Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 9:37-62

Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu

37 Nangyari, kinabukasan pagbaba nila sa bundok, na sinalubong siya ng napakaraming tao.

38 Narito, isang lalaking mula sa karamihan ang sumigaw. Sinabi niya: Guro, isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ng pansin ang aking anak dahil siya ay kaisa-isa kong anak. 39 Narito, sinusunggaban siya ng espiritu[a] at siya ay biglang sumigaw. Pinangisay siya nito at halos ayaw siyang iwanan. 40 Nagsumamo ako sa iyong mga alagad na palayasin nila siya ngunit hindi nila magawa.

41 Sumagot si Jesus at sinabi: O lahing walang pananam­palataya at lahing nagpakalihis. Hanggang kailan ako sasama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.

42 Nang siya ay papalapit pa lamang kay Jesus, siya ay ibinalibag ng demonyo at pinangisay. Sinaway ni Jesus ang karumal-dumal na espiritu at pinagaling ang bata. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ama.

43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos.

Samantalang sila ay nangilalas sa lahat ng mga ginawa ni Jesus, siya ay nangusap sa kaniyang mga alagad.

44 Sinabi niya: Pakinggan ninyong mabuti ang mga salitang ito sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay na sa mga kamay ng mga tao. 45 Hindi nila naunawaan ang pananalitang ito. Ito ay nakubli mula sa kanila upang hindi nila maintindihan. Natatakot silang tanungin siya patungkol sa pananalitang ito.

Ang Tunay na Kadakilaan

46 Nagkaroon ng isang pagtatalo sa kanila kung sino ang magiging pinakadakila sa kanila.

47 Nalaman ni Jesus ang pagtatalo ng kanilang mga puso. Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa tabi niya. 48 Sinabi niya sa kanila: Sinumang tatanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Sinumang tumatanggap sa akin ay tuma­tanggap sa nagsugo sa akin sapagkat ang sinumang pinakamababa sa inyong lahat ay siyang magiging dakila.

49 Sumagot si Juan. Sinabi niya: Guro, may nakita kaming isang nagpapalayas ng demonyo sa pangalan mo. Pinagbawalan namin siya dahil hindi namin siya kasama.

50 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag ninyo siyang pagba­walan. Ang sinumang hindi laban sa atin ay sang-ayon sa atin.

Tinanggihan ng Taga-Samaria si Jesus

51 Dumating ang panahon na si Jesus ay malapit nang umakyat sa langit. Nangyari nga na kaniyang itinuon ang kaniyang mukha upang makapunta sa Jerusalem.

52 Pinapunta niya ng mga sugo na mauna sa kaniya. Sa kanilang pagpunta, pumasok sila sa isang nayon ng mga taga-Samaria upang siya ay ipaghanda ng matu­tuluyan. 53 Hindi nila siya tinanggap dahil ang kaniyang mukha ay nakatuon na siya ay makapunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng kaniyang mga alagad na sina Santiago at Juan, sila ay nangusap kay Jesus. Sinabi nila: Panginoon, nais mo bang gawin din namin ang ginawa ni Elias na mag-utos kami na ang apoy ay bumaba mula sa langit at tupukin sila? 55 Ngunit lumingon siya at sila ay kaniyang sinaway. Sinabi niya: Hindi ninyo alam kung sa anong espiritu kayo. 56 Ito ay sapagkat ako na Anak ng Tao ay hindi naparito upang magwasak ng buhay ng mga tao kundi upang magligtas. At sila ay pumunta sa ibang nayon.

Ang Halaga ng Pagsunod kay Jesus

57 Nangyari, sa kanilang paglalakbay, na may isang nagsabi sa kaniya: Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.

58 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang mga soro ay may mga lungga. Ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad. Ngunit ang Anak ng Tao ay walang mahimlayan ng kaniyang ulo.

59 Sinabi niya sa isa pa: Sumunod ka sa akin.

Sinabi niya: Panginoon, pahintulutan mo muna akong umalis upang ilibing ang aking ama.

60 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Hayaan ninyong ang mga patay ay maglibing sa kanilang sariling mga patay. Humayo ka at ipangaral ang paghahari ng Diyos.

61 Sinabi rin ng isa: Panginoon, susunod ako sa iyo. Pahintulutan mo muna akong magpaalam sa aking mga kasambahay.

62 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Walang sinumang humawak sa araro at tumitingin sa mga bagay sa likuran ang karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International