Old/New Testament
24 Tinawag nilang muli ang lalaki na dating bulag. Sinabi nila: Ibigay mo ang kaluwalhatian sa Diyos. Alam namin na ang lalaking ito ay isang makasalanan.
25 Sumagot siya at nagsabi: Hindi ko alam kung siya ay makasalanan. Isang bagay ang alam ko, ako ay dating bulag at ngayon ay nakakakita na.
26 Sinabi nilang muli sa kaniya: Ano ang ginawa niya sa iyo? Papaano niya iminulat ang iyong mga mata?
27 Sumagot siya sa kanila: Sinabi ko na sa inyo at hindi ninyo pinakinggan. Bakit ibig ninyong marinig muli? Ibig din ba ninyong maging mga alagad niya?
28 Kaya siya ay kanilang nilait na sinabi: Ikaw ang kaniyang alagad. Kami ay mga alagad ni Moises. 29 Alam namin na ang Diyos ay nagsalita kay Moises. Patungkol sa lalaking ito hindi namin alam kung saan siya nanggaling.
30 Sumagot ang lalaki at sinabi sa kanila: Tunay na ito ay kamangha-manghang bagay. Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling. Gayunman ay iminulat niya ang aking mga mata. 31 Alam natin na hindi dinirinig ng Diyos ang mga makasalanan. Kung ang sinuman ay sumasamba sa Diyos at ginagawa ang kaniyang kalooban, siya ang dinirinig ng Diyos. 32 Sa pasimula pa ng panahon ay hindi pa narinig na may sinumang nakapagpamulat ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. 33 Kung ang lalaking ito ay hindi sa Diyos, wala siyang kapangyarihang gumawa ng anuman.
34 Sumagot sila at sinabi sa kaniya: Ikaw ay ipinanganak na lubos na makasalanan at tuturuan mo pa kami? At siya ay itinaboy nila.
Ang Hindi Pagkakita sa mga Bagay na Espirituwal
35 Narinig ni Jesus na siya ay itinaboy nila. Nang matagpuan ni Jesus ang lalaking dati ay bulag sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba ay sumasampalataya sa Anak ng Diyos?
36 Sumagot siya at sinabi: Sino siya Panginoon, upang ako ay sumampalataya sa kaniya?
37 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Nakita mo na siya at siya ang nakikipag-usap sa iyo.
38 Sinabi niya: Panginoon, sumasampalataya ako. Sinamba niya si Jesus.
39 Sinabi ni Jesus: Ako ay narito sa sanlibutan na ito para sa paghatol. Ito ay upang sila na hindi nakakakita ay makakita. Sila namang nakakakita ay maging mga bulag.
40 Ang mga bagay na ito ay narinig ng mga maka-Fariseo na kasama nila. Kanilang sinabi sa kaniya: Kami ba ay mga bulag din?
41 Sinabi ni Jesus sa kanila: Kung kayo ay mga bulag ay wala sana kayong pagkakasala. Ngunit ngayon sinasabi ninyo: Nakakakita kami. Samakatuwid, ang inyong kasalanan ay nananatili sa inyo.
Copyright © 1998 by Bibles International