Old/New Testament
50 Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Ang Jerusalem[a] baʼy itinakwil ko gaya ng lalaking humiwalay sa kanyang asawa? Patunayan ninyo![b] Ipinabihag ko na ba kayo tulad ng isang taong ipinagbili bilang alipin ang kanyang mga anak sa pinagkakautangan niya, para ipambayad sa utang? Hindi! Kayo ay ipinagbili dahil sa inyong mga kasalanan. Itinakwil ang Jerusalem dahil sa inyong mga pagsuway. 2 Bakit hindi ninyo ako pinansin noong dumating ako? Bakit hindi kayo sumagot noong tinawag ko kayo? Hindi ko ba kayo kayang iligtas? Kaya ko ngang patuyuin ang dagat sa isang salita lang. At kaya kong gawing disyerto ang ilog para mamatay ang mga isda roon. 3 At kaya ko ring padilimin na kasing-itim ng damit na panluksa[c] ang langit.”
Ang Masunuring Lingkod ng Dios
4 Tinuruan ako ng Panginoong Dios kung ano ang sasabihin ko para mapalakas ang mga nanlulupaypay. Ginigising niya ako tuwing umaga para pakinggan ang mga itinuturo niya sa akin. 5 Nagsalita sa akin ang Panginoong Dios at akoʼy nakinig. Hindi ako sumuway o tumakas man sa kanya. 6 Iniumang ko ang aking likod sa mga bumugbog sa akin, at ang aking mukha sa mga bumunot ng aking balbas. Pinabayaan ko silang hiyain ako at duraan ang aking mukha. 7 Pero hindi ako nakadama ng hiya, dahil tinulungan ako ng Panginoong Dios. Kaya nagmatigas ako na parang batong buhay dahil alam kong hindi ako mapapahiya. 8 Malapit sa akin ang Dios na nagsasabing wala akong kasalanan. Sino ang maghahabla sa akin? Lumabas siya at harapin ako! 9 Makinig kayo! Ang Panginoong Dios ang tutulong sa akin. Sino ang makapagsasabing nagkasala ako? Matutulad sila sa damit na mabubulok at ngangatngatin ng mga kulisap. 10 Sino sa inyo ang may takot sa Panginoon at sumusunod sa mga itinuturo ng kanyang lingkod? Kinakailangang magtiwala siya sa Panginoon niyang Dios kahit sa daang madilim at walang liwanag. 11 Pero mag-ingat kayo, kayong mga nagbabalak na ipahamak ang iba, kayo rin ang mapapahamak sa sarili ninyong mga pakana! Mismong ang Panginoon ang magpaparusa sa inyo, at kayoʼy mamamatay sa matinding parusa.
Ang Panawagang Magtiwala sa Panginoon
51 1-2 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo sa akin, kayong mga gustong maligtas[d] at humihingi ng tulong sa akin. Alalahanin ninyo sina Abraham at Sara na inyong mga ninuno. Katulad sila ng batong pinagtibagan sa inyo o pinaghukayan sa inyo. Noong tinawag ko si Abraham, nag-iisa siya, pero pinagpala ko siya at binigyan ng maraming lahi.
3 “Kaaawaan ko ang Jerusalem[e] na nawasak. Ang mga disyerto nito ay gagawin kong parang halamanan ng Eden. Maghahari sa Jerusalem ang kagalakan, pasasalamat at pag-aawitan.
4 “Mga mamamayan ko, makinig kayo sa akin. Dinggin ninyo ako, O bansa ko! Ibibigay ko ang aking kautusan at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa. 5 Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay. Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo. Ako ang mamamahala sa mga bansa. Ang mga nasa malalayong lugar[f] ay maghihintay sa akin at maghahangad ng aking kapangyarihan. 6 Tingnan ninyo ang langit at ang mundo. Mawawala ang langit na parang usok, masisira ang mundo na parang damit, at mamamatay ang mga mamamayan nito na parang mga kulisap. Pero ang kaligtasan na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang tagumpay at katuwiran na mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman. 7 Makinig kayo sa akin, kayong mga nakakaalam kung ano ang tama at sumusunod sa aking kautusan! Huwag kayong matatakot sa mga panghihiya at pangungutya ng mga tao sa inyo. 8 Sapagkat matutulad sila sa damit na nginatngat ng mga kulisap. Pero ang tagumpay at katuwiran na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang kaligtasang mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman.”
9 Sige na, Panginoon, tulungan nʼyo na po kami. Gamitin nʼyo na ang inyong kapangyarihan sa pagliligtas sa amin. Tulungan nʼyo kami katulad ng ginawa nʼyo noon. Hindi baʼt kayo ang tumadtad sa dragon na si Rahab?[g] 10 Hindi baʼt kayo rin po ang nagpatuyo ng dagat, gumawa ng daan sa gitna nito para makatawid ang inyong mga mamamayan na iniligtas nʼyo sa Egipto? 11 Ang inyong mga tinubos ay babalik sa Zion na nag-aawitan at may kagalakan magpawalang hanggan. Mawawala na ang kanilang mga kalungkutan, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan.
12 Sumagot ang Panginoon, “Ako ang nagpapalakas at nagpapaligaya sa inyo. Kaya bakit kayo matatakot sa mga taong katulad ninyo na mamamatay din lang na parang damo? 13 Ako baʼy nakalimutan na ninyo? Ako na lumikha sa inyo? Ako ang nagladlad ng langit at naglagay ng pundasyon ng mundo. Bakit nabubuhay kayong natatakot sa galit ng mga umaapi at gustong lumipol sa inyo? Ang kanilang galit ay hindi makakapinsala sa inyo. 14 Hindi magtatagal at ang mga bihag ay palalayain. Hindi sila mamamatay sa kanilang piitan at hindi rin sila mawawalan ng pagkain. 15 Sapagkat ako ang Panginoon na inyong Dios. Kapag kinalawkaw ko ang dagat ay umuugong ang mga alon. Panginoong Makapangyarihan ang aking pangalan. 16 Itinuro ko sa inyo ang ipinasasabi ko, at ipinagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ako ang naglagay ng langit at ng pundasyon ng mundo, at ako ang nagsabi sa Israel, ‘Ikaw ang aking mamamayan.’ ”
17 Jerusalem, bumangon ka! Ang galit ng Panginoon ay parang alak na ininom mong lahat hanggang sa ikaw ay magpasuray-suray sa kalasingan. 18 Wala ni isa man sa iyong mga tauhan ang aalalay sa iyo; wala ni isa man sa kanila ang tutulong sa iyo. 19 Dalawang sakuna ang nangyari sa iyo: Nawasak ka dahil sa digmaan, at nagtiis ng gutom ang iyong mga mamamayan. Walang naiwan sa mga mamamayan mo, na lilingap at aaliw sa iyo. 20 Nanlulupaypay sila at nakahandusay sa mga lansangan. Para silang mga usa na nahuli sa bitag. Dumanas sila ng matinding galit ng Panginoon; sinaway sila ng iyong Dios.
21 Kaya pakinggan ninyo ito, kayong mga nasa matinding hirap at nalasing ng hindi dahil sa alak. 22 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Dios na kumakalinga sa inyo: “Makinig kayo! Inalis ko na ang aking galit na parang alak na nakapagpalasing sa inyo. Hindi ko na kayo paiinuming muli nito. 23 Ibibigay ko ito sa mga nagpahirap sa inyo, sa mga nag-utos sa inyo na dumapa para tapakan nila kayo. Tinapakan nila ang inyong mga likod na para bang dumadaan sila sa lansangan.”
Ililigtas ng Dios ang Jerusalem
52 Bumangon ka, O Zion, at magpakatatag. Ipakita mo ang iyong kapangyarihan, O banal na lungsod ng Jerusalem, dahil ang mga kaaway mong hindi mga Israelita,[h] na itinuturing mong marumi ay hindi na muling makakapasok sa iyo. 2 Huwag ka nang malungkot katulad ng taong nagluluksa na nakaupo sa lupa. Bumangon ka na at muling mamahala. At kayong mga mamamayan ng Jerusalem, palayain nʼyo na ang inyong sarili mula sa pagkabihag. 3-4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios, “Binihag kayo na parang mga taong ipinagbili bilang alipin na walang bayad, kaya tutubusin ko kayo ng wala ring bayad. Pumunta kayo noon sa Egipto upang doon manirahan at inapi kayo roon. At noong huli inapi rin kayo ng Asiria. 5 Ngayon, ano na naman ang nangyari sa inyo? Binihag kayo ng Babilonia na parang wala ring bayad. Pinamahalaan nila kayo at nilait. Maging ako ay lagi rin nilang nilalapastangan. 6 Pero darating ang araw na malalaman ninyo kung sino ako, dahil ako mismo ang nagsasalita sa inyo. Oo, ako nga.”
7 O napakagandang tingnan ang mga sugong dumadaan sa mga kabundukan na nagdadala ng magandang balita ng kapayapaan at kabutihan sa Jerusalem, dahil ililigtas na ito ng Dios. Sasabihin nila sa mga taga-Jerusalem, “Naghahari na ang inyong Dios!”
8 Sisigaw sa tuwa ang mga tagapagbantay ng lungsod dahil makikita nila ang pagbabalik ng Panginoon sa Jerusalem. 9 Sisigaw sa tuwa ang gibang Jerusalem dahil aaliwin at palalakasin na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. Ililigtas niya ang Jerusalem! 10 Ipapakita ng Panginoon ang natatangi[i] niyang kapangyarihan sa lahat ng bansa, at makikita ng buong mundo[j] ang pagliligtas ng ating Dios.
11 Kayong mga tagapagdala ng mga kagamitan ng templo ng Panginoon, umalis na kayo sa Babilonia. Huwag kayong hihipo ng mga bagay na itinuturing na marumi. Umalis na kayo sa Babilonia, at magpakabanal. 12 Pero ngayon, hindi nʼyo na kailangang magmadali sa pag-alis, na para bang tumatakas. Dahil ang Panginoon ang mangunguna sa inyo. Ang Dios ng Israel ang magtatanggol sa inyo.
Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon
13 Sinabi ng Panginoon, “Ang aking lingkod ay magtatagumpay. Magiging tanyag siya at pararangalan. 14 Marami ang magugulat sa kanya, dahil halos mawasak na ang kanyang mukha at parang hindi na mukha ng tao. 15 Pati ang mga bansa ay mamamangha sa kanya. Ang mga hari ay hindi makakapagsalita dahil sa kanya, dahil makikita nila ang mga bagay na hindi pa nasasabi sa kanila. At mauunawaan nila ang mga bagay na hindi pa nila naririnig.”
Maging Handa sa Pagbalik ng Panginoon
5 Mga kapatid, hindi ko na kailangang isulat pa sa inyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito, 2 dahil alam na ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay katulad ng pagdating ng isang magnanakaw sa gabi. 3 Mangyayari ito habang inaakala ng mga tao na mapayapa at ligtas ang kalagayan nila. Biglang darating ang kapahamakan nila katulad ng pagsumpong ng sakit na nararamdaman ng babaeng manganganak na. At hindi sila makakaligtas. 4 Ngunit kayo, mga kapatid ay hindi namumuhay sa kadiliman. Kaya hindi kayo mabibigla sa araw ng pagbabalik ng Panginoon katulad ng pagkabigla ng isang tao sa pagdating ng magnanakaw. 5 Dahil namumuhay na kayong lahat sa liwanag at hindi sa kadiliman. 6 Kaya nga, huwag tayong maging pabaya katulad ng iba na natutulog, kundi maging handa at mapagpigil sa sarili. 7 Sapagkat ang taong namumuhay sa kadiliman ay katulad ng taong pabaya na natutulog o katulad ng lasing na walang pagpipigil sa sarili.[a] 8 Pero dahil namumuhay na tayo sa liwanag, dapat ay may pagpipigil tayo sa sarili. Gawin natin bilang panangga sa dibdib ang pananampalataya at pag-ibig, at bilang helmet naman ang pag-asa natin sa pagliligtas sa atin ng Dios. 9 Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Dios para sa kaparusahan, kundi para sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin, para kahit buhay pa tayo o patay na sa pagbalik niya ay mabuhay tayo sa piling niya. 11 Dahil dito, patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa, katulad nga ng ginagawa ninyo.
Mga Pangwakas na Bilin at Pagbati
12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na pahalagahan ninyo ang mga naglilingkod sa inyo na pinili ng Panginoon para mamuno at mangaral sa inyo. 13 Ibigay nʼyo sa kanila ang lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa gawain nila. Mamuhay kayo nang may mabuting pakikitungo sa isaʼt isa.
14 Nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na pagsabihan nʼyo ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila. Maging mapagpasensya kayo sa lahat. 15 Huwag na huwag ninyong gagantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, sa halip, sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isaʼt isa at sa lahat. 16 Lagi kayong magalak, 17 laging manalangin, 18 at magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus.
19 Huwag ninyong hadlangan ang ginagawa ng Banal na Espiritu, 20 at huwag ninyong hamakin ang mga pahayag ng Dios. 21 Sa halip, suriin ninyong mabuti ang lahat para malaman kung galing ito sa Dios o hindi. Panghawakan nʼyo ang mabuti, 22 at iwasan ang lahat ng uri ng kasamaan.
23 Pakabanalin nawa kayong lubos ng Dios na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawaʼy panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong pagkatao – ang espiritu, kaluluwa at katawan – hanggang sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang Dios na tumawag sa inyo, at gagawin niya itong mga sinasabi namin.
25 Ipanalangin nʼyo rin kami, mga kapatid.
26 Magiliw ninyong batiin ang lahat ng mga kapatid diyan.[b]
27 Iniuutos ko sa inyo, sa pangalan ng Panginoon, na basahin ninyo ang liham na ito sa lahat ng mga kapatid.
28 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®