Old/New Testament
22 Sama-samang tumindig ang karamihan laban sa kanila. Hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit. Kanilang iniutos na sila ay paluin ng mga pamalong kahoy. 23 Nang masugatan na nila sila nang marami, inihagis nila sila sa bilangguan. Iniutos sa punong-bantay ng bilangguan na bantayan silang mabuti. 24 Nang tanggapin nito ang gayong utos, inihagis nila sila sa kaloob-looban ng bilangguan. Inilagay ang kanilang mga paa sa mga pamiit na napakasakit.
25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umaawit ng papuri sa Diyos. Sila ay pinapakinggan ng mga bilanggo. 26 Bigla na lamang nagkaroon ng isang malakas na lindol. Anupa’t umuga ang mga patibayan ng bilangguan. Kaagad ay nabuksan ang lahat ng mga pinto at nakalas ang mga gapos ng bawat isa. 27 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nagising sa pagkakatulog. Nang makita niyang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kaniyang tabak. Magpapakamatay na sana siya sa pag-aakalang nakatakas na ang mga bilanggo. 28 Ngunit si Pablo ay sumigaw ng malakas na sinabi: Huwag mong saktan ang iyong sarili sapagkat naririto kaming lahat.
29 Siya ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob. Siya ay nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Inilabas niya sila at sinabi: Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?
31 Sinabi nila: Sumampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan. 32 Sinalita nila sa kaniya ang salita ng Panginoon at gayundin sa lahat ng nasa kaniyang bahay. 33 Sila ay kinuha niya sa oras ding iyon ng gabi. Hinugasan ang kanilang mga sugat. Kaagad ay binawtismuhan siya at ang buo niyang sambahayan. 34 Dinala niya sila sa kaniyang bahay. Hinainan niya sila ng pagkain at nagalak din ang buo niyang sambahayan sapagkat sila ay sumampalataya sa Diyos.
35 Nang umaga na, ang mga hukom ay nagsugo ng mga sarhento. Sinabi nila: Pakawalan mo ang mga lalaking iyan. 36 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nag-ulat kay Pablo ng mga salitang ito: Nagsugo ang mga pinuno na kayo ay pakawalan. Lumabas nga kayo ngayon at humayo kayong payapa.
37 Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila: Pinalo nila kami sa hayag na hindi nahatulan. Bagaman kami ay mga mamamayang Romano, inihagis nila kami sa bilangguan. Ngayon ay palihim nila kaming palalayain. Hindi. Kinakailangang sila mismo ang pumarito at pakawalan nila kami.
38 Iniulat ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga hukom. Natakot sila nang marinig nila na sila ay mga Romano. 39 Sila ay pumaroon at namanhik sa kanila. Nang mailabas na nila sila, hiniling nila sa kanila na lumabas sa lungsod. 40 Sila ay lumabas sa bilangguan at nagpunta sa bahay ni Lydia. Nang makita nila ang mga kapatid, pinatibay nila ang kalooban ng mga kapatiran at sila ay umalis.
Copyright © 1998 by Bibles International