Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 22:47-71

Dinakip Nila si Jesus

47 Habang nagsasalita pa siya, narito, dumating ang maraming tao. Siya na tinatawag na Judas, isa sa labindalawang alagad, ay nauuna sa kanila. Lumapit siya kay Jesusupang halikan siya.

48 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Judas, sa pamamagitan ba ng halik ay ipagkakanulo mo ang Anak ng Tao?

49 Nakita ng mga nasa palibot niya kung ano ang mang­yayari. Dahil dito sinabi nila: Panginoon, mananaga ba kami? 50 Tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang kanang tainga nito.

51 Sumagot si Jesus: Tigil! Tama na ang mga ito. Hinipo ni Jesus sa tainga ang alipin at pinagaling niya ito.

52 Ang mga dumating laban sa kaniya ay ang mga pinunong-saserdote, mga tanod sa templo at mga matanda. Sinabi niya sa mga ito: Lumabas ba kayong may mga tabak at pamalo gaya ng laban sa isang tulisan? 53 Nang kasama ninyo ako sa templo araw-araw, hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin. Subalit ang oras na ito ay sa inyo at ang kapamahalaan ng kadiliman.

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus

54 Pagkahuli nila sa kaniya, isinama nila siya sa bahay ng pinakapunong-saserdote. Si Pedro ay sumusunod mula sa di-kalayuan.

55 Sa gitna ng patyo sila ay nagsiga. Pagkatapos nito, sama-sama silang umupo,kasama si Pedro. 56 Isang utusang babae ang nakakita kay Pedro na nakaupo malapit sa apoy. Pinagmasdan niyang mabuti si Pedro. Sinabi niya: Ang isang ito ay kasama niya.

57 Ipinagkaila ni Pedro si Jesus. Sinabi niya: Babae, hindi ko siya kilala.

58 Pagkalipas ng ilang sandali, may isa pang nakakita sa kaniya. Sinabi niya: Ikaw ay kasama nila.

Sinabi ni Pedro: Ginoo, hindi nila ako kasama.

59 Pagkalipas nang may isang oras, may isa pang mariing nagsalita. Sinabi niya: Totoong ang isang ito ay kasama rin niya dahil siya ay isa ring taga-Galilea.

60 Sinabi ni Pedro: Ginoo, hindi ko alam ang sinasabi mo. Habang siya ay nagsasalita pa, tumilaok ang tandang. 61 Sa paglingon ng Panginoon,tiningnan niya si Pedro at naala-ala ni Pedro ang salita ng Panginoon kung papaanong sinabi sa kaniya: Bago tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo akong ikakaila. 62 Sa paglabas ni Pedro, tumangis siya nang buong kapaitan.

Nilibak ng mga Kawal si Jesus

63 Si Jesus ay nilibak at hinagupit ng mga lalaking humuli sa kaniya.

64 Sa pagpiring nila sa kaniya ay sinampal nila siya at tinatanong siya: Ihayag mo, sino ang sumampal sa iyo? 65 Sinabi nila sa kaniya sa mapamusong na pamamaran ang marami pang mga bagay.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin

66 Nang mag-uumaga na, sama-samang nagkakatipun-tipon ang mga matanda sa mga tao, maging ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan. Dinala nila si Jesus sa kanilang Sanhedrin.

67 Sinabi nila: Kung ikaw ang Mesiyas, sabihin mo sa amin.

Sinabi niya sa kanila: Kung sasabihin ko sa inyo, kailanman ay hindi kayo maniniwala.

68 Kung magtatanong din ako sa inyo, hindi ninyo ako sasagutin ni palalayain. 69 Mula ngayon, ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.

70 Sinabi nilang lahat: Kung gayon, ikaw nga ba ang Anak ng Diyos?

Sinabi niya sa kanila: Tama ang iyong sinasabi na ako nga.

71 Sinabi nila: Hindi ba, hindi na natin kailangan ang saksi sapagkat tayo na ang nakarinig mula sa kaniyang bibig?

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International