Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 26-27

Awit ng Papuri sa Dios

26 Sa mga araw na iyon ang awit na itoʼy aawitin sa Juda:

    Matatag na ang ating lungsod!
    Ang Pagliligtas ng Dios ay parang pader na nakapalibot sa atin.
Buksan ang mga pintuan ng lungsod para makapasok ang bansang matuwid at tapat sa Panginoon.

Panginoon, bigyan nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa inyo.
Magtiwala kayong lagi sa Panginoon,
    dahil siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman.
Ang totoo, ibinabagsak niya ang mga mapagmataas.
    Winawasak niya ang kanilang lungsod hanggang sa madurog sa lupa.
At itoʼy tinatapak-tapakan ng mga dukha na kanilang inapi.

Patag ang daan ng taong matuwid, at kayo, Panginoong matuwid, ang nagpatag nito.
Panginoon, sinunod namin ang inyong mga utos,
    at nagtiwala kami sa inyo.
    Hangad namin na kayo ay aming maparangalan.
Buong puso kitang hinahanap-hanap kapag gabi.
    Kung hahatulan nʼyo ang mga tao sa mundo,
    matututo silang mamuhay nang matuwid.
10 Kahit kinaaawaan nʼyo ang masasama,
    hindi pa rin sila natututong mamuhay nang matuwid.
    Kahit na naninirahan silang kasama ng mga matuwid,
    patuloy pa rin sila sa kanilang gawaing masama,
    at hindi nila kinikilala ang inyong kapangyarihan.
11 Panginoon, nakahanda na po kayong magparusa sa kanila,
    pero hindi nila alam.
    Ipaalam nʼyo sa kanila, Panginoon.
    Ilagay nʼyo po sila sa kahihiyan. Ipakita nʼyo sa kanila kung gaano nʼyo kamahal ang iyong mga mamamayan.
    Lipulin nʼyo po sa pamamagitan ng inyong apoy ang inyong mga kaaway.

12 Panginoon, ilagay nʼyo po kami sa mabuting kalagayan,
    sapagkat ang lahat ng aming nagagawa ay nagagawa namin sa tulong ninyo.
13 Panginoon na aming Dios,
    pinamahalaan kami ng ibang panginoon,
    pero kayo lang ang aming sinasamba.
14 Patay na sila ngayon at hindi na mabubuhay pa.
    Pinarusahan nʼyo sila at pinatay para malimutan at hindi na maaalala pa.
15 Panginoon, pinalawak nʼyo ang aming bansa.
    Pinalapad nʼyo ang aming mga hangganan,
    at itoʼy nagbigay ng karangalan sa inyo.
16 Panginoon, pinarusahan nʼyo ang iyong mga mamamayan,
    at sa kanilang mga paghihirap ay dumulog at tumawag sila sa inyo.
17 Panginoon, kitang-kita nʼyo ang aming paghihirap.
    Tulad kami ng isang babaeng nanganganak, na napapasigaw dahil sa tindi ng sakit.
18 Dumaing kami dahil sa hirap, pero wala rin kaming iniluwal.
    Wala kaming nagawa para iligtas ang lupain namin,
    at hindi rin namin nalipol ang mga taong kaaway namin dito sa mundo.
19 Pero muling mabubuhay ang inyong mga mamamayang namatay.
    Babangon ang kanilang mga bangkay at aawit sa galak.
    Kung papaanong ang hamog ay nagpapalamig ng lupa,
    kayo rin Panginoon ang muling bubuhay sa mga patay.

20 Mga kababayan, pumasok kayo sa inyong mga bahay at isara ninyo ang inyong mga pintuan.
    Magtago muna kayo hanggang sa mawala ang galit ng Panginoon.
21 Sapagkat darating na siya mula sa kanyang tirahan para parusahan ang mga tao sa mundo dahil sa kanilang mga kasalanan.
    Ilalabas ng lupa ang mga taong pinatay, at hindi na niya itatago pa.

27 Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang kanyang matalim at makapangyarihang espada para patayin ang Leviatan, ang maliksi at gumagapang na dragon sa karagatan.

“Sa araw na iyon, aawit kayo tungkol sa ubasan na umaani nang sagana, na larawan ng aking bayan. Ako ang Panginoon na nag-aalaga ng ubasan. Dinidiligan ko ito at binabantayan araw-gabi para hindi masira. Hindi na ako galit sa ubasang ito. Pero sa sandaling may makita akong mga halamang may tinik, tatanggalin ko iyon at susunugin. Pero maliligtas siya kung siyaʼy makikipagkaibigan at hihingi ng kalinga sa akin.”

Darating ang araw na ang mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob ay magkakaugat tulad ng halaman. Magkakasanga ito, mamumulaklak, at mamumunga ng marami at pupunuin ang buong mundo. Hindi pinaparusahan ng Dios ang Israel katulad ng pagpaparusa niya at pagpatay sa mga kaaway nila. Ipinabihag ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan bilang parusa sa kanila. Ipinatangay niya sila sa napakalakas na hangin mula sa silangan. Mapapatawad lang sila kung gigibain nila ang mga altar nilang bato at kung didikdikin ng pino at itatapon ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at ang mga altar na sinusunugan nila ng insenso.

10 Nawasak na ang napapaderang lungsod. Para na itong ilang. Wala nang nakatira rito. Naging pastulan na lang ito at pahingahan ng mga baka. Inubos ng mga baka ang mga dahon ng mga sanga. 11 At nang mabali at matuyo ang mga sanga, tinipon ito ng mga babae at ginawang panggatong. Dahil sa walang pang-unawa ang mga taong ito, hindi sila kaaawaan ng Dios na lumikha sa kanila. 12 Sa araw na iyon, titipunin ng Panginoon ang mga Israelita mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa daluyan ng tubig ng Egipto na parang nagtitipon ng mga butil sa giikan. 13 Pagtunog ng trumpeta nang malakas, magsisibalik sa Jerusalem ang nahihirapang mga Israelita na binihag ng Asiria at Egipto. At sasambahin nila ang Panginoon, sa banal na bundok ng Jerusalem.

Filipos 2

Ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Hindi baʼt masigla kayo dahil nakay Cristo kayo? Hindi baʼt masaya kayo dahil alam ninyong mahal niya kayo? Hindi baʼt may mabuti kayong pagsasamahan dahil sa Banal na Espiritu? At hindi baʼt may malasakit at pang-unawa kayo sa isaʼt isa? Kung ganoon, nakikiusap ako na lubusin na ninyo ang kagalakan ko: Magkasundo kayoʼt magmahalan, at magkaisa sa isip at layunin. Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isaʼt isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin nʼyo kundi ang kapakanan din ng iba. Dapat maging katulad ng kay Cristo Jesus ang pananaw nʼyo:

Kahit na nasa kanya ang katangian ng Dios, hindi niya itinuring ang pagiging kapantay ng Dios bilang isang bagay na dapat panghawakan.
Sa halip, ibinaba niya nang lubusan ang sarili niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin.
Naging tao siyang tulad natin.     At sa pagiging tao niya, nagpakumbaba siya at naging masunurin sa Dios hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus.
Kaya naman itinaas siyang lubos ng Dios at binigyan ng titulong higit sa lahat ng titulo,
10 upang ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa ay luluhod sa pagsamba sa kanya.
11 At kikilalanin ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikapupuri ng Dios Ama.

Magsilbi Kayong Ilaw na Nagliliwanag

12 Mga minamahal, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod noong magkakasama pa tayo, lalo sana kayong maging masunurin kahit ngayong malayo na ako sa inyo. Sikapin ninyong ipamuhay[a] ang kaligtasang tinanggap nʼyo, at gawin nʼyo ito nang may takot at paggalang sa Dios. 13 Sapagkat ang Dios ang siyang nagbibigay sa inyo ng pagnanais at kakayahang masunod nʼyo ang kalooban niya.

14 Gawin nʼyo ang lahat nang walang reklamo o pagtatalo, 15 para maging malinis kayo at walang kapintasang mga anak ng Dios sa gitna ng mga mapanlinlang at masasamang tao sa panahong ito. Kailangang magsilbi kayong ilaw na nagliliwanag sa kanila 16 habang pinaninindigan nʼyo[b] ang salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. At kung gagawin nʼyo ito, may maipagmamalaki ako sa pagbabalik ni Cristo, dahil alam kong hindi nasayang ang pagsisikap ko sa inyo. 17 Ang paglilingkod ninyo na bunga ng inyong pananampalataya ay tulad sa isang handog. At kung kinakailangang ibuhos ko ang aking dugo[c] sa handog na ito, maligaya pa rin ako at makikigalak sa inyo. 18 At dapat maligaya rin kayo at makigalak sa akin.

Si Timoteo at si Epafroditus

19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko riyan si Timoteo sa lalong madaling panahon, para masiyahan naman ako kapag naibalita niya ang tungkol sa inyo. 20 Siya lang ang kilala ko na katulad kong nagmamalasakit sa inyo nang totoo. 21 Ang ibaʼy walang ibang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam nʼyo kung paano pinatunayan ni Timoteo ang kanyang sarili. Para ko siyang tunay na anak sa pagtulong niya sa akin sa pangangaral ng Magandang Balita. 23 Binabalak kong papuntahin siya sa inyo kapag nalaman ko na ang magiging hatol sa akin dito. 24 At umaasa ako sa Panginoon na ako mismo ay makakapunta sa inyo sa lalong madaling panahon.

25 Sa ngayon, naisip kong kailangan nang pabalikin ang kapatid nating si Epafroditus na pinapunta nʼyo rito para tulungan ako. Tulad ko rin siyang manggagawa at tagapagtanggol ng Magandang Balita. 26 Pababalikin ko na siya sa inyo dahil sabik na sabik na siyang makita kayo, at hindi siya mapalagay dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoo ngang nagkasakit siya, at muntik nang mamatay. Ngunit naawa ang Dios sa kanya at maging sa akin, dahil pinagaling siya at naligtas naman ako sa matinding kalungkutan. 28 Kaya gusto ko na siyang pabalikin para matuwa kayo kapag nakita nʼyo na siya ulit, at hindi na rin ako mag-aalala para sa inyo. 29 Kaya tanggapin nʼyo siya nang buong galak bilang kapatid sa Panginoon. Igalang nʼyo ang mga taong tulad niya, 30 dahil nalagay sa panganib ang buhay niya para sa gawain ni Cristo. Itinaya niya ang buhay niya para matulungan ako bilang kinatawan ninyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®