Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Juan 12:1-26

Pinahiran ni Maria ng Langis si Jesus sa Betania

12 Anim na araw bago ang Paglagpas, si Jesus ay pumunta sa Betania. Ito ang kinaroonan ni Lazaro na namatay na kaniyang ibinangon mula sa mga patay.

Sila ay naghanda roon ng hapunan para sa kaniya. Si Marta ay naglingkod. Ngunit si Lazaro ay isa sa mga nakaupong kasalo niya sa mesa. Si Maria ay kumuha ng isang librang purong nardo. Ito ay mamahaling pamahid. Ipinahid niya ito sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kaniyang buhok at ang bahay ay napuno ng halimuyak ng pamahid.

Si Judas na taga-Keriot, na anak ni Simon ay isa sa kaniyang mga alagad. Siya ang magkakanulo kay Jesus. Sinabi nga niya: Bakit hindi ipinagbili ang pamahid na ito sa halagang tatlong daang denaryo at ibinigay sa mga dukha? Ito ay sinabi hindi dahil siya ay nagmamalasakit sa mga dukha kundi dahil siya ay isang magnanakaw. Nasa kaniya rin ang supot ngsalapi at kinukupit niya ang inilalagay rito.

Sinabi nga ni Jesus: Hayaan ninyo si Maria. Inilalaan niya iyon para sa araw ng aking libing. Ito ay sapagkat ang mga dukha ay lagi ninyong kasama ngunit ako ay hindi ninyo makakasamang lagi.

Maraming mga Judio ang nakakaalam na siya ay naroon. Sila ay pumunta hindi lamang dahil kay Jesus. Sila ay pumunta upang makita rin si Lazaro na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay. 10 Nagsanggunian ang mga pinunong-saserdote upang patayin din si Lazaro. 11 Ito ay sapagkat maraming mga Judio ang lumayo at sumampalataya kay Jesus dahil sa nangyari kay Lazaro.

Pumasok si Jesus sa Jerusalem Tulad ng Isang Hari

12 Kinabukasan, maraming mga tao ang dumating na nanggaling sa kapistahan. Narinig nila na darating si Jesus sa Jerusalem.

13 Sila ay kumuha ng mga tangkay ng punong palma at lumabas upang siya ay salubungin. Sumigaw sila:

Hosana! Papuri sa Hari ng Israel napumaparito sa pangalan ng Panginoon!

14 Sinakyan ni Jesus ang isang batang asno na natagpuan niya. Ayon sa nasusulat:

15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion! Narito, ang iyong hari ay dumarating. Siya ay nakasakay sa isang bisirong asno.

16 Sa simula ay hindi naunawaan ng kaniyang mga alagad ang mga bagay na ito. Subalit nang naluwalhati na si Jesus, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay isinulat patungkol sa kaniya. Naalala rin nila na ang mga bagay na ito ay ginawa nila sa kaniya.

17 Kaya nga, nagpatotoo nga ang maraming tao na nakasama niya nang kaniyang tawagin si Lazaro mula sa libingan at ibinangon mula sa mga patay. 18 Dahil dito, sumalubong sa kaniya ang maraming tao sapagkat narinig nila na siya ay gumawa ng tandang ito. 19 Sinabi nga ng mga Fariseo sa kanilang sarili: Nakikita ninyo na wala kayong napapala. Narito, sumusunod na sa kaniya ang sanlibutan.

Ipinagpauna nang Sabihin ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

20 At may ilang mga Griyego na umahon, kasama noong mga pumaroon sa kapistahan, upang sumamba.

21 Sila nga ay lumapit kay Felipe na taga-Betsaida ng Galilea. Hiniling nila sa kaniya na sinasabi: Ginoo, nais naming makita si Jesus. 22 Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres. Sinabi naman nina Andres at Felipe kay Jesus.

23 Tinugon sila ni Jesus na sinasabi: Dumating na ang oras upang maluwalhati ang Anak ng Tao. 24 Katotohanan, katoto­hanang sinasabi ko sa inyo: Mananatiling nag-iisa ang butil ng trigo malibang ito ay mahulog sa lupa at mamatay. Kapag ito ay namatay, mamumunga ito ng marami. 25 Siya na umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito. Siya na napopoot sa kaniyang buhay dito sa sanlibutan ay makakapag-ingat nito patungo sa buhay na walang hanggan. 26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, hayaan siyang sumunod sa akin. Kung saan ako naroroon ay doroon din angaking tagapaglingkod. Kung ang sinuman ay naglilingkod sa akin, siya ay parara­ngalan ng aking Ama.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International