Old/New Testament
24 Nakita ni Jesus na siya ay lubhang nagdalamhati. Sa pagkakita niya, kaniyang sinabi: Napakahirap para sa kanilang may kayamanan ang makapasok sa paghahari ng Diyos. 25 Ang dumaan sa butas ng isang karayom ay higit na madali para sa isang kamelyo kaysa sa isang lalaking mayaman na makapasok sa paghahari ng Diyos.
26 Ang mga nakarinig ay nagsabi: Sino nga ang maaaring maligtas?
27 Sinabi ni Jesus: Ang mga bagay na hindi maaaring gawin ng tao ay maaaring gawin ng Diyos.
28 Sinabi ni Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.
29 Sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May mga taong nag-iwan ng tahanan, o magulang, o mga kapatid, o asawang babae, o mga anak para sa paghahari ng Diyos. 30 Ang sinumang nag-iwan ng mga ito ay tatanggap ng lalong higit sa kapanahunang ito. Tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na kapanahunan.
Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan
31 Pagkatipon ni Jesus sa kaniyang labindalawang alagad, sinabi niya sa kanila: Narito, aahon tayo sa Jerusalem. Magaganap ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta patungkol sa Anak ng Tao.
32 Ito ay sapagkat ibibigay siya sa mga Gentil at siya ay kukutyain, aalimurain at duduraan. 33 Siya ay kanilang hahagupitin at papatayin at sa ikatlong araw, siya ay muling babangon.
34 Wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang pananalitang ito ay naitago mula sa kanila at hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng sinabi.
Ang Pulubing Bulag ay Nakakita
35 Papalapit na siya sa Jerico. Nangyari, na may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.
36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdadaan, tinanong niya kung ano ito. 37 Sinabi nila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret ay dumadaan. 38 Ang bulag ay sumigaw. Sinabi niya: Jesus, anak ni David, kahabagan mo ako.
39 Sinaway siya ng mga nauuna at pinatahimik ngunit lalo pa siyang sumigaw: Anak ni David, kahabagan mo ako.
40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin siya sa kaniya. Sa paglapit ng bulag, tinanong siya ni Jesus: 41 Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo.
Sinabi niya: Panginoon, ibig kong makakita.
42 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Makakita ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. 43 Kaagad-agad, nakakita siya at sumunod sa kaniya na nagluluwalhati sa Diyos. Ang lahat ng mga taong nakakita ay nagpuri sa Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International