Old/New Testament
1 Ang pinakamagandang awit ni Solomon.[a]
Babae
2 Paliguan mo ako ng iyong mga halik. Pagkat mas matamis pa kaysa katas ng ubas ang iyong pag-ibig. 3 Kay sarap amuyin ng iyong pabango, at ang ganda ng pangalan mo, kaya hindi kataka-takang mga dalagaʼy napapaibig sa iyo. 4 Sige na, O aking hari, dalhin mo ako sa iyong silid.
Mga Babae ng Jerusalem
Sa piling mo,[b] kami ay maligaya. Mas gusto pa namin ang pag-ibig mo kaysa anumang inumin.
Babae
Tama lang na umibig sila sa iyo! 5 O mga babaeng taga-Jerusalem, maitim nga ako gaya ng mga tolda sa Kedar, pero maganda naman tulad ng kurtina sa palasyo ni Solomon. 6 Huwag ninyo akong hamakin[c] dahil sa kulay ng aking balat. Maitim nga pagkat nabibilad sa init ng araw. Nagalit sa akin ang mga kapatid kong lalaki, at doon sa ubasan akoʼy pinagtrabaho nila. Dahil ditoʼy napabayaan ko ang sarili ko.[d]
7 Mahal, sabihin mo sa akin kung saan ka nagpapastol ng iyong mga tupa. Saan mo sila pinagpapahinga tuwing tanghali? Sabihin mo sa akin para hindi na ako maghanap pa sa iyo doon sa iyong mga kaibigan na nagpapastol din ng tupa. Dahil baka akoʼy mapagkamalan na isang babaeng bayaran.
Lalaki
8 Kung hindi mo alam, O babaeng ubod ng ganda, sundan ang bakas ng aking mga tupa. Papunta ito sa tolda ng mga pastol, at mga kambing moʼy doon mo na rin ipastol. 9 O irog ko, tulad moʼy isang babaeng kabayo na nagustuhan ng lalaking kabayo na humihila ng karwahe ng hari ng Egipto.[e] 10 Napakaganda ng iyong mga pisngi, na lalong pinaganda ng mga hiyas. O anong ganda rin ng leeg mong sinuotan ng kwintas. 11 Ikaʼy igagawa namin ng alahas na yari sa mga ginto at pilak.
Babae
12 Habang ang hariʼy nasa kanyang mesa, pabango koʼy humahalimuyak. 13 Parang samyo ng mira ang bango ng aking iniibig, habang sa aking dibdib siya ay nakahilig. 14 Ang mahal koʼy tulad ng kumpol ng mga bulaklak na henna, na namumulaklak doon sa ubasan ng En Gedi.[f]
Lalaki
15 Napakaganda mo, aking giliw. Mga mata moʼy kasing pungay ng mga mata ng kalapati.
Babae
16 Kay kisig mo, mahal ko. Napakaganda mong pagmasdan habang tayo ay nakahiga sa mga damo, 17 sa lilim ng mga punong sipres at sedro.
Babae
2 Akoʼy isang bulaklak lamang ng Sharon, isang liryo[g] sa lambak.
Lalaki
2 Kung ihahambing sa ibang kababaihan, ang irog koʼy tulad ng liryo sa gitna ng matinik na halamanan.
Babae
3 Kung ihahambing naman sa ibang kabinataan, ang mahal koʼy tulad ng puno ng mansanas sa gitna ng mga puno roon sa kagubatan. Ako ay nanabik na maupo sa lilim niya, at tikman ang matamis niyang bunga. 4 Dinala niya ako sa isang handaan para ipakita sa lahat na ako ay kanyang minamahal. 5 Pakainin ninyo ako ng pasas at mansanas para akoʼy muling lumakas, sapagkat nanghina ako dahil sa pag-ibig. 6 Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa niyang bisig at ang kanang kamay naman niya ay nakayakap sa akin.
7 Kaya kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.
8 Ayan na! Naririnig ko nang paparating ang aking mahal. Dumarating siyang patalon-talon na parang usa sa mga bundok at burol. 9 Tingnan ninyo, nariyan na siya na nakatayo sa may pader, at sa bintana akoʼy sinisilip. 10 Sinabi niya sa akin, “Halika na irog kong maganda at sa akin ay sumama ka. 11 Tapos na ang panahon ng taglamig at tag-ulan. 12 Namumukadkad na ang mga bulaklak sa parang, panahon na ng pag-aawitan at maririnig na rin ang huni ng mga kalapati sa kabukiran. 13 Ang mga bunga ng igos ay hinog na[h] at humahalimuyak ang bulaklak ng mga ubas. Halika na irog kong maganda, sa akin ay sumama ka na.”
Lalaki
14 Katulad moʼy kalapating nagtatago sa bitak ng malaking bato. Ipakita mo sa akin ang magandang mukha mo at iparinig din ang maamo mong tinig.
Mga Babae ng Jerusalem
15 Bilis! Hulihin ang mga asong-gubat[i] na sumisira ng aming mga ubasang namumulaklak.
Babae
16 Akin lang ang mahal ko, at ako naman ay kanya lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo. 17 Bago magbukang-liwayway at magliwanag, magbalik ka, mahal ko. Tumakbo ka na kasimbilis ng batang usa o gasela sa kabundukan.
3 Sa gabi, habang akoʼy nakahiga, nananabik ako sa aking minamahal. Hinahanap-hanap ko siya, subalit hindi makita. 2 Kaya bumangon akoʼt nilibot ang lungsod, mga lansangan, at mga liwasan. Hinanap ko ang aking mahal, pero hindi ko siya makita. 3 Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Tinanong ko sila, “Nakita ba ninyo ang mahal ko?”
4 Hindi pa man ako nakakalayo sa kanila, nakita ko ang mahal ko. Hinawakan ko siya ng buong higpit at hindi binitiwan hanggang nadala ko siya sa bahay ng aking ina, doon sa silid kung saan ako nabuo. 5 Kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.
Mga Babae ng Jerusalem
6 Sino kaya itong dumarating mula sa ilang na tila makapal na usok na amoy mira at insensong itinitinda ng mangangalakal? 7 Tingnan ninyo! Iyan ang karwahe ni Solomon na napapalibutan ng 60 pinakamagagaling na kawal ng Israel. 8 Lahat silaʼy mayroong espada at bihasa sa pakikipaglaban. Laging handa kahit sa gabi man sumalakay. 9 Ang karwaheng iyon na ipinagawa ni Haring Solomon ay yari sa kahoy na galing sa Lebanon. 10 Nababalot sa pilak ang haligi nito at palamuting ginto ang tumatakip dito. Ang kutson ng upuan ay binalot sa telang kulay ube at mga babaeng taga-Jerusalem ang nagpaganda ng loob ng karwahe.
Babae
11 Lumabas kayo, kayong mga dalaga ng Jerusalem,[j] at tingnan ninyo si Haring Solomon na may korona. Ipinutong ito sa kanya ng kanyang ina sa araw ng kanyang kasal – ang araw na buong puso niyang ikinagalak.
Ang Pagtanggap kay Pablo bilang Apostol
2 Pagkatapos ng 14 na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem. Kasama ko sina Bernabe at Tito. 2 Bumalik ako dahil nangusap sa akin ang Dios na dapat akong pumunta roon. Nakipagkita ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga hindi Judio. Ginawa ko ito para masiguro ko na hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon. 3 Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Judio. 4 Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin para sirain ang kalayaang natamo natin kay Cristo Jesus, at gawin ulit tayong alipin ng Kautusan ni Moises. 5 Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita.
6 Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Dios.) 7 Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Dios sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga hindi Judio, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Judio. 8 Sapagkat ang Dios na kumikilos sa gawain ni Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring kumikilos sa gawain ko bilang apostol sa mga hindi Judio. 9 Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Dios ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga hindi Judio, at sila naman ang mangangaral sa mga Judio. 10 Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin.
Pinagsabihan ni Pablo si Pedro
11 Noong dumating si Pedro sa Antioc, pinagsabihan ko siya nang harapan dahil mali ang ginawa niya. 12 Sapagkat bago dumating ang ilang tao mula kay Santiago, kumakain si Pedro kasama ng mga hindi Judio. Pero nang dumating ang mga iyon, nagsimula na siyang umiwas at ayaw nang kumaing kasama ng mga hindi Judio. Natakot siya sa maaaring sabihin ng mga Judiong nagpupumilit na magpatuli ang mga hindi Judio para maligtas. 13 Pati tuloy ang ibang mga kapatid na Judio ay nakigaya sa pagkukunwari niya, at maging si Bernabe ay napagaya na rin.
14 Nang makita kong hindi na ayon sa katotohanan ng Magandang Balita ang ginagawa nila, pinagsabihan ko si Pedro sa harap ng lahat, “Bakit mo pinipilit ang mga hindi Judio na mamuhay na parang mga Judio? Ikaw nga mismo na isang Judio ay namumuhay na parang hindi Judio.”
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
15 Kaming mga ipinanganak na Judio ay iba sa mga hindi Judio na itinuturing ng mga kapwa naming Judio na makasalanan. 16 Ngunit alam namin na ang tao ay itinuturing na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. Kaya nga kaming mga Judio ay sumampalataya rin kay Cristo Jesus para maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngayon, kung lumalabas na makasalanan pa rin kami sa kagustuhan naming maituring na matuwid sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, masasabi bang si Cristo ang dahilan ng pagiging makasalanan namin? Hindi! 18 Ngunit kung babalikan ko naman ang pagsunod sa Kautusang iniwan ko na, ako na rin ang nagpapatunay na makasalanan ako. 19 Sa katunayan, sa pamamagitan mismo ng Kautusan, nalaman ko na wala nang kapangyarihan ang Kautusan sa akin. Kaya malaya na akong mamuhay para sa Dios. 20 Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na. Ipinapamuhay ko ang buhay kong ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Dios na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin. 21 Hindi ko binabalewala ang biyaya ng Dios, dahil kung maituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng Kautusan, walang saysay ang pagkamatay ni Cristo!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®