Old/New Testament
Ang Mensahe Tungkol sa Damascus
17 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Damascus:[a] “Makinig kayo! Ang Damascus ay hindi na magiging lungsod dahil magigiba ito. 2 Wala nang titira sa lungsod ng Aroer. Magiging pastulan na lamang ito ng mga hayop, at walang gagambala sa kanila roon. 3 Mawawasak ang mga napapaderang mga lungsod ng Israel,[b] at mawawala ang kapangyarihan ng Damascus. Ang sasapitin ng mga matitira sa Aram[c] ay katulad ng sinapit ng mga taga-Israel. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.
4 “Pagdating ng araw na iyon, mawawala na ang kapangyarihan ng Israel, at ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan. 5 Matutulad siya sa taniman ng mga butil na ginapas na ng mga nag-aani, tulad ng taniman sa Lambak ng Refaim pagkatapos ng anihan. 6 Iilan lang ang matitira sa kanyang mga mamamayan. Matutulad siya sa puno ng olibo pagkatapos pitasin ang mga bunga. Maaaring dalawa o tatlo lamang ang bungang matitira sa pinakamataas na mga sanga, at apat o limang bunga sa ibang mga sanga. Ako, ang Panginoong Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
7 Sa araw na iyon, lalapit na ang mga tao sa lumikha sa kanila, sa Banal na Dios ng Israel. 8 Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila mismo ang gumawa. Hindi na rin nila papansinin ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, pati ang mga altar na pinagsusunugan nila ng insenso na gawa rin lang ng kanilang mga kamay. 9 Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay mawawasak at iiwan na lang nila, katulad ng mga lungsod ng mga Amoreo at Hiveo[d] na iniwan ng mga ito nang dumating ang mga Israelita.
10 Kinalimutan ninyo ang Dios na inyong Tagapagligtas at Bato na kanlungan. Kaya kahit na magtanim kayo ng magagandang klaseng tanim, katulad ng ubas na galing sa ibang lugar, 11 at kahit na tumubo ito at mamulaklak sa araw din na inyong itinanim, wala kayong makukuhang bunga. Nagpagod lang kayo at naghirap.
12 Tingnan nʼyo! Nagkakagulo ang napakaraming tao mula sa mga bansa. Ang ingay nila ay parang ugong ng malalaking alon. 13 Pero kahit na katulad sila ng malalaking alon na umuugong, tatakas sila kapag sinaway sila ng Dios. Matutulad sila sa ipa sa mga burol na ipinapadpad ng hangin at ng dayaming tinatangay ng ipu-ipo. 14 Sa gabiʼy naghahasik sila ng lagim, pero kinaumagahan nilipol sila. Iyan ang mangyayari sa mga sumasalakay sa atin at mananamsam ng mga ari-arian natin.
Ang Mensahe tungkol sa Etiopia
18 Nakakaawa ang mga lugar malapit sa mga ilog ng Etiopia,[e] na may mga pagaspas ng pakpak ng mga kulisap na naririnig.[f] 2 Mula sa lugar na ito ay may mga sugong nakasakay sa sasakyang yari sa tambo[g] at dumadaan sa Ilog ng Nilo.
Kayong mabibilis na sugo, bumalik na kayo sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog. Bumalik na kayo sa inyong mga mamamayan na matatangkad at makikinis ang balat, mga taong makapangyarihan at kinakatakutan kahit saan.
3 Kayong lahat ng naninirahan sa mundo, abangan ninyo ang pagtaas ng bandila sa ibabaw ng bundok, at pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta. 4 Sapagkat ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Mula sa aking luklukan, panatag akong nagmamasid na parang nagniningning na araw sa katanghaliang tapat, at parang namumuong ambon sa maalinsangang gabi sa panahon ng anihan.”
5 Bago pa dumating ang panahon ng pag-ani, sa panahon pa lang ng pamumulaklak ng mga ubas at unti-unting paghinog ng mga bunga nito, puputulin na ng Dios ang mga sanga nito. 6 Lilipulin ng Dios ang mga taga-Etiopia, at ang mga bangkay nila ay ipapaubaya sa ibong mandaragit at mababangis na hayop. Magiging pagkain sila ng mga ibon sa panahon ng tag-araw at ng mababangis na hayop sa panahon ng taglamig. 7 Pero darating ang araw na tatanggap ang Panginoong Makapangyarihan ng mga handog mula sa lupaing ito na hinahati ng mga ilog. Ang mga mamamayan nitoʼy matatangkad, makikinis ang balat, makapangyarihan, at kinatatakutan kahit saan. Dadalhin nila ang kanilang mga regalo sa Bundok ng Zion, kung saan sinasamba ang Panginoong Makapangyarihan.
Ang Mensahe tungkol sa Egipto
19 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Egipto:
Makinig kayo! Ang Panginoon ay nakasakay sa ulap at mabilis na pumunta sa Egipto. Nanginginig sa takot ang mga dios-diosan ng Egipto, at kinakabahan ang mga Egipcio.
2 Sinabi ng Panginoon, “Pag-aawayin ko ang mga taga-Egipto: Kapatid laban sa kapatid, kapitbahay laban sa kapitbahay, lungsod laban sa lungsod, at kaharian laban sa kaharian. 3 Masisiraan ng loob ang mga taga-Egipto, at guguluhin ko ang mga plano nila. Sasangguni sila sa mga dios-diosan, sa kaluluwa ng mga patay, sa mga mangkukulam at mga espiritista. 4 Ipapasakop ko sila sa isang malupit na hari.” Iyon nga ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan.
5 Matutuyo ang Ilog ng Nilo. 6 Ang mga sapa at mga batis na dinadaluyan nito ay babaho at matutuyo. Malalanta ang mga tambo at mga talahib, 7 ang lahat ng tanim sa pampang ng ilog. Matutuyo at titigas ang lupa malapit sa Ilog ng Nilo at mamamatay ang mga halaman dito. 8 Iiyak, maghihinagpis, at manghihina ang mga mangingisda sa Ilog ng Nilo, 9 at malulungkot ang mga gumagawa ng mga telang linen. 10 Manlulumo ang mga manghahabi at ang iba pang mga manggagawa.
11 Hangal ang mga pinuno ng Zoan! Kinikilala silang mga pinakamatalinong tagapayo ng Faraon,[h] pero ang kanilang mga payo ay walang kabuluhan. Paano nila nasabi sa Faraon, “Lahi kami ng matatalino at ng mga hari noong unang panahon.”
12 Faraon, nasaan na ngayon ang matatalino mong tao? Kung talagang matatalino sila, itanong mo kung ano ang plano ng Panginoong Makapangyarihan para sa Egipto. 13 Talagang mga mangmang ang mga pinuno ng Zoan at Memfis.[i] Madali silang malinlang. Silang mga pinuno ang siyang dapat sanang manguna sa mga mamamayan ng Egipto, pero sila pa ang luminlang sa kanila. 14 Ginugulo ng Panginoon ang isip ng mga Egipcio. Pamali-mali ang mga hakbang na kanilang ginagawa. Para silang mga lasing na pasuray-suray at nagsusuka. 15 Walang sinuman sa buong Egipto, mayaman man o mahirap, marangal man o aba, ang makakatulong sa kanyang bansa.
16 Sa mga araw na iyon, ang mga taga-Egipto ay magiging mahina na parang babae. Manginginig sila sa takot sa parusang ihahatol sa kanila ng Panginoong Makapangyarihan. 17 Matatakot sila sa Juda, kahit marinig lang nila ang pangalan nito. Mangyayari ito sa kanila dahil sa plano ng Panginoong Makapangyarihan laban sa kanila.
18 Sa araw na iyon, limang lungsod ng Egipto ang susunod sa Panginoong Makapangyarihan, at magsasalita sila sa wikang Hebreo.[j] Isa sa mga lungsod na itoʼy tatawaging, Lungsod ng Araw.[k]
19 Sa araw na iyon, itatayo ang isang altar para sa Panginoon sa lupain ng Egipto, at itatayo ang isang alaalang bato sa hangganan nito. 20 Magiging tanda ito at patunay na naroon ang Panginoong Makapangyarihan sa lupain ng Egipto. Kung ang mga taga-Egipto ay hihingi ng tulong sa Panginoon sa dahilang pinapahirapan sila ng mga umaapi sa kanila, padadalhan sila ng magliligtas at kakalinga sa kanila. 21 Ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanila, at sa araw na iyon ay kikilalanin nila ang Panginoon. Sasambahin nila siya sa pamamagitan ng sari-saring mga handog. Magsisipanata sila sa Panginoon, at tutuparin nila iyon. 22 Parurusahan ng Panginoon ng salot ang mga taga-Egipto, pero pagagalingin din niya ang mga ito. Dudulog sila sa Panginoon, at didinggin niya ang mga dalangin nila at pagagalingin sila.
23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng malapad na daan mula sa Egipto papuntang Asiria. Ang mga taga-Egipto at mga taga-Asiria ay magpaparooʼt parito sa Egipto at sa Asiria, at magkasama silang sasamba. 24 Sa araw na iyon, magsasama ang Israel, Egipto, at ang Asiria. At ang tatlong bansang ito ay magiging pagpapala sa buong mundo. 25 Pagpapalain sila ng Panginoong Makapangyarihan at sasabihin, “Pinagpapala ko ang mga taga-Egipto na aking mga mamamayan, ang mga taga-Asiria na aking nilalang, at ang mga taga-Israel na pagmamay-ari ko.”
17 Huwag kayong magpakamangmang kundi alamin nʼyo kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin ninyo.
18 Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Banal na Espiritu. 19 Sa pagtitipon nʼyo, umawit kayo ng mga salmo, himno, at ng iba pang mga awiting espiritwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Dios Ama sa lahat ng bagay bilang mananampalataya ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[a]
Aral sa mga Mag-asawa
21 Magpasakop kayo sa isaʼt isa bilang paggalang kay Cristo.
22 Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop nʼyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. 24 Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Cristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay.
25 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Cristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya 26 upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at ng salita ng Dios. 27 Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis. 28 Kaya dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29-30 Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Cristo sa atin dahil bahagi tayo ng kanyang katawan na tinatawag na iglesya.
31 Sinasabi sa Kasulatan, “Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.”[b] 32 Kamangha-mangha itong malalim na katotohanan na ipinahayag ng Dios. Isinasalarawan nito ang ugnayan ni Cristo at ng iglesya niya. 33 Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang nʼyo ang inyong asawa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®