Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
1 Corinto 14:21-40

21 Nakasulat sa kautusan:

Sinabi ng Panginoon: Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamama­gitan ng ibang mga wika at magsasalita ako sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga. Kahit na maging gayonhindi nila ako pakikinggan.

Mga Wika Bilang Tanda

22 Kaya nga, ang mga wika ay bilang tanda, hindi para sa mga sumasampalataya kundi para sa kanila na hindi sumasam­palataya. Ngunit ang paghahayag ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya kundi para sa mga sumasampalataya.

23 Kaya nga, kung ang buong iglesiya ay magtitipun-tipon sa isang lugar at bawat isa ay mag-salita sa iba’t ibang wika, at sa pagpasok ng mga hindi tinuruan at hindi mananampalataya ay narinig kayo, hindi kaya nila isiping kayo ay nababaliw? 24 Kapag ang lahat ay naghahayag, sa pagpasok ng hindi mananampalataya at hindi nataruan, siya ay susumbatan ng lahat, siya ay hahatulan ng lahat. 25 At sa ganoong paraan ang mga lihim ng kaniyang puso ay mahahayag. Siya ay magpapatirapa at sasamba sa Diyos at iuulat niyang ang Diyos ay tunay na sumasainyo.

Maayos na Pananambahan

26 Ano ngayon ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag kayo ay nagtitipun-tipon ang bawat isa sa inyo ay may awit, may katuruan, may ibang wika, may kapahayagan, may pagpapa­liwanag na mga wika. Ang lahat ng ito ay gawin ninyo nawa sa ikatitibay.

27 Kapag ang sinuman ay magsasalita sa ibang wika, gawin ito ng dalawa hanggang sa tatlo lang at dapat sunod-sunod at kinakailangang may nagpapaliwanag. 28 Kung walang magpapaliwanag, tumahimik siya sa iglesiya at magsalita na lang siya sa kaniyang sarili at sa Diyos.

29 Papagsalitain ang dalawa o tatlong propeta at hayaan silang hatulan ng iba. 30 Ngunit kung ang isa na nakaupo ay may kapahayagan, tumahimik muna ang nauna. 31 Ito ay sapagkat lahat kayo ay maaaring isa-isang makapaghahayag upang ang lahat ay matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang espiritu ng mga propeta ay nagpapasakop sa mga propeta. 33 Ito ay sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan, tulad ng sa lahat ng iglesiya ng mga banal.

34 Ang kababaihan ay tumahimik sa iglesiya, dahil hindi silapinahihintulutang magsalita. Sa halip sila ay dapat magpasakop ayon na rin sa nakasulat sa kautusan. 35 Kung ibig nilang matuto ng anumang bagay, magtanong sila sa sarili nilang mga asawa sa kanilang bahay sapagkat nakakahiya para sa babae ang magsalita sa iglesiya.

36 Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo, o dumating lang ito sa inyo? 37 Kung ang sinuman ay magisip na siya ay propeta o kaya ay espirituwal na tao, dapat niyang kilalanin na ang mga bagay na isinulat ko sa inyo ay mga utos mula sa Panginoon. 38 Kapag ito ay hindi pahalagahan ng sinuman, hayaan ng ito ay hindi niya pahalagahan.

39 Kaya nga, mga kapatid, magsumigasig kayo, na kayo ay makapaghahayag at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika. 40 Ang lahat ay gawin ninyo nang nararapat at may kaayusan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International