Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 12:1-27

Ang Talinghaga Patungkol sa Magsasaka

12 Nagsimula si Jesus na magsabi sa kanila ng mga talinghaga: Isang lalaki ang nagtanim ng ubasan. Nilagyan niya ng bakod ang paligid niyon at naghukay ng dako para sa pisaan ng ubas at nagtayo ng isang bantayan. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya ay naglakbay sa isang malayong dako.

Sa panahon ng anihan siya ay nagsugo ng isang alipin sa mga magsasaka. Ito ay upang matanggap niya ang bunga ng ubasan mula sa mga magsasaka. Subalit sinunggaban nila ang alipin, hinagupit at pinauwing walang dala. Muli siyang nagsugo sa kanila ng ibang alipin. Subalit binato ito, hinampas sa ulo at pagkatapos alipustain ay pinauwi siya. Muli siyang nagsugo ng ibang alipin ngunit ito ay pinatay nila. Nagsugo pa rin siya ng iba pang mga alipin. Ngunit ang ilan ay hinagupit at ang ilan ay pinatay.

Mayroon siyang isang anak na lalaki na kaniyang minamahal. Isinugo rin nga niya ito sa kanila sa huling pagkakataon na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.

Nag-usap-usap ang mga magsasaka: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at nang mapasaatin ang mana. Pagkatapos nila siyang sunggaban, pinatay nila siya at itinapon sa labas ng ubasan.

Ano nga ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. 10 Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi ng kasulatan:

Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong-panulok.

11 Ito ay mula sa Panginoon, at ito ay kamangha-mangha sa ating mga mata. Hindi ba ninyo ito nabasa?

12 Humahanap sila ng paraan upang hulihin si Jesus dahil batid nila na ang talinghagang kaniyang sinabi ay tila laban sa kanila. Ngunit dahil takot sila sa mga tao, umalis sila at iniwan si Jesus.

Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar

13 Isinugo nila kay Jesus ang ilan sa mga Fariseo at ilan sa mga Herodiano upang hulihin siya sa kaniyang salita.

14 Lumapit sila kay Jesus at sinabi: Guro, alam naming ang sinasabi mo ay totoo. Alam din namin na hindi ka nagtatangi ng sinuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng mga tao. Sa halip ay itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Naaayon ba sa kautusan na magbigay kami kay Cesar ng buwis-pandayuhan o hindi? 15 Dapat ba tayong magbigay nito o hindi?

Ngunit alam ni Jesus ang kanilang pagpapaimbabaw. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng isang denaryo upang makita ko.

16 At dinalhan nila siya nito. Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?

Sinabi nila: Kay Cesar.

17 Sinabi sa kanila ni Jesus: Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.

At namangha sila sa kaniya.

Ang Muling Pagkabuhay at Pag-aasawa

18 Pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagtuturo na walang muling pagkabuhay. Tinanong nila siya.

19 Sinabi nila: Guro, si Moises ay sumulat sa amin nang ganito: Kung ang sinumang kapatid na lalaki na may asawa at namatay na walang anak, dapat kunin ng kapatid niyang lalaki ang asawa nito, upang magkaanak para sa kaniyang kapatid na namatay. 20 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa at namatay ng walang anak. 21 Kinuha siya ng pangalawa upang maging asawa at ang lalaki ay namatay na wala ring anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Ang babae ay naging asawa ng pitong magkakapatid at namatay ang mga ito na walang anak. Sa kahuli-hulihan, namatay din ang babae. 23 Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kapag sila ay ibabangon, sino kaya sa kanila ang magiging asawa niya? Ang dahilan nito ay naging asawa siya ng pito.

24 Sumagot si Jesus na sinabi sa kanila: Kaya nga, hindi ba naliligaw kayo dahil hindi ninyo alam ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos? 25 Ito ay sapgkat kapag bumangon sila mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa ni magpapakasal. Sila ay magiging katulad ng mga anghel sa langit. 26 Ngunit patungkol sa patay na bumangon: Isinulat ni Moises sa kaniyang aklat sa salaysay patungkol sa palumpong. Nagsalita ang Diyos sa kaniya: Ako ay Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob, hindi ba ninyo nabasa ito? 27 Hindi siya Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay, kaya nga, lubha kayong naligaw.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International