Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 7-9

Ang Kaban ay Dinala sa Kiryat-jearim

Ang(A) mga tao sa Kiryat-jearim ay dumating at iniahon ang kaban ng Panginoon, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol; at kanilang itinalaga si Eleazar na kanyang anak upang ingatan ang kaban ng Panginoon.

Mula nang araw na ilagay ang kaban sa Kiryat-jearim ay lumipas ang mahabang panahon, mga dalawampung taon at ang buong sambahayan ng Israel ay tumaghoy sa Panginoon.

Namuno si Samuel sa Israel

Nagsalita si Samuel sa buong sambahayan ng Israel, “Kung kayo'y nanunumbalik sa Panginoon nang inyong buong puso ay inyo ngang alisin ang ibang mga diyos at ang mga Astarot na nasa inyo. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kanya lamang kayo maglingkod at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.”

Kaya't inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astarot, at ang Panginoon lamang ang kanilang pinaglingkuran.

Nagtagumpay si Samuel Laban sa Filisteo

Sinabi ni Samuel, “Tipunin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa Panginoon.”

Kaya't sila'y nagtipun-tipon sa Mizpa, umigib ng tubig, ibinuhos sa harap ng Panginoon, at nag-ayuno nang araw na iyon. Sinabi nila roon, “Kami ay nagkasala laban sa Panginoon.” At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtipon sa Mizpa, umahon laban sa Israel ang mga panginoon ng mga Filisteo. Nang mabalitaan iyon ng mga anak ni Israel, sila ay natakot sa mga Filisteo.

Sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, “Huwag kang tumigil ng pagsamo para sa atin sa Panginoon nating Diyos, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo.”

Kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin at inihandog bilang buong handog na sinusunog sa Panginoon. Dumaing si Samuel sa Panginoon para sa Israel; at ang Panginoon ay sumagot sa kanya.

10 Samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na sinusunog, lumapit ang mga Filisteo upang lumusob sa Israel; ngunit ang Panginoon ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na iyon sa mga Filisteo at nilito sila. Sila'y nabuwal sa harap ng Israel.

11 Ang mga lalaki ng Israel ay lumabas sa Mizpa at hinabol ang mga Filisteo at pinatay sila hanggang sa ibaba ng Betcar.

12 Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen. Tinawag ang pangalan nito na Ebenezer[a] sapagkat sinasabi niya, “Hanggang dito'y tinulungan tayo ng Panginoon.”

13 Kaya't nagapi ang mga Filisteo at hindi na muling pumasok sa nasasakupan ng Israel. Ang kamay ng Panginoon ay laban sa Filisteo sa lahat ng mga araw ni Samuel.

14 Ang mga bayang sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay ibinalik sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat; at binawi ng Israel ang kanilang nasasakupan mula sa kamay ng mga Filisteo. Nagkaroon din ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amoreo.

15 Naghukom si Samuel sa Israel sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.

16 Siya'y nagpalibut-libot taun-taon sa Bethel, Gilgal, at Mizpa; at naghukom siya sa Israel sa mga lugar na ito.

17 Pagkatapos ay bumabalik siya sa Rama, sapagkat naroroon ang kanyang tahanan, at doon ay pinapangasiwaan din niya ang katarungan sa Israel. Nagtayo siya roon ng isang dambana sa Panginoon.

Ang Israel ay Humingi ng Hari

Nang si Samuel ay matanda na, ginawa niyang mga hukom sa Israel ang kanyang mga anak.

Ang pangalan ng kanyang panganay na anak ay Joel at ang pangalawa ay Abias. Sila'y mga hukom sa Beer-seba.

Ngunit ang kanyang mga anak ay hindi sumunod sa kanyang mga daan, kundi tumalikod dahil sa pakinabang. Sila'y tumanggap ng mga suhol at binaluktot ang katarungan.

Nang magkagayo'y nagtipun-tipon ang mga matanda ng Israel at pumaroon kay Samuel sa Rama.

At(B) kanilang sinabi sa kanya, “Ikaw ay matanda na at ang iyong mga anak ay hindi sumusunod sa iyong mga daan. Humirang ka ngayon para sa amin ng isang hari upang mamahala sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.”

Ngunit hindi minabuti ni Samuel nang kanilang sabihin, “Bigyan mo kami ng isang hari upang mamahala sa amin.” At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.

Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Pakinggan mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagkat hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako bilang hari nila.

Ayon sa lahat ng mga bagay na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, na kanilang tinatalikuran ako at naglilingkod sa ibang mga diyos ay gayundin ang ginagawa nila sa iyo.

Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig; lamang ay balaan mo silang mabuti, at ipakita mo sa kanila ang mga pamamaraan ng hari na maghahari sa kanila.”

Nagbabala si Samuel

10 Kaya't iniulat ni Samuel ang lahat ng mga salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kanya ng isang hari.

11 Sinabi niya, “Ito ang magiging mga palakad ng hari na maghahari sa inyo: kanyang kukunin ang inyong mga anak at kanyang ilalagay sa kanyang mga karwahe upang maging mga mangangabayo na tatakbo sa unahan ng kanyang mga karwahe.

12 Siya'y hihirang para sa kanya ng mga pinuno ng libu-libo at mga pinuno ng tiglilimampu; at ang iba ay upang mag-araro ng kanyang lupa, at gumapas ng kanyang ani, at upang gumawa ng kanyang mga kagamitang pandigma at mga kagamitan ng kanyang mga karwahe.

13 Kanyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, mga tagapagluto, at mga magtitinapay.

14 Kukunin niya ang pinakamainam ninyong mga bukid, mga ubasan, at mga taniman ng olibo upang ibigay ang mga iyon sa kanyang mga lingkod.

15 Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong butil at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kanyang mga punong-kawal at mga lingkod.

16 Kanyang kukunin ang inyong mga aliping lalaki at aliping babae, ang inyong pinakamabuting kabataan, at ang inyong mga asno, at ilalagay niya sa kanyang mga gawain.

17 Kanyang kukunin ang ikasampung bahagi ng inyong mga kawan at kayo'y magiging kanyang mga alipin.

18 Sa araw na iyon kayo'y daraing dahil sa inyong hari na inyong pinili para sa inyong sarili; ngunit hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na iyon.”

19 Ngunit tumangging makinig ang bayan sa tinig ni Samuel at kanilang sinabi, “Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari,

20 upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang mamahala sa amin ang aming hari at lumabas sa unahan namin at lumaban sa aming mga digmaan.”

21 Nang marinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, kanyang inulit ang mga iyon sa pandinig ng Panginoon.

22 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Pakinggan mo ang kanilang tinig at bigyan mo sila ng hari.” Sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, “Umuwi ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang lunsod.”

Nagkita sina Saul at Samuel

May isang lalaki sa Benjamin na ang pangala'y Kish, na anak ni Abiel, na anak ni Zeor, na anak ni Becora, na anak ni Afia, isang Benjaminita, isang taong mayaman.

Siya'y may isang anak na lalaki na ang pangala'y Saul, isang makisig na kabataan. Sa mga anak ni Israel ay walang higit na makisig na lalaki kaysa kanya. Mula sa kanyang mga balikat paitaas ay higit siyang matangkad kaysa sinuman sa taong-bayan.

Noon ang mga asno ni Kish na ama ni Saul ay nawawala. At sinabi ni Kish kay Saul na kanyang anak, “Isama mo ngayon ang isa sa mga tauhan. Tumindig ka at hanapin mo ang mga asno.”

Siya'y dumaan sa lupaing maburol ng Efraim at sa lupain ng Salisa, ngunit hindi nila natagpuan. Dumaan sila sa lupain ng Saalim, ngunit wala roon; at sila'y dumaan sa lupain ng mga Benjaminita, ngunit hindi nila nakita roon.

Nang sila'y dumating sa lupain ng Zuf, sinabi ni Saul sa kanyang kasamang tauhan, “Tayo na, bumalik na tayo, baka ipagwalang-bahala ng aking ama ang mga asno at tayo ang alalahanin.”

Ngunit sinabi niya sa kanya, “May isang tao ng Diyos sa lunsod na ito, siya'y isang lalaking iginagalang. Lahat ng kanyang sinasabi ay nagkakatotoo. Pumunta tayo roon, marahil ay masasabi niya sa atin ang tungkol sa paglalakbay na ating isinagawa.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, “Ngunit kung tayo'y pupunta roon, ano ang ating dadalhin sa lalaki? Naubos na ang tinapay sa ating mga buslo at wala na tayong madadalang kaloob sa tao ng Diyos. Anong mayroon tayo?”

Muling sumagot ang lingkod kay Saul, at nagsabi, “Mayroon akong ikaapat na bahagi ng isang siklong pilak; ibibigay ko ito sa tao ng Diyos upang sabihin sa atin ang ating paglalakbay.”

(Noong una sa Israel, kapag ang isang tao ay sumasangguni sa Diyos, ay ganito ang sinasabi, “Halika, tayo'y pumaroon sa tagakita;” sapagkat ang tinatawag ngayon na propeta ay tinatawag noong una na tagakita.)

10 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, “Mabuti ang sinasabi mo. Halika, tayo'y pumaroon.” Kaya't pumaroon sila sa bayang kinaroroonan ng tao ng Diyos.

11 Samantalang patungo sila sa bayan ay nakasalubong sila ng mga dalagang lumalabas upang umigib ng tubig, at sinabi nila sa kanila, “Narito ba ang tagakita?”

12 At sila'y sumagot sa kanila, “Siya'y nariyan, nasa unahan mo lamang. Magmadali kayo ngayon, sapagkat kararating pa lamang niya sa bayan sapagkat ang bayan ay may handog ngayon sa mataas na dako.

13 Pagpasok ninyo sa bayan, agad ninyo siyang matatagpuan bago siya umahon sa mataas na dako upang kumain. Sapagkat ang taong-bayan ay hindi kakain hanggang sa siya'y dumating, sapagkat kailangang basbasan niya ang handog. Pagkatapos ay kumakain ang mga inanyayahan. Kaya nga lumakad na kayo sapagkat sa oras na ito'y inyong madadatnan siya.”

14 Kaya't sila'y pumunta sa bayan. Pagpasok nila sa bayan, nasalubong nila si Samuel na papaakyat sa mataas na dako.

15 Nang araw bago dumating si Saul, ipinahayag ng Panginoon kay Samuel:

16 “Bukas sa ganitong oras ay susuguin ko sa iyo ang isang lalaki mula sa lupain ng Benjamin, at iyong bubuhusan siya ng langis upang maging pinuno sa aking bayang Israel. Ililigtas niya ang aking bayan sa kamay ng mga Filisteo; sapagkat aking nakita ang paghihirap ng aking bayan, dahil ang kanilang daing ay umabot sa akin.”

17 Nang makita ni Samuel si Saul ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Narito ang lalaki na aking sinabi sa iyo! Siya ang magkakaroon ng kapangyarihan sa aking bayan.”

18 Pagkatapos ay lumapit si Saul kay Samuel sa pintuang-bayan, at sinabi, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan naroon ang bahay ng nakakakita ng pangitain.”

19 Sumagot si Samuel kay Saul, “Ako ang tagakita; mauna kang umahon sa akin sa mataas na dako, sapagkat kakain kang kasalo ko ngayon, at sa kinaumagahan ay pauuwiin na kita at sasabihin ko sa iyo ang lahat ng nasa isip mo.

20 Tungkol sa iyong mga asno na tatlong araw nang nawawala ay huwag mong alalahanin sapagkat natagpuan na. At para kanino ba ang lahat ng kanais-nais sa Israel? Hindi ba para sa iyo at sa buong sambahayan ng iyong ama?”

21 Si Saul ay sumagot, “Hindi ba ako'y isang Benjaminita, mula sa pinakamaliit na lipi ng Israel? At hindi ba ang aking angkan ang pinakahamak sa mga angkan ng lipi ng Benjamin? Bakit ka nagsasalita sa akin sa ganitong paraan?”

22 Kaya't ipinagsama ni Samuel si Saul at ang kanyang lingkod at ipinasok niya sila sa kabahayan, at binigyan sila ng lugar sa pangunahing upuan kasama ng mga naanyayahan, na may tatlumpung katao.

23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Dalhin mo rito ang bahagi na ibinigay ko sa iyo, na siyang aking sinabi sa iyo, ‘Ibukod mo ito.’”

24 Kaya't kinuha ng tagapagluto ang hita at ang bahaging itaas at inilagay sa harapan ni Saul. At sinabi ni Samuel, “Tingnan mo, ang itinabi ay inilagay sa harap mo. Kainin mo sapagkat ito ay iningatan para sa iyo hanggang sa takdang panahon sapagkat aking sinabi, na inanyayahan ko ang bayan.” Kaya't kumain si Saul na kasalo ni Samuel nang araw na iyon.

25 Nang sila'y makalusong sa lunsod mula sa mataas na dako, isang higaan ang inilatag para kay Saul sa bubungan ng bahay at siya'y humiga upang matulog.

Binuhusan ng Langis ni Samuel si Saul Bilang Hari

26 At sa pagbubukang-liwayway, tinawag ni Samuel si Saul sa bubungan, “Bangon, upang mapahayo na kita.” Si Saul ay bumangon at kapwa sila lumabas ni Samuel.

27 Habang sila'y lumalabas sa hangganan ng bayan ay sinabi ni Samuel kay Saul, “Sabihin mo sa lingkod na mauna na sa atin, at kapag siya'y nakaraan ay tumigil ka rito, upang maipaalam ko sa iyo ang salita ng Diyos.”

Lucas 9:18-36

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)

18 Minsan, nang si Jesus[a] ay nananalanging mag-isa, ang mga alagad ay kasama niya at tinanong niya sila, “Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?”

19 Sila'y(B) sumagot, “Si Juan na Tagapagbautismo; subalit sinasabi ng iba, si Elias; at ng iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.”

20 At(C) sinabi niya sa kanila, “Subalit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro, “Ang Cristo ng Diyos.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Pagdurusa at Kamatayan(D)

21 Subalit kanyang ipinagbilin at ipinag-utos sa kanila na huwag itong sabihin kahit kanino,

22 na sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda at ng mga punong pari at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin.”

23 At(E) sinabi niya sa lahat, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin.

24 Sapagkat(F) ang sinumang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay maililigtas niya ito.

25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamit niya ang buong sanlibutan, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kanyang sarili?

26 Sapagkat ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.

27 Subalit tunay na sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”

Ang Pagbabagong Anyo(G)

28 At(H) pagkaraan ng mga walong araw pagkatapos ng mga salitang ito, isinama ni Jesus[b] sina Pedro, Juan, at Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin.

29 Samantalang siya'y nananalangin, ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti.

30 At biglang may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias,

31 na nagpakita sa kaluwalhatian at nag-usap tungkol sa pagpanaw niya na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.

32 Si Pedro at ang kanyang mga kasamahan ay nakatulog nang mahimbing, subalit nang sila'y nagising ay nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya.

33 At samantalang sila'y papalayo sa kanya, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo'y dumito. Gumawa tayo ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias,” na hindi nalalaman ang kanyang sinabi.

34 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, dumating ang isang ulap, at sila'y nililiman. Sila'y natakot nang sila'y pumasok sa ulap.

35 At(I) may tinig na nanggaling sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili,[c] makinig kayo sa kanya!”

36 Pagkatapos magsalita ng tinig, si Jesus ay natagpuang nag-iisa. At sila'y nanatiling tahimik at hindi sinabi kanino man ng mga araw na iyon ang alinman sa mga bagay na kanilang nakita.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001