Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 22-24

Bumalik sa Kanilang Lugar ang mga Lahi ng Israel sa Silangan

22 Tinipon ni Josue ang mga mamamayan ng lahi nina Reuben, Gad at ng kalahating lahi ni Manase. Sinabi ni Josue sa kanila, “Ginawa nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon at sinunod din ninyo ang lahat ng iniutos ko. Hanggang ngayon, hindi nʼyo pinapabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita at tinupad nʼyong mabuti ang lahat ng iniutos sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. At ngayon, naangkin na ng mga kapatid ninyong Israelita ang kapahingahan na ipinangako sa kanila ng Panginoon. Kaya bumalik na kayo sa mga lugar nʼyo sa kabila ng Ilog ng Jordan, sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Pero huwag nʼyong kalimutang tuparin ang mga utos at katuruan na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Ibigin nʼyo ang Panginoon na inyong Dios, mamuhay kayo ayon sa kalooban niya, tuparin ang mga utos niya, maging matapat sa kanya at paglingkuran nʼyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa.” Binasbasan sila ni Josue at pinauwi. (Ang kalahating lahi ni Manase ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan at ang kalahati pang angkan ay binigyan ni Josue ng lupain sa kanluran ng Jordan kasama ng ibang mga angkan.)

Nang papauwi na sila, binasbasan sila ni Josue at sinabi, “Magsiuwi kayo na dala ang marami nʼyong kayamanan – mga hayop, pilak, ginto, tanso, bakal at mga damit. Bigyan din ninyo ang inyong mga kamag-anak ng mga nasamsam ninyo sa inyong mga kalaban.” At umuwi na ang mga mamamayan ng lahi nina Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase. Iniwan nila ang mga kapatid nilang Israelita sa Shilo, sa lupain ng Canaan at bumalik sa Gilead, ang lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

10 Pagdating nila sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan, nagpatayo ang mga lahi nina Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase ng malaking altar. Ang lugar na ito ay sakop pa rin ng Canaan. 11-12 At nabalitaan ng ibang mga Israelita na nagpatayo ang lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase ng altar sa hangganan ng Canaan sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan. Kaya nagtipon sila sa Shilo para makipaglaban sa kanila. 13 Inutusan ng mga Israelita si Finehas, na anak ng paring si Eleazar na pumunta sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase. 14 May kasama siyang sampung pinuno mula sa bawat lahi ng Israel. Bawat isa sa kanilaʼy mga pinuno ng mga sambahayan ng lahi nila. 15 Pagdating nila sa Gilead, sinabi nila sa lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase, 16 “Gustong malaman ng buong mamamayan ng Panginoon kung bakit kayo tumalikod sa Dios ng Israel. Nagrebelde kayo sa Panginoon sa pagpapatayo nʼyo ng altar para sa sarili ninyo. Hindi kayo sumusunod sa kanya. 17 Nakalimutan nʼyo na ba ang kasalanan natin doon sa Peor? Dahil doon, pinadalhan tayo ng Panginoon ng salot at hanggang ngayon ay nagtitiis pa tayo. Hindi pa ba tayo natuto sa kamaliang iyon? 18 At ngayon, nagtangka pa kayong tumalikod sa Panginoon! Kung magrerebelde pa kayo sa kanya sa araw na ito, bukas ay magagalit siya sa buong bayan ng Israel. 19 Kaya kung ang lupain nʼyo ay hindi karapat-dapat na pagsambahan, tumawid kayo rito sa amin, sa lupain ng Panginoon kung saan naroon ang Tolda na pinagsasambahan sa kanya, at doon na kayo tumira. Pero huwag lang kayong magtatayo ng ibang altar maliban sa altar ng Panginoon na ating Dios, dahil iyan ay isang pagrerebelde sa kanya at sa amin. 20 Nakalimutan nʼyo na ba si Acan na anak ni Zera? Nang nilabag niya ang utos tungkol sa mga bagay na nakalaang ihandog ng buo sa Panginoon, pinarusahan siya at ang buong mamamayan ng Israel. Hindi lang siya ang namatay dahil sa kasalanan niya.”

21 Sumagot ang mga lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase sa mga pinuno, 22 “Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Nalalaman po niya kung bakit namin ito ginawa, at dapat din ninyong malaman. Kung nagrebelde kami o kayaʼy lumabag sa Panginoon, patayin nʼyo kami sa araw na ito. 23 Kung nilabag namin ang Panginoon dahil sa pagpapatayo namin ng sariling altar para alayan namin ng mga handog na sinusunog, handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, o kayaʼy handog para sa mabuting relasyon, ang Panginoon sana ang magparusa sa amin.

24 “Ginawa namin ito dahil natakot kami na baka dumating ang panahon na sabihin ng mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Ano ang pakialam nʼyo sa Panginoon, ang Dios ng Israel? 25 Ginawa na ng Panginoon na hangganan ang Ilog ng Jordan para ihiwalay kayo sa amin. Kayong mga lahi nina Reuben at Gad, wala kayong bahagi sa Panginoon.’ Baka ang mga kaapu-apuhan nʼyo ang siyang magpahinto sa mga kaapu-apuhan namin sa pagsamba sa Panginoon. 26 Kaya ipinatayo namin ang altar, hindi para sa mga handog na sinusunog o sa iba pang mga handog, 27 kundi para maging tanda para sa amin, sa inyo, at para sa mga susunod nating henerasyon na sinasamba namin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog na naroon sa Tolda niya.[a] Kaya hindi makapagsasabi ang mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Wala kayong pakialam sa Panginoon!’ 28 At kung mangyari nga na sabihin nila ito sa mga kaapu-apuhan namin, sasagutin sila ng kaapu-apuhan namin, ‘Tingnan nʼyo! Nagpatayo ang mga ninuno namin ng altar, gaya ng altar ng Panginoon, hindi para pag-alayan ng mga handog na sinusunog at ng iba pang mga handog, kundi upang maging paalala para sa amin at sa inyo na isang Dios lamang ang ating sinasamba.’

29 “Hindi namin magagawa na magrebelde o sumuway sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapatayo namin ng sariling altar para pag-alayan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog. Hindi namin ipagpapalit ang altar ng Panginoon na ating Dios na nandoon sa harap ng kanyang Tolda.”

30 Natuwa sina Finehas na pari at ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Israelita nang marinig nila ang sinabi ng mga lahi nina Reuben, Gad at ng kalahating lahi ni Manase. 31 Kaya sinabi ni Finehas, anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin ang Panginoon dahil hindi kayo nagrebelde sa kanya. Niligtas nʼyo ang Israel sa parusa ng Panginoon.”

32 Pagkatapos, umuwi sa Canaan sina Finehas at ang mga pinuno, at sinabi nila sa mga Israelita ang pakikipag-usap nila sa mga lahi nina Reuben at Gad. 33 Nang marinig nila ito, natuwa sila at nagpuri sa Dios. At hindi na sila nagsalita tungkol sa paglusob sa lupain na tinitirhan ng mga lahi nina Reuben at Gad.

34 Pinangalanan ng mga lahi nina Reuben at Gad ang altar na “Saksi”, dahil sabi nila, “Saksi ito para sa ating lahat na ang Panginoon ay Dios.”

Ang Habilin ni Josue sa mga Israelita

23 Sa mahabang panahon, binigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa mga kalaban nila sa paligid. Matanda na si Josue, kaya ipinatawag niya ang lahat ng mamamayan ng Israel, kasama ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel. Sinabi niya sa kanila, “Matanda na ako. Nakita nʼyo mismo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa mga bansang ito alang-alang sa inyo. Ang Panginoon na inyong Dios ang nakipaglaban para sa inyo. Pinaghati-hati ko na sa inyo bilang mana ng mga lahi nʼyo ang lahat ng lupain ng mga bansang nasakop natin, mula sa Ilog ng Jordan sa silangan hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, pati na rin ang mga lupain ng mga bansang hindi pa natin nasasakop. Magiging inyo ang mga lupain nila, ayon sa ipinangako sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Itataboy sila ng Panginoon na inyong Dios mismo. Tatakas sila habang nilulusob ninyo.

“Magpakatatag kayo at tuparin nʼyong mabuti ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag nʼyo itong itakwil. Huwag kayong makikiisa sa mga bayan na natitira pa sa karatig ninyo, at huwag ninyong babanggitin ang mga pangalan ng mga dios nila o kayaʼy sumumpa sa pangalan ng mga ito. Huwag kayong sasamba o kayaʼy maglilingkod sa kanila, kundi, maging tapat kayo sa Panginoon na inyong Dios, gaya ng ginagawa nʼyo hanggang ngayon.

“Itinaboy ng Panginoon ang malalaki at mga makapangyarihang bansa nang lusubin nʼyo sila at hanggang ngayon wala pang kahit isa na nakatalo sa inyo. 10 Kahit sino sa inyo ay makakapagtaboy ng 1,000 tao dahil ang Panginoon na inyong Dios ang nakikipaglaban para sa inyo, ayon sa ipinangako niya. 11 Kaya ingatan ninyong lubos sa inyong puso na ibigin ang Panginoon na inyong Dios.

12 “Pero kung tatalikod kayo sa kanya at makikipag-isa sa mga karatig bansang natira, at makikipag-asawa sa kanila at makikisalamuha, 13 tiyak na hindi na itataboy ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansang ito. Sa halip, magiging mapanganib sila para sa inyo gaya ng bitag, at magiging pahirap sila sa inyo gaya ng malupit na latigo kapag hinagupit kayo sa likod o kayaʼy tinik kapag tinusok ang mata ninyo. Mangyayari ito hanggang sa mamatay kayong lahat sa magandang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.

14 “Malapit na akong mamatay. Nalalaman nʼyo ng buong puso ninyoʼt kaluluwa na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala, kahit isa na hindi niya tinupad. 15 Pero ngayon na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo, tutuparin din niya ang parusa na babala niya sa inyo hanggang sa malipol niya kayo rito sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo. 16 Oo, mangyayari ito sa inyo kung lalabag kayo sa kasunduan ng Panginoon na inyong Dios at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios. Talagang ipaparanas niya sa inyo ang kanyang galit at malilipol agad kayo sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo.”

Muling Nangako ang mga Israelita na Tutuparin Nila ang Kasunduan ng Dios

24 Tinipon ni Josue ang lahat ng lahi ng Israel sa Shekem. Tinawag niya ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel, at lumapit sila sa presensya ng Dios.

Sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Noon, ang mga ninuno nʼyo ay nakatira sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sumamba sa ibang mga dios-diosan. Isa sa kanila ay si Tera na ama nina Abraham at Nahor. Pero kinuha ko si Abraham sa lugar na iyon at pinapunta papunta sa lupain ng Canaan at binigyan ng maraming lahi. Naging anak niya si Isaac, at naging anak naman ni Isaac sina Esau at Jacob. Ibinigay ko kay Esau ang kabundukan ng Seir bilang bahagi niya pero si Jacob at ang mga anak niya ay pumunta sa Egipto. Pagkatapos, isinugo ko sina Moises at Aaron sa Egipto at pinadalhan ko ng mga salot ang mga Egipcio, at inilabas roon ang inyong mga ninuno. Pero nang makarating ang mga ninuno nʼyo sa Dagat na Pula, hinabol sila ng mga Egipcio na may mga kabayo at mga karwahe. Humingi ng tulong sa akin ang inyong mga ninuno at nilagyan ko ng kadiliman ang pagitan nila at ng mga Egipcio. At nilunod ko agad ang mga Egipcio sa dagat. Nakita mismo ng inyong mga ninuno ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tumira kayo sa disyerto nang mahabang panahon.

“ ‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nakipaglaban sila sa inyo, pero pinagtagumpay ko kayo sa kanila. Nilipol ko sila at nasakop nʼyo ang lupain nila. Pagkatapos, nakipaglaban sa Israel ang hari ng Moab na si Balak na anak ni Zipor. Inutusan niya si Balaam na anak ni Beor na sumpain kayo. 10 Pero hindi ko pinahintulutan si Balaam na gawin ito sa inyo. Sa halip, binasbasan kayo ni Balaam, at iniligtas ko kayo sa kamay ni Balak.

11 “ ‘Pagkatapos, tumawid kayo sa Ilog ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nakipaglaban sa inyo ang mga taga-Jerico, ganoon din ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergaseo, Hiveo at Jebuseo. Pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. 12 Pinadalhan ko ng mga putakti ang dalawang haring Amoreo para itaboy sila bago pa kayo dumating. Nanalo kayo hindi dahil sa inyong mga espada at pana. 13 Binigyan ko kayo ng lupaing hindi nʼyo pinaghirapan. Pinatira ko kayo sa mga lungsod na hindi kayo ang nagtatag. Kumakain kayo ngayon ng mga ubas at mga olibo na hindi kayo ang nagtanim.’

14 “Kaya ngayon, igalang nʼyo ang Panginoon at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sa Egipto, at maglingkod kayo sa Panginoon. 15 Pero kung ayaw nʼyong maglingkod sa Panginoon, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates, o sa mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan nʼyo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa Panginoon.”

16 Sumagot ang mga tao, “Wala sa isipan naming tumalikod sa Panginoon at maglingkod sa ibang mga dios. 17 Ang Panginoon na ating Dios mismo ang naglabas sa atin at sa mga ninuno natin sa pagkaalipin doon sa Egipto. Nakita rin natin ang mga himalang ginawa niya. Iningatan niya tayo sa paglalakbay natin sa mga bansang dinadaanan natin. 18 Itinaboy niya ang mga Amoreo at ang ibang mga bansa na naninirahan sa mga lupaing ito. Kaya maglilingkod din kami sa Panginoon, dahil siya ang Dios namin.”

19 Sinabi ni Josue sa mga tao, “Hindi kayo makapaglilingkod sa Panginoon dahil siyaʼy banal na Dios at ayaw niya na may sinasamba kayong iba. Hindi niya babalewalain ang pagrerebelde at mga kasalanan ninyo. 20 Kapag itinakwil nʼyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang dios, magagalit siya sa inyo at paparusahan niya kayo. Lilipulin niya kayo kahit na noon ay naging mabuti siya sa inyo.”

21 Pero sumagot ang mga tao kay Josue, “Maglilingkod kami sa Panginoon.” 22 Sinabi ni Josue, “Kayo mismo ang mga saksi sa mga sarili nʼyo na pinili ninyong paglingkuran ang Panginoon.” Sumagot sila, “Oo, mga saksi kami.”

23 Pagkatapos, sinabi ni Josue, “Kung ganoon, itakwil nʼyo na ang mga dios-diosan nʼyo at paglingkuran ninyo nang buong puso ang Panginoon, ang Dios ng Israel.” 24 Sumagot ang mga tao, “Paglilingkuran namin ang Panginoon naming Dios, at susundin namin ang mga utos niya.”

25 Nang araw na iyon, gumawa si Josue ng kasunduan sa mga tao roon sa Shekem, at ibinigay niya sa kanila ang mga kautusan at mga tuntunin. 26 Sinulat ito ni Josue sa Aklat ng Kautusan ng Dios. Pagkatapos, kumuha siya ng malaking bato at itinayo sa puno ng terebinto malapit sa banal na lugar ng Panginoon. 27 At sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ang batong ito ang saksi natin na nakipag-usap ang Panginoon sa atin. Magpapatunay ito laban sa inyo kung tatalikuran ninyo ang Dios.” 28 Pagkatapos, pinauwi ni Josue ang mga tao sa kanya-kanyang lugar.

Namatay si Josue at si Eleazar

29 Dumating ang panahon na namatay ang lingkod ng Panginoon na si Josue, na anak ni Nun sa edad na 110. 30 Inilibing siya sa lupain niya sa Timnat Sera, sa kabundukan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas. 31 Naglingkod sa Panginoon ang mga Israelita habang nabubuhay pa si Josue. At kahit patay na si Josue, nanatili pa rin sila sa paglilingkod sa Panginoon habang buhay pa ang mga tagapamahala ng Israel na nakaranas ng lahat ng ginawa ng Panginoon para sa Israel. 32 Ang mga buto ni Jose na dinala ng mga Israelita mula sa Egipto ay inilibing sa Shekem, sa lupa na binili ni Jacob ng 100 pilak sa mga anak ni Hamor na ama ni Shekem. Ang lupang itoʼy bahagi ng teritoryo na ibinigay sa mga lahi ni Jose.

33 Namatay din si Eleazar na anak ni Aaron at inilibing sa Gibea, ang bayan sa kabundukan ng Efraim, na ibinigay ni Eleazar sa anak niyang si Finehas.

Lucas 3

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

1-2 Noong ika-15 taon ng paghahari ni Emperador Tiberius, nagsalita ang Dios kay Juan na anak ni Zacarias doon sa ilang. Si Poncio Pilato ang gobernador noon ng Judea, si Herodes naman ang pinuno ng Galilea, at ang kapatid niyang si Felipe ang pinuno ng Iturea at Traconitis, at si Lisanias naman ang pinuno ng Abilenia. Ang mga punong pari noon ay sina Anas at Caifas. At dahil sa sinabi ng Dios kay Juan, nilibot niya ang mga lugar sa magkabilang panig ng Ilog ng Jordan. Nangaral siya sa mga tao na kailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo, para patawarin sila ng Dios. Sa ginawa niyang ito, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias,

    Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
    ‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
    tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan!
Tambakan ninyo ang mga mababang lugar,
    at patagin ang mga bundok at burol.
    Tuwirin ninyo ang liku-likong daan,
    at ayusin ang mga baku-bakong daan.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Dios.’ ”[a]

Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Sapagkat tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. Ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol sa pagputol sa mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”

10 Tinanong ng mga tao si Juan, “Ano ang dapat naming gawin?” 11 Sumagot siya, “Kung mayroon kayong dalawang damit, ibigay ninyo ang isa sa taong walang damit. At kung may pagkain kayo, bigyan ninyo ang walang makain.” 12 May mga dumating din na maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sinabi nila, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” 13 Sumagot sa Juan, “Huwag kayong sumingil ng higit sa dapat singilin!” 14 May mga sundalo ring nagtanong sa kanya, “Kami naman po, ano ang dapat naming gawin?” At sinagot niya sila, “Huwag kayong mangingikil sa mga tao, at huwag kayong magpaparatang ng hindi totoo. Makontento kayo sa mga sahod ninyo!”

15 Nang marinig ng mga tao ang pangangaral ni Juan, inisip nila na baka si Juan na ang Cristo na hinihintay nila. 16 Pero sinabi ni Juan sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit may isang darating na mas makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[b] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 17 Tulad siya ng isang taong dala-dala ang kanyang gamit upang ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Ilalagay niya ang mga trigo sa bodega, at ang ipa naman ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

18 Marami pang mga bagay ang ipinangaral ni Juan sa pagpapahayag niya ng Magandang Balita. 19 Kahit ang pinunong si Herodes ay pinagsabihan niya, dahil kinakasama nito ang hipag nitong si Herodias, at dahil sa iba pang mga kasamaang ginawa nito. 20 Sa bandang huli, nadagdagan pa ang kasalanan ni Herodes dahil ipinabilanggo niya si Juan.

Ang Pagbabautismo kay Jesus(B)

21 Isang araw, pagkatapos mabautismuhan ni Juan ang mga tao, nagpabautismo rin si Jesus. At nang nananalangin si Jesus, bumukas ang langit, 22 at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ang mga Ninuno ni Jesus(C)

23 Mga 30 taong gulang na si Jesus nang magsimula siya sa kanyang gawain. Ayon sa pagkakaalam ng mga tao, anak siya ni Jose na anak ni Eli. 24 Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi. Si Levi ay anak ni Melki, na anak ni Janai. Si Janai ay anak ni Jose, 25 na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Amos, na anak ni Nahum. Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nagai. 26 Si Nagai ay anak ni Maat, na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semein, na anak ni Josec. Si Josec ay anak ni Joda, 27 na anak ni Joanan. Si Joanan ay anak ni Resa, na anak ni Zerubabel. Si Zerubabel ay anak ni Shealtiel, na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melki, na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam, na anak ni Elmadam. Si Elmadam ay anak ni Er, 29 na anak ni Josue. Si Josue ay anak ni Eliezer, na anak ni Jorim. Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi. 30 Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda. Si Juda ay anak ni Jose, na anak ni Jonam. Si Jonam ay anak ni Eliakim, 31 na anak ni Melea. Si Melea ay anak ni Mena, na anak ni Matata. Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed. Si Obed ay anak ni Boaz, na anak ni Salmon. Si Salmon ay anak ni Nashon, 33 na anak ni Aminadab. Si Aminadab ay anak ni Admin, na anak ni Arni. Si Arni ay anak ni Ezron, na anak ni Perez. Si Perez ay anak ni Juda, 34 na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac, na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nahor. 35 Si Nahor ay anak ni Serug, na anak ni Reu. Si Reu ay anak ni Peleg, na anak ni Eber. Si Eber ay anak ni Shela, 36 na anak ni Cainan. Si Cainan ay anak ni Arfaxad, na anak ni Shem. Si Shem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec. 37 Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared, na anak ni Mahalalel. Si Mahalalel ay anak ni Cainan, na anak ni Enosh. 38 Si Enosh ay anak ni Set, na anak ni Adan. At si Adan ay anak ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®