Old/New Testament
Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa
27 Pumunta sa kaniya ang ilan sa mga Saduseo na tumatangging mayroong muling pagkabuhay. Nagtanong sila sa kaniya:
28 Guro, si Moises ay sumulat sa amin na kapag mamatay ang kapatid na lalaking may asawa at walang anak, dapat kunin ng kapatid niyanglalaki ang asawa nito. Kukunin ng kapatid ang asawang babae upang magkaanak para sa kaniyang kapatid na namatay. 29 Mayroon ngang pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa at namatay na walang anak. 30 Kinuha siya ng pangalawa upang maging asawa at ang lalaki ay namatay na walang anak. 31 Ang babae ay kinuha ng pangatlo at hanggang sa pampito, gayon ang nangyari. Wala silang iniwang anak at namatay. 32 Sa kahuli-hulihan, namatay din ang babae. 33 Kung magkagayon, sa muling pagkabuhay, kaninong asawa siya? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng pito.
34 Sumagot si Jesus: Ang mga anak ng kapanahunang ito ay nag-aasawa at ikinakasal. 35 Ngunit sa kanila na itinuring na karapat-dapat na magtamo ng kapanahunang darating at ng muling pagkabuhay mula sa mga patay ay hindi nag-aasawa ni ikinakasal. 36 Ito ay sapagkat hindi na sila mamamatay kailanman dahil sila ay magiging katulad ng mga anghel. Sa pagiging mga anak ng muling pagkabuhay, sila ay mga anak ng Diyos. 37 Ngunit maging si Moises ay nagpatunay nito sa salaysay patungkol sa palumpong[a] na ang mga patay ay muling mabubuhay. Ito aynang tawagin niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob. 38 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay. Ito ay sapagkat ang lahat ay nabubuhay sa kaniya.
39 Sumagot ang ilang guro ng kautusan: Guro, mahusay ang pagkasabi mo. 40 Hindi na sila naglakas ng loob kailanman na magtanong sa kaniya ng anumang bagay.
Kaninong Anak ang Mesiyas?
41 Sinabi niya sa kanila: Papaano nilang sinasabi na ang Mesiyas ay anak ni David?
42 Ito ay sapagkat si David na rin ang nagsabi sa aklat ng mga Awit:
Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa aking kanan.
43 Ito ay hanggang mailagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.
44 Kaya nga, tinawag siya ni David na Panginoon, papaano nga siya naging anak niya?
Mag-ingat sa mga Mapagpaimbabaw
45 Habang nakikinig ang mga tao, siya ay nagsabi sa kaniyang mga alagad.
46 Mag-ingat kayo sa mga guro ng kautusan na nasisiyahang maglakad na may mahabang kasuotan. Ibig nila ang mga pagbati ng mga tao sa mga pamilihang-dako. Ibig din nila ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at mga pangunahing dako sa mga hapunan. 47 Nilalamon nila ang mga bahay ng mga balo. Bilang pagpapakunwari, nananalangin sila ng mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.
Copyright © 1998 by Bibles International