Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 27:27-44

Nawasak ang Barko

27 Nang sumapit ang ikalabing-apat na gabi, ipinadpad kami ng hangin paroo’t parito sa Adriatico. Nang maghahating gabi na, inakala ng mga magdaragat na nalalapit na sila sa isang lupain.

28 Tinarok nila at nasumpungang may dala­wampung dipa ang lalim. Nang makalayo sila ng kaunti, muli nilang tinarok at nasumpungang may labinlimang dipa ang lalim. 29 Sa takot nilang mapasadsad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan. Hinahangad nila na mag-umaga na sana. 30 Ngunit nagpupumilit ang mga magdaragat na makatakas sa barko. Nagpakunyari sila na ihuhulog nila ang mga angkla sa unahan. 31 Sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga kawal: Maliban na manatili ang mga ito sa barko, kayo ay hindi makakaligtas. 32 Kaya pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangkang-pangkagipitan at pinabayaan itong mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, ipinamanhik ni Pablo sa lahat na kumain. Sinabi niya: Ngayon ay ikalabing-apat na araw na kayo ay naghihintay. Hindi kayo kumakain at walang tina­tanggap na anuman. 34 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo ay kumain dahil ito ay makakatulong na makalagpas kayo sa sakunang ito. Ito ay sapagkat isa mang buhok ay hindi malalagas mula sa ulo ng sinuman sa inyo. 35 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, kumuha siya ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Pinagputul-putol niya ito at nagsimulang kumain. 36 Nang magkagayon, lumakas ang loob ng lahat. Sila namang lahat ay kumuha din ng pagkain. 37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawang daan at pitumpu’t anim na kaluluwa. 38 Nang mabusog na sila, pinagaan nila ang barko. Itinapon nila sa dagat ang trigo.

39 Kinabukasan, hindi nila makilala ang lupain. Ngunit nabanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin. Sila ay nag-usap kung maaari nilang maisadsad ang barko mula doon. 40 Pinutol nila ang lubid ng angkla at pinabayaan nila sa dagat. Kasabay nito ay kinakalag nila ang mga tali ng mga timon. Pagkataas ng layag sa unahan ay tinungo nila ang pampang paayon sa ihip ng hangin. 41 Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, isinadsad nila ang unahan ng barko. Ito ay tumigil at hindi na kumikilos. Ngunit nagpasimulang mawasak ang hulihan dahil sa kalakasan ng mga alon.

42 Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo. Baka mayroong makalangoy palayo at makatakas. 43 Subalit sa kagustuhang ng kapitan na iligtas si Pablo, ay pinigil niya sila sa gusto nilang gawin. Iniutos niya sa kanila: Sinuman ang marunong lumangoy ay tumalon nang una at nang makarating sa lupa. 44 Sa mga naiwan, ang iba ay sa mga tabla at ang iba naman ay sa mga bagay na galing sa barko. Sa ganitong paraan, ang lahat ay nakarating nang ligtas hanggang sa lupa.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International