Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 13:26-52

26 Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham at sa inyong mga may takot sa Diyos, sa inyo ipinadadala ang salita ng kaligtasang ito. 27 Ito ay sapagkat hindi siya nakilala ng mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno. Ngunit sa paghatol sa kaniya, ginanap nila ang mga hula ng mga propeta na binabasa tuwing araw ng Sabat. 28 Bagaman hindi sila nakakita ng anumang dahilan upang hatulan siya ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya ay patayin. 29 Nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat patungkol sa kaniya, ibinaba siya ng mga alagad mula sa kahoy at inilagay sa libingan. 30 Ngunit siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay. 31 Maraming araw siyang nakita ng mga naging kasama niya sa pag-ahon mula sa Galilea hangggang sa Jerusalem. Sila ang mga naging saksi niya sa mga tao.

32 Ipinangangaral namin sa inyo ang ebanghelyo na ipinangako sa ating mga ninuno. 33 Tinupad din ito ng Diyos sa atin na mga anak nila nang muli niyang buhayin si Jesus. Gaya rin naman ng nasusulat sa ikalawang Awit:

Ikaw ay aking Anak. Sa araw na ito ay ipina­nganak kita.

34 Patungkol naman sa muli niyang pagkabuhay mula sa mga patay upang hindi magbalik sa pagkabulok ay nagsalita siya ng ganito:

Ibibigay ko sa iyo ang mga tapat na pangako ng Diyos kay David.

35 Kaya nga, sinabi rin niya sa ibang Awit:

Hindi mo pababayaan na ang iyong Banal ay magdanas ng pagkabulok.

36 Ito ay sapagkat si David, nang matapos niyang paglingkuran ang kaniyang sariling lahi ayon sa kalooban ng Diyos ay namatay. Siya ay inilibing sa piling ng kaniyang mga ninuno at dumanas ng pagkabulok. 37 Ngunit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok.

38 Kaya nga, alamin ninyo ito mga kapatid, na sa pamama­gitan ng lalaking ito ay ibinabalita sa inyo ang kapatawaranng mga kasalanan. 39 Sa pamamagitan niya, ang lahat ng sumasampalataya ay pinaging-matuwid sa lahat ng bagay. Sa mga bagay na ito ay hindi kayo maaaring mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. 40 Mag-ingat nga kayo na huwag mangyari sa inyo ang sinalita ng mga propeta:

41 Narito, kayong mga mapangutya, mamangha kayo at mapapahamak sapagkat may gagawin ako sa inyong mga araw. Ito ay isang gawa na sa anumang paraan ay hindi ninyo paniniwalaan kahit na may isang tao pang magsabi sa inyo.

42 Nang ang mga Judio ay nakaalis na sa sinagoga, ipina­manhik ng mga Gentil sa kanila na ang mga salitang ito ay ipangaral sa kanila sa susunod na araw ng Sabat. 43 Nang makaalis na ang kapulungan sa sinagoga, marami sa mga Judio at mga naging Judiong masisipag sa kabanalan ang sumunod kay Pablo at kay Bernabe. Sila ay kinausap nila sila at hinimok na manatili sa biyaya ng Diyos.

44 Nang sumunod na araw ng Sabat ay nagkatipon ang halos buong lungsod upang makinig ng Salita ng Diyos. 45 Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, sila ay napuno ng inggit. Tinutulan nila ang mga bagay na sinalita ni Pablo. Sumasalungat sila at nanunungayaw.

46 Kaya si Pablo at Bernabe ay buong tapang na nagsabi: Kinakailangang sa inyo muna sabihin ang salita ng Diyos. Itinakwil at hinatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya tingnan nga ninyo, kami ay bumaling sa mga Gentil. 47 Ito ay sapagkat sa ganitong paraan ay iniutos sa amin ng Panginoon:

Itinalaga kita bilang isang ilaw sa mga Gentil para sa kaligtasan hanggang sa mga kadulu-duluhan ng daigdig.

48 Nang marinig ito ng mga Gentil ay nagalak sila. Niluwalhati nila ang salita ng Panginoon at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.

49 Ang salita ng Panginoon ay dinala nila sa buong lupain. 50 Ngunit inudyukan ng mga Judio ang mga babaeng pala­simba at yaong may matataas na kalagayan at ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. At sila ay nagsimula pag-uusig laban kay Pablo at Bernabe. Pinalayas nila sila sa lupaing iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila. Pagkatapos sila ay pumaroon sa Iconio. 52 Ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International