Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Kawikaan 6-7

Dagdag na Babala

Anak, kapag nangako kang managot sa utang ng iba, at naipit ka sa pangakong iyon, ganito ang gawin mo upang maayos ang pananagutan mo sa kanya: Puntahan mo siya at makiusap na pakawalan ka niya sa iyong pananagutan. Huwag kang titigil na makiusap hanggang sa maging malaya ka, tulad ng isang ibon o usa na nakawala sa isang mangangaso.

Kayong mga tamad, tingnan ninyo at pag-aralan ang pamumuhay ng mga langgam upang matuto kayo sa kanila. Kahit na walang namumuno at nag-uutos sa kanila, nag-iipon sila ng pagkain kapag tag-araw at panahon ng anihan, upang may makain sila pagdating ng tag-ulan. Kayong mga tamad, matutulog nang matutulog na lang ba kayo? Kailan kayo gigising? 10 Kaunting tulog, kaunting pahinga at ang paminsan-minsang paghalukipkip ng mga kamay, 11 at hindi ninyo mamamalayan darating ang kahirapan na para kayong ninakawan ng tulisan.

12 Ang taong walang kwenta at masama ay puro kasinungalingan ang sinasabi. 13 Kumikindat at sumisenyas siya gamit ang kanyang mga kamay at paa para makumbinsi ang mga tao sa mga sinasabi niya. 14 Ang puso niya ay puno ng pandaraya, laging nagbabalak na gumawa ng masama at sa mga gulo siya ang nagpapasimula. 15 Kaya biglang darating sa kanya ang kapahamakan at hindi na siya matutulungan.

16 May mga bagay[a] na kinamumuhian ang Panginoon:

17 ang pagmamataas,
    ang pagsisinungaling,
    ang pagpatay ng tao,
18 ang pagpaplano ng masama,
    ang pagmamadaling gumawa ng masama,
19 ang pagpapatotoo sa kasinungalingan,
    at pinag-aaway ang kanyang kapwa.

20 Anak, sundin mo ang itinuturo at iniuutos ng iyong mga magulang. 21 Itanim mo ito sa iyong isipan para hindi mo makalimutan. 22 Ito ang magpapatnubay, mag-iingat at magpapaalala sa iyong pamumuhay, kahit ano pa ang iyong ginagawa. 23 Sapagkat ang mga turo at utos ng iyong mga magulang ay katulad ng isang ilaw na tatanglaw sa iyo. At ang kanilang pagsaway sa iyo para ituwid ang ugali mo ay ikabubuti at ikahahaba ng buhay mo. 24 Ilalayo ka rin nito sa masamang babaeng nakakaakit ang pananalita. 25 Huwag kang magnanasa sa kanyang kagandahan. Huwag kang patutukso sa kanyang pang-aakit. 26 Ang pakikipagsiping sa babaeng bayaran ay pwedeng bayaran sa halaga ng tinapay, ngunit ang pakikipagsiping sa asawa ng iba ay pagbabayaran mo ng iyong buhay.

27 Kung maglalaro ka ng apoy sa iyong kandungan tiyak na masusunog ang damit mo. 28 At kung tatapak ka sa baga, mapapaso ang mga paa mo. 29 Kaya kapag sumiping ka sa asawa ng iba, magdurusa ka.

30 Minsan nauunawaan ng mga tao ang taong nagnakaw dahil sa gutom. 31 Ngunit pinagbabayad naman siya ng pitong beses ng kanyang ninakaw kapag nahuli, kahit maubos pa ang lahat ng pag-aari niya.

32 Ang taong sumisiping sa asawa ng iba ay hangal. Sinisira lang niya ang kanyang sarili. 33 Masasaktan siya at habang buhay na mapapahiya. 34 Sapagkat ang asawang seloso ay sobra kung magalit at maghihiganti siya ng walang awa. 35 Kahit magkano pa ang ibayad, hindi niya ito tatanggapin.

Anak, sundin mo ang mga sinasabi ko sa iyo. Itanim mo ito sa iyong isipan at sundin ang mga iniuutos ko, upang humaba ang buhay mo. Ingatan mong mabuti ang mga itinuturo ko katulad ng pag-iingat mo sa mga mata mo. Itanim mo sa iyong isipan upang hindi mo makalimutan. Ituring mo na parang kapatid na babae ang karunungan at ang pang-unawa na parang isang malapit na kaibigan. Sapagkat ilalayo ka nito sa masamang babaeng nakakaakit ang pananalita.

Ang Masamang Babae

Minsan dumungaw ako sa bintana ng aming bahay. Nakakita ako ng mga kabataang lalaki na wala pang muwang sa buhay. Isa sa kanila ay talagang mangmang. Lumalakad siya patungo sa kanto kung saan naroroon ang bahay ng isang masamang babae. Takip-silim na noon at malapit nang dumilim. 10 Sinalubong siya ng isang babae na ang suot ay katulad ng suot ng isang babaeng bayaran. Nakapagplano na siya ng gagawin sa lalaking iyon. 11 Maingay siya at hindi mahiyain. Hindi siya nananatili sa bahay. 12 Madalas siyang makita sa mga lansangan, mga kanto at mga plasa. 13 Paglapit ng lalaki ay agad niya itong hinalikan at hindi nahiyang sinabi, 14 “Tinupad ko na ang pangako kong maghandog, at may mga sobrang karne doon sa bahay na mula sa aking inihandog. 15 Kaya hinanap kita at mabuti naman nakita kita. 16 Sinapinan ko na ang aking higaan ng makulay na telang galing pa sa Egipto. 17 Nilagyan ko iyon ng pabangong mira, aloe, at sinamon. 18 Kaya halika na, doon tayo magpakaligaya hanggang umaga, 19 dahil wala rito ang asawa ko. Naglakbay siya sa malayo. 20 Marami siyang dalang pera at dalawang linggo pa bago siya bumalik.”

21 Kaya naakit niya ang lalaki sa pamamagitan ng kanyang matatamis at nakakaakit na pananalita. 22 Sumunod agad ang lalaki na parang bakang hinihila papunta sa katayan, o tulad ng isang usa[b] na patungo sa bitag, 23 at dooʼy papanain siya na tatagos sa kanyang puso. Para din siyang isang ibon na nagmamadali papunta sa bitag ng kamatayan, ngunit hindi niya ito nalalaman.

24 Kaya mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang aking mga sinasabi. 25 Huwag kayong paaakit sa ganyang uri ng babae at huwag ninyong hayaan na kayoʼy kanyang iligaw. 26 Marami na ang mga lalaking napahamak dahil sa kanya. 27 Kapag pumunta kayo sa bahay niya, para na rin kayong pumunta sa daigdig ng mga patay.

2 Corinto 2

Naisip kong huwag na munang pumunta riyan kung makapagdudulot lang naman ng kalungkutan ang pagdalaw ko sa inyo. Kayo lang ang nagpapasaya sa akin. Ngunit kung magiging malungkot kayo nang dahil sa akin, papaano nʼyo pa ako mapapasaya? Iyan ang dahilan kung bakit sumulat ako sa inyo noon. Ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay maging malungkot ang mga taong dapat sanaʼy magpapaligaya sa akin. At naniniwala ako na ang kaligayahan ko ay kaligayahan din ninyong lahat. Nang sumulat ako noon sa inyo, nabagabag ang aking kalooban. Nalungkot akoʼt lumuha. Sumulat ako sa inyo hindi dahil sa gusto ko kayong saktan kundi dahil gusto kong maipakita kung gaano ko kayo kamahal.

Patawarin ang Nagkasala

Ngayon, tungkol naman sa taong nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi lamang ako ang binigyan niya ng kalungkutan. Ayaw kong magmalabis, pero nagbigay din siya ng kalungkutan sa inyong lahat. Pero sapat na ang kaparusahang ibinigay ninyo sa kanya. Kaya patawarin na ninyo siya at patatagin, dahil baka maging labis ang kanyang hinagpis at tuluyang panghinaan ng loob. Nakikiusap ako na ipakita ninyo sa kanya na mahal nʼyo pa rin siya. At ito nga ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo, dahil gusto kong malaman kung sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng sinasabi ko sa inyo. 10 Kung pinatawad na ninyo ang taong nagkasala, pinatawad ko na rin siya. At kung nagpatawad man ako, saksi si Cristo na ginawa ko iyon alang-alang sa inyo. 11 Nararapat lamang na magpatawad tayo para hindi tayo madaig ni Satanas. Alam naman natin ang mga binabalak niyang masama.

Si Pablo sa Troas

12 Nang dumating ako sa Troas para ipangaral ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon na magawa iyon. 13 Pero hindi ako mapalagay dahil hindi ko nakita roon ang kapatid nating si Tito. Kaya nagpaalam ako sa mga mananampalataya roon at pumunta sa Macedonia.

Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo

14 Salamat sa Dios dahil lagi siyang nasa unahan natin sa parada ng tagumpay. Ginagawa niya ito dahil tayo ay nakay Cristo. Saan man kami pumunta, ginagamit kami ng Dios para ipakilala si Cristo sa mga tao. At itong ipinapalaganap namin ay parang halimuyak ng pabango. 15 Para kaming mabangong handog na iniaalay ni Cristo sa Dios, at naaamoy ng mga taong naliligtas at ng napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, para kaming nakamamatay na amoy; ngunit sa mga naliligtas, para kaming halimuyak na nagbibigay-buhay. Sino ang may kakayahang gampanan ang gawaing ito? 17 Hindi kami tulad ng marami riyan na ginagawang negosyo ang salita ng Dios para magkapera. Alam naming nakikita kami ng Dios, kaya bilang mga mananampalataya ni Cristo at sugo ng Dios, tapat naming ipinangangaral ang kanyang salita.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®