Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 29-31

Ang mga Handog sa Pista ng Pagpapatunog ng mga Trumpeta(A)

29 “Sa unang araw ng ikapitong buwan, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. Sa araw na iyon ay patunugin ninyo ang mga trumpeta. Pagkatapos, mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. Sa paghahandog ninyo ng mga ito, samahan ninyo ito ng mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Magandang klaseng harina na hinaluan ng langis ang ihalo ninyo – anim na kilo sa bawat batang toro, apat na kilo para sa lalaking tupa at dalawang kilo sa bawat batang tupa. Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para mapatawad ang inyong mga kasalanan. Ihandog ninyo ito bukod pa sa buwanan at pang-araw-araw na mga handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at mga handog na inumin. Mga handog ito na sinusunog, at ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon.

Mga Handog sa Araw ng Pagtubos(B)

“Sa ikasampung araw nitong ikapitong buwan, magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. Kailangang mag-ayuno kayo at huwag na huwag kayong magtatrabaho. Pagkatapos, mag-alay kayo ng handog na sinusunog, na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. Sa paghahandog ninyo, samahan ito ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ang isama ninyo ay magandang klaseng harina na hinaluan ng langis – anim na kilo sa bawat batang toro, apat na kilo sa bawat lalaking tupa 10 at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 11 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod sa isa pang handog sa paglilinis para sa kapatawaran ng inyong kasalanan at sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at sa handog na inumin.

Ang mga Handog sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(C)

12 “Sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. Magdiwang kayo ng pista para sa Panginoon sa loob ng pitong araw. 13 Mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon. Sa unang araw, ito ang inyong ihandog: 13 batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 14 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Haluan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis – anim na kilo sa bawat batang toro, apat na kilo sa bawat lalaking tupa 15 at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 16 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

17 “Sa ikalawang araw, ito ang inyong ihandog: 12 batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 18 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 19 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

20 “Sa ikatlong araw, maghandog kayo ng 11 batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 21 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 22 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

23 “Sa ikaapat na araw, ito ang inyong ihandog: sampung batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 24 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 25 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

26 “Sa ikalimang araw, ito ang inyong ihandog: siyam na batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 27 Sa paghahandog ninyo nito, samahan nʼyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 28 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

29 “Sa ikaanim na araw, ito ang inyong ihandog: walong batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 30 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 31 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

32 “Sa ikapitong araw, ito ang inyong ihandog: pitong batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 33 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 34 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

35 “Sa ikawalong araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sa pagsamba sa Panginoon. 36 Mag-alay kayo ng handog na sinusunog na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 37 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 38 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

39 “Bukod pa sa mga handog para sa pagtupad ng inyong panata at mga handog na kusang-loob, maghandog din kayo sa Panginoon sa nakatakdang mga pista ng mga handog na ito, mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, mga handog na inumin at mga handog para sa mabuting relasyon.”

40 Sinabing lahat ito ni Moises sa mga Israelita ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

Ang Kautusan tungkol sa Panata

30 Sinabi ni Moises sa mga pinuno ng lahi ng Israel, “Ito ang mga utos ng Panginoon: Kung ang isang lalaki ay gagawa ng panata o susumpa sa Panginoon na gagawin niya o hindi ang isang bagay, kailangang tuparin niyang lahat ang kanyang sinabi. Kung ang isang dalaga na naninirahan pa sa bahay ng kanyang ama ay gumawa ng panata o nanumpa sa Panginoon na gagawin niya o hindi ang isang bagay, at nalaman ito ng kanyang ama pero hindi naman ito tumutol, kailangang tuparin niya ito. Pero kung tumutol ang kanyang ama nang malaman ito, hindi na niya ito kailangang tuparin. Patatawarin siya ng Panginoon dahil tumutol ang kanyang ama.

“Kung ang isang dalaga ay manumpa o gumawa ng panata na gagawin niya o hindi ang isang bagay, pagkatapos nag-asawa siya, kahit na pabigla-bigla man o hindi ang kanyang pangako, at nalaman ito ng kanyang asawa pero hindi naman ito tumutol, kailangang gawin niya ang kanyang ipinangako. Pero kung tumutol ang kanyang asawa nang malaman ito, hindi na niya ito kailangang tuparin, at wala na siyang pananagutan sa Panginoon.

“Pero kung ang isang biyuda o babaeng hiniwalayan ng asawa ay gumawa ng panata o nanumpa na gagawin niya o hindi ang isang bagay, kailangang tuparin niya ito.

10 “At kung ang isang babaeng may asawa ay gumawa ng panata o nanumpa na gagawin niya o hindi ang isang bagay, 11 at nalaman ito ng kanyang asawa pero tumahimik lang ito at hindi tumutol, kailangang tuparin niya ito. 12 Pero kung tumutol ang kanyang asawa nang malaman ito, hindi na niya ito kailangang tuparin. Patatawarin siya ng Panginoon dahil tumutol ang kanyang asawa. 13 May karapatang pumayag o tumutol ang kanyang asawa sa kahit anong ginawa niyang sumpa o panata. 14 Pero kung hindi tumutol ang kanyang asawa sa mismong araw na nalaman niya ito, pumapayag ang kanyang asawa na tuparin niya ito. 15 Pero kung pinalipas pa ng kanyang asawa ang ilang araw bago pa tumutol, ang kanyang asawa ang parurusahan sa kanyang kasalanan.”

16 Iyon ang mga kautusan na ibinigay ng Panginoon kay Moises tungkol sa lalaki at sa kanyang asawa, at tungkol sa ama at sa kanyang anak na dalagitang nakatira sa kanyang bahay.

Ang Pakikipaglaban ng mga Israelita sa mga Midianita

31 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gantihan mo ang mga Midianita dahil sa kanilang ginawa sa mga Israelita. Pagkatapos mo itong gawin, mamamahinga ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno.”

Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Maghanda ang iba sa inyo sa pakikipaglaban sa mga Midianita dahil gusto ng Panginoon na gantihan natin sila. Magpadala ang bawat lahi ng 1,000 tao sa digmaan.”

Kaya 12,000 tao na galing sa 12 lahi ng Israel ang naghanda para sa labanan. Ipinadala sila ni Moises sa labanan, 1,000 mula sa bawat lahi na pinamumunuan ni Finehas na anak ng paring si Eleazar. Nagdala si Finehas ng mga kagamitan mula sa templo at ng mga trumpeta para sa pagbibigay-babala.

Nakipaglaban sila sa mga Midianita, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises at pinatay nila ang lahat ng lalaki. Kasama sa pinatay nila ang limang hari ng Midian na sina Evi, Rekem, Zur, Hur at Reba. Pinatay din nila si Balaam na anak ni Beor sa pamamagitan ng espada. Binihag nila ang mga babae at mga batang Midianita, at sinamsam nila ang kanilang mga hayop at mga ari-arian. 10 Sinunog nila ang lahat ng bayan pati ang lahat ng kampo ng mga Midianita. 11 Dinala nila ang kanilang mga sinamsam, maging tao o hayop man, 12 kina Moises at Eleazar na pari at sa mga mamamayan ng Israel doon sa kanilang kampo sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.

13 Sinalubong sila nina Moises, Eleazar na pari at ng mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel sa labas ng kampo. 14 Nagalit si Moises sa mga opisyal ng mga sundalo na nanggaling sa digmaan. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Bakit hindi ninyo pinatay ang mga babae? 16 Sila ang mga sumunod sa payo ni Balaam sa paghikayat sa mga Israelita na itakwil ang Panginoon doon sa Peor, kaya dumating ang salot sa mamamayan ng Panginoon. 17 Kaya patayin ninyo ang lahat ng batang lalaki, at ang lahat ng babaeng nasipingan na. 18 Pero ang mga babaeng hindi pa nasisipingan ay itira ninyong buhay para sa inyo. 19 Ang lahat sa inyo na nakapatay o nakahipo ng patay ay kailangang manatili sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sa ikatlo at ikapitong araw, kailangang maglinis kayo at ang inyong mga bihag. 20 Linisin ninyo ang lahat ng damit ninyo, pati ang lahat ng kagamitang gawa sa balat o sa balahibo ng kambing o sa kahoy.”

21 Pagkatapos, sinabi ng paring si Eleazar sa mga sundalo na nagpunta sa labanan, “Ito ang tuntunin ng kautusang ibinigay ng Panginoon kay Moises: 22-23 Ang anumang bagay na hindi nasusunog gaya ng ginto, pilak, tanso, bakal, lata o tingga ay kailangang ilagay sa apoy para maging malinis ito. Pagkatapos, hugasan ito ng tubig na ginagamit sa paglilinis. Ang kahit anong hindi nasusunog ay hugasan lang sa tubig na ito. 24 Sa ikapitong araw, kailangang labhan ninyo ang inyong mga damit at ituturing na kayong malinis, at makakapasok na kayo sa kampo.”

Ang Paghahati-hati ng mga Nasamsam

25 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 26 “Bilangin ninyo ni Eleazar na pari at ng mga pinuno ng kapulungan ang lahat ng tao at hayop na nabihag. 27 Hatiin ninyo ito sa mga sundalo na nakipaglaban at sa kapulungan ng Israel. 28 Mula sa bahagi ng mga sundalo, magbukod ka ng para sa Panginoon, isa sa bawat 500 bihag, tao man o baka, asno, tupa, o kambing. 29 Ibigay mo ito sa paring si Eleazar bilang bahagi ng Panginoon. 30 Mula sa parte ng mga Israelita, magbukod ka ng isa sa bawat 50 bihag, tao man o baka, asno, tupa, kambing o iba pang mga hayop. Ibigay ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.” 31 Kaya ginawa ni Moises at ng paring si Eleazar ang iniutos ng Panginoon kay Moises.

32-35 Ito ang nasamsam ng mga sundalo sa digmaan: 675,000 tupa, 72,000 baka, 61,000 asno at 32,000 babaeng hindi pa nasipingan. 36-40 Ito ang kalahati ng parte ng mga sundalong nakipaglaban. 337,500 tupa na ang 675 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 36,000 baka na ang 72 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 30,500 asno na ang 61 nito ay ibinigay para sa Panginoon; at 16,000 dalaga[a] na ang 32 nito ay ibinigay para sa Panginoon.

41 Ibinigay ni Moises sa kay Eleazar na pari ang bahagi para sa Panginoon ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 42-46 Ito ang parte ng mga Israelita na kalahati ng ibinigay ni Moises sa mga sundalong nakipaglaban: 337,500 tupa, 36,000 baka, 30,500 asno at 16,000 dalaga.[b] 47 Mula sa parteng ito ng Israelita, nagbukod si Moises ng isa sa bawat 50 tao o hayop ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. At ibinigay niya ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.

48 Pagkatapos, pumunta kay Moises ang mga opisyal ng mga sundalo 49 at sinabi sa kanya, “Binilang namin ang mga sundalo na sakop namin at wala ni isa mang kulang. 50 Kaya inihahandog namin sa Panginoon ang gintong mga bagay na aming nakuha sa labanan – pulseras sa braso at kamay, mga singsing, mga hikaw at mga kwintas, para hindi kami parusahan ng Panginoon.”

51 Tinanggap nina Moises at Eleazar ang lahat ng alahas na ginto. 52 Ang bigat ng mga gintong ito na dinala ng mga opisyal ng mga sundalo na inihandog ni Moises at ni Eleazar sa Panginoon ay 200 kilo. 53 Itoʼy mula sa mga nasamsam ng bawat sundalo sa labanan. 54 Ang mga gintong alahas na tinanggap nina Moises at Eleazar mula sa mga opisyal ng libu-libo at daan-daang sundalo ay dinala nila ito sa Toldang Tipanan para alalahanin ng Panginoon ang mga Israelita.

Marcos 9:1-29

Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikitang dumarating ang paghahari ng Dios na dumarating nang may kapangyarihan.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)

Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan sa isang mataas na bundok. Sila lang ang naroon. At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. Naging puting-puti ang damit niya at nakakasilaw tingnan. Walang sinuman dito sa mundo na makakapagpaputi nang katulad noon. At nakita nila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabutiʼt narito po kami![a] Gagawa kami ng tatlong kubol:[b] isa po para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Ito ang nasabi niya dahil hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin sapagkat sila ay takot na takot. Pagkatapos, tinakpan sila ng ulap. At may narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Tumingin sila agad sa paligid, pero wala nang ibang naroon kundi si Jesus na lang.

Nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang nakita ninyo hanggaʼt ako na Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.” 10 Kaya hindi nila sinabi kahit kanino ang pangyayaring iyon. Pero pinag-usapan nila kung ano ang ibig niyang sabihin sa muling pagkabuhay. 11 Nagtanong sila kay Jesus, “Bakit sinasabi po ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Cristo?” 12-13 Sumagot siya sa kanila, “Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit sasabihin ko sa inyo: dumating na si Elias at ginawa ng mga tao ang gusto nilang gawin sa kanya ayon na rin sa isinulat tungkol sa kanya. Ngunit bakit nasusulat din na ako na Anak ng Tao ay magtitiis ng maraming hirap at itatakwil ng mga tao?”

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(B)

14 Pagdating nina Jesus sa kinaroroonan ng iba pa niyang mga tagasunod na naiwan, nakita nila na maraming tao ang nagtitipon doon. Naroon din ang ilang tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa mga tagasunod ni Jesus. 15 Nabigla ang mga tao nang makita nila si Jesus, at patakbo silang lumapit at bumati sa kanya. 16 Tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” 17 May isang lalaki roon na sumagot, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng masamang espiritu at hindi na makapagsalita. 18 Kapag sinasaniban siya ng masamang espiritu, natutumba siya, bumubula ang bibig, nagngangalit ang mga ngipin, at pagkatapos ay naninigas ang katawan niya. Nakiusap ako sa mga tagasunod nʼyo na palayasin ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 20 Kaya dinala nila ang bata kay Jesus. Pero nang makita ng masamang espiritu si Jesus, pinangisay niya ang bata, itinumba, at pinagulong-gulong sa lupa na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Kailan pa siya nagkaganyan?” Sumagot ang ama, “Mula pa po sa pagkabata. 22 Madalas siyang itinutumba ng masamang espiritu sa apoy o sa tubig para patayin. Kaya maawa po kayo sa amin; kung may magagawa kayo, tulungan nʼyo po kami!” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Bakit mo sinabing kung may magagawa ako? Ang lahat ng bagay ay magagawa ko sa taong sumasampalataya sa akin!” 24 Sumagot agad ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Dagdagan nʼyo po ang pananampalataya ko!”

25 Nang makita ni Jesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamang espiritu, at sinabi, “Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang babalik sa kanya!” 26 Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, “Patay na siya!” 27 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at itinayo, at tumayo ang bata.

28 Nang pumasok na sina Jesus sa bahay na tinutuluyan nila, tinanong siya ng mga tagasunod niya nang sila-sila lang, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®