Old/New Testament
Ang Pinakamahalagang Utos
28 Ang isang guro ng kautusan na nakarinig ng kanilang pagtatalo ay dumating. Nabatid niya na mahusay ang pagsagot ni Jesus sa kanila. Tinanong niya si Jesus: Alin ba ang pangunahin sa lahat ng mga utos?
29 Sumagot si Jesus sa kaniya: Ang pangunahin sa lahat ng mga utos ay ito: Pakinggan mo Israel. Ang Panginoon mong Diyos ay iisang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo. Ito ang unang utos. 31 Ang ikalawang utos ay tulad nito ay: Ibigin mo ang iyong kapwa tulad sa iyong sarili. Walang ibang utos na higit na dakila pa sa mga ito.
32 Sinabi sa kaniya ng guro ng kautusan: Guro, mahusay ang pagkakasabi mo. Naayon sa katotohanan ang sinabi mo na iisa ang Diyos at wala nang iba maliban sa kaniya. 33 Tama ka nang sabihin mo: Ibigin siya nang buong puso, at nang buong pang-unawa, at nang buong kaluluwa at nang buong lakas. At ibigin mo ang iyong kapwa katulad sa iyong sarili. Ito ay higit na mahalaga kaysa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.
34 Nang makita ni Jesus na sumagot siyang may katalinuhan, sinabi niya ang mga ito sa kaniya: Hindi ka malayo sa paghahari ng Diyos. Mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kaniya.
Kaninong Anak ang Mesiyas?
35 Sumagot si Jesus habang nagtuturo sa templo na nagsasabi: Paano nasabi ng mga guro ng kautusan na ang Mesiyas ay anak ni David?
36 Si David mismo ang siyang nagsabi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu:
Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Umupo ka sa may kanang kamay ko hanggang mailagay ko ang iyong mga kaaway bilang patungan para sa iyong paa.
37 Kaya nga, si David mismo ay tumawag sa kaniya na Panginoon. Papaano siya magiging anak ni David?
Ang napakaraming tao ay nakinig sa kaniya na may kagalakan.
Mag-ingat Kayo sa mga Mapagpaimbabaw
38 Sa kaniyang pagtuturo sinabi niya sa kanila: Mag-ingat kayo sa mga guro ng kautusan na gustong laging makalakad na may mahabang kasuotan. Nais din nila ang pagbati sa kanila sa mga pamilihang dako.
39 Nais din nila ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga pangunahing dako sa mga hapunan. 40 Sila ang mga lumalamon sa mga bahay ng mga balo. Sila ay nagkukunwaring nananalangin ng mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.
Ang Handog ng Babaeng Balo
41 Umupo si Jesus sa tapat ng kaban ng yaman. Nakita niya kung papaano naghuhulog ng salapi sa kaban ng yaman ang napakaraming tao. Maraming mayayaman ang naghulog ng maraming salapi sa kaban ng yaman.
42 Lumapit ang isang dukhang babaeng balo at naghulog ng dalawang sentimos na maliit lang ang halaga.
43 Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang dukhang babaeng balong ito ang naghulog ng higit na malaking halaga kaysa sa kanilang lahat na naghulog ng salapi sa kaban ng yaman. 44 Ito ay sapagkat silang lahat ay naghulog ng mga labis nila. Ngunit siya, sa kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan.
Copyright © 1998 by Bibles International