Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 11:1-28

Nagturo si Jesus Patungkol sa Panalangin

11 Nangyari na si Jesus ay nananalangin sa isang dako, nang siya ay makatapos, isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi: Panginoon, turuan mo kaming manalangin tulad ng pagturo ni Juan sa kaniyang mga alagad.

Sinabi ni Jesus sa kanila: Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo:

Aming Ama na nasa langit, pakabanalin ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong paghahari. Mangyari ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, maging gayundin sa lupa.

Ibigay mo sa amin ang kailangan naming tinapay sa bawat araw. Patawarin mo kami sa mga pagkakasala namin. Ito ay sapagkat kamirin ay nagpa­patawad sa bawat isang may utang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, subalit iligtas mo kami mula sa masama.

Sinabi niya sa kanila: Sino sa inyo ang may kaibigan at pupuntahan siya sa hatinggabi. At sasabihin sa kaniya: Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay. Ito ay sapagkat siya ay kaibigan ko, na sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa akin. Wala akong maihain sa kaniya.

Siya na nasa loob ay sasagot at sasabihin: Huwag mo akong gambalain. Nakapinid na ang pinto at kami ng aking mga anak ay natutulog na. Hindi na ako makakabangon upang magbigay sa iyo. Sinasabi ko sa inyo: Bagamat siya ay babangon at magbibigay sa kaniya dahil siya ay kaibigan niya, siya ay babangon at ibibigay sa kaniya ang anumang kailangan niya. Ito ay dahil sa kaniyang pamimilit.

Sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo at iyon ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at makakasumpong kayo. Kumatok kayo at kayo ay pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat isang humihingi ay tumatanggap, ang naghahanap ay nakakasumpong, at ang kumakatok ay pagbubuksan.

11 Sinong ama sa inyo ang magbibigay ng bato sa anak na humihingi ng tinapay? Kung humingi ng isda, ang ibibigay ba niya sa kaniya ay ahas sa halip na isda? 12 Kapag siya ay humingi ng itlog, bibigyan ba niya siya ng isang alakdan? 13 Kayo na masasama ay marunong magbigay ng mga mabuting kaloob sa inyong mga anak. Kung ginagawa ninyo ito, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na kaniyang ibibigay ang Banal na Espiritu sa kanila na humihingi sa kaniya?

Paanong Mapalabas ni Satanas si Satanas?

14 Si Jesus ay nagpapalayas ng demonyo, iyon ay pipi. Nangyari, nang lumabas ang demonyo, ang pipi ay nagsalita at ang mga tao ay namangha.

15 Ang ilan sa kanila ay nagsabi: Siya ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub na pinuno ng mga demonyo. 16 Sinusubok siya ng ibang mga tao kaya hinahanapan nila siya ng tanda mula sa langit.

17 Alam niya ang kanilang iniisip. Dahil dito, sinabi niya sa kanila: Ang bawat paghaharing nahati laban sa kaniyang sarili ay napupunta sa kapanglawan. Ang sambahayang nahati laban sa sambahayan ay bumabagsak. 18 Kung si Satanas ay nahahati laban sa kaniyang sarili, papaano makakatayo ang kaniyang paghahari. Sinabi ko ito dahil sinabi ninyong ako ay nagpapa­layas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub. 19 Kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino nagpapalayas ng mga demonyo ang inyong mga anak? Sa pamamagitan nito sila ang magiging tagapaghatol ninyo. 20 Ngunit kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, ang paghahari ng Diyos ay dumating sa inyo.

21 Kung ang isang lalaking malakas ay nasasandatahan upangmagbantay ng kaniyang tinitirahan, ang kaniyang ari-arian ay ligtas. 22 Ngunit sa pagdating ng higit na malakas kaysa sa kaniya, siya ay malulupig. Kukunin nito ang buong baluting pinagtitiwalaan niya at hahatiin ang mga naagaw sa kaniya.

23 Siya na hindi sumasama sa akin ay laban sa akin at siya na hindi nagtitipong kasama ko ay nagkakalat.

24 Kapag ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala siya sa mga tuyong dako. Naghahanap siya ng mapagpapahingahan ngunit wala siyang matagpuan. Kaya sasabihin niya: Babalik ako sa bahay na pinanggalingan ko. 25 Sa pagbalik niya, matatagpuan niya itong nawalisan at nagayakan na. 26 Kung magkagayon, paroroon siya at magsasama ng pito pang espiritu na higit pang masama kaysa sa kaniya. Papasok sila roon at doon maninirahan. Kaya ang kalagayan ng lalaking iyon ay masahol pa kaysa sa una.

27 Nangyari, nang sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, isang babaeng mula sa karamihan ang sumigaw. Sinabi nito sa kaniya: Pinagpala ang sinapupunang nagdala sa iyo at ang mga susong sinusuhan mo. 28 Sinabi ni Jesus: Oo, ang totoo ay pinagpala ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sumusunod dito.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International