Old/New Testament
Ang mga Nalabing Maliliit na Pangkat ng Israel
11 Kaya nga, sinasabi ko: Tinanggihan ba ng Diyos ang kaniyang mga tao? Huwag nawang mangyari. Ito ay sapagkat ako rin ay isang taga-Israel, mula sa lahi ni Abraham, mula sa angkan ni Benjamin.
2 Hindi tinanggihan ng Diyos ang mga taong kilala na niya nang una pa. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan, sa salaysay patungkol kay Elias, kung papaanong siya ay namagitan sa Diyos laban sa mga taga-Israel? 3 Sinabi niya:
Panginoon, pinatay nila ang mga propeta mo. Winasak nila ang mga dambana mo. Ako ay naiwanang mag-isa at pinagbabantaan nila ang buhay ko.
4 Ano ang sagot ng Diyos sa kaniya? Sinabi ng Diyos:
Nagbukod ako ng pitong libong tao na hindi lumuhod kay Baal.
5 Gayon pa rin ito sa kasalukuyang panahon. Mayroon pa ring natitirang maliit na pangkat na pinili ayon sa biyaya. 6 Yamang sila ay pinili ayon sa biyaya, ito ay hindi na sa pamamagitan ng mga gawa. Kung hindi gayon, ang biyaya ay hindi na magiging biyaya. Kung ito ay sa gawa, ito ay hindi na biyaya, kung hindi gayon, ang gawa ay hindi na gawa.
7 Ano ngayon? Ang hinahangad ng mga taga-Israel ay hindi nila natamo. Ang nagtamo nito ay ang mga pinili. Pinatigas ng Diyos ang mga puso ng iba pang natitira. 8 Ayon sa nasusulat:
Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkalito. Binigyan niya sila ng mga matang hindi nakakakita. Binigyan niya sila ng mga taingang hindi nakakarinig. Ito ay hanggang sa ngayon.
9 Sinabi ni David:
Ang kanilang mga hapag ay maging isangbitag at isang patibong. Ito ay maging isang katitisuran at maging kagantihan sa kanila.
10 Padidilimin ng Diyos ang kanilang mga mata upang hindi sila makakita. Patuloy na magiging baluktot ang kanilang mga likod.
Mga Sangang Inihugpong ng Diyos
11 Sinasabi kong muli: Natisod ba sila upang bumagsak nang lubusan? Huwag nawang mangyari. Sa halip nang sila ay sumalansang, ang kaligtasan ay dumating sa mga Gentil upang inggitin ang mga Judio.
12 Kung ang pagsalansang ng mga Judio ay nagdala ng kayamanan sa sanlibutan, at ang kanilang pagkatalo ay nagdala ng kayamanan sa mga Gentil, gaano pa kaya kung sila ay lubos nang makapanumbalik.
13 Nagsasalita ako sa inyo mga Gentil. Yamang ako ay apostol sa mga Gentil, niluluwalhati ko ang aking paglilingkod. 14 Ito ay upang kahit na sa papaanong paraan ay aking mainggit ang mga kamag-anak ko sa laman. Sagayon, mailigtas ko ang ilan man lamang sa kanila. 15 Ito ay sapagkat nang itinakwil sila ng Diyos, ang sanlibutan ay ipinakipagkasundo. Kapag tanggapin niya silang muli, ano ang mangyayari? Hindi ba ito ay buhay mula sa patay? 16 Kung ang unang bunga ay banal gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ay banal, ang mga sanga ay banal din.
17 Ngunit kung ang ilang mga sanga ay pinutol, ikaw na isang puno ng Olibong ligaw ay inihugpong sa kanila. Ikaw ay naging kabahagi ng ugat at ng katas ng punong Olibo. 18 Huwag kang magmalaki sa mga sanga. Kung magmamalaki ka sa kanila, tandaan mo ito: Hindi ikaw ang nagpupuno sa pangangailangan ng ugat. Ang ugat ang siyang nagpupuno sa pangangailangan mo.
Copyright © 1998 by Bibles International