Old/New Testament
Si Haring Amazias ng Juda(A)
25 Dalawampu't limang taon si Amazias nang siya'y maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jehoadan na taga-Jerusalem. 2 Naging kalugud-lugod kay Yahweh ang kanyang mga ginawa, ngunit hindi niya ginawa ang mga ito nang buong puso. 3 Nang matatag na siya sa kanyang paghahari, ipinapatay niya ang mga tauhan niya na pumatay sa kanyang amang hari. 4 Ngunit(B) hindi niya pinatay ang kanilang mga anak alinsunod sa utos ni Yahweh na nasa aklat ni Moises na ganito ang sinasabi, “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.”
Digmaan Laban sa Edom(C)
5 Pagkatapos, tinipon ni Amazias ang mga lalaki sa Juda at pinagpangkat-pangkat ayon sa kani-kanilang angkan. Ginawa rin niya ito sa lipi ni Benjamin. Bumuo siya ng mga pangkat na libu-libo at ng mga daan-daan. Nilagyan niya ang mga ito ng kanya-kanyang pinuno. Pagkatapos, ibinukod niya ang mga kabataang may dalawampung taon ang gulang pataas at nakatipon siya ng tatlong daang libo. Lahat ng ito'y handang makipagdigma at sanay humawak ng panangga at sibat. 6 Kumuha pa siya sa Israel ng 100,000 matatapang na kawal at inupahan niya ang mga ito ng 3,500 kilong pilak. 7 Ngunit may isang lingkod ng Diyos na nagpayo sa kanya ng ganito: “Mahal na hari, huwag po ninyong isasama ang hukbo ng Israel sa inyong pagsalakay sapagkat hindi na po pinapatnubayan ni Yahweh ang mga Efraimitang iyon! 8 Maaaring iniisip ninyo na palalakasin nila kayo sa digmaan. Ngunit ang Diyos ang nagbibigay ng tagumpay o pagkatalo. Ipapatalo niya kayo sa inyong mga kaaway.”
9 Sinabi ni Amazias sa propeta, “Ngunit paano naman ang mga pilak na naibayad ko na sa kanila?”
Sumagot ang propeta ng Diyos, “Higit pa riyan ang maibibigay sa inyo ni Yahweh.”
10 Pinauwi na nga ni Amazias ang mga kawal na mula sa Efraim. Dahil dito, lubha silang nagdamdam at umuwing galit na galit sa mga taga-Juda.
11 Lumakas ang loob ni Amazias at sumalakay sila sa Libis ng Asin at may sampung libong mga kawal ng Edom ang kanilang napatay. 12 Ang sampung libo pa na kanilang nabihag ay dinala nila sa itaas ng bangin at inihulog mula roon kaya namatay ang mga itong bali-bali ang mga buto. 13 Ang mga kawal naman ng Israel na pinauwi ni Amazias ay sumalakay sa Juda mula sa Samaria hanggang Beth-horon. Pinagpapatay nila ang tatlong libong mamamayan doon at nag-uwi pa ng maraming samsam.
14 Pagkatapos nilang malupig ang mga Edomita, kinuha ni Amazias ang mga diyus-diyosan ng mga ito at dinala sa Jerusalem. Kinilala niyang diyos ang mga iyon, sinamba at hinandugan. 15 Ikinagalit ito ni Yahweh, kaya sinugo niya ang isang propeta at sinabi kay Amazias, “Bakit ka sumamba sa mga diyos ng ibang bansa na hindi nakapagligtas sa kanilang sariling bayan mula sa iyong kapangyarihan?”
16 Nagsasalita pa ito'y sinabi na sa kanya ng hari, “Kailan pa kita ginawang tagapayo ko? Tumigil ka kung ayaw mong mamatay.”
Bago tumahimik ang propeta sinabi muna niya ito: “Alam kong pupuksain ka ng Diyos dahil sa ginawa mong ito at dahil hindi ka nakinig sa aking payo.”
Dinigma ang Israel(D)
17 Si Amazias na hari ng Juda ay nakipagpulong sa kanyang mga tagapayo. Pagkatapos, nagpadala siya ng mensahe kay Joas na hari ng Israel, na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito ng labanan. 18 Ito naman ang sagot ni Joas na hari ng Israel: “Ang dawag sa Lebanon ay nagpadala ng sugo sa sedar ng Lebanon upang sabihin, ‘Ang anak mong dalaga'y ipakasal mo sa aking anak.’ Ngunit may dumaang mabangis na hayop mula sa Lebanon at tinapakan ang dawag. 19 Sinasabi mong natalo mo ang Edom at ipinagmalaki mo iyon! Mabuti pa'y tumigil ka na sa bahay mo! Bakit lumilikha ka ng gulo na ikapapahamak mo at ng iyong bayan?”
20 Ngunit hindi ito pinansin ni Amazias sapagkat kalooban ng Diyos na mahulog sa kamay ni Joas ang Juda, bilang parusa sa pagsamba ni Amazias sa mga diyus-diyosan ng Edom. 21 Nagharap sa labanan si Haring Joas ng Israel at si Haring Amazias ng Juda, sa Beth-semes na sakop ng Juda. 22 Natalo ng Israel ang Juda at ang mga kawal nito'y tumakas pauwi. 23 Ngunit nabihag ni Haring Joas si Haring Amazias at dinala ito sa Jerusalem. Winasak ni Joas ang pader ng lunsod mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuan sa Sulok, mga 180 metro ang haba. 24 Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak at mga kagamitan sa Templo ng Diyos na nasa pag-iingat ng mga anak ni Obed-Edom. Sinamsam din niya ang mga kayamanan sa palasyo at nagdala pa siya sa Samaria ng mga bihag.
25 Labinlimang taon pang nabuhay si Haring Amazias ng Juda mula nang mamatay si Haring Joas ng Israel. 26 Ang iba pang mga ginawa ni Amazias mula sa pasimula hanggang sa wakas ng kanyang paghahari ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel. 27 Mula nang sumuway siya kay Yahweh, nagkaroon ng sabwatan sa Jerusalem laban sa kanya kaya't tumakas siya patungong Laquis, ngunit sinundan siya roon at pinatay. 28 Ang kanyang bangkay ay isinakay sa kabayo at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David.
Si Haring Uzias ng Juda(E)
26 Ginawang hari ng buong Juda si Uzias sa gulang na labing-anim bilang kahalili ng namatay niyang amang si Amazias. 2 Sa panahon ng kanyang paghahari, nabawi niya ang lunsod ng Elat at muli itong itinatag para sa Juda.
3 Labing-anim na taóng gulang si Uzias nang maging hari at limampu't dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya'y si Jecolias na taga-Jerusalem. 4 Si Uzias ay naging kalugud-lugod kay Yahweh tulad ni Amazias. 5 Habang nabubuhay si Zacarias, na nagturo sa kanya na matakot sa Diyos, naglingkod siya nang tapat kay Yahweh, at pinagpapala siya ng Diyos.
6 Sinalakay ni Uzias ang mga Filisteo at winasak ang mga kuta sa Gat, Jabne at Asdod. Nagtayo siya ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at ng mga Filisteo. 7 Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga Arabo na naninirahan sa Gurbaal at laban sa mga Meunita. 8 Nagbabayad sa kanya ng buwis ang mga Ammonita at nakilala siya hanggang sa Egipto dahil sa kanyang kapangyarihan. 9 Nagtayo rin siya ng mga kuta sa Jerusalem: isa sa may Pintuan sa Sulok, isa sa Pintuan sa Libis at isa sa Panulukan ng Zion at ng Ofel. 10 Nagpagawa rin siya ng mga toreng bantayan sa ilang at nagpahukay ng maraming mga balon para sa kanyang mga kawan sa mga paanan ng burol at sa kapatagan. Palibhasa'y mahilig siya sa pagbubukid, kumuha siya ng mga magsasaka sa kanyang bukirin at mga tagapag-alaga ng ubasan sa kapatagan at kaburulan.
11 Si Uzias ay mayroon ding hukbo ng mga kawal na handa sa labanan. Nasa ilalim ito ng pamamahala ni Hananias. Nahahati ito sa maraming pangkat ayon sa listahang ginawa ni Jeiel na kalihim at ng tagapagtalang si Maasias. 12 May 2,600 pinuno ng sambahayan ang namamahala sa kanyang hukbo. 13 Binubuo ito ng may 300,750, magigiting na mandirigma na laging handang lumaban at magtanggol sa hari. 14 Silang lahat ay binigyan ni Uzias ng iba't ibang sandata tulad ng panangga, sibat, helmet, pana at tirador. 15 Sa mga tore at mga panulukan ng Jerusalem, naglagay siya ng mga kasangkapang ginawa ng mahuhusay na panday upang ipanghagis ng sibat at ng malalaking bato. Naging tanyag si Uzias at naging makapangyarihan dahil sa tulong na nagmumula sa Diyos.
Pinarusahan si Uzias Dahil sa Kapalaluan
16 Subalit nang maging makapangyarihan si Uzias, naging palalo siya na siyang dahilan ng kanyang pagbagsak. Nilapastangan niya ang Diyos niyang si Yahweh nang pumasok siya sa Templo upang maghandog sa altar na sunugan ng insenso. 17 Sinundan siya ng paring si Azarias, kasama ang walumpung matatapang na pari ni Yahweh. 18 Nang(F) makita siya ay sinabi nila, “Haring Uzias, wala po kayong karapatang magsunog ng insenso para kay Yahweh. Tanging ang mga paring mula sa angkan ni Aaron lamang ang inatasan ng Diyos sa katungkulang ito. Lumabas na kayo rito sa banal na dako. Nagkakasala kayo sa ginagawa ninyong iyan. Hindi sinasang-ayunan ng Panginoong Yahweh ang ginagawa ninyo.”
19 Nagalit si Haring Uzias sa mga pari. Siya ay nakatayo noon sa tabi ng altar na sunugan ng insenso. Ngunit nang sandaling iyon ay nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong sa noo. 20 Nang makita ni Azarias at ng mga pari ang nangyari kay Uzias, pinalabas nila ito agad. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siya'y pinarusahan na ni Yahweh.
21 Hindi na gumaling ang sakit sa balat ni Haring Uzias hanggang sa siya'y mamatay. Ibinukod siya ng tahanan, inalisan ng lahat ng katungkulan at pinagbawalang pumasok sa Templo ni Yahweh. Ang anak niyang si Jotam ang namahala sa palasyo at sa buong lupain.
22 Ang iba pang mga ginawa ni Uzias mula sa simula hanggang katapusan ay itinala ni Isaias na anak ni Amoz. 23 Nang(G) ito'y mamatay, inilibing lamang siya sa puntod na malapit sa libingan ng mga hari, sapagkat siya'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.
Si Haring Jotam ng Juda(H)
27 Si Jotam ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. 2 Tulad ng kanyang amang si Uzias, ang mga ginawa niya'y naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ngunit hindi niya ito tinularan sa pagpasok sa Templo upang magsunog ng insenso roon. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin sa pagkakasala ang sambayanan. 3 Ipinagawa ni Jotam ang Hilagang Pintuan ng Templo at pinatibay ang pader ng Jerusalem sa gawing Ofel. 4 Nagtayo siya ng mga lunsod sa kaburulan ng Juda. Gumawa rin siya ng mga kuta at bantayan sa kakahuyan. 5 Nakipaglaban siya at nagtagumpay sa hari ng mga Ammonita. Nang taóng iyon ay nagbayad sa kanya ang mga Ammonita ng 3,500 kilong pilak, trigo na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan[a] at sebada na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan. Gayundin ang ibinayad sa kanya nang ikalawa at ikatlong taon. 6 Dahil sa kanyang pananatiling tapat sa Diyos niyang si Yahweh, lumaki ang kapangyarihan ni Jotam. 7 Ang ibang mga ginawa ni Jotam sa panahon ng kanyang paghahari, pati ang lahat niyang pakikipaglaban at ginawa sa panahon ng kapayapaan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. 8 Dalawampu't limang taóng gulang siya nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. 9 Namatay siya at inilibing sa Lunsod ni David. Ang anak niyang si Ahaz ang humalili sa kanya bilang hari.
16 “Sinabi ko ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananalig sa akin. 2 Ititiwalag kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. 3 At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. 4 Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag dumating na ang oras na gagawin na nila ang mga ito, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo tungkol sa kanila.”
Ang Gawain ng Espiritu Santo
“Hindi ko ito sinabi sa inyo noong una sapagkat kasama pa ninyo ako. 5 Ngunit ngayo'y pupunta na ako sa nagsugo sa akin at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. 6 Ngayon sinabi ko na sa inyo, lubha naman kayong nalungkot. 7 Subalit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Ang pag-alis ko'y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Patnubay kung hindi ako aalis. Ngunit pag-alis ko, isusugo ko siya sa inyo. 8 Pagdating niya ay kanyang patutunayan na mali ang mga taga-sanlibutan tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol ng Diyos. 9 Patutunayan niya ang tungkol sa kanilang kasalanan sapagkat hindi sila naniwala sa akin. 10 Patutunayan niya ang tungkol sa katuwiran sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; 11 at ang tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng sanlibutang ito.
12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin sa ngayon. 13 Ngunit(A) pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. 14 Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.”
Kalungkutang Magiging Kagalakan
16 “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.”
17 Nag-usap-usap ang ilan sa kanyang mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin na kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’ 18 Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!”
19 Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’ 20 Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at tatangis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan.
21 “Kapag manganganak na ang isang babae, siya'y nalulungkot sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, nakakalimutan na niya ang kanyang paghihirap; sapagkat nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.
22 “Gayundin naman, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. 23 Sa araw na iyon, hindi na ninyo kailangang humingi sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”
Pagtatagumpay sa Pangalan ni Jesus
25 “Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinghaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. 27 Mahal kayo ng Ama sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos.[a] 28 Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo'y aalis na ako sa sanlibutan at babalik na sa Ama.”
29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon po'y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! 30 Ngayon alam na po naming alam ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin pa kayo ninuman. Dahil dito, naniniwala po kami na kayo'y mula sa Diyos.”
31 Sumagot si Jesus, “Talaga bang naniniwala na kayo? 32 Darating ang oras, at ngayon na nga, na magkakawatak-watak kayo. Magkakanya-kanya kayo ng lakad, at iiwan ninyo ako. Gayunma'y hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.