Old/New Testament
Iniutos ni Pilato na Ipako sa Krus si Jesus
19 Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at kaniyang hinagupit.
2 Ang mga kawal ay nagsalapid ng isang koronang tinik. Inilagay nila ito sa kaniyang ulo at sinuotan nila siya ng balabal na kulay ube. 3 Sinabi nila: Pagbati sa Hari ng mga Judio. At pinagsasampal nila siya.
4 Si Pilato nga ay muling lumabas at sinabi sa kanila: Narito, inilabas ko siya sa inyo. Ito ay upang inyong malaman na wala akong makitang anumang kasalanan sa kaniya. 5 Lumabas nga si Jesus na suot ang koronang tinik at ang balabal na kulay ube. Sinabi ni Pilato sa kanila: Tingnan ninyo ang taong ito.
6 Nang makita nga siya ng mga pinunong-saserdote at ng opisyales ng templo, sila ay sumigaw na sinasabi: Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus.
Sinabi ni Pilato sa kanila: Dalhin ninyo siya at ipako siya sa krus. Ito ay sapagkat wala akong makitang kasalanan sa kaniya.
7 Sumagot sa kaniya ang mga Judio: Kami ay may kautusan. Ayon sa aming kautusan, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niya ang kaniyang sarili na Anak ng Diyos.
8 Nang marinig ni Pilato ang pananalitang iyon, lalo siyang natakot. 9 Siya ay muling pumunta sa hukuman at sinabi kay Jesus: Saan ka ba nagmula? Hindi sumagot si Jesus sa kaniya. 10 Sinabi nga ni Pilato sa kaniya: Hindi ka ba sasagot sa akin? Hindi mo ba alam na ako ay may kapamahalaang ipapako ka sa krus at kapamahalaang palayain ka?
11 Sumagot si Jesus: Hindi ka magkakaroon ng anumang kapamahalaan laban sa akin malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito ang nagbigay sa akin sa iyo ay higit ang kasalanan.
12 Mula noon tinangka ni Pilato na palayain siya. Ang mga Judio ay sumigaw na sinasabi: Kung palayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Kung ginagawang hari ng sinuman ang kaniyang sarili siya aynagsasalita laban kay Cesar.
13 Nang marinig nga ni Pilato ang pananalitang iyon ay dinala niya si Jesus palabas. Siya ay umupo sa luklukan ng paghatol sa dakong tinatawag na Pabimento. Sa Hebreo, ito ay Gabata. 14 Noon ay paghahanda ng Paglagpas.
Nang mag-iikaanim na ang oras, sinabi ni Pilato sa mga Judio: Tingnan ninyo ang inyong hari.
15 Sila ay sumigaw: Alisin siya! Alisin siya! Ipako siya sa krus!
Sinabi ni Pilato sa kanila: Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?
Ang mga pinunong-saserdote ay sumagot: Wala kaming hari maliban kay Cesar.
16 Kaya nga, ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.
Ipinako Nila sa Krus si Jesus
Kinuha nila si Jesus at siya ay inilayo.
17 Lumabas siya habang pasanniya ang kaniyang krus. Pumunta siya sa dakong tinatawag na Pook ng Bungo. Ito ay tinatawag sa wikang Hebreo na Golgotha. 18 Doon nila siya ipinako sa krus. Dalawa ang kasama niya, isa sa bawat panig at napapagitna si Jesus.
19 At si Pilato ay sumulat ng isang pamagat at inilagay ito sa krus. Ganito ang nakasulat: SI JESUS NA TAGA-NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO. 20 Ang pamagat na ito ay nabasa ng maraming mga Judio. Ito ay sapagkat ang pook na pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lungsod. Ang pamagat ay isinulat sa salitang Hebreo, sa salitang Griyego at sa salitang Romano. 21 Sinabi nga ng mga pinunong-saserdote ng mga Judio kay Pilato: Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio kundi sinabi niya: Ako ay Hari ng mga Judio.
22 Sumagot si Pilato: Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.
Copyright © 1998 by Bibles International