Old/New Testament
23 Sa kanilang sinagoga ay may lalaking inaalihan ng karumal-dumal na espiritu na sumisigaw. 24 Sinasabi niya: Anong kaugnayan mayroon tayo sa isa’t isa, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami ay lipulin? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos.
25 Sinaway siya ni Jesus na sinabi: Tumahimik ka! Lumabas ka sa kaniya! 26 Matapos pangisayin ng karumal-dumal na espiritu ang lalaki at sumigaw nang malakas na tinig, ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas mula sa kaniya.
27 Namangha ang lahat at sila-sila ay nagtanungan: Ano ito? Ano itong bagong turo? Kapag inuutusan niyang may kapamahalaan ang mga karumal-dumal na espiritu, sumusunod sila sa kaniya. 28 Mabilis na kumalat ang balita patungkol kay Jesus sa palibot ng lupain ng Galilea.
29 Agad silang umalis sa sinagoga at pumunta sa bahay nina Simon at Andres. Kasama nila sina Santiago at Juan. 30 Ang ina ng asawa ni Simon ay nakaratay na nilalagnat. Agad nilang sinabi kay Jesus ang patungkol sa kaniya. 31 Nilapitan siya at ibinangon ni Jesus na hawak ang kaniyang kamay. Kaagad na inibsan ng lagnat ang babae at naglingkod sa kanila.
32 Sa pagdapit-hapon, pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo. 33 Ang buong lungsod ay nagkatipon sa may pintuan. 34 Marami siyang pinagaling na may iba’t ibang sakit. Nagpalayas din siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinayagang magsalita ang mga demonyo sapagkat kilala nila kung sino siya.
Nanalangin si Jesus sa Isang Tahimik na Dako
35 Nang madaling-araw na, habang madilim pa, si Jesus ay bumangon at lumabas. Pumunta siya sa ilang na dako at doon ay nanalangin.
36 Hinanap siya ni Simon at ng kaniyang mga kasama. 37 Nang makita nila siya ay sinabi nila: Hinahanap ka ng lahat!
38 Sinabi niya sa kanila: Tayo na sa mga kabayanan upang makapangaral din ako roon sapagkat iyan ang layon ng pagparito ko. 39 Kaya sa buong Galilea, si Jesus ay nangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.
Nilinis ni Jesus ang Lalaking Ketongin
40 At isang ketongin ang lumapit kay Jesus na namamanhik at naninikluhod sa kaniya. Sinabi niya kay Jesus: Kung ibig mo, malilinis mo ako!
41 Nahabag si Jesus. Iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo ang ketongin at sinabi: Ibig ko. Luminis ka. 42 Nang masabi ito ni Jesus, biglang nawala ang ketong at luminis siya.
43 Agad siyang pinaalis ni Jesus na may mahigpit na bilin. 44 Sinabi ni Jesus: Huwag na huwag mong sasabihin kaninuman ang nangyaring ito, sa halip, pumunta ka at magpakita sa saserdote. Maghain ka para sa iyong pagkalinis ayon sa iniutos ni Moises, bilang patotoo sa kanila. 45 Ngunit nang lumabas ang tao ay ipinamalita at ikinalat sa marami ang nangyari sa kaniya. Dahil dito, hindi na hayagang makapasok ng lungsod si Jesus. Naroon na lamang siya sa mga ilang na pook sa labas ng bayan. Gayunman, pinuntahan pa rin siya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.
Copyright © 1998 by Bibles International