Old/New Testament
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad
9 Sama-samang tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad. Binigyan niya sila ng kapangyarihan at kapamahalaan laban sa lahat ng mga demonyo at kapangyarihang pagalingin ang mga sakit.
2 Sinugo niya sila upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit. 3 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay kahit tungkod, o bayong, o tinapay, o salapi, o kahit na dalawang balabal. 4 Saan mang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon at mula roon umalis kayo. 5 Kung hindi nila kayo tanggapin sa lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. Gawin ninyo ito bilang patotoo laban sa kanila. 6 Sila ay umalis at dumaan sa mga nayon. Sila ay naghahayag ng ebanghelyo at nagpapagaling kahit saan.
Naguluhan si Herodes
7 Sa mga panahong iyon narinig ni Herodes na tetrarka ang lahat ng mga bagay na ginagawa ni Jesus. Naguluhan siya dahil sinabi ng ilan na si Juan ay bumangon mula sa mga patay.
8 Ang ilan ay nagsabi na nagpakita siElias. Ang iba ay nagsabi na muling nabuhay ang isa sa mga propeta nang unang panahon. 9 Sinabi ni Herodes: Pinapugutan ko na ng ulo si Juan. Sino ito na patungkol sa kaniya, ang mga bagay na ito ay naririnig ko. At hinangad niyang makita si Jesus.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki
10 Pagbalik ng mga apostol, isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng ginawa nila. At sila ay isinama niya at pumunta nang bukod sa isang ilang na dako sa lungsod na tinatawag na Betsaida.
11 Nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kaniya. Tinanggap niya sila at nagsalita siya sa kanila patungkol sa paghahari ng Diyos. Ang mga nangangailangan ng kagalingan ay pinagaling niya.
12 Nang magtatakip-silim na, lumapit sa kaniya ang labindalawang apostol. Sinabi nila sa kaniya: Paalisin mo na ang mga tao upang sila ay pumunta sa mga nayon, sa palibot at sa bayan. Ito ay upang may matuluyan sila at makahanap ng makakain sapagkat tayo ay nasa ilang na pook.
13 Ngunit sinabi niya sa kanila: Bigyan ninyo sila ng makakain.
Sinabi nila: Mayroon lamang kaming limang tinapay at dalawang isda. Maliban na lang na kami ay umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito.
14 Ito ay sapagkat may mga limang libong lalaki ang naroroon.
Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Paupuin ninyo sila sa pulutongna tiglilimampu.
15 Ginawa nila ang gayon at pinaupo nila ang lahat. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Sa pagtingin niya sa langit, pinagpala niya ito. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa mga tao. 17 Kumain sila at lahat ay nabusog. Kinuha nila ang mga piraso na lumabis sa kanila, ito ay labindalawang bakol.
Copyright © 1998 by Bibles International