Old/New Testament
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
15 Mga kapatid, ipinaalam ko sa inyo ang ebanghelyo na ipinangaral ko sa inyo na inyo ring tinanggap at inyong pinaninindigan.
2 Sa pamamagitan din nito kayo ay ligtas, kapag nanghahawakan kayong matatag sa salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na lamang kung sumampalataya kayo nang walang kabuluhan.
3 Ito ay sapagkat ibinigay ko na nga sa inyo nang una pa lamang ang akin ding tinanggap, na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan. 4 Siya rin ay inilibing at siya ay ibinangon sa ikatlong araw ayon sa mga kasulatan. 5 Siya ay nagpakita kay Cefas at gayundin sa labindalawang alagad. 6 Pagkatapos nito sa isang pagkakataon, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatiran. Ang nakakaraming bahagi nito ay nananatili hanggang ngayon at ang ilan ay natulog na. 7 Pagkatapos siya ay nagpakita kay Santiago at saka sa lahat ng mga apostol. 8 Sa kahuli-hulilan, nagpakita siya sa akin, ako na tulad ng isang sanggol na ipinanganak ng wala sa panahon.
9 Ito ay sapagkat ako ang pinakamababa sa lahat ng mga apostol, na hindi nararapat tawaging apostol dahil inusig ko ang iglesiya ng Diyos. 10 Dahil sa biyaya ng Diyos ako ay naging ako at ang biyaya niya na para sa akin ay hindinaging walang kabuluhan. Ako ay nagpagal nang higit pa sa kanilang lahat, ngunit hindi ako kundi ang biyaya ng Diyos na sumasaakin. 11 Kaya nga, maging ako man o sila, ito ang ipinangaral namin at kayo ay sumampalataya.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 Si Cristo ay ipinangangaral na ibinangon mula sa mga patay. Yamang gayon nga, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay mula sa mga patay?
13 Kung wala ngang muling pagkabuhay mula sa mga patay, kahit na si Cristo ay hindi ibinangon. 14 Kung si Cristo ay hindi naibangon, ang aming pagpapahahayag ay walang kabuluhan at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan. 15 Kami rin naman ay masusumpungang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat nagpatotoo kami patungkol sa Diyos na ibinangon niya si Cristo. Hindi na sana niya ibinangon si Cristo kung hindi rin lang ibabangon ang mga patay. 16 Ito ay sapagkat kunghindi ibabangon ang patay, maging si Cristo ay hindi nagbangon. 17 Kung si Cristo ay hindi nagbangon, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo ay nasa inyong mga kasalanan pa. 18 Kung magkaganito, sila na mga namatay kay Cristo ay napahamak. 19 Kung sa buhay lamang na ito tayo ay umaasa kay Cristo, tayo na ang higit na kahabag-habag sa lahat ng mga tao.
20 Ngayon, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Siya ang naging unang bunga nila na mga namatay. 21 Yaman ngang sa pamamagitan ng tao ang kamatayan ay dumating, sa pamamagitan din naman ng isang tao ay dumating ang muling pagkabuhay sa mga patay. 22 Kung papaanong kay Adan ang lahat ay namatay, gayundin naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Ngunit ang bawat tao ay may kaniya-kaniyang pagkakasunod-sunod. Si Cristo ang pinaka-unang bunga, pagkatapos sila na mga kay Cristo, sa kaniyang pagdating. 24 Pagkatapos ng mga ito ay ang katapusan, kapag naibigay na niya ang paghahari sa kaniya na Diyos at Ama. Ito ay kapag kaniyang napawalan ng kapangyarihan ang lahat ng pamumuno at lahat ng kapamahalaan at lahat ng kapangyarihan. 25 Ito ay sapagkat kinakailangan niyang maghari hanggang sa mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga paa ang lahat ng kaaway. 26 Ito ay sapagkat ang huling kaaway na pawawalan ng kapangyarihan ay ang kamatayan. 27 Ito ay sapagkat kaniya na ngang ipinasailalim sa kaniyang mga paa ang lahat ng mga bagay. Ngunit nang sabihin niya na ang lahat ng mga bagay ay ipinasailalim niya, maliwanag na siya na magpasailalim ng lahat ng mga bagay ay hindi kasama. 28 Kapag ang lahat ng mga bagay ay mapasailalim na niya, ang Anak din naman ay mapapasailalim sa Ama na nagpasailalim ng lahat ng mga bagay sa kaniya. Ito ay upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.
Copyright © 1998 by Bibles International