Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 19-21

Ang Digmaan laban sa mga Ammonita at Arameo(A)

19 Makalipas ang ilang panahon, namatay si Nahash, na hari ng mga Ammonita. At ang anak niya na si Hanun ang pumalit sa kanya bilang hari. Sinabi ni David, “Pakikitaan ko ng kabutihan si Hanun dahil naging mabuti ang ama niya sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.

Pero pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Ammonita, sinabi ng mga opisyal ng mga Ammonita sa kanilang hari, “Iniisip nʼyo ba na pinaparangalan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan para makiramay sa kalungkutan ninyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para magmanman sa lupain natin at wasakin ito.” Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga tauhan ni David, inahit ang balbas nila at ginupit ang kanilang mga damit mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.

Sa ganoong kalagayan, nahihiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang umuwi.

Napag-isip-isip ng mga Ammonita na ginalit nila si David. Kaya nagbayad sila ng 35 toneladang pilak para umupa ng mga karwahe at mga mangangarwahe mula sa Aram Naharaim,[a] Aram Maaca at Zoba.

Ang bilang ng mga karwahe at mga mangangarwahe ay 32,000. Sumama rin sa kanila ang hari ng Maaca at ang mga sundalo nito. Nagkampo sila malapit sa Medeba. At naghanda rin ang mga Ammonita at lumabas sa bayan nila para makipaglaban. Nang mabalitaan ito ni David, isinugo niya si Joab at ang lahat ng matatapang na sundalo sa pakikipaglaban. Pumwesto ang mga Ammonita sa pakikipaglaban sa may pintuan ng kanilang lungsod, habang ang mga hari na sumama sa kanila ay pumwesto sa kapatagan.

10 Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo. 11 Si Abishai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. 12 Sinabi ni Joab kay Abishai, “Kung makikita mo na parang matatalo kami ng mga Arameo, tulungan ninyo kami, pero kung kayo naman ang parang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 13 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.”

14 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila. 15 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai na kapatid ni Joab, at pumasok sa lungsod nila. Kaya umuwi sina Joab sa Jerusalem.

16 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga kasama nilang mga Arameo na nasa kabilang Ilog ng Eufrates para tulungan sila. Ang grupong ito ay pinamumunuan ni Shofac[b] na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.

17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel sa pakikipaglaban. Pagkatapos, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumwesto na nakaharap sa mga Arameo, at naglaban sila. 18 Pero nagsitakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Nakapatay sina David ng 7,000 mangangarwahe at 40,000 sundalo na lumalakad lang. Napatay din nila si Shofac, ang kumander ng mga sundalo. 19 Nang makita ng mga sakop ni Hadadezer na natalo na sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila at nagpasakop kay David. Kaya mula noon, hindi na tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.

Inagaw ni David ang Rabba(B)

20 Nang panahong pumupunta ang mga hari sa digmaan para makipaglaban, hindi sumama si David at nagpaiwan siya sa Jerusalem. Si Joab ang nanguna sa mga sundalo sa pakikipaglaban. Winasak nila ang lupain ng mga Ammonita at pinalibutan ang Rabba hanggang sa malipol ito. Pumunta si David sa Rabba at kinuha ang gintong korona sa ulo ng hari ng mga Ammonita,[c] at inilagay niya ito sa kanyang ulo. Ang bigat ng korona na may mamahaling bato ay 35 kilo. Marami pang bagay ang nasamsam ni David sa lungsod na iyon. Ginawa niyang alipin ang mga mamamayan doon at pinagtrabaho, gamit ang lagare, piko, at palakol. Ito ang ginawa ni David sa mga naninirahan sa lahat ng bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, umuwi si David at ang lahat ng sundalo niya sa Jerusalem.

Ang Digmaan Laban sa mga Filisteo(C)

Makalipas ang ilang panahon, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gezer. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husha si Sipai,[d] na isa sa mga angkan ng Rafa.[e] At natalo ang mga Filisteo. Sa isa pa nilang labanan, pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Lami ay makapal at mabigat.[f]

Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Isa rin siya sa mga angkan ng mga Rafa. Nang kutyain niya ang mga Israelita, pinatay siya ni Jonatan na anak ng kapatid ni David na si Shimea. Ang mga Filisteong iyon ay mula sa mga angkan ng Rafa na taga-Gat. Pinatay sila ni David at ng mga tauhan niya.

Ipinasensus ni David ang Kanyang mga Sundalo(D)

21 Inatake ni Satanas[g] ang Israel, kaya inudyukan niya si David na ipasensus ang mga Israelita. Kaya sinabi ni David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Lumakad kayo at isensus ang mga Israelita mula sa Beersheba hanggang sa Dan.[h] Pagkatapos, bumalik kayo rito para malaman ko kung ilan silang lahat.”

Pero sumagot si Joab, “Paramihin sana ng Panginoon ng 100 ulit ang inyong mga mamamayan. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito? Hindi po ba mga sakop nʼyo naman sila? Bakit idadamay nʼyo sila sa gagawin ninyong kasalanan?”

Pero nagpumilit si David, kaya nilibot ni Joab ang buong Israel at bumalik agad sa Jerusalem. Sinabi niya kay David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 1,100,000 sa Israel at 470,000 sa Juda. Pero hindi isinama ni Joab sa pagbilang ang mga lahi nina Levi at Benjamin dahil nainis siya sa utos ng hari. Hindi rin natuwa ang Dios sa utos na ito ni David, kaya pinarusahan niya ang Israel. Pagkatapos, sinabi ni David sa Dios, “Napakalaking kasalanan po itong nagawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa aking kasalanan, dahil isa pong kamangmangan ang ginawa ko.”

Sinabi ng Panginoon kay Gad na propeta ni David, 10 “Pumunta ka kay David at papiliin mo siya kung alin sa tatlong parusa ang gusto niyang gawin ko sa kanya.” 11 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Alin sa tatlong ito ang gusto mo: 12 tatlong taong taggutom, tatlong buwang paglipol sa inyo ng mga kalaban ninyo o tatlong araw na salot mula sa Panginoon sa pamamagitan ng pagwasak ng anghel ng Panginoon sa buong lupain ng Israel. Magpasya ka at sabihin mo sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagpadala sa akin.”

13 Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mabuti pang ang Panginoon na lang ang magparusa sa akin kaysa sa mga kamay ng tao, dahil napakamaawain ng Panginoon.” 14 Kaya nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at 70,000 Israelita ang namatay. 15 At habang winawasak ng anghel ang Jerusalem, naawa[i] ang Panginoon sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na lumilipol sa mga tao, “Tama na! Huwag mo na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna[j] na Jebuseo.

16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa himpapawid, sa kalagitnaan ng langit at lupa. May hawak itong espada na nakaturo sa Jerusalem. Pagkatapos, nagpatirapa si David at ang mga tagapamahala ng Israel, na nakasuot ng sako bilang pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati. 17 Sinabi ni David sa Dios, “Ako po ang nag-utos na bilangin ang mga lalaki na may kakayahang makipaglaban. Ako lang po ang nagkasala. Ang mga taong ito ay inosente gaya ng mga tupa. Wala silang nagawang kasalanan. O Panginoon na aking Dios, ako na lang po at ang aking pamilya ang parusahan ninyo. Huwag nʼyo pong pahirapan ang inyong mga mamamayan sa salot na ito.”

18 Pagkatapos, inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad na sabihin kay David na pumunta siya sa giikan ni Arauna na Jebuseo, at gumawa roon ng altar para sa Panginoon. 19 Kaya pumunta si David ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Gad.

20 Nang panahong iyon, gumigiik ng trigo si Arauna at ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel ng Panginoon, tumakbo ang apat na anak ni Arauna at nagtago. 21 Pagkatapos, nakita ni Arauna na paparating si David. Kaya umalis siya sa giikan at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya. 22 Sinabi ni David sa kanya, “Ipagbili mo sa akin ang giikan mo para makapagpatayo ako ng altar para sa Panginoon, para huminto na ang salot sa mga tao. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito.”

23 Sinabi ni Arauna kay David, “Sige po Mahal na Hari, kunin ninyo. Gawin nʼyo kung ano ang gusto ninyo. Bibigyan ko pa po kayo ng baka para ialay bilang handog na sinusunog, mga tabla na ginagamit sa paggiik para ipanggatong at trigo para ihandog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ibibigay ko po itong lahat sa inyo.”

24 Pero sumagot si Haring David kay Arauna, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito. Hindi ko magagawang kunin ito sa iyo at ihandog sa Panginoon. Hindi ako mag-aalay ng handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” 25 Kaya binayaran ni David si Arauna ng 600 pirasong[k] ginto para sa lupain na iyon. 26 Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog para sa mabuting relasyon.[l] At sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng apoy mula sa langit para sunugin ang mga handog sa altar. 27 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa anghel na ibalik na ang espada niya sa lalagyan nito.

28 Nang makita ni David na sinagot ng Panginoon ang kanyang dalangin, nag-alay pa siya ng handog doon sa giikan ni Arauna na Jebuseo. 29 Nang panahong iyon, ang Tolda ng Panginoon at ang altar para sa mga handog na sinusunog na ipinagawa ni Moises sa ilang ay nasa mataas na lugar sa Gibeon. 30 Pero hindi pumunta roon si David para magtanong sa Dios, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ng Panginoon.

Juan 8:1-27

Ang Babaeng Nahuli sa Pangangalunya

[Si Jesus naman ay pumunta sa bundok ng mga Olibo. Kinabukasan, maaga pa ay bumalik na si Jesus sa templo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, kaya umupo siya at nangaral sa kanila. Dumating ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang babae na nahuli sa pangangalunya. Pinatayo nila ang babae sa harap ng mga tao, at sinabi nila kay Jesus, “Guro, ang babaeng itoʼy nahuli sa pangangalunya. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga babaeng tulad niyaʼy dapat batuhin hanggang sa mamatay. Anong masasabi mo?” Itinanong nila ito upang hanapan ng maipaparatang laban sa kanya. Pero yumuko lang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Pero paulit-ulit silang nagtanong, kaya tumayo[a] si Jesus at sinabi sa kanila, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan ay siya ang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.

Nang marinig nila iyon, isa-isa silang umalis mula sa pinakamatanda, hanggang si Jesus na lang at ang babae ang naiwan. 10 Tumayo si Jesus at sinabi sa babae, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba sa iyo?” 11 Sumagot ang babae, “Wala po.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi rin kita hahatulan. Maaari ka nang umalis, pero huwag ka na muling magkasala.”]

Si Jesus ang Ilaw ng Mundo

12 Muling nagsalita si Jesus sa mga tao, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay.” 13 Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Ikaw lang naman ang nagpapatotoo tungkol sa sarili mo, kaya hindi ka paniniwalaan.” 14 Sumagot si Jesus, “Kahit na nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, ang sinasabi ko ay totoo, dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit kayo, hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humahatol kayo ayon sa pamamaraan ng tao, pero ako ay hindi humahatol kaninuman. 16 Kung hahatol man ako ay tama ang hatol ko, dahil hindi ako humahatol nang mag-isa kundi ako at ang Amang nagsugo sa akin. 17 Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan ninyo na kapag tugma ang patotoo ng dalawang saksi, nangangahulugang totoo ang kanilang sinasabi? 18 Nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin.” 19 Nagtanong ang mga Pariseo, “Nasaan ba ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nʼyo ako kilala o ang aking Ama. Kung kilala sana nʼyo ako, makikilala nʼyo rin ang aking Ama.”

20 Ang mga itoʼy sinabi ni Jesus nang nangangaral siya sa templo, malapit sa lalagyan ng mga kaloob. Pero walang nagtangkang dumakip sa kanya dahil hindi pa dumarating ang oras niya.

Si Jesus ay Hindi Taga-mundo

21 Muling nagsalita si Jesus sa mga pinuno ng mga Judio, “Aalis ako at hahanapin nʼyo ako, ngunit mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. At hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 22 Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya? Ano ang ibig niyang sabihin na hindi tayo makakapunta sa pupuntahan niya?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayoʼy makamundo at akoʼy makalangit. 24 Kaya sinasabi kong mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. Sapagkat kung hindi kayo maniniwala na ako ang Cristo, tiyak na mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo.” 25 “Bakit, sino ka ba talaga?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt noong una pa ay sinabi ko na sa inyo kung sino ako? 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, wala akong ipinapahayag sa mga tao sa mundo maliban sa mga ipinapasabi ng nagsugo sa akin. At mapagkakatiwalaan ang mga sinasabi niya.”

27 Hindi nila naintindihan na nagsasalita si Jesus tungkol sa Ama.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®