Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 13:1-25

Sinugo sina Bernabe at Saulo

13 Sa iglesiya nga na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro at si Lucio na taga-Cerene. Kabilang din si Manaem na kinakapatid ni Herodes na tetrarka at si Saulo.

Nang sila ay naglilingkod sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu: Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo para sa gawaing kung saan sila ay tinawag ko. Nang makapanalangin na sila at makapag-ayuno, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at pagkatapos nito, sila ay pinahayo.

Sa Chipre

Kaya nga, sila na sinugo ng Banal na Espiritu ay lumusong sa Seleucia. Buhat doon ay naglayag sila hanggang sa Chipre.

Nang sila ay nasa Salamina, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin naman nila si Juan na kanilang lingkod.

Nang matahak na nila ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang manggagaway, isang bulaang propeta. Siya ay isang Judio na ang pangalan ay Bar-Jesus. Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Siya ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo dahil hinahangad niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. Ngunit hinadlangan sila ni Elimas na mangga­gaway. Ang kahulugan ng pangalang Bar-Jesus ay Elimas. Pinagsisikapan niyang ilihis sa pananampalataya ang gobernador. Ngunit tinitigan siya ni Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu. 10 Sinabi niya: O ikaw na anak ng diyablo, puno ka ng lahat ng pandaraya at ng lahat ng panlilinlang. Ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka ba titigil sa paglihis ng mga daang matuwid ng Panginoon? 11 At ngayon, narito, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang araw sa ilang panahon.

Kaagad na nahulog sa kaniya ang isang ulap at ang kadiliman. Siya ay lumibot na naghahanap ng aakay sa kaniya.

12 Nang magkagayon, nang makita ng gobernador ang nang­yari, sumampalataya siya. At lubos silang namangha sa katuruan ng Panginoon.

Sa Antioquia ng Pisidia

13 Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naglayag mula sa Pafos at umabot sa Perga ng Pamfilia. Si Juan ay humiwalay sa kanila at bumalik sa Jerusalem.

14 Nang makaraan sila sa Perga, dumating sila sa Antioquia ng Pisidia. Sila ay pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabat at sila ay umupo. 15 Pagka­tapos ng pagbasa ng aklat ng kautusan at ng aklat ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpasabi sa kanila. Sinabi nila: Mga kapatid, kung mayroon kayong salita na makakapagpalakas ng loob sa mga tao, magsalita kayo.

16 Tumayo si Pablo at inihudyat ang kamay na sinabi: Mga lalaking taga-Israel, kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang Diyos ng mga taong ito ng Israel ay pinili ang ating mga ninuno. Pinarangalan niya ang mga tao nang sila ay nanirahan sa bayan ng Egipto at inilabas niya sila mula roon sa pamamagitan ng makapangyarihang bisig. 18 Sa loob ng halos apatnapung taon ay pinagtiisan niya ang kanilang mga pag-uugali sa ilang. 19 Nang maibagsak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, hinati niya sa kanila ang kanilang bayan. 20 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagbigay siya ng mga hukom.

Ito ay naganap sa loob ng halos apatnaraan at limampung taon hanggang kay Samuel na propeta.

21 Pagkatapos ay humingi sila ng hari. Ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kis. Siya ay mula sa angkan ni Benjamin. Naghari siya sa kanila sa loob ng apatnapung taon. 22 Nang siya ay inalis niya, itinindig niya para sa kanila si David upang maging hari. Siya rin naman ang pinatotohanan niya na sinabi:

Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse. Siya ang lalaking ayon sa aking puso na gagawa ng buong kalooban ko.

23 Sa lahi ng taong ito, ayon sa pangako, ang Diyos ay nagtindig ng isang Tagapagligtas sa Israel. Siya ay si Jesus. 24 Bago siya dumating ay nangaral muna si Juan ng bawtismo ng pagsisisi sa lahat ng mga tao sa Israel. 25 Nang ginaganap na ni Juan ang kaniyang katungkulan, sinabi niya: Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Mesiyas. Ngunit narito, may isang dumarating sa hulihan ko. Hindi ako karapat-dapat magkalag ng mga panyapak ng kaniyang mga paa.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International