Old/New Testament
Ang Pagbagsak ng Babilonia
47 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, mauupo ka sa lupa. Mauupo ka ng walang trono. Ikaw na parang birheng pihikan at mahinhin noon pero hindi na ngayon. 2 Isa ka nang alipin ngayon, kaya kumuha ka ng batong gilingan at maggiling ka na ng trigo. Alisin mo na ang belo mo, at itaas ang damit mo para makita ang iyong hita habang tumatawid ka sa ilog. 3 Lalabas ang iyong kahubaran at mapapahiya ka. Maghihiganti ako sa iyo at hindi kita kaaawaan.” 4 Ang ating Tagapagligtas, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan ay ang Banal na Dios ng Israel.
5 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, maupo ka nang tahimik doon sa dilim. Hindi ka na tatawaging reyna ng mga kaharian. 6 Nagalit ako sa aking mga mamamayan at itinakwil ko sila. Kaya ibinigay ko sila sa iyong mga kamay, at hindi mo sila kinaawaan. Pati ang matatanda ay iyong pinagmalupitan. 7 Sinasabi mong ang iyong pagiging reyna ay walang katapusan. Pero hindi mo inisip ang iyong mga ginawa at kung ano ang maidudulot nito sa iyo sa huli. 8 Kaya pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan at nag-aakalang ligtas. Sinasabi mo pa sa iyong sarili na ikaw ang Dios at wala nang iba pa. Inaakala mo ring hindi ka mababalo o mawawalan ng mga anak.[a] 9 Pero bigla itong mangyayari sa iyo: Mababalo ka at mawawalan ng mga anak. Talagang mangyayari ito sa iyo kahit na marami ka pang alam na mahika o panggagaway. 10 Naniniwala kang hindi ka mapapahamak sa paggawa mo ng kasamaan, dahil inaakala mong walang nakakakita sa iyo. Inililigaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, at iyon din ang dahilan kung bakit sinasabi mong ikaw ang Dios at wala nang iba pa. 11 Kung kaya, darating sa iyo ang kapahamakan at hindi mo malalaman kung papaano mo iyon mailalayo sa pamamagitan ng iyong mahika. Darating din sa iyo ang salot na hindi mo mababayaran para tumigil. Biglang darating sa iyo ang pagkawasak na hindi mo akalaing mangyayari. 12 Sige ipagpatuloy mo ang iyong mga mahika at mga pangkukulam na iyong ginagawa mula noong bata ka pa. Baka sakaling magtagumpay ka, o baka sakaling matakot sa iyo ang mga kaaway mo. 13 Pagod ka na sa marami mong mga pakana. Magpatulong ka sa iyong mga tao na nag-aaral tungkol sa mga bituin at nanghuhula bawat buwan tungkol sa mga mangyayari sa iyo. 14 Ang totoo, para silang mga dayaming madaling nasusunog. Ni hindi nga nila maililigtas ang kanilang sarili sa apoy. At ang apoy na itoʼy hindi tulad ng pangkaraniwang init kundi talagang napakainit. 15 Ano ngayon ang magagawa ng mga taong hinihingan mo ng payo mula nang bata ka pa? Ang bawat isa sa kanilaʼy naligaw ng landas at hindi makakapagligtas sa iyo.
Matigas ang Ulo ng mga Israelita
48 “Makinig kayo, mga lahi ni Jacob, kayong tinatawag na Israel, at nagmula sa lahi ni Juda. Sumusumpa kayo sa pangalan ng Panginoon at tumatawag sa Dios ng Israel. Pero pakunwari lang pala, dahil hindi naman matuwid ang inyong pamumuhay. 2 Sinasabi pa ninyong kayoʼy mga mamamayan ng banal na lungsod, at nagtitiwala kayo sa Dios ng Israel, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan.” 3 Sinabi niya sa inyo, “Sinabi ko na noon pa kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. At itoʼy aking isinakatuparan. 4 Alam ko kung gaano katigas ang inyong ulo. Ang inyong leeg ay kasintigas ng bakal at ang inyong noo ay kasintigas ng tanso. 5 Kaya sinabi ko na agad sa inyo ang aking gagawin. Noong hindi pa ito nangyayari, sinabi ko na ito sa inyo para hindi ninyo masabing ang inyong mga rebultong dios-diosan na gawa sa kahoy at bakal ang siyang humula at nagsagawa nito. 6 Narinig ninyo ang aking mga propesiya at nakita ninyo ang katuparan ng mga ito, pero ayaw ninyong tanggapin na ako ang gumawa nito. Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo ang mga bagong bagay na hindi ko pa ipinahayag sa inyo. Hindi pa ninyo ito alam. 7 Ngayon ko pa lamang ito gagawin para hindi ninyo masabing itoʼy alam na ninyo. 8 Hindi ninyo napakinggan o naunawaan ang mga bagay na ito dahil mula pa noon nagbibingi-bingihan na kayo. Alam ko ang inyong kataksilan dahil mula pa noong kayoʼy isinilang mga rebelde na kayo. 9 Alang-alang sa karangalan ko, pinigilan ko ang aking galit sa inyo para hindi kayo malipol. 10 Lilinisin ko kayo pero hindi katulad ng paglilinis sa pilak, dahil lilinisin ko kayo sa pamamagitan ng paghihirap. 11 Gagawin ko ito para sa aking karangalan. Hindi ako papayag na ako ay mapahiya at ang mga dios-diosan ay maparangalan.
12 “Makinig kayo sa akin, kayong mga taga-Israel na aking pinili. Ako ang Dios; ako ang pasimula at ang wakas ng lahat. 13 Ako ang naglagay ng pundasyon ng mundo at ako rin ang nagladlad ng langit. Kapag nag-utos ako sa mga ito, itoʼy sumusunod.
14 “Magtipon kayong lahat at makinig: Sino sa mga dios-diosan ang humulang lulusubin ng aking kaibigan[b] ang Babilonia para sundin ang ipinapagawa ko laban sa bansang iyon? Wala! 15 Ako ang nagsabi sa kanya at ako rin ang tumawag sa kanya. Sinugo ko siya at pinagtagumpay sa kanyang ginawa. 16 Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito: Mula pa ng pasimula hindi ako nagsalita nang lihim. Sa panahon na nangyari ang sinabi ko, naroon ako.”
At ngayon sinugo ako ng Panginoong Dios at ng kanyang Espiritu na sabihin ito: 17 “Sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel: Ako ang Panginoon na inyong Dios na nagturo sa inyo kung ano ang mabuti para sa inyo at ako ang pumatnubay sa inyo sa tamang daan. 18 Kung kayo lamang ay sumunod sa aking mga utos, dumaloy sana na parang ilog ang mga pagpapala sa inyo, at ang inyong tagumpay[c] ay sunud-sunod sana na parang alon na dumarating sa dalampasigan. 19 Ang inyo sanang mga lahi ay naging kasindami ng buhangin na hindi mabilang, at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”
20 Umalis kayo sa Babilonia! Buong galak ninyong ihayag sa buong mundo[d] na iniligtas ng Panginoon ang kanyang lingkod, ang mga mamamayan ng Israel.[e] 21 Hindi sila nauhaw nang patnubayan sila ng Dios sa ilang, dahil pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila. Biniyak niya ang bato at umagos ang tubig. 22 Pero ang masasama ay hindi magkakaroon ng kapayapaan, sabi ng Panginoon.
Ang mga Gawain ng Lingkod ng Dios
49 Makinig kayo sa akin, kayong mga naninirahan sa malalayong lugar:[f] Hindi pa man ako isinilang, tinawag na ako ng Panginoon para maglingkod sa kanya. 2 Ginawa niyang kasintalim ng espada ang mga salita ko. Iningatan niya ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ginawa niya akong parang makinang na pana na handa nang itudla. 3 Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko. Sa pamamagitan mo, pararangalan ako ng mga tao.” 4 Pero sinabi ko, “Ang paghihirap koʼy walang kabuluhan; sinayang ko ang lakas ko sa walang kabuluhan.” Pero ipinaubaya ko ito sa Panginoon na aking Dios. Siya ang magbibigay ng gantimpala sa aking mga gawa.
5 Ang Panginoon ang pumili sa akin na maging lingkod niya, para pabalikin sa kanya at tipunin ang mga Israelita. Pinarangalan ako ng Panginoon na aking Dios at binigyan ng lakas. 6 Sinabi niya, “Ikaw na lingkod ko, marami pang mga gawain ang ipapagawa ko sa iyo, maliban sa pagpapabalik sa mga Israelita na aking kinakalinga. Gagawin pa kitang[g] ilaw ng mga bansa para maligtas ang buong mundo.”[h]
7 Ang Panginoon, ang Tagapagligtas at Banal na Dios ng Israel ay nagsabi sa taong hinahamak at kinasusuklaman ng mga bansa at ng lingkod ng mga pinuno, “Makikita ng mga hari kung sino kang talaga at tatayo sila para magbigay galang sa iyo. Ang mga pinuno ay yuyuko sa iyo. Mangyayari ito dahil sa akin, ang Panginoong tapat, ang Banal na Dios ng Israel. Ako ang pumili sa iyo.”
Muling Itatayo ang Jerusalem
8 Ito ang sinabi ng Panginoon, “Sa tamang panahon[i] ay tutugunin kita, sa araw ng pagliligtas ay tutulungan kita. Iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Muli mong itatayo ang lupain ng Israel na nawasak, at muli mo itong ibibigay sa aking mga mamamayan. 9 Sasabihin mo sa mga Israelitang binihag at piniit sa kadiliman, ‘Lumabas kayo! Malaya na kayo!’
“Matutulad sila sa mga tupang nanginginain sa tabi ng mga daan at mga burol. 10 Hindi sila magugutom o mauuhaw. Hindi sila maiinitan ng matinding init ng araw o ng mainit na hangin sa ilang. Sapagkat akong nagmamalasakit sa kanila ay magpapatnubay sa kanila sa mga bukal. 11 Gagawin kong daanan ang aking mga bundok na kanilang dadaanan. Ang mga lugar na matataas ay magiging pangunahing daan. 12 Darating ang aking mga mamamayan mula sa malayo. Manggagaling ang iba sa hilaga, ang iba namaʼy sa kanluran, at ang ibaʼy galing pa sa Sinim.”[j]
13 Umawit ka sa tuwa, O langit. At magalak ka, O mundo! Umawit kayo, kayong mga bundok. Sapagkat kaaawaan at aaliwin ng Panginoon ang kanyang mga mamamayang nahihirapan. 14 Pero sinabi ng mga taga-Jerusalem,[k] “Pinabayaan na kami ng Panginoon; nakalimutan na niya kami.”
15 Pero sumagot ang Panginoon, “Makakalimutan ba ng isang ina ang kanyang anak? Hindi ba niya pagmamalasakitan ang isinilang niyang sanggol? Maaaring makalimot ang isang ina, pero ako, hindi makalilimot sa inyo!
16 “O Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Isinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad. Palagi kong iniisip na maitayong muli ang iyong mga pader. 17 Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo,[l] at ang mga nagwasak sa iyo ay paaalisin na. 18 Tingnan mo ang iyong paligid; nagtitipon na ang iyong mga mamamayan para umuwi sa iyo. At bilang Dios na buhay, sumusumpa akong ipagmamalaki mo sila katulad ng pagmamalaki ng nobyang ikakasal sa mga alahas na kanyang suot-suot. 19 Nawasak ka at pinabayaang giba, pero ngayon ay titirhan ka na ng iyong mga mamamayan. Hindi na sila halos magkakasya sa iyo. At ang mga nagwasak sa iyo ay lalayo na. 20 Sasabihin ng mga anak ninyong ipinanganak sa panahon ng inyong pagdadalamhati,[m] ‘Ang lugar na itoʼy napakaliit para sa amin. Kailangan namin ng mas malaking lugar.’ 21 At sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Sino ang nanganak ng mga ito para sa akin? Namatay ang karamihan ng aking mga mamamayan,[n] at dahil doon akoʼy nagluksa. Ang iba sa kanila ay binihag at dinala sa ibang bansa, at nag-iisa na lamang ako. Kaya saan galing ang mga ito? Sino ang nag-alaga sa kanila?’ ”
22 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Sesenyasan ko ang mga bansa at ibabalik nila sa iyo ang iyong mga mamamayan na parang mga sanggol na kanilang kinalinga.[o] 23 Maglilingkod sa iyo ang mga hari at mga reyna. Sila ang mag-aalaga sa iyo. Luluhod sila sa iyo bilang paggalang, at magpapasakop sa iyo.[p] Sa ganoon malalaman mong ako ang Panginoon, at ang mga nagtitiwala sa akin ay hindi mabibigo.”
24 Mababawi mo pa ba ang mga sinamsam ng mga sundalong malulupit?[q] Maililigtas pa ba ang mga binihag nila?
25 Pero ito ang sagot ng Panginoon, “Oo, maililigtas mo pa ang mga binihag ng mga sundalong malulupit at mababawi mo pa ang mga sinamsam nila. Sapagkat lalabanan ko ang mga lumalaban sa iyo at ililigtas ko ang iyong mga mamamayan.[r] 26 Ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang sarili nilang katawan, at magiging parang mga lasing sila sa sarili nilang dugo. Dahil dito, malalaman ng lahat na ako, ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ay ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
Ang Buhay na Kaaya-aya sa Dios
4 Mga kapatid, natutunan nʼyo sa amin kung paano mamuhay nang kalugod-lugod sa Dios, at ito nga ang ginagawa ninyo. Hinihiling namin ngayon sa pangalan ng Panginoong Jesus na lalo nʼyo pa sana itong pag-ibayuhin. 2 Sapagkat alam naman ninyo ang mga utos ng Panginoong Jesus na ibinigay namin sa inyo: 3 Nais ng Dios na maging banal kayo, kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. 4 Dapat ay matutong makitungo ang bawat isa sa asawa niya[a] sa banal at marangal na pamamaraan, 5 at hindi sa makamundong pagnanasa katulad ng ginagawa ng mga hindi kumikilala sa Dios, 6 upang sa ganoon, hindi kayo makagagawa ng masama o mananamantala ng kapwa, dahil parurusahan ng Dios ang sinumang gumagawa ng mga ito, tulad ng sinabi at pinaalala namin sa inyo noon pa. 7 Tinawag tayo ng Dios para mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. 8 Ang sinumang hindi sumusunod sa mga utos na ito ay hindi sa tao sumusuway kundi sa Dios na nagbibigay sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.
9 Ngayon, tungkol sa pagmamahalan bilang magkakapatid sa Panginoon, hindi na kayo kailangang paalalahanan pa tungkol dito, dahil ang Dios na mismo ang nagturo sa inyo na magmahalan. 10 At ito nga ang ginagawa nʼyo sa lahat ng kapatid sa Macedonia. Ganoon pa man, hinihiling namin na lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang pag-ibig ninyo. 11 Sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, at huwag kayong makikialam sa buhay ng iba. Magtrabaho ang bawat isa para sa ikabubuhay niya, tulad ng ibinilin namin sa inyo. 12 Nang sa ganoon, hindi nʼyo na kailangang umasa sa iba, at igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya.
Ang Pagbabalik ng Panginoon
13 Mga kapatid, gusto naming malaman nʼyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, para hindi kayo magdalamhati gaya ng iba na walang pag-asa. 14 Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Dios ang mga sumasampalataya kay Jesus, at isasama niya kay Jesus.
15 Sinasabi namin sa inyo ang mismong turo ng Panginoon: Tayong mga buhay pa pagbalik ng Panginoon ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon, ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit kasabay ng malakas na utos. Maririnig ang pagtawag ng punong anghel at ang pagtunog ng trumpeta ng Dios. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ang unang bubuhayin; 17 pagkatapos, ang mga buhay pa sa atin sa araw na iyon ay kasama nilang dadalhin sa mga ulap para salubungin ang Panginoon sa himpapawid. At makakasama na natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya nga, mga kapatid, pasiglahin ninyo ang isaʼt isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®