Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Juan 6:22-44

22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nanatili sa kabilang ibayo ng lawa na walang ibang bangka roon. Ang naroroon lang ay ang sinakyan ng mga alagad ni Jesus. Alam nilang hindi sumama si Jesus sa kaniyang mga alagad sa bangka at sila lang ang umalis. 23 May ibang mga bangkang dumating na mula sa Tiberias. Ito ay malapit sa pook na kung saan sila ay kumain ng tinapay pagkatapos pasalamatan ng Panginoon. 24 Nakita nga ng mga tao na wala si Jesus maging ang mga alagad niya. Pagkatapos sumakay rin sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum at hinahanap nila si Jesus.

Si Jesus ang Tinapay ng Buhay

25 Natagpuan nila siya sa kabilang dako ng lawa. Pagkakita nila, tinanong nila siya: Guro, kailan ka pumunta rito?

26 Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hinanap ninyo ako hindi sa dahilang nakita ninyo ang mga tanda. Ang dahilan ay nakakain kayo ng mga tinapay na sebada at nasiyahan. 27 Huwag kayong gumawa para sa pagkaing nasisira kundi gumawa kayo para sa pagkaing mananatili sa walang hanggang buhay. Ito ay ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.

28 Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ang gagawin namin upang aming magawa ang mga gawaing mula sa Diyos?

29 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Ito ang gawain mula sa Diyos, na kayo ay sumampalataya sa kaniya na isinugo ng Ama.

30 Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ngayon ang tandang gagawin mo upang makita namin at sumampalataya kami sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31 Ang mga ninuno namin ay kumain ng mana sa ilang. Katulad ng nasusulat: Binigyan niya sila ng tinapay na kakainin na nagmula sa langit.

32 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi kayo binigyan ni Moises ng tinapay mula sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Ito ay sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumabang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.

34 Kanila ngang sinabi sa kaniya: Panginoon, bigyan mo kami ng tinapay na ito.

35 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ang tinapay ng buhay. Siya na lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman. Siya na sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36 Sinabi ko sa inyo, na nakita rin ninyo ako at hindi kayo sumampalataya. 37 Ang lahat ng ibinigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin. Siya na lalapit sa akin ay hindi ko itataboy kailanman. 38 Ito ay sapagkat ako ay bumaba mula sa langit hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39 Ito ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin: Wala akong iwawaglit sa lahat nang ibinigay niya sa akin ngunit ibabangon siya sa huling araw. 40 Ito ang kalooban niya na nagsugo sa akin: Ang bawat isa na nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw.

41 Ang mga Judio nga ay nagbulung-bulungan patungkol sa kaniya dahil sinabi niya: Ako ang tinapay na bumabang mula sa langit. 42 Sinabi nila: Hindi ba ito ay si Jesus na anak ni Jose at kilala natin ang kaniyang ama at ina? Papaano nga niya masasabing: Ako ay bumabang mula sa langit?

43 Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila: Huwag kayong magbulong-bulungan. 44 Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin at ibabangon ko siya sa huling araw.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International