Old/New Testament
Ang Pastol at ang Kaniyang Kawan
10 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Siya na pumapasok na hindi dumadaan sa pinto ng kulungan ng mga tupa ay magnanakaw at tulisan. Siya ay umaakyat sa ibang daan.
2 Ang pumapasok na dumadaan sa pinto ay ang pastol ng mga tupa. 3 Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto. Dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig. Tinatawag niya ang kaniyang sariling mga tupa sa kani-kanilang pangalan. Sila ay inaakay niya sa paglabas. 4 Kapag nailabas na niya ang sarili niyang mga tupa ay nauuna siya sa kanila. Ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig. 5 Hindi nila susundin kailanman ang isang dayuhan kundi lalayuan nila siya sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan. 6 Ang talinghagang ito ay sinabi ni Jesus sa kanila. Hindi nila naunawaan ang sinabi niya sa kanila.
7 Muli ngang sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pinto ng mga tupa. 8 Ang lahat ng naunang dumating sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan. Subalit hindi sila dininig ng mga tupa. 9 Ako ang pinto. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makakasumpong ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito malibang siya ay magnakaw, pumatay at maminsala. Ako ay narito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon nito na may lubos na kasaganaan.
11 Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa. 12 Kapag nakikita ng upahang-lingkod na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong palayo. Ginagawa niya ito sapagkat hindi siya ang pastol at sila ay hindi sa kaniya. Pagkatapos, ang mga tupa ay sinisila ng lobo at kinakalat. 13 Ang upahang-lingkod ay tumatakbong palayo sapagkat siya ay upahang-lingkod at wala siyang pagmamalasakit sa mga tupa.
14 Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa. 15 Kung papaanong nakikilala ako ng Ama ay ganoon din naman, nakikilala ko ang Ama. Iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kawang ito. Sila rin ay dapat kong dalhin at diringgin nila ang aking tinig. At magkakaroon ng isang kawan at ng isang pastol. 17 Dahil dito, iniibig ako ng Ama sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito ay makuha kong muli. 18 Walang sinumang makakaagaw nito sa akin. Subalit kusa ko itong iniaalay. Mayroon akong kapamahalaang ialay ito at mayroon akong kapamahalaang kunin itong muli. Ang utos na ito ay tinanggap ko mula sa aking Ama.
19 Nagkaroon ngang muli ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga pananalitang ito. 20 Marami sa kanila ang nagsabi: Siya ay may demonyo at nahihibang. Bakit kayo nakikinig sa kaniya?
21 Sinabi ng iba: Hindi ito mga pananalita ng isang inaalihan ng demonyo. May kapangyarihan bang makapagpamulat ng mata ang demonyo?
Hindi Sumampalataya ang mga Judio
22 Naganap sa Jerusalem ang kapistahan ng pagtatalaga. Noon ay taglamig.
23 Si Jesus ay naglalakad sa templo sa portiko ni Solomon.
Copyright © 1998 by Bibles International