Old/New Testament
Ang Hain ni Cristo ay Minsanan Lang
10 Ang kautusan ay isang anino ng mabubuting bagay na darating. Hindi iyon ang wangis ng mga tunay na bagay. Bawat taon patuloy silang naghahandog ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nagpapaging-ganap sa kanila na lumalapit.
2 Hindi ba sila ay titigil na sa paghahandog ng mga handog? Kung minsan sila ay naghandog ng mga hain na maglilinis sa mga sumasamba, hindi na sila kailanman uusigin ng kanilang mga kasalanan. 3 Subalit sa bawat taon ang mga haing iyon ay nagpapaala-ala sa kanila ng kanilang mga kasalanan. 4 Sapagkat hindi maaaring maalis ng dugo ng mga baka at kambing ang mga kasalanan.
5 Kaya nga, nang dumating siya sa sanlibutan, sinabi niya:
Hindi mo inibig ang mga handog at mga hain. Ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin.
6 Hindi ka nalugod sa mga handog na susunugin at mga hain para sa mga kasalanan. 7 Pagkatapos nito, sinabi ko: Narito, dumarating ako sa balumbon ng aklat na nasulat patungkol sa akin, upang sundin ang iyong kalooban, O Diyos.
8 Una, sinabi niya:
Hindi mo inibig ang mga handog at mga hain. Hindi ka nalulugod sa mga handog na susunugin at mga hain para sa kasalanan. Ang mga ito ay hinihingi ng kautusan na ihandog.
9 Pagkatapos sinabi niya:
Narito, ako ay naparito upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.
Upang maitatag niya ang ikalawa, inalis niya ang una.
10 Sa pamamagitan ng kaniyang kalooban, ginagawa tayong banal sa pamamagitan ng paghandog ng katawan ni Jesucristo minsan at magpakailanman.
11 At sa bawat araw ang bawat saserdote ay tumatayo at naglilingkod. Siya ay palaging naghahandog ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi makapag-aalis ng mga kasalanan. 12 Ngunit pagkatapos niyang maghandog ng isang hain para sa mga kasalanan magpakailanaman, siya ay umupo sa kanang dako ng Diyos. 13 Mula sa panahong iyon, siya ay naghihintay hanggang mailagay na ang tuntungan ng kaniyang mga paa ang kaniyang mga kaaway. 14 Sapagkat sa pamamagitan ng paghahandog ng isang hain, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinapaging-banal.
15 At ang Banal na Espiritu rin ang nagpatotoo sa atin, una, sinabi niya:
16 Akong Panginoon ay nagsasabi: Ito ang tipan na gagawin ko sa kanila, pagkatapos ng mga araw na iyon. Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso. At isusulat ko rin ang mga ito sa kanilang mga kaisipan.
17 Pagkatapos nito ay sinabi niya:
Hindi ko na kailanman aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan at ang kanilang mga hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.
18 Ngunit kung saan mayroong kapatawaran sa mga ito, hindi na kailangan pang maghandog ng mga hain para sa kasalanan.
Copyright © 1998 by Bibles International