturuang huwag lumapastangan sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®