Old/New Testament
Awit ng Pagpupuri sa Panginoon
100 Kayong mga tao sa buong mundo,
sumigaw kayo nang may kagalakan sa Panginoon!
2 Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon.
Lumapit kayo sa kanya na umaawit sa tuwa.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ang Dios!
Siya ang lumikha sa atin at tayoʼy sa kanya.
Tayoʼy kanyang mga mamamayan na parang mga tupa na kanyang inaalagaan sa kanyang pastulan.
4 Pumasok kayo sa kanyang templo nang may pagpapasalamat at pagpupuri.
Magpasalamat kayo at magpuri sa kanya.
5 Dahil mabuti ang Panginoon; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan,
at ang kanyang katapatan ay magpakailanman!
Ang Pangako ng Hari
101 Panginoon, aawit ako ng tungkol sa inyong pag-ibig at katarungan.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo.
2 Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
Kailan nʼyo ako lalapitan?
Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan,[a]
3 at hindi ko hahayaan ang kasamaan.
Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong tumatalikod sa Dios,
at hindi ko gagawin ang kanilang ginagawa.
4 Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
hindi ako sasali sa kanilang ginagawang kasamaan.
5 Sinumang lihim na naninira sa kanyang kapwa ay aking wawasakin.
Ang mga hambog at mapagmataas ay hindi ko palalagpasin.
6 Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid;
silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
7 Ang mga mandaraya at mga sinungaling ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
8 Bawat araw ay lilipulin ko ang mga taong masama;
mawawala sila sa bayan ng Panginoon.
Ang Panalangin ng Taong Nagtitiis
102 Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko sa inyo ng tulong ay inyong dinggin.
2 Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana kayong magtago sa akin.
Pakinggan nʼyo ako at agad na sagutin.
3 Dahil ang buhay koʼy unti-unti nang naglalaho tulad ng usok;
at ang katawan koʼy para nang sinusunog.
4 Akoʼy parang damong nalalanta na.
Wala na akong ganang kumain
5 dahil sa labis na pagdaing.
Parang butoʼt balat na lang ako.
6 Ang tulad koʼy mailap na ibon sa ilang,
at kuwago sa mga lugar na walang tao.
7 Hindi ako makatulog; akoʼy parang ibon na nag-iisa sa bubungan.
8 Palagi akong iniinsulto ng aking mga kaaway.
Ang mga kumukutya sa akin ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.
9 Hindi ako kumakain;
umuupo na lang ako sa abo at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy humalo sa aking inumin,
10 dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;
dinampot nʼyo ako at itinapon.
11 Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,
at nalalantang gaya ng damo.
12 Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;
at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.
13 Handa na kayong kahabagan ang Zion,
dahil dumating na ang takdang panahon na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.
14 Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,
kahit itoʼy gumuho na at nawasak.
15 At ang mga bansang hindi kumikilala sa Dios ay matatakot sa Panginoon.
At ang lahat ng hari sa mundo ay igagalang ang inyong kapangyarihan.
16 Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;
ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.
17 Sasagutin niya ang panalangin ng mga naghihirap,
at hindi niya tatanggihan ang kanilang mga dalangin.
18 Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,
upang sila rin ay magpuri sa Panginoon:
19 Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,
tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,
20 upang pakinggan ang daing ng kanyang mga mamamayan na binihag,
at palayain ang mga nakatakdang patayin.
21 At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,
at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem
22 kapag nagtipon na ang mga tao mula sa mga bansa,
at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.
23 Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;
at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.
24 Kaya sinabi ko,
“O aking Dios na buhay magpakailanman,
huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.
25 Sa simula, kayo ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
26 Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili kayo magpakailanman.
Maluluma itong lahat tulad ng damit.
At gaya ng damit, itoʼy inyong papalitan.
27 Ngunit hindi kayo magbabago,
at mananatili kayong buhay magpakailanman.
28 Ang mga lahi ng inyong mga lingkod ay mamumuhay ng ligtas sa mga panganib at iingatan nʼyo sila.”
1 Mula kay Pablo na tinawag upang maging apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Sostenes na ating kapatid.
2 Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] ng Dios diyan sa Corinto. Kayoʼy naging kanya sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Tinawag niya kayo upang maging banal,[b] kasama ng lahat ng kumikilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo saan mang lugar. Siyaʼy Panginoon nating lahat.
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapala Mula kay Cristo
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 5 Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, pinalago kayo ng Dios sa lahat ng bagay – sa pananalita at kaalaman. 6 Dahil dito, napatunayan sa inyo na ang mga itinuro namin tungkol kay Cristo ay totoo. 7 Kaya hindi kayo kinukulang sa anumang kaloob na espiritwal habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Pananatilihin niya kayong matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang kayoʼy maging walang kapintasan sa araw ng kanyang pagdating. 9 Tapat ang Dios na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Dapat Magkaisa ang mga Mananampalataya
10 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkaisa kayong lahat, na walang hidwaang mamagitan sa inyo. Magkaisa kayo sa isip at layunin. 11 Sinasabi ko ito, dahil may nagbalita sa akin mula sa tahanan ni Cloe na may mga nag-aalitan sa inyo. 12 Ito ang ibig kong sabihin: Ang iba daw sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako”; ang iba naman ay “Kay Apolos ako.” May iba ring nagsasabi, “Kay Pedro[c] ako”; at ang iba naman ay “Kay Cristo ako.” 13 Bakit, nahahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo?
14 Salamat sa Dios at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispus at Gaius. 15 Kaya walang makapagsasabing binautismuhan kayo sa pangalan ko. 16 (Binautismuhan ko rin pala si Stefanas at ang kanyang pamilya. Maliban sa kanila, wala na akong natatandaang binautismuhan ko.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang mangaral ng Magandang Balita. At hindi ko ito ginagawa sa pamamagitan ng mahusay na pananalita at karunungan ng tao, upang hindi mawalan ng kapangyarihan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Dios.
18 Ang mensahe ng pagkamatay ni Cristo sa krus ay kamangmangan para sa mga napapahamak, ngunit sa mga naliligtas, itoʼy kapangyarihan ng Dios. 19 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at ipapawalang-saysay ko ang katalinuhan ng matatalino.”[d] 20 Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mahuhusay sa debate sa panahong ito? Hindi baʼt ipinakita ng Dios na ang karunungan ng mundo ay kamangmangan?
21 Sapagkat sa karunungan ng Dios, hindi niya pinahintulot na makilala siya ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng mundong ito. Mas minabuti ng Dios na iligtas ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa ipinangangaral na Magandang Balita, na ayon sa iba ay kamangmangan lamang. 22 Ang mga Judio ay ayaw maniwala hanggaʼt walang nakikitang himala, at ang mga Griego naman ay humahanap ng sinasabi nilang karunungan. 23 Ngunit kami naman ay ipinapangaral ang Cristo na ipinako sa krus – bagay na hindi matanggap ng mga Judio, at isang kamangmangan para sa mga hindi Judio. 24 Ngunit para sa mga tinawag ng Dios, Judio man o hindi, si Cristo ang siyang kapangyarihan at karunungan ng Dios. 25 Sapagkat ang inaakala ng tao na kamangmangan ng Dios ay higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Dios ay higit pa sa kalakasan ng tao. 26 Mga kapatid, isipin ninyo kung ano ang inyong kalagayan nang tawagin kayo ng Dios. Iilan lamang sa inyo ang masasabing matalino sa paningin ng mundo, at iilan lamang ang makapangyarihan o nagmula sa mga kilalang angkan. 27 Ngunit pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mangmang upang hiyain ang marurunong. Pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 At pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mababa at walang halaga upang mapawalang-halaga ang itinuturing ng mundo na mahalaga. 29 Kaya walang makakapagmalaki sa harap ng Dios. 30 Dahil sa kanya, tayoʼy nakay Cristo Jesus. Si Cristo ang karunungan ng Dios para sa atin. Sa pamamagitan niya, itinuring tayo ng Dios na matuwid, ibinukod para sa kanya, at tinubos sa ating mga kasalanan. 31 Kaya gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang gustong magmalaki, ipagmalaki lamang ang ginawa ng Dios.”[e]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®